ANEKDOTA SA POLYETO NI HENERAL GREGORIO DEL PILAR
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.
Binabasa ko ang aklat ng mga sanaysay ni National Artist Nick Joaquin hinggil sa sampung bayani ng bansa sa aklat niyang A Question of Heroes nang mabasa ko ang isang anekdota hinggil kay Gregorio del Pilar, bago pa siya maging heneral. Nasa pahina 184 iyon ng nasabing aklat.
Estudyante pa lang noon si Gregorio Del Pilar sa Ateneo nang maging kasapi ng Katipunan. Naroon siya sa bahay ng Katipunerong si Deodato Arellano sa Tondo nang iatang sa kanya ang tungkuling pamamahagi ng polyeto ng Katipunan.
Noong minsang siya'y nasa Malolos na may dalang bulto ng polyeto ng paghihimagsik, ipinalit niya iyon sa kontra-rebolusyong polyeto ng Simbahan. Kaya noong sumapit ang araw ng Linggo, nakita ni Goyo na ipinamamahagi na ng kura ang kanyang ipinalit na polyeto.
Ganyan pala kahusay mag-isip at kumilos si Gregorio Del Pilar, ang batang heneral ng himagsikan na napatay sa murang edad na 24 sa Pasong Tirad.
Ibig sabihin, ang ganyang husay niya ang nagdala sa kanya upang maging heneral siya sa murang edad at pagkatiwalaan sa mga delikadong tungkulin.
Kumatha ako ng munting tula hinggil sa anekdotang ito:
ANG POLYETO NI GREGORIO DEL PILAR
isang anekdota ang nabasa ko
sa katukayong bayaning Gregorio
Del Pilar noong magsimula ito
bilang estudyanteng Katipunero
ang tinanganang tungkulin paglaon
mamahagi ng polyeto ang misyon
sa Malolos, polyetong hawak noon
sa simbahan ay sinalisi iyon
kaya imbes polyeto ng simbahan
ay naging polyeto ng himagsikan
habang kura'y pinamahagi naman
iyon sa nagsimba kinalingguhan
ganyan kahusay mag-isip ang pantas
na Goyo, may estratehiya't angas
taktika ng kaaway pinipilas
hanggang mapatay siya sa Tirad Pass
01.04.2026











