Miyerkules, Marso 25, 2026

May karapatan tayong lumaban

MAY KARAPATAN TAYONG LUMABAN
‎may karapatan tayong lumaban
‎kahit na dama natin ang takot
‎gaano man ang kapangyarihan
‎ng mga buktot at mapang-imbot
‎mandarambong sa pondo ng bayan
‎ay dapat lang nating mapanagot
‎at silang kurakot at gahaman
‎sa sala'y di dapat makalusot
‎sino bang sa kanila'y papalag
‎kundi ang masang nakikibaka
‎mga trapong kayraming paglabag
‎ay dapat patalsikin ng masa
‎tara na, magsikilos na tayo
‎at karapatan nati'y igiit
‎managot ang kurakot sa pondo
‎ng bayan, dapat silang ipiit
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.25.2026
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Pag-aalala

‎PAG-AALALA
‎dahil sa giyera sa Gitnang Silangan
‎presyo ng bilihin ay nangagtaasan
‎mag-aalala ka't baka kapusin ka
‎bigas, pamasahe, karne, at iba pa
di mag-aalala‎ sa ganito'y sino?
lalo ‎kung giyera'y titinding totoo
‎na ang tinutungo'y giyera mundiyal
‎dahil sa pinunong tilà baga hangal
‎nanggiyera riyan, nanggiyera roon
‎bagong kaayusa'y inihihimaton
‎ang kalagayan nga'y sadyang lumalalâ
‎paano pa kayâ iyan mapahupà
‎nag-aalala ka sa maraming bagay
‎malayo man doon, apektadong tunay
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.25.2026
‎* litrato mulâ sa headline ng pahayagang Pang-Masa, Marso 19, 2026

Planetang Biyo, ipinangalan sa Pinay na gurô

PLANETANG BIYO, IPINANGALAN SA PINAY NA GURÔ
‎ang Florian main-belt asteroid 13241 Biyo 
‎na nadiskubre ng LINEAR sa Lincoln Lab's ETS
‎ay ipinangalan kay Guro Dr. Josette Biyo
‎ng Philippine Science High School System (PSHSS)
‎karangalan nang ipangalan sa isang planeta
‎ang gurong mahusay, biyolohista, siyentista
‎ganito'y pambihirang pagkakataon talaga
‎dangal ng lahi, sadyang dapat pagpugayan siya
‎siya'y ipinanganak sa Janiuay, Iloilo
‎at nakatapos sa UP Visayas sa Miag-ao
‎ng Bachelor's Degree in Biological Sciences
‎tinanggap pa'y maraming award sa larang ng agham
‎kay Dr. Josette Biyo, taasnoong pagpupugay!
‎ang iyong mga naiambag ay malaking bagay
‎para sa bansa't estudyanteng tinuruang tunay
‎salamat po, Dr. Biyo, mabuhay ka! MABUHAY!
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.25.2026
‎* ulat mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 10, 2026, p. 5
* dagdag na datos mula sa Wikipedia

Martes, Marso 24, 2026

Awit sa laki sa layaw

AWIT SA LAKI SA LAYAW
‎ayon kay Mike Hanopol
‎"laki sa layaw, laki sa layaw, Jeproks"
‎sabi naman ni Balagtas
‎"Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad
‎sa bait at muni't sa hatol ay salat"
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.24.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:

Lunes, Marso 23, 2026

Ang sepulturero sa pelikulang "Hindi pa tapos ang laban" ni FPJ

ANG SEPULTURERO SA PELIKULANG "HINDI PA TAPOS ANG LABAN" NI FPJ
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang karakter na Carding Villamar ni Fernando Poe Jr. sa tumatak sa akin. Ilang beses na binabanggit ang Villamar sa pelikulang "Hindi pa tapos ang laban" dahil iyon ang bukambibig ng mga kontrabida.

Malaki kasi ang tama sa akin ng Villamar ni FPJ dahil Villaram ang gitnang apelyido ko. Villamar at Villaram. Si FPJ at ako si GBJ.

Ang isa pa'y ang Valderama sa pelikulang "Kapag Puno na ang Salop" ni FPJ. Si Eddie Garcia ang Judge Valderama habang si FPJ si Sarhento Guerrero na Hepe ng kapulisan sa bayan ng Buenavista. Villaram, tunog Valderama.

Hindi ko maikukwento ang buo o bawat eksena. Subalit batid ng mga mahilig sa mga pelikula ni FPJ ang ganda ng mga kwento ng bawat pelikula niya, tulad nitong "Hindi pa tapos ang laban."

Dalawang linggo ang nakararaan ay napanood ko ang pelikulang "Ekstra" ni Vilma Santos sa Metropolitan Theater sa Maynila, hapon, habang umaga ay nasa eksibit ako ni National Artist Kidlat Tahimik. Sa pelikulang "Ekstra" ay binigyang halaga ang papel ng mga ekstra sa pelikula. Matapos ang panonood ay may talk back session with Vilma Santos at mga direktor at artista. Tinalakay nila ang kalagayan ng mga ekstra sa pelikula at nabanggit din ang batas na Eddie Garcia Law upang protektahan ang mga ekstra sa pelikula.

Dahil doon, naisipan kong talakayin ang papel ng isang ekstra sa pelikula ni FPJ na "Hindi pa tapos ang laban." Si FPJ ang bidang si Carding Villamar, si Berting Labra si Vicente, si Kongresman Dollente si Johnny Delgado, at sina Paquito Diaz at iba pang kontrabida. Ang ekstra ay si Mang Ambo. Mahaba rin at mahalaga ang kanyang papel bilang sepulturero at mahaba ang ibinigay sa kanyang papel dito.

Bigyang pugay natin ang papel ng mga ekstra, lalo na't kailangan sa pelikula.

Nang magtago si Tonyong Kuba (Dick Israel) sa bahay ng mga Villamar dahil tinatakasan ang mga pulis sa pangunguna ni Hepe (Ruel Vernal). Nang makaalis ang mga pulis, lumabas si Tonyong Kuba at sinabi niya kay Carding Villamar: "May tama sa likod ang kapatid mo. May tama sa likod ang kapatid mo."

Ang kuya ni Carding Villamar ay isang kalabang pulitiko ni Kongresman Dollente. At siya'y namatay sa unang bahagi ng pelikula. Dahil sa sinabi ng kuba ay nagtungo sina Carding at Vicente sa sementeryo at tinungkab ang puntod. Tingnan natin ang dalawang eksena hinggil sa sepulturero.

UNANG EKSENA:

Carding Vilamar: "Mang Ambo, kailangan ko ang tulong ninyo. Maaaring isa ka sa naghawak ng bangkay ng aking kapatid. Ang gusto kong malaman kung sinong mga tao ang nagdala sa kanya dito?"

Mang Ambo: "Vicente, di ako ang humawak sa bangkay ni Pepe."

Carding Villamar: "Kung hindi ikaw, sino ang naririto nang mamatay ang aking kapatid?"

Mang Ambo: "Ewan ko. Nandoon ako sa Baryo Makiling. Nag-anak ako sa binyag. Nag-iinuman kami ng kumpare ko n'ung barilin si Pepe."

Sa galit ay biglang hinablot ni Carding si Mang Ambo at isinalya sa dingding ng sementeryo.

Carding Villamar: "Paano mo nalamang nabaril ang kapatid ko?"

Mang Ambo: "Hindi ko po alam. Hindi ko po alam."

Vicente: "Ambo, Ambo. Nadulas na rin lamang ang dila mo, magsabi ka na ng totoo. Baka ikaw ang ipasok ko sa kabaong."

Mang Ambo: "Carding, Carding. Maawa ka sa akin. Papatayin ako ni Hepe."

Saka binitiwan ni Carding si Mang Ambo. 

Vicente: "Konting lamig, Carding. Pulis ang kalaban."

IKALAWANG EKSENA

Kararating lang ni Kongresman Dollente. Matapos ang pakikipag-usap kay Paquito Diaz, nagtungo na si Kongresman sa rest house dahil hinihintay siya ni Hepe.

Magkatabing nakaupo sina Hepe at si Mang Ambo.

Kongresman Dollente: "Maliban doon, ah, meron pa bang naitanong?"

Mang Ambo: "Wala na po. Si Hepe lang po ang nabanggit ko." (sabay lingon kay Hepe) Natakot po ako."

Kongresman: "Wala kang dapat ikatakot. Aayusin natin iyan." (Umupo si Kongresman sa tabi ni Mang Ambo at inakbayan siya.) Bukod sa tinutuluyan mo, wala ka bang ibang kamag-anak?"

Mang Ambo: "Wala po."

Kongresman: "Sa ibang lugar kaya? Sa Maynila?"

Mang Ambo: "Wala rin po."

Kongresman: "Kung ganoon, nag-iisa ka na lang."

Mang Ambo: "Opo."

Kongresman: "Huwag kang mag-alala, Mang Ambo. Ako ang bahala sa iyo." (sabay lingon sa isang tauhan niya) "Isko."

Isko: "Sir."

Kongresman: "Ihatid mo si Ambo, ha. Huwag mong pababayaan."

Mang Ambo: "Maraming salamat po, Kongresman."

Kongresman: "Walang anuman."

Mang Ambo: "Maraming salamat din po, Hepe."

Isko: "Mang Ambo, tayo na."

Mang Ambo: "Tutuloy na ho ako, Kongresman."

Inakbayam naman ni Isko si Mang Ambo, at lumingon si Isko kay Kongresman. Iminwestra naman ni Kongresman ang kanyang hintuturo sa kanyang leeg pababa, na nangangahulugang patayin si Mang Ambo.

Paguito: "Tungkol kay Villamar, pagtatagalin pa ba natin? Ngayong alam na niya ang nangyari sa kanyang kapatid. Tapusin na natin."

Kongresman: "Pag-aralan muna natin ang isda bago natin hulihin. Pag pumalag, saka natin limasin."

ANG MGA EKSTRA

bigyang pagpupugay natin ang mga ekstra
sa pelikula, pagkat kailangan sila
kung wala sila'y walang kwento, walang kwenta
kuba, dancer, sepulturero, simpleng masa

napakahalaga ng papel maliit man
pagkat nabubuo ang kwento't kasaysayan
dapat ngang may ekstra o talent na gagampan
upang istorya'y umikot sa kabuuan

Kuba: "May tama sa likod ang kapatid mo."
pinabatid sa bida kung anong totoo.
si Mang Ambo: "Si Hepe lang ang nabanggit ko."
tapos ay pinatay na ang sepulturero

sa bawat ekstra sa pelikula, salamat
isa man ang eksena, papel n'yo'y kaybigat
at kung wala kayo'y di ko madadaiumat
ang pelikula at kwentong isiniwalat

03.23.2026

Pebrero at Marso

‎PEBRERO AT MARSO
‎sa pagsulpot ng Pebrero
‎nabubuhay na lang ako
‎sa pagbebenta ng libro
‎gutom na kung wala ito
‎ngayong Marso, gayon pa rin
‎kakilala'y aalukin
‎upang aking libro'y bilhin
‎nang may pambiling pagkain
‎bagong pagkakakitaan
‎na ang kinakailangan
‎habang tuloy ang tulaan
‎anupaman ang pagitan
‎kayhirap nang nag-iisa
‎bagamat kasama'y masa
‎walang magpayong maganda
‎sa tulad kong biyudo na
‎gayon din kayâ sa Abril
‎na búhay na'y sinisikil
‎kaypayat na't walang bilbil
‎karapata'y nasusupil
‎kapalaran ma'y kay-ilap
‎ang solo'y di nililingap
‎sana ako'y makahanap
‎ng pagkakitaang ganap
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.23.2026

Sa lugar-lagdaan

‎SA LUGAR-LAGDAAN
‎balang araw ay uupo rin ako
‎sa lugar-lagdaan ng mga libro
‎naming sinulat, nobelang totoo
‎o kaya'y ng tula't maikling kwento
‎hindi naman masamâ ang mangarap
‎na tilà pinaghehele sa ulap
‎lalo na't búhay ko'y aandap-andap
‎pagkat walang sinumang lumilingap
‎sana'y mabigyan ng pagkakataon
‎ang kagaya kong makatang may layon
‎upang kapwa ko dukha'y magsibangon
‎laban sa sistemang bulok na iyon
‎patuloy lamang ako sa pagkathâ
‎ng kwento't tulâ sa obrero't dukhâ
‎sa lugar-lagdaan uupong sadyâ
‎bilang isang natatanging may-akdâ
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.23.2026
‎* litrato kuha sa Philippine Book Festival 2026, sa Megatrade Hall ng SM Megamall, Marso 14, 2026