Martes, Oktubre 6, 2009

Landas ng Uri - Kabanata 4

IV

Hamon ng Kasaysayan
Misyon ng Uri

Ang kapitalismo at ang ibayo nitong pag-unlad ang mismong nagpapatag ng daan para sa sosyalismo. Ito mismo ang lumilikha ng materyal na mga sangkap ng sosyalistang lipunan.

Sosyalisado ang produksyon sa kapitalismo. Sama-samang niyayari ng maraming tao ang iisang produkto. Dadaan sa maraming kamay ang iisang kalakal para ito matapos. Nililikha ang isang kalakal ng maraming manggagawa na gumagamit ng mga instrumentong maari lamang patakbuhin ng maraming tao, mga kagamitang nilikha rin ng sama-samang paggawa ng maraming trabahador.

Ang kabuuang paggawa ay nakapailalim sa isang dibisyon sa paggawa para magluwal ng malakihang produksyon. Sa bawat empresa, ang paggawa ng isang kalakal ay hati-hati sa mga yugto. Ang maraming manggagawa ay sabay-sabay na nagtatrabaho, sa kani-kanyang bahagi ng kabuuang paggawa, upang lumikha ng laksa-laksang produkto.

Katunayan, ang isang produktong lalabas sa isang pagawaan, liban kung ito'y produktong pangkonsumer, ay gagamitin bilang sangkap sa isa pa uling ikid ng produksyon sa iba namang pagawaang lumilikha ng iba pang produkto. Maituturing ang kabuuan ng ekonomya bilang isang malaking asembliya ng produksyon kung saan magkakaugnay ang iba't ibang empresa para likhain ang lahat ng pangangailangan ng lipunan.

Higit pa rito, tinatahi ng kapitalistang produksyon ang buong daigdig bilang isang internasyunal na ekonomya. Hinahalukay ang mga murang materyales mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Pinoproseso ang mga materyales batay sa samu't saring hakbang ng produksyon sa magkakaibang bansa. Ilalagak ang yaring produkto sa pandaigdigang pamilihan upang ikonsumo sa apat na sulok ng mundo. Isang tunay na pandaigdigang sistema ang kapitalismo na hindi nalilimitahan ng pambansang mga hangganan.

Ang sosyalisadong produksyon ay higit na maunlad na tipo ng paglikha ng mga produkto. Pinakikinabangan nito ang mga pamamaraan at kasangkapang nilikha ng pag-abante ng modernong syensya. Sinasamantala nito ang pagiging episyente na likas sa kolektibong pagtatrabaho at dibisyon sa paggawa. Ginagamit nito ang likas yaman at rekursong pantao ng buong daigdig upang tugunan ang pangangailangan ng internasyunal na pamilihan.

Sa pag-unlad na iniluwal ng kapitalismo, sa yamang nilikha ng sosyalisadong produksyon posibleng tugunan ang lahat ng mga pangangailangan ng buong mundo, kahit pa patuloy na lumalawak ang mga ito. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, may pagkakataong pawiin ang kasalatan sa lipunan at tapusin ang kahirapan sa daigdig.

Bagamat sama-sama ang paggawa at gumagamit ng mga instrumentong nilikha ng marami at pinatatakbo ng marami, ang mga produktong likha ng prosesong ito ay sinasamsam ng iilan.

Samantalang sosyalisado ang produksyon, pribado naman ang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. At sapagkat pribado ang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon, pribado pa rin ang pagkamkam ng mga likha ng sosyalisadong produksyon.

Kaya't ang bunga ng paggawa ng buong lipunan ay di pinakikinabangan ng lahat kundi napupunta sa kamay ng iilang indibidwal. Ang lahat ng pag-unlad at yamang likha ng kapitalismo ay tinatamasa lamang ng iilang nagmamay-ari hindi ng buong lipunan. Ang posibilidad na pawiin ang kahirapan ay nanatiling mailap na pangarap lamang.

Ang pananatili ng pribadong pag-aari kahit na sosyalisado ang produksyon ang dahilan ng kahirapan sa gitna ng kaunlaran ng kapitalismo, ng kasalatan sa kabila ng kasaganahan ng modernong lipunan.

Upang pawiin ang kahirapan, kailangan lamang baliktarin ang tiwarik na kaayusan ng modernong daigdig, Para ilagay ang lipunan sa makatarungang batayan, kailangan lamang dalhin ang pag-unlad ng sosyalisadong produksyon sa lohikal nitong katapusan, sa makatuwiran nitong katugma - sa sosyalisadong pag-aari.

Sa lipunang walang indibidwal na nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, wala nang puwang para may malibre sa trabaho at umasa na lamang sa tubo. Wala nang sandigan para mamuhay ang iilan sa pawis ng nakararami. Wala nang batayan para magsamantala ang minorya sa mayorya. Sa pundasyon ng komunal na pag-aari, lahat ay magtatrabaho para tugunan ang pangangailangan ng buong lipunan. Ang kabuuang bunga ng paggawa ng lipunan ay gagamitin para sa lahatang-panig na pag-unlad ng lahat.

Ito ang sosyalismo - ang makataong sibilisasyon, isang lipunang walang nagsasamantala at walang naghihirap. Sa sosyalismo ilalagay sa kamay ng lipunan ang dating pribadong pag-aari ng mga kapitalista. Magiging sosyalisadong pag-aari ang mga kagamitan sa produksyon.

Sa sosyalismo, sapagkat pagmamay-ari na ng lipunan ang mga kagamitan sa produksyon, tutugunan ang lahat ng pangangailangan ng buong populasyon ng daigdig. Lilikha ng damit hindi para pagtubuan kundi para bihisan ang mga tao. Ang higanteng potensyal ng mauunlad na makinarya at teknolohiya, na nirerendahan ng konsiderasyon ng tubo, ay gagamitin para dalhin ang modernong sibilisasyon sa atrasadong mga bayan at lubusang iakyat ang kalidad ng buhay ng mga tao. Ang pag-unlad ng ekonomya, syensya at kultura ay hindi mapupunta sa pagpapalaki ng tubo at pagsusustena sa marangyang buhay ng iilan kundi tutungo sa pagtaas ng antas ng kabuhayan at pagpapaunlad ng kakayahan ng bawat indibidwal at ng buong sangkatauhan. Ang kaunlaran at kasaganahan na dating ipinagkakait sa nakararami ay matatamasa ng lahat.

Maglalaho ang salot ng kawalang-trabaho, ang multo ng di-katiyakan ng buhay, ang takot sa pagkagutom, sapagkat paplanuhin ang produksyon upang siguruhin na lahat ng tao ay may trabaho sa lahat ng pagkakataon. Kung paanong sa kapitalismo inoorganisa ng indibidwal na kapitalista ang produksyon sa isang empresa para siguruhin ang tubo, ganoon din sa sosyalismo ipaplano ng lipunan ang kabuuang takbo ng ekonomya para tiyakin ang trabaho at pangangailangan ng lahat. Magtatrabaho ang lahat ng nasa wastong gulang at pangangatawan, at hahatiin ang mga likha ng lipunan para pakainin, bihisan, ibahay, papag-aralin, at bigyan ng makataong buhay ang lahat. Magkakaroon ng katiyakan ang buhay ng tao mula pagsilang hanggang kamatayan.

At sapagkat ang mga manggagawa ang naghaharing uri at nakatayo ang estadong manggagawa, maipapatupad ang tunay na demokrasya, masusunod ang mayorya, patatakbuhin ng nakararami ang lipunan para sa interes ng nakararami.

Ang ganap na paglaya ng kababaihan ay makakamit sa sosyalismo. Ang pormal na pantay na karapatan na tinatamasa ng kababaihan sa ilalim ng kapitalismo ay magiging totohanan sa panahon ng sosyalismo sa batayan ng paglaya ng mga babae sa domestikong pang-aalipin, pagkakaroon ng regular na trabahong may sahod at direktang partisipasyon sa buhay pampulitika't panlipunan. Ang karapatan ng kababaihan sa paghalal, diborsyo at iba pang kalayaan na limitado ang saklaw sa kasalukuyan ay magiging ganap at garantisado.

Yamang iiral ang full employment, ang lahat ng babae na nasa wastong edad at may kakayahan ay magkakaroon ng trabaho. Ang seguridad pang-ekonomya na ibibigay ng regular na trabahong may sweldo ay garantiya ng pagbabago sa posisyon ng babae sa loob ng pamilya at ng relasyon ng babae sa kanyang asawa. Lalaya ang kababaihan sa tanikala ng domestikong pang-aalipin sa pamamagitan ng sosyalisasyon ng gawaing bahay. Ang mga gawaing bahay na pinapasan ngayon ng kababaihan - pagpapalaki ng anak, pagtuturo sa mga bata, paglalaba ng damit, pagluluto ng pagkain, atbp., - ay magiging mga linya ng industriya, bahagi ng produksyon ng lipunan at serbisyong panlipunan ng sosyalistang estado.

Hindi isang magandang panaginip lamang ang sosyalismo. Hindi ito isang pangarap sa simpleng dahilang naririyan na ang mga sangkap para sa lipunang ito, nalikha na mismo ng kapitalismo ang kaunlarang pagbabatayan nito at ang uring lalaban para rito.

Makasaysayang misyon ng uring manggagawa, ng proletaryado, na itatag ang sosyalismo. Sa lahat ng uri na lumalaban sa mga kapitalista, ang proletaryado ang tunay na rebolusyonaryong uri, ang tanging uring may interes at kakayahang pawiin ang pribadong pag-aari at itayo ang sosyalismo.

Naninindigan ang lahat ng iba pang uri sa pananatili ng pribadong pag-aari. Lahat ng iba pang uri ay nabubuhay sa batayan ng kanilang yaman - malakihan sa kaso ng mga kapitalista o maliitan sa kaso ng petiburgesya o panggitnang uri - kaya't mayroong pag-aaring ipagtatanggol. Ang uring manggagawa lamang ang uring nagnanais pawiin ang pribadong pag-aari nang walang pagtatangi sapagkat wala ni anumang yamang tangan. At hindi nanaisin ng mga manggagawang magkaroon ng pribadong pag-aari sapagkat nabubuhay sila sa sosyalisadong paggawa. Pinanday sila ng sama-samang pagpapatakbo ng mga modernong kagamitan sa produksyon. Ang mga manggagawa ang uring lalaya lamang kung papawiin ang lahat ng tipo ng pagsasamantala.

Ang proletaryado ay dumarami at lumalakas sa pag-unlad ng kapitalismo habang ang ibang uri ay naaagnas at naglalaho. Pinipisak ng kompetisyon ng malalaking kapitalista ang petiburgesya. Ang indibidwal at maliitang produksyon ng panggitnang uri ay di makakatagal kapag pinasok ng malalaking kapitalista ang kanilang linya ng negosyo. Ang mas murang produktong ibabaha sa pamilihan ng malalaking kapitalista ay magpapataob sa anumang kalakal, sabihin pa mang de-kalidad, na likha ng mas atrasadong produksyon ng panggitnang uri.

Samantala, laging dumarami ang proletaryado at patuloy na dinidisiplina, pinagkakaisa at inoorganisa ng mismong pag-unlad ng kapitalistang produksyon. Habang lumiliit ang bilang ng malalaking kapitalista na nagmomonopolyo ng lahat ng ganansya ng produksyon ay lumalaki naman ang pagpapahirap, pang-aalipin, pang-aapi, pambubusabos at pagsasamantala sa masang manggagawa. Sabay ring tumitindi ang pag-aaklas ng uring proletaryado.

Ang kapangyarihan ng mga manggagawa ay nagmumula di lamang sa kanilang bilang kundi umuusbong mula sa kanilang pwesto sa pagkakaorganisa ng pang-ekonomyang buhay ng modernong lipunan.

Pawis ng manggagawa ang gasolinang nagpapasikad sa mga pabrika. Bisig ng proletaryado ang granaheng nagpapaikot sa motor ng ekonomya. Kung ang mga manggagawa ang nagpapaandar ng produksyon, sila rin lamang ang nagpapaandar ng produksyon, sila rin lamang ang maaring magpatigil dito. Kung walang paggawa, walang tubo ang kapitalista at walang mga produktong magagamit ang lipunan. Kung magwewelga ang uring manggagawa, titirik ang kapitalistang ekonomya at guguho ang buong lipunang nakatayo sa pundasyong ito.

Tanging ang manggagawa ang may angkin sa ganitong modernong agimat. Wala nang iba pang uri sa lipunan ang may kakayahang papantay sa kapangyarihang ito. Ang proletaryado lamang ang uring may kakayahang pabagsakin ang kapitalismo.

Sa lahat ng saray ng uring proletaryado, natatangi ang lakas ng manggagawang industriyal sa malalaking pagawaan. Ang kapangyarihan ng mga manggagawang industriyal ay wala sa kanilang bilang o proporsyon sa kabuuang populasyon ng lipunan. Maaring sila pa ang pinakamaliit na saray ng uring manggagawa.

Pinanday sa apoy ng konsentradong paggawa at pagsasamantala ang kakaibang karakter ng mga manggagawang industriyal. Mas malakas ang pandama nila sa organisasyon, mas matining ang disiplina sa kanilang hanay at mas malalim ang pagkakaugat ng kolektibismo at militansya. Napakanatural na umuusbong ang diwa ng pagkakabuklod at paglaban sa kanilang puso't isipan. Sila ang saray ng manggagawa na pinakabatikan sa pag-uunyon at pinakabihasa sa pakikibaka. Sila ang matibay na moog ng unyonismo at matigas na gulugod ng kilusang unyon. Ang kanilang hanay ang pinakabukas yakapin ang sosyalismo.

Nagmumula ang natatangi nilang lakas sa kanilang susing papel sa ekonomya. Sila ang mga manggagawang nagtitimon ng mga makina ng pinakamalalaking pabrika, lumilikha ng labis na halaga ng pinakamayayamang empresa, bumubuhat sa mga haligi ng modernong kapitalistang ekonomya.

Ang pagtirik ng produksyon sa isang linya ng manupaktura ay aalingawngaw sa kabuuan ng ekonomya, didiskaril sa pagtakbo ng iba pang industriyang konektado ito - mga empresang pinagkukunan ng murang materyales, mga pagawaang bumibili ng produkto nito, at iba pa. Ang pagtirik ng pagmimina ng langis o pamamahagi ng kuryente ay kikitil sa daloy ng dugong bumubuhay sa mga makina ng industriya. Ang welga sa mayor na mga kompanya ng komunikasyon o transportasyon ay puputol sa lambat ng ugnayang sentral sa pagtakbo ng ekonomya.

Ang ganitong mga aksyong industriyal ay pumipilay sa buong ekonomya, pumipinsala sa uring kapitalista at yumayanig sa mismong estado.

Ang maiigting na pakikibaka ng mga manggagawang industriyal ay nagsasahimpapawid ng mga aral ng makauring tunggalian sa buong lipunan. Pinupukaw nito ang diwang mapanglaban ng lahat ng naghihirap. Binibigyan nito ng pag-asa ang lahat ng pinagsasamantalahan.

Ginigising ng mga pakikibakang ito ang iba pang saray ng uring manggagawa - manggagawa sa serbisyo, manggagawang bukid at mala-manggagawa - maging ang iba pang anakpawis, pangunahin ang maralitang mga magsasaka. Lahat sila ay naghihirap sa ilalim ng kapitalismo. Lahat sila ay lumalaban, sa iba't ibang paraan, sa uring kapitalista. Subalit ang kanilang hanay ay di masinsin at relatibong hati-hati. Mas mahirap silang organisahin, demoralisado sila ng mababang pasahod at malalang kalagayan sa paggawa at madali silang gapiin ng mga kapitalista sa mga labanang pang-ekonomya.

Likha ng kakaibang katangian at natatanging lakas ng mga manggagawang industriyal, nakaatang sa kanilang balikat ang mabigat na responsibilidad sa pakikitunggali ng uring manggagawa. Nasa kanila ang kakayahan at tungkuling pukawin sa militanteng paglaban ang iba pang saray ng proletaryado at anakpawis, at pangunahan ang kabuuang pakikibaka ng uri laban sa kapitalismo.

Ang mga manggagawang kababaihan ay may partikular na hamong pamunuan ang kilusang kababaihan at ikawing ito sa pakikibaka ng kilusang manggagawa para sa sosyalismo. Ang paglaya ng kababaihan at ang katubusan ng manggagawa ay parehong magaganap lamang sa sosyalismo. Sa lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, maglalaho rin ang di-pantay na katayuan at pagturing sa babae. Walang paglaya ng kababaihan kung walang sosyalismo.

Wala ring sosyalismo kung walang paglaya ng kababaihan. Ang kababaihan ay bumubuo ng kalahati ng uring manggagawa. Hindi magtatagumpay ang sosyalistang rebolusyon kung hindi mapupukaw, maoorganisa at mapapakilos ang kalahati ng masang manggagawa. Ang paglaya ng kababaihan at manggagawa ay iisang laban at di mapaghihiwalay. Kaya naman kailangang agawin ng kababaihang manggagawa ang liderato ng kilusang kababaihan mula sa kamay ng kababaihang burgis at idirihe ito sa sosyalistang pakikibaka.

Sa aktwal na kalagayan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pakikipagkapatiran ng kilusang unyon - ibig sabihin, pakikipagkaisa sa mga panawagan at pagkilos - sa kilusan ng maralitang lungsod, kilusan ng manggagawang bukid at sa lahat ng kilusang lumalaban sa kapitalismo gaya ng mga istudyante at kababaihan, maitatayo ang isang makapangyarihang sosyalistang kilusang masa, na ang malakas at matigas na ubod ay ang mga manggagawang industriyal.

V

Landas ng Bayan
Landas ng Uri

Lunes, Oktubre 5, 2009

Landas ng Uri - Kabanata 3

III

Iisang Uri,
Iisang Landas

Itinutulak ng mismong kalikasan ng kapitalismo, ng sistemang sahuran, ng katotohanang isang kalakal ang lakas-paggawa, na makipagtawaran ang manggagawa para sa halaga ng kanyang lakas-paggawa at igiit ang mas mataas na pasahod.

Subalit hangga't haharap nang paisa-isa ang mga manggagawa sa kapitalista upang humingi ng kahit kaunting kaginhawaan sa buhay, wala itong aabutin. Hindi makakanti ang konsensya ng kapitalista sapagkat anuman ang kanyang pagkatao ay oobligahin siya ng malupit na kompetisyon na maging malupit ding negosyante, tinitimbang ang lahat ng bagay batay sa tubo, binibilang ang bawat salaping kikitain.

Tanging sa pagsasama-sama magkakaroon ng lakas ang mga manggagawa. Sa pagtatayo ng unyon natitigil ang kompetisyon sa pagitan ng mga indibidwal na manggagawa. Ito ang simula ng kooperasyon ng mga manggagawa sa pakikipaglaban sa kapitalista para sa pangkalahatang pagtaas ng sahod. Sa pamamagitan ng pag-uunyon at pakikibakang pang-unyon nagawang kumuha ng konsesyon ang mga manggagawa mula sa kapitalista.

Ang pag-unlad ng kapitalismo ang mismong nagluwal ng mga kondisyon para sa pagsilang at pagsulong ng kilusang unyon. Sa pag-abante ng industriyalisasyon, nabuo ang malalaking empresa na umuupa ng laksa-laksang manggagawa, naitayo ang mga higanteng pabrika kung saan natipon ang daan-daan, libu-libong trabahador. Sapagkat magkakasama ang mga manggagawa madaling magkapalagayan ng loob at magkaunawaang may iisang kapalaran lamang silang lahat.

Sa tulak ng industriyalisasyon, hindi lamang nakokonsenta ang mga manggagawa kundi napagpapantay ang kanilang sahod, kondisyon sa paggawa at antas ng pamumuhay. Nabubuo ang isang pulutong ng mga taong may komon na karanasan sa trabaho at kolektibong suliranin sa buhay. Sapagkat iisa ang kalagayan ng mga manggagawa ay madulas na umuusbong ang pagnanasang magkaisa para maghanap ng solusyon sa kolektibong karaingan.

Isinilang na kakambal ng pag-uunyon ang pagwewelga. Ang pag-uunyon, sabihin mang nagsimula lamang para kolektibong magpetisyon o makipagnegosasyon, ay mabilis na bumabaling sa pagwewelga bunga ng pagmamatigas ng kapitalista. Bibitawan ng mga manggagawa ang mga kagamitan sa produksyon upang obligahin ang kapitalistang makinig at humarap, indain man nila ang banta ng karahasan sa kanilang katawan at ang gutom sa tiyan ng kanilang pamilya.

Ang unyon at welga ang mga armas panlaban ng manggagawa. Kung wala ang mga ito, wala ni anumang sandata ang manggagawa sa kanyang pang-araw-araw na pakikipagtuos sa kapitalista. Sa harap ng lakas ng kapital, ang unyon at welga, hindi kamanggagawa o negosasyon, ang masasandigan ng mga manggagawa.

Kung nagtetengang kawali ang mga kapitalista, bumabaling ang kilusang unyon sa gobyerno at sa mga institusyon nito sa pag-asang matugunan ang mga kahilingan ng manggagawa. Hihingin mula sa maykapangyarihan ang mga batas at patakarang lulutas sa mga komon na suliranin ng manggagawa. Sa paraan ng pagpetisyon at paglaban ng kilusang manggagawa sa gobyerno, naipagwagi ang 8 oras na araw ng paggawa, minimum na sahod, regulasyon sa kaligtasan at kalusugan sa pabrika, at iba pang batas sa paggawa.

Hindi lamang sinasaklaw ng unyonismo ang paglaban para paunlarin ang kalagayan ng mga manggagawa sa isang empresa kundi ang pagkilos ng buong uri para hingin sa pamahalaan ang proteksyon sa paggawa sa pangkalahatan para sa lahat ng manggagawa sa buong lipunan. Hindi lamang nito saklaw ang lantay na pakikibakang pang-ekonomya kundi maging ang pampulitikang pagkilos para sa pampabrikang mga kahilingan.

Ang layunin at mga aktibidad ng mga unyon ay umiikot sa paggigiit ng pang-ekonomyang mga kahilingan ng manggagawa - sapat na pasahod, katiyakan sa hanapbuhay, mahusay na kalagayan sa paggawa at iba pang pampabrikang usapin. Ito ang batayan ng pagkakaisa at ang dahilan sa pag-iral ng mga unyon.

Sa sumada, ang unyonismo ay pagpapahusay ng kalagayan ng manggagawa sa umiiral na lipunan. Ito ay pagrereporma ng kapitalismo.

Subalit ang interes ng manggagawa ay hindi lubusang tinutugunan ng pagpapataas ng sahod at pagpapaganda ng kalagayan sa paggawa, ng pagrereporma ng sistemang sahuran.

Sakalin mang tumaas ang sahod, ibig sabihin lamang nito ay tumaas ang presyo ng pagkaalipin. Sakali mang gumanda ang kalagayan sa paggawa sa panahong masigla ang ekonomya, laging banta ang pagtanggal sa trabaho sa paghupa sa negosyo. Laging nasa bingit ng kawalang katiyakan ang buhay ng manggagawa. Anumang ganansya ang matamasa ng manggagawa sa kapitalismo, isa pa rin lamang siyang sahurang alipin, maaaring tapakan at alipustahin sapagkat nasa paanan lamang ng lipunan, itinakda ng "tadhana" sa kapitalistang kaayusan na manatiling busabos.

Katunayan, sa tulak ng kompetisyon sa pagitan ng mga kapitalista, sa interes mismo ng pananatili't paglago ng negosyo, ang pangkalahatang tendensya ay di pagtaas kundi pagbaba ng sahod. Obligadong palakihin ng kapitalista ang kinukuha niyang tubo at iniipon niyang kapital kundi ay magagapi siya ng negosyanteng karibal. Iisa lamang ang paraan para maabot ito - patindihin ang pagsasamantala sa mga manggagawa. Ito'y nangangahulugan ng pagpapaliit ng sahod para lumaki ang tubo. Ang katotohanang ito ay litaw na litaw at lantad na lantad sa panahong ito ng globalisasyon.

Ang pakikibakang pang-unyon ay depensibang aksyon lamang kontra sa pangkalahatang tendensyang ito ng kapitalismo, isang pakikibakang gerilya sa walang katapusang pananalasa ng kapital at pagragasa ng pamilihan sa kalagayan ng paggawa. Sa unyonismo, ang nilalabanan lamang ay mga epekto hindi ang mismong ugat ng problema. Pinapawi lamang ang lagnat, hindi pa nilulunasan ang mismong karamdaman.

Ang katubusan ng uring manggagawa ay wala sa pagpapakintab ng tanikala ng kapitalismo, kundi nasa pagputol sa kadenang ito. Ang paglaya ng uring manggagawa ay nasa pagwasak mismo ng umiiral na sistema, di lamang ng pagpawi sa mga pang-aabuso nito. Kagyat na interes lamang ang pagtaas ng sahod habang ultimong interes ng uri ang pagwasak sa sistemang sahuran.

Kinakailangang wasakin ng uring manggagawa ang mismong sistemang kapitalista at itayo ang isang bagong lipunan. Ipapalit ng manggagawa ang sosyalismo, isang kaayusang pinatatakbo para sa tao at hindi para sa tubo.

Ang landas ng paglaya ay hindi unyonismo kundi sosyalismo. Ang katubusan ng mga manggagawa ay nasa pakikibaka ng uri para sa sosyalismo.

Ang pakikibaka para sa sosyalismo ay nangangahulugan ng pagpapabagsak sa umiiral na gobyernong nagtatanggol sa kasalukuyang sistema, ng pag-agaw ng mga manggagawa sa pampulitikang kapangyarihang tangan ng mga kapitalista.

Maaring maobliga ang mga kapitalistang ibigay ang mas mataas na sahod subalit hindi sila mapipilit na lansagin ang mismong sistemang sahuran. Ang pagtaas ng sahod ay mangangahulugan lamang ng pagliit ng tubo. Subalit ang pagwasak ng sistemang sahuran ay mangangahulugan ng pagpawi sa mismong tubo. Sa madaling salita, sa paglaho ng mga kapitalista bilang uri. Ang pagpawi sa kapitalismo ay isang buhay-at-kamatayang usapin para sa mga kapitalista at hindi nila ito mapapayagan. Upang pangalagaan ang kanilang pag-iral at ipagtanggol ang sistemang sahuran, hinahawakan ng uring kapitalista ang pampulitikang kapangyarihan, itinatayo nila ang estado.

Ang kapangyarihang pang-estado - na palasak na itinuturing na gobyerno - ay binubuo ng ehekutibo o mga opisyal pambansa at lokal, kasama ang gabinete, na nagpapatupad ng mga patakaran at batas; ng lehislatibo o mga kongresista at senador na nagbabalangkas ng mga batas; ng mga hukuman; at ng mga militar at pulisya. Ang buong makinaryang pang-estadong ito ang nagtitiyak sa paghahari ng uring kapitalista - hindi lamang sa loob ng pagawaan kundi sa buong lipunan.

Ang lakas pang-ekonomya ng kapital ay naisasalin bilang pampulitikang kapangyarihan. Sinuman ang tumao sa estado, matutumbasan ng salapi ang kanilang katapatan. Kung paanong binibili ng kapitalista ang lakas-paggawa ng mga manggagawa para pagsilbihin sa produksyon, sa ganoong paraan din binibili ang katapatan ng mga opisyal ng gobyerno, tauhan ng burukrasya, maging ang mga pulis at sundalo ng sandatahang lakas, para ipagtanggol ang interes ng buong uring kapitalista.

Mula sa paggawa ng mga batas hanggang sa pagpapatupad nito, bawat aspeto ng gawaing pang-estado ay may tatak ng makauring pagkiling sa kapital, minsan ay hayagan, minsan ay patago. Sa pagkakataong sumisiklab ang mga welga at pakikibaka, sa mga panahong nagigipit ang mga kapitalista, ang buong lakas ng estado poder ay lantarang sumasaklolo sa kanilang panig. Ang armadong pwersa ay tuwirang ginagamit para gapiin ang lumalabang mga manggagawa.

Ang anumang pagtatalo sa pagitan ng mga opisyal ng pamahalaan at pag-aaway sa pagitan ng mga haligi ng estado ay tunggalian lamang ng interes ng magkakaibang seksyon ng uring kapitalista. Subalit ang mga pagtatalong ito ay hindi para baguhin ang lipunan sapagkat laging nagkakaisa ang estado sa pagtatanggol sa umiiral na sistema.

Katunayan, binabasbasan ng mismong saligang batas ang pagiging sagrado ng pribadong pag-aari. Tinatanggap nitong likas ang sahurang pang-aalipin. Mayroon mang mga alituntunin labas sa pang-aabuso sa manggagawa, wala namang batas na nagbabawal sa mismong pagsasamantalang kapitalista. At hindi mangyayaring ipanukala ng kapitalistang estado ang pagwasak sa lipunang nagsilang sa kanya.

Ang uring kapitalista ay hindi lamang mapagsamantalang uri kundi naghaharing uri sa lipunan. Ang estado sa sistemang kapitalista ay isang kapitalistang estado. Ito'y estadong kumakatawan at nagsisilbi sa interes ng kapital. Ang demokrasya sa lipunang burgis ay isang demokrasyang burgis, isang demokrasyang kiling sa interes ng kapital. Ang demokrasya sa kapitalismo ay kalayaan lamang na pana-panahong ihalal kung sinong kinatawan ng naghaharing uri ang mang-aapi sa mga manggagawa.

Ang estado ang gwardya ng sistemang kapitalista. Ito ang 24 oras na nagbabantay sa pribadong pag-aari ng uring kapitalista. Para pawiin ang pribadong pag-aari kailangan munang paslangin ang gwardyang ito.

Ang pakikibaka ng manggagawa ay kailangang dumulo sa pag-agaw ng kapangyarihan mula sa uring kapitalista, sa pagpapabagsak sa umiiral na estado, at sa pagtatayo ng estadong manggagawa sa pamamagitan ng rebolusyon. Iluluklok ng sosyalistang rebolusyon ang mga manggagawa bilang bagong naghaharing uri na magtatatag ng sosyalistang lipunan.

Ang manggagawa na mulat sa katotohanan at pangangailangan ng pagpawi sa pribadong pag-aari at pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika ay hindi na lamang isang unyonista kundi isa nang sosyalistang manggagawa.

IV
Hamon ng Kasaysayan
Misyon ng Uri

Linggo, Oktubre 4, 2009

Landas ng Uri - Kabanata 2

II

DALAWANG URI SA LIPUNAN
DALAWANG INTERES SA BUHAY

Matatagpuan ng kapitalista at manggagawa ang kanilang mga sarili sa magkabilang dulo ng kasalukuyang lipunan. Di lamang sila nasa magkabilang dulo ng lipunan kundi sila ay nasa magkabilang dulo ng lipunan kundi sila ay nasa magkabilang dulo ng isang relasyon: nagtatrabaho ang manggagawa para sa kapitalista, inuupahan ng kapitalista ang lakas-paggawa ng manggagawa.

Nangangailangan ang manggagawa ng trabaho upang may ipambili ng kanyang ikabubuhay. Nangangailangan naman ang kapitalista ng mga trabahador na lilikha ng mga produkto ng kanyang negosyo.

Inoobliga silang mag-ugnayan ng ganap na magkaiba nilang panlipunang kalagayan: ang kapitalista ay may pag-aaring yaman habang ang manggagawa ay wala. Itinutulak silang magtagpo ng pangyayaring nahahati ang kasalukuyang lipunan sa uring manggagawa na walang pagmamay-ari kundi lakas-paggawa at sa uring kapitalista na nagmamay-ari ng lahat ng mga sangkap at kagamitan sa produksyon.

Hawak ng mga kapitalista, bukod sa salaping kapital, ang mga murang materyales, makinarya, gusali at iba pang sangkap sa produksyon, ang lahat ng kinakailangan sa paglikha maliban sa lakas-paggawa.

Ang isa ay nabubuhay sa kanyang pag-aari habang ang kabila ay nabubuhay sa kanyang pagtatrabaho. Ang nagpapaandar ng mga makina ay di siyang nagmamay-ari nito habang ang nagmamay-ari ng makina ay di siyang nagpapaandar nito.

Ganyan ang takbo ng buhay sa lipunang ito, sa sistemang tinatawag na kapitalismo.

Nakikipagkontrata ang manggagawa sa kapitalista. Sa simpleng pagtingin, isa itong malayang pagkilos sa bahagi ng manggagawa. Malaya sapagkat walang pwersang nagtutulak sa manggagawang mamasukan sa kapitalista - kundi ang pangangailangang makakuha ng sahod, ng salaping ipambibili ng ikabubuhay.

Ayon sa kanilang kontrata, magtatrabaho ang manggagawa para sa kapitalista sa isang takdang panahon at babayaran ng kapitalista ang manggagawa ng sahod. Ibebenta ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa, ang kanyang kakayahang gumawa. Bibilhin ng kapitalista ang lakas-paggawang ito para gamitin sa isang takdang panahon. Ang sahod kung gayon ay ang presyo ng lakas-paggawa.

Paano naitatakda ang sahod? Isang bagay na laging pinagtatalunan ng manggagawa at kapitalista.

Ang kasagutan sa tanong na ito ay di lamang maglilinaw sa tunay na kalikasan ng sahod kundi maglalantad rin ng esensya ng relasyon ng manggagawa at kapitalista.

Ipinagbibili ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng sahod. Tulad ng ibang mga bagay sa lipunang kapitalista gaya ng pagkain o damit, ang lakas-paggawa ay isang kalakal. Ito ay binebenta at binibili. Ito ay may katapat na presyo.

Ipagpalagay na may manggagawang sumasahod ng P320 sa isang araw, halos kapantay ng minimum na sahod sa Metro Manila sa taong 2005. Sa presyo ng mga bilihin sa taong 2005, ang P320 ay halaga rin ng 16 kilo ng bigas, ng 2¼ kilong baboy o ng 1 pirasong polo shirt. O sa isang pagtingin, ang lakas-paggawa ng manggagawa ay kasinghalaga ng 16 kilong bigas, 2¼ kilong baboy o ng 1 polo shirt. Maaring kwentahin ang halaga ng lakas-paggawa hindi lamang sa kung ilang piso ang kapalit nito kundi kung ilang kilong pagkain o ilang pirasong damit ang katumbas nito.

Lahat ng kalakal ay may halaga. Ang halaga ng isang kalakal, kumpara sa isa pang kalakal, ay ang dami ng unang kalakal para maipagpalit sa ikalawang kalakal. Ang halaga ay ang proporsyonal na kantidad sa palitan. Kaya't ang isang pirasong polo shirt ay may halagang 2¼ kilong baboy. May halaga rin itong 16 kilong bigas. At ang isang kilong baboy ay may halagang humigit-kumulang 7 kilong bigas.

Lahat ng kalakal ay may halaga, may depenidong kantidad ng palitan sa iba pang mga kalakal.

Upang mas maunawaan natin ang lihim ng kapitalistang pagsasamantala suriin natin ang bagay na bumubuhay sa kapitalismo - ang kalakal.

Ano ang nagtatakda ng halaga ng mga kalakal?

Upang makwenta ang halaga ng mga kalakal, upang mabilang ang depinidong proporsyon sa palitan iba pang kalakal, kinakailangang may pamantayan. Ang pamantayang ito ay isang komon na bagay na nilalaman ng lahat ng kalakal kung saan maipaghahambing ang mga kalakal. Ang komon na bagay na ito ay nilalaman ng lahat ng kalakal subalit nag-iiba ang dami, laki o proporsyon sa bawat kalakal dahilan upang mag-iba ang kani-kanilang halaga.

Ang pamantayang ito ay hindi maaaring natural na sangkap ng mga kalakal sapagkat malinaw na magkakaiba ang kalikasan ng mga kalakal. Hindi rin ito maaring batay sa gamit ng mga kalakal dahil ang isang kalakal ay may tiyak na halaga sa bentahan gayong samu't sari ang partikular na gamit nito para sa mga bumibili.

Lahat ng kalakal ay nilapatan ng paggawa. Ito ay isang bagay na komon sa kanilang lahat at maaring gamiting pamantayan.

Lahat ng kalakal ay dumaan sa kamay ng manggagawa at naglalaman ng paggawa. Lahat ng kalakal ay naglalaman ng paggawa gayong nag-iiba sa kantidad nito, nag-iiba ang mga kalakal sa laki o liit ng paggawang nilalaman.

Paano kinukwenta ang kantidad ng paggawang nilalaman ng mga kalakal?

Kung ituturing muna na magkapareho ang lahat ng tipo ng paggawa - paggawa man ng mananahi, makinista, latero o karpintero - nag-iiba lamang ang paglikha ng mga kalakal sa tagal o bilis ng pagkakagawa. Samakatwid nabibilang ang kantidad ng paggawa sa oras ng paggawa para likhain ang kalakal. Halimbawa, ang isang pantalong tinahi sa loob ng 2 oras ay doble ang kantidad ng paggawang nilalaman kaysa isang polo shirt na ginawa lamang sa loob ng 1 oras.

Subalit hindi naman talaga pare-pareho ang tipo ng paggawa sapagkat may simpleng paggawa at may kumplikadong paggawa, na magkakaiba sa intensidad at kalidad. Upang kwentahin ang kantidad ng paggawa, ang mas kumplikadong paggawa ay maaaring itumbas sa mas maraming oras ng mas simpleng paggawa.

Ang halaga ng mga kalakal, kung gayon, ay itinatakda ng kantidad ng pangkaraniwang paggawa na nilalaman ng mga ito, ng oras ng paggawa para likhain ang mga ito.

Ang isang kalakal na ginawa sa loob ng maikling panahon ay maliit na halaga habang ang isa namang nilikha sa mahabang panahon ay malaki ang halaga. Magkatumbas ang halaga ng dalawang kalakal na tinapos sa magkaparehong oras. Ang pantalong tinahi sa 2 oras ay doble ang halaga sa polo shirt na ginawa sa 1 oras, kaya't ang isang pantalon ay maipagpapalit sa dalawang polo shirt.

Upang kwentahin ang kabuuang halaga ng isang kalakal, hindi lamang dapat bilangin ang pinakahuling paggawa na nilapat nito. Halimbawa, ang 1 oras na kinakailangan upang likhain ang isang pirasong polo shirt ay maituturing na pinakahuli o bagong halaga. Subalit ang polo shirt ay natahi gamit ang tela, na naglalaman ng paggawa ng mga manggagawa ng tela. At ang polo shirt ay dumaan sa makina, na nilapatan din ng paggawa ng mga manggagawa ng makinarya. Ang nakaraang paggawang ito ay nagdadagdag ng halaga sa polo shirt.

Isang bahagi ng halaga ng kalakal ay nagmula sa nakaraang paggawang nilapat sa mga murang materyales, makinarya, kagamitan, gusali, panggatong at iba pang sangkap sa produksyon. Ang nakaimbak na lumang halaga ay naisasalin sa kalakal sa proseso ng produksyon. Ang halaga ng murang materyales ay buo-buong naililipat sa kalakal habang ang halaga ng mga makinarya ay baha-bahaging naisasalin sang-ayon sa depresasyon nito. Kaya't ang isang polo shirt na ginawa sa loob ng isang oras at nasalinan ng 3 oras na halaga mula sa murang materyales at iba pang sangkap sa produksyon ay may kabuuang halagang 4 oras.

Ang kabuuang halaga ng isang kalakal ay binubuo, kung gayon, ng bagong halaga na nagmula sa pinakahuling paglapat ng paggawa, at lumang halaga na naisalin mula sa mga kagamitan sa produksyon.

Kung ganito ang halaga, ang presyo ay walang iba kundi ang halaga kapag binilang sa peram ang ekspresyon ng halaga sa salapi. Kung ang polo shirt ay may presyong P320 at may kabuuang halagang 4 oras ng paggawa, samakatwid ang isang oras na paggawa ay lumilikha ng yamang nagkakahalaga ng P80.

Ang halaga ng mga kalakal ay nagmumula sa nilapat na paggawa. Samakatwid ang pagpapawis ng manggagawa ang lumilikha ng kayamanan sa daigdig. Ito ang tanging nagluluwal ng halaga sa daigdig at nagmula rito ang lahat ng naipong yaman ng mundo. Mula sa bagong halagang likha ng pinakahuling paggawa hanggang sa lumang halagang naisalin mula sa nakaraang paggawa, lahat ng ito ay nanggaling sa paggawa, iniluwal ng paggamit ng lakas at abilidad ng manggagawa. Ang kabuuang yaman ng daigdig na makikita sa sumada ng halaga ng lahat ng kalakal ay bunga ng pagpapanday ng manggagawa. Kaya't isang kabalintunaan na kung sino ang lumikha ng lahat ng yaman ay siya pa ang walang pag-aaring yaman!

Ang lakas-paggawang ibinebenta ng manggagawa ay may presyo at ang presyong ito ay ang sahod. Kung ang sahod ay presyo ng lakas-paggawa, ang sahod ay ekspresyon sa salapi lamang ng halaga ng lakas-paggawa.

Paano naman naitatakda ang halaga ng lakas-paggawa?

Gaya ng lahat ng kalakal, ang halaga ng lakas-paggawa ay ang kantidad ng paggawa upang ito ay likhain. Ang lakas-paggawa ay umiiral lamang sa mga buhay na indibidwal. "Nalilikha" ang lakas-paggawa sa pamamagitan ng pagsusustena sa buhay ng manggagawa. Samakatwid, ang halaga ng lakas-paggawa ay ang halaga ng mga pangangailangan upang panatilihing buhay ang manggagawa, para imantinang may lakas at kakayahan siyang magtrabaho.

Tinutumbasan ng sahod ang mga pangangailangan sa buhay ng manggagawa - ang kanyang kakainin, ang kanyang isusuot, ang kanyang titirhan, maging ang kaunting bisyo at aliwan niya sa buhay.

Tinutumbasan rin ng sahod ang pagpapalaki ng mga anak ng manggagawa - ang salinlahi ng uring manggagawa. Gaya ng makinang kailangang palitan sapagkat dahan-dahang nawawasak sa paggamit hanggang tuluyang masira, ang manggagawa ay tatanda at mamamatay kaya't kailangang palitan ng isang bagong henerasyong magiging mga bagong manggagawa. Samakatwid, tinatapatan ng sahod ang pangangailangan ng manggagawa at ng kanyang pamilya sa kabuuan.

Hindi lamang kasama sa pagkwenta ng gastos sa buhay ng manggagawa ang gawaing bahay ng mga babae. Hindi itinuturing na produktibong paggawa ng kasalukuyang lipunan ang domestikong trabaho ng babae sapagkat hindi ito saklaw ng kapitalistang pamilihan at kung gayon hindi natutumbasan ng halaga o presyo. Samakatwid, mas mura ang sahod dahil libre ang gawaing bahay at nakakatipid ang kapitalista sa presyo ng lakas-paggawa. Pero kapag nagiging bahagi ng kapitalistang produksyon at kalakalan ang dating gawaing bahay - tulad ng day care at pre-school, laundry service, pagkain sa mga canteen at fastfood - kasama na sa sahod ang gastos para dito. Kung gaano ito nagiging kalakaran sa buhay ng manggagawa, ganun din magiging bahagi na ito ng mga pangangailangan sa buhay at kailangang tumbasan ng sahod.

Dagdag pa, ang lakas-paggawa ay nag-iiba batay sa kasanayan at edukasyon ng manggagawa. Maging ang pagkakaibang ito ay tinutumbasan ng sahod. Ang skilled na obrero ay mas malaki ang sinasahod kaysa unskilled na trabahador kumporme sa mas kumplikadong paglikha ng mas pinong kasanayan.

Sa sumada, ang sahod ay ang halaga, kung kukwentahin sa salapi, ng mga pangangailangan upang likhain, paunlarin, imantina at ipagpatuloy ang lakas-paggawa.

Sa madaling sabi, ang sinweldo kahapon ng manggagawa ay ginagastos niya ngayong araw habang ang sinasahod niya ngayon ay mauubos din kinabukasan. Ang isang araw na sahod ay sapat lamang para buhayin ang manggagawa sa araw ding iyon, sapat para lamang obligahin siyang bumalik kinabukasan upang muling magtrabaho - kung gayon, sapat para tiyaking tali siya bilang manggagawa habambuhay!

Gaya ng iba pang kalakal, maaring bilangin ang halaga ng lakas-paggawa sa anyo ng salapi o kwentahin sa katumbas na kantidad ng paggawa, sa katumbas na oras ng paggawa. Kung ipagpapalagay na ang isang oras ng paggawa ay nagkakahalaga ng P80, ang lakas-paggawang ibinenta sa presyong P320 ay maari rin ituring na nagkakahalaga ng 4 na oras ng paggawa. Sa kabilang banda, sa 4 na oras ng pagtatrabaho ay nakalikha na ang isang manggagawa ng halagang sapat para tapatan ang kanyang sasahurin, sapat para tumbasan ang kanyang ikabubuhay.

Ang paggamit ng lakas-paggawa ay nahahangganan lamang ng aktibong enerhiya at pisikal na lakas ng manggagawa. Ang paggamit ng lakas-paggawa ay hindi nalilimitahan ng halaga ng lakas-paggawa. Magkaiba ang dalawang bagay na ito. Hindi nangangahulugan na kung kailangan lamang ng 4 na oras ng paggawa para likhain ang ikabubuhay ay 4 na oras din lamang maaring magtrabaho ang isang manggagawa. Maari pa siyang magtrabaho ng lagpas sa 4 na oras - kung kaya't maari pa siyang lumikha ng halagang lagpas sa kinakailangan niya para mabuhay.

Katunayan sa pagbenta ng manggagawa ng kanyang lakas-paggawa, sa pagbili dito ng kapitalista kapalit ng isang araw na sahod, nagkaroon ng karapatang gamitin ng kapitalista ang lakas-paggawa ng manggagawa sa buong araw. At gagamitin ng kapitalista ang lakas-paggawang ito upang lumikha ng halagang lagpas sa ikabubuhay ng manggagawa, ibig sabihin lagpas sa kanyang ipapasahod sa manggagawa. Ang labis na halagang ito ay aangkinin ng kapitalista. Ito ang tinatawag na tubo.

Ang paggawa ng manggagawa ay lumilikha ng halagang sapat para sa kanyang ikabubuhay at ng labis na halaga para sa kapitalista. Kapwa ang sasahurin ng manggagawa at ang tutubuin ng kapitalista ay nagmumula sa pagpapawis ng manggagawa.

Ipagpalagay na ang manggagawa ay namamasukan sa isang kapitalista. Sa kanilang kasunduan bibigyan siya ng sahod na P320 kapalit ng 8 oras na pagtatrabaho. Ipagpalagay din na ang isang oras ng paggawa ay may halagang P80. Ibig sabihin sa loob lamang ng 4 na oras na trabaho ay makakalikha na ang manggagawa ng halagang P320. Sa susunod na 4 na oras ng trabaho ay makakalikha pa siya muli ng halagang P320. Samakatwid, sa unang 4 na oras ay nakalikha na ang manggagawa ng halagang katumbas ng kanyang sasahurin at sa huling 4 na oras ay lilikha pa siya ng labis na halaga. Ang unang 4 na oras ay paggawang may katapat, maibabalik bilang sahod sa manggagawa, subalit ang huling 4 na oras ay paggawang walang katumbas, libreng ibinibigay sa kapitalista. Sa unang bahagi ng araw ng paggawa binubuhay ng manggagawa ang kanyang sarili subalit sa huling bahagi nito ay binubuhay na niya ang kapitalista.

Ang labis na halaga samakatwid ay walang iba kundi paggawang hindi binayaran. At ang paggawang hindi binayaran ay walang iba kundi pagsasamantala! Ang labis na halaga ay walang ibang kahulugan kundi pagsasamantala ng kapitalista sa manggagawa. Ito ang esensya ng relasyon ng kapitalista at manggagawa, isang relasyon ng pagsasamantala. Ito ang pinakatagu-tagong sikreto ng kapitalista.

Ibinebenta ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng sahod. Ang halagang lilikhain ng lakas-paggawa habang ito ay inuupahan ng kapitalista ay mapapasakamay kung gayon ng kapitalista. Sa pamamagitan ng pagpapaunang-bayad ng sahod, nakakakuha ang kapitalista ng bagong halaga, na ang isang bahagi ay muling ipapasahod sa manggagawa at ang natitirang bahagi ay labis na halagang ibubulsa ng kapitalista.

Sa paulit-ulit na prosesong ito, sa araw-araw na pagtakbo ng produksyong nakabatay sa sistemang ito, sa ganitong palitan at ugnayan ng kapital at paggawa nakatindig ang kapitalismo. Araw-araw nitong tinitiyak na mananatiling manggagawa ang manggagawa at kapitalista ang kapitalista. Nakaugat ang kapitalismo sa pagsasamantala, at sa pundasyong ito lumalago ang kapitalismo.

Ang tubo ay walang ibang pinagmumulan kundi labis na halaga. Ipagpalagay na nagkakahalaga ng P80 ang isang oras na paggawa, na nagkasundong magtrabaho ang manggagawa ng 8 oras kapalit ng sahod na P320 sa isang kapitalistang may pabrika ng polo shirt. Sa isang oras ng paggawa ay natatapos ng manggagawa ang isang polo shirt. Sa pamamagitan ng kanyang paggawa nalapatan ng P80 na bagong halaga ang polo shirt. Bukod pa ito sa lumang halaga na ipagpalagay na nagkakahalaga ng p240 - katumbas ng 3 oras ng paggawa - na nagmula sa nakaimbak na halaga ng mga murang materyales, makina at iba pang sangkap. Kung gayon ang isang pirasong polo shirt, na kayang likhain ng manggagawa sa isang oras, ay may kabuuang halagang P320.

Sa loob ng 4 na oras nakalikha na siya ng 4 na polo shirt na may kabuuang halagang P1,280, ang P960 dito ay lumang halaga at P320 naman ay bagong halaga. Ang bagong halagang ito ay sapat nang ipambili ng kanyang mga pangangailangan sa buhay, katumbas na ito ng kanyang sasahurin. Maari bang tumigil nang magtrabaho ang manggagawa? Hindi.

Malinaw sa kanilang kontrata na ang isang araw na sahod ay kapalit ng 8 oras na trabaho. Obligado ang manggagawang tapusin ang 8 oras. Kaya't sa susunod na 4 na oras ay makagagawa pa siya muli ng 4 na polo shirt na may kabuuang halagang P1,280, ang P960 dito ay lumang halaga at P320 ay bagong halaga.

Table 2: Ang Tubo ay mula sa Di-Bayad na Halagang Likha ng Manggagawa

Oras ng
Paggawa 1 2 3 4 5 6 7 8

Hilaw na
materyales 160 160 160 160 160 160 160 160

Makinarya 80 80 80 80 80 80 80 80

Lakas-
Paggawa 80 80 80 80 80 80 80 80

Sahod = P320
Labis na Halaga = P320

Matapos ang 8 oras, maari nang kwentahin ng kapitalista ang kanyang ginastos at kinita. Naglaan siya ng P320 para sa sahod at naubos ang P1,920 para sa materyales, depresasyon ng makina at iba pang gastusin. Kaya't ang kabuuan niyang gastos ay P2,240. Mayroon naman siyang 8 polo shirt na nagkakahalaga ng P2,560. Kung maibebenta itong lahat, tutubo siya ng P320. Sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga polo shirt sa tunay na halaga, sa presyong P320 kada piraso na naglalaman ng kabuuang 4 na oras ng paggawa, makakakuha pa rin ang kapitalista ng tubong P320. Saan ito nagmula? Walang iba kundi sa labis na halaga, sa huling 4 na oras na paggawang walang kapalit, na lumalabas na libreng ibinibigay ng manggagawa sa kapitalista.

Hindi nagmumula ang tubo sa pagpapatong sa tunay na halaga ng kalakal. Kung nagmumula ang tubo sa patong, ang kikitaon ng kapitalista mula sa pagbebenta ng kanyang kalakal na may patong ay mababawi rin sa pagbili niya ng iba pang kalakal na pinatungan din ang halaga ng ibang kapitalista. Bawat kapitalista ay hindi lamang tagabenta kundi tagabili rin - ng mga sangkap para sa produksyon bukod pa sa mga pangangailangan niya sa buhay. Kung ganito ang kalakaran, walang tunay na tutubo, magbabalanse lamang ang pagpapatong ng iba't ibang kapitalista at walang maiipong yamang kapital ang lipunan - bagay na pinabubulaanan ng walang tigil na akumulasyon ng kapital.

Kahit ibenta ang kalakal sa tunay nitong halaga, nang walang patong, makakahuthot pa rin ng tubo ang kapitalista. Sa proseso pa lamang ng produksyon ay napapasulpot na ang tubo, di pa sa yugtong bentahan o sirkulasyon ng kalakal. Pinipiga ang tubo mula sa tagalikha ng kalakal di sa tagakonsumo nito.

Hindi rin nagmumula ang tubo sa murang mga materyales at makinarya. Ang halagang nakaimbak sa mga sangkap sa produksyon, na likha ng naunang paggawa, ay naisasalin lamang sa bagong kalakal. Walang bagong halagang mapipiga sa mga sangkap na ito. Katunayan, hangga't walang manggagawa, ni hindi maisasalin ang lumang halagang nilalaman ng mga ito. Ang lakas-paggawa lamang ang pinagmumulan ng bagong halaga. Ito ang natatanging kalakal na kapag ginamit ay nagluluwal ng halagang lagpas sa halagang kailangan upang ito mismo ay malikha.

Maari namang ikatwiran ng kapitalista na sapagkat siya ang naglaan ng kapital sa negosyo at tuwinang may peligro na malugi ito, makatarungan lamang na tumbasan ang sugal na ito at karapatan lamang niyang kumuha ng tubo. Sa madaling salita, karapat-dapat tumbasan ng tubo ang kaba sa dibdib ng kapitalista. Kung ganito ang argumento ng kapitalista, maari itong sagutin: ibigay na sa manggagawa ang tubo at siya na lamang ang kakabahan para sa kapitalista. Sa ganitong baluktot na lohika ng kapitalista, lalabas na mas mahirap pang magsamantala kaysa pagsamantalahan sapagkat hamak namang kaylaki ng tinutubo ng mga kapitalista kaysa sinasahod ng mga manggagawa!

Kung isinusugal man ng kapitalista ang kanyang salapi, itinataya naman ng manggagawa ang kanyang buhay. Kung maaring malugi ang kapitalista sa negosyo, maaring mabaldado o mamamatay ang manggagawa sa trabaho. Hindi lamang simpleng ibinebenta ng manggagawa ang kanyang lakas-paggawa, enerhiya at kakayahan, kundi pinauupahan niya mismo ang kanyang buhay.

At kapag naubusan na ng argumento ang kapitalista upang bigyang katwiran ang pagkamkam niya ng tubo, ibubulalas niya ang ganito: binayaran niya ng sahod ang lakas-paggawa ng manggagawa at ang inaasahan niyang kapalit nito ay trabaho, hindi reklamo. Sa unang tingin, mukha ngang ang kabuuang paggawa ay binayarang paggawa, subalit ang katotohanan, ang sahod ay kapalit lamang ng halaga ng lakas-paggawa at isang bahagi ng kabuuang paggawa ay hindi binayaran.

Ang manggagawa ay maituturing na malaya kung ihahambing sa aliping kontrolado ang buong buhay at laging hawak sa leeg ng panginoon. Subalit ang kalayaang tinatamasa ng manggagawa ay kalayaan lamang na magutom kung hindi siya magpapaalipin, magpapakontrol, magpapahawak sa leeg ng kapitalista sa loob ng kung ilang oras bawat kapalit ng sahod. Ang manggagawa ay isa pa ring alipin, isang sahurang-alipin.

Gayong may kalayaan ang manggagawa na iwanan ang isang kapitalista, kinakailangan naman niyang mamasukan muli sa panibagong kapitalista - kundi malaya siyang mamatay sa gutom. Hindi siya alipin ng indibidwal na kapitalista kundi ng buong uring kapitalista.

Ang pagpapaalipin ng manggagawa ay inoobliga ng kanyang kalagayan sa lipunan, ng katotohanang siya ay walang pag-aari. Walang pag-aari ang manggagawa kundi ang lakas-paggawa na ibinebenta niya sa nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon. Kaya't matatanggap lamang ng manggagawa ang sahod, ang halaga ng kanyang lakas-paggawa, kung mapupunta sa kapitalista ang labis na halaga.

Ito ang natural na kaayusan ng buhay sa kapitalismo, ang di mabaling katotohanan sa lipunang nahahati sa uring kapitalista na pribadong pag-aari ang mga sangkap sa produksyon at uring manggagawa na wala ni anumang pribadong pag-aari.

Ang di-pantay na paghahati sa mga likha ng kapitalistang produksyon ay mauugat sa di-pantay na paghahati sa pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Ang pribadong pagmamay-ari ng mga kapitalista sa mga kagamitan sa produksyon ang pundasyon ng pagsasamantala sa manggagawa.

Sisiklab at sisiklab ang paglaban ng mga manggagawa sapagkat sila ay pinahihirapan, binubusabos, inaalipin at pinagsasamantalahan. Kinakailangang ultimong puntiryahin ng pakikibaka ng manggagawa ang pagpawi sa pribadong pag-aari, ang ugat ng pagsasamantala, para malagot ang tanikala ng sahurang pang-aalipin.

III

Iisang Uri, Iisang Landas

Sabado, Oktubre 3, 2009

Landas ng Uri - Kabanata 1

LANDAS NG URI

PAMBUNGAD
sa Bagong Edisyon

Isa't kalahating dekada na mula nang ilathala ang Landas ng Uri. Sa loob ng panahong iyon ay marami na ang nagbago sa daigdig. Ang pamamayagpag ng pangako ng globalisasyon noong unang hati ng dekada '90 ay nahalinhan na ng pagsiklab ng krisis ng imperyalismo sa huling mga taon ng nakaraang milenyo. Ang mga kasinungalingan ng mga promotor ng imperyalistang globalisasyon ay ganap nang nalalantad sa paglalim ng krisis ng pandaigdigang ekonomya.

Nasaan na ang milyun-milyong trabahong lilikhain ng pagpasok ng bilyun-bilyong puhunan dala ng liberalisasyon ng ekonomya? Ang nakita ng mamamayan ay ang pagguho ng lokal na industriya at agrikultura sa tulak ng kumpetisyon ng mas murang produkto at monopolyong kapital galing sa ibayong dagat. Daan-daang libong manggagawa ang tinatapon sa lansangan bunga ng pagsasara ng dalawang libong pabrika bawat taon. Samantalang binabarat ang sahod at benepisyo ng lahat ng manggagawa, kahit ang mga regular, dahil sa paglobo ng milyun-milyong kontraktwal at kaswal.

Nasaan na ang pagmura ng presyo ng mga produkto at serbisyo dala ng deregulasyon at pribatisasyon ng susing mga industriya? Ang naramdaman ng mamamayan ay ang walang tigil na pagsirit ng presyo ng langis, tubig, kuryente at iba pang bilihin dahil sa monopolyong kontrol ng mga multinasyunal at proteksyong ipinagkakaloob sa kanila ng kapitalistang gobyerno. Walang dudang ito ang sanhi ng ibayong paglala ng kahirapan at paglaganap ng kagutuman sa bayan. Maaring sabihing natuto nang umangkop ang mga Pilipino sa daantaong kahirapan pero uubra pa ba ang diskarte kung ang problema na ang ang pagkukunan ng almusal, tanghalian, at hapunan.

Noon - sa gitna ng guho ng sosyalismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa, at kabiguan ng armadong pakikibaka sa atrasadong mga bayan - hambog na idineklara ng mga propeta ng globalisasyon na "tapos na ang kasaysayan" at habambuhay nang mananaig ang kapitalismo sa daigdig.

Ngayon - sa harap ng pagsiklab ng pandaigdigang resesyong nakaambang sumambulat sa depresyon, pagpihit ng imperyalistang mga bansa sa pangunguna ng Amerika sa tahasang pandirigma at pananakop, at paglakas ng internasyunal na kilusang anti-globalisasyon - namumuno ang sitwasyon para sa tagumpay ng bagong sosyalistang rebolusyon hindi lamang sa atrasadong mga bayan kundi sa abanteng mga bansa.

Bumibilis ang kumpas ng mga pangyayari. Muling pumuputok ang mga pangkalahatang welga ng manggagawa sa mga bansa sa Europa. Hindi makalarga ang ibayong liberalisasyon ng mga ekonomya mula nang bulabugin ang WTO noong 1999 sa Battle in Seattle. Parang domino na bumabagsak ang ulo ng mga presidenteng maka-globalisasyon. Samantala, naglalagablab ang rebolusyong Bolivarian sa Venezuela na nagsisilbing rebelyon laban sa imperyalistang globalisasyon at gera.

Kahit dito sa Pilipinas, mabilis na nalalantad ang kabulukan ng umiiral na sistema sa pagsambulat ng krisis pampulitika mula rehimeng Estrada, Macapagal-Arroyo hanggang rehimeng Noynoy Aquino. Ang krisis pampulitika ng reaksyunaryong estado ay sumasanib sa krisis pang-ekonomyang dulot ng imperyalistang globalisasyon at nahihinog ang krisis-panlipunan na dapat samantalahin para isulong ang rebolusyonaryong pagbabago sa ating bayan.

Walang ibang maaasahang pwersa para pangunahan ang pakikibaka ng sambayanan para sa tunay na pagbabago kundi ang manggagawang Pilipino. Tanging ang pakikibaka ng uring manggagawa at pangunguna sa laban ng bayan ang babasag sa anumang demoralisasyon ng mamamayan dulot ng kabiguan ng unang tatlong pag-aalsang Edsa.

Para makatindig ang proletaryado sa pampulitikang pakikibaka, mapamunuan ang laban ng bayan para sa panlipunang pagbabago at maisulong ang laban ng uri sa pagpapabagsak ng kapitalismo, kailangang maging mulat ang masang manggagawa sa kanyang kalagayan sa lipunan, sa kanyang makauring interes, sa kanyang relasyon sa iba pang inaapi at sa kanyang maisyon sa kasaysayan.

Ito ang layunin ng Landas ng Uri.

Iniaalay ang bagong edisyon ng Landas ng Uri sa bagong henerasyon ng manggagawang Pilipino, sa bagong pwersa ng hukbong mapagpalaya.

Disyembre 2010




Mga Nilalaman

Iisang Kalagayan, Iisang Kapalaran

Dalawang Uri sa Lipunan, Dalawang Interes sa Buhay

Iisang Uri, Iisang Landas

Hamon ng Kasaysayan, Misyon ng Uri

Landas ng Bayan, Landas ng Uri




I

IISANG KALAGAYAN
IISANG KAPALARAN

Tinatagurian silang mga bayaning di kilala. Sila ang walang sawang nagtatrabaho at bumubuhay sa bayan subalit di nasusuklian ng kaginhawahan at pagpupugay ang kanilang pagpupunyagi.

Tuwing Mayo Uno, binubusog sila ng talumpati't parangal ng mga opisyal ng gobyerno at maykaya sa buhay. Pupurihin sila isang beses kada taon at kalilimutan sa nalalabing mga araw.

Araw-araw ay nagpapatulo sila ng pawis upang likhain ang mga pangangailangan ng sambayanan. Ang kanilang mga kamay ang humuhubog sa mga produkto ng industriya. Ang kanilang bisig ang nagpapatakbo ng mga makina ng ekonomya. Ang mga produktong likha ng kanilang lakas-paggawa ang bumubuhay sa lipunan.

Tinatawag silang obrero, trabahadora't trabahador, empleyado't empleyada, OFW. Sila ang mga manggagawang Pilipino.

Ang mga manggagawa ay napag-iiba sa pangkalahatang klase ng okupasyon o tipo ng gawain. Nahahati sila sa iba't ibang saray: mga manggagawang industriyal, mga manggagawa sa serbisyo, mga manggagawang agrikultural at ang reserbang hukbo ng paggawa.

Matatagpuan ang mga manggagawang industriyal sa linya ng manupaktura, konstruksyon, pagmimina, transportasyon, komunikasyon, paglikha ng elektrisidad, gas at tubig. Ang konsentrasyon nila ay nasa malalaking syudad, regional industrial center, special economic zone at export processing zone. Isang bahagi ng saray ay nagtatrabaho sa malalaking pagawaan, mga pabrikang lagpas 500 trabahadora't trabahador. Ang higit na nakararami ay nasa maliliit na empresa, na kung minsan pa ay ilegal - walang permit na mag-operate, mga sweatshop na di sumusunod sa mga regulasyon sa paggawa. Bumibilang ang mga manggagawang industriyal ng halos lima't kalahating milyon. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]

Namamasukan ang mga manggagawa sa serbisyo sa mga empresang nagbibigay ng serbisyo, o serbisyo ang maituturing na produkto. Kabilang sa kanila ang saleslady sa mga tindahan, crew sa mga restoran, guro sa mga pampubliko at pribadong paaralan, nars ng mga ospital, klerk sa mga opisina at empleyado't empleyada ng gobyerno. Gaya rin ng mga manggagawang industriyal, mas marami sa kanila ay nasa mga empresang maliliit, subalitr may seksyon na konsentrado tulad ng mga nagtatrabaho sa malalaking hotel, department store, paaralan at opisina. Bumibilang ang mga manggagawa sa serbisyo ng halos walong milyon. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]

Ang mga manggagawang agrikultural ay makikita sa mga bukid, plantasyon at palaisdaan. Bahagi din nila ang mga nagtotroso ng kahoy sa gubat. Mahigit dalawa't kalahating milyon ang manggagawang agrikultural na regular na nabubuhay sa pamamagitan ng sahod. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]

Ang higit na nakararaming manggagawa ay hindi nabubuhay sa pagtanggap ng sahod kapalit ng pagtatrabaho. Sila ang reserbang hukbo ng paggawa na walang tiyak na hanapbuhay at mapagkakakitaan. Sila ang mga mala-manggagawa, na sapagkat walang regular na trabaho, ay pumapasok sa kung anu-anong tipo ng gawain upang makaraos sa araw-araw. Sila ang mga tagalako sa kalye, estibador sa palengke, de-boundary na drayber ng dyip, maging magbobote-dyaryo at tagahukay ng basura sa kalunsuran.

Sa kanayunan, ang mga mala-manggagawa ay bumibilang ng walo't kalahating milyon. Sila ang pana-panahon at di-permanenteng manggagawang bukid, tulad ng mga sakada, na tumatawid pa ng probinsya sa paghahanap ng mga sakahang pansamantalang nangangailangan ng magtatanim, gagapas o aani. Sila rin ang mga maralitang magsasaka na di kayang mabuhay sa kakaunting ani mula sa makitid at di-produktibong lupa kaya't nagpapaupa ng lakas-paggawa sa mayayamang magbubukid o mga asendero. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]

Ang mga mala-manggagawa ang may pinakamalalang kalagayang pang-ekonomya, ang lubhang walang katiyakan sa ikabubuhay. Sa panahong masigla ang negosyo, may papalarin sa kanilang makapasok bilang manggagawang regular. Sa panahong hupa ang ekonomya, sila ang natatanggal sa trabaho at muling aasa sa sariling abilidad para mabuhay.

Umaabot sa mahigit 16 na milyon ang regular na sumasahod at sumusweldong mga manggagawa sa mga pabrika, empresa, opisina, plantasyon at sakahan. Lagpas sa 10 milyon sa kanila ay lalaki habang anim na milyon ang babae. Kalakhan sa natitirang 19.55 milyong pwersa ng paggawa noong 2005 (ang bilang ng populasyong maaaring pumasok sa produktibong trabaho) ay mga mala-manggagawa. [Labor Force Survey, Bureau of Labor and Employment Statistics, January 2005]1

______________
1 Maliit na minorya sa 19.55 milyong hindi nabubuhay sa sahod ay mga kapitalista, asendero, maliit na negosyante at propesyunal. Mahigit 8.5 milyon sa kanila ang matatagpuan sa agrikultura at nahahati sa mayaman, panggitna at mahirap na magsasaka. Higit sa 4 milyon ang nasa wholesale at retail trade. May 4 milyon din ang walang trabaho.

Nasa iba't ibang linya man ng paggawa, may samu't sari mang trabaho, lahat sila ay manggagawa. Lahat sila ay nagbebenta ng kanilang abilidad at kakayahang gumawa, ng kanilang lakas-paggawa kapalit ng sahod upang mabuhay. Iisa ang kanilang papel sa produksyon - ang aktwal na patakbuhin ang mga pagawaan, empresa, opisina at sakahang lumilikha ng mga produkto at nagbibigay ng mga serbisyong kinakailangan ng lipunan. Bumubuo sila ng isang uri sa lipunan.

Iisa ang kanilang kalagayan sa lipunan, iisa ang kanilang kapalaran sa buhay - ang maghirap, ang maging api.

Kadalasa'y kulang ang sinasahod ng mga manggagawa upang buhayin ang kanilang pamilya. Sa taong 2005, ang minimum na sahod ng manggagawa sa NCR ay nasa P8,450 sa bawat buwan o P325 kada araw (kasama ang cost-of-living allowance subalit hindi pa kasama ang arawang halaga ng 13th month pay). Habang ang tinatayang batayang pangangailangan ng isang pamilya na binubuo ng anim na myembro ay nagkakahalaga ng P746 kada araw. [National Wages and Productivity Commission (NWPC), March 2006]

At higit sa lahat ay tumatanggap ng pangkaraniwang sahod na ito. Noong 2002, habang may "mapapalad" na nag-uuwi ng kulang-kulang sa P8,000, gaya ng mga manggagawa sa garments at textile, may tumatanggap lamang ng P6,233, tulad ng mga pahinante at kargador sa cargo industry. [Occupational Wages Survey, BLES, June 2002]

Ang nakabababang seksyon ng mga manggagawang regular at ang kabuuan ng mga mala-manggagawa, kasama ang mga maralitang magsasaka sa kanayunan na nakikisaka lamang sa lupa ng iba, ang bumubuo sa 30% ng populasyon, o mahigit 24 milyong Pilipino, na nabubuhay sa ilalim ng poverty line noong 2003. Ibig sabihin, kulang ang kanilang kinikita para ipantustos sa mga esensyal na pangangailangan - pagkain, damit at pabahay. Sila ay nagtitiis sa di makataong pamumuhay. Ang poverty line o kinakailangang gastusin para matustusan ng isang tao ang batayang mga pangangailangan ay diumano nagkakahalaga lamang ng P11,451 sa isang taon. [Regional poverty estimates, National Statistics Coordination Board (NCSB0, 2003]

Sa 24 milyong nasa ilalim ng poverty line, substansyal na bilang ang nasa ganap na kadusta-dustang kalagayan o absolutong kahirapan sapagkat hindi nila nakukuha ang sustansyang kinakailangan ng katawan sa bawat araw. Ang food threshold o ang kinakailangang gastusin para sa sapat na nutrisyon ng isang tao ay P8,134 sa isang taon. [Regional poverty estimates, National Statistics Coordination Board (NCSB), 2003]

Subalit ang eksaktong larawan ng kahirapan ay hindi pa ang mga opisyal na datos ng gobyerno kundi ang mismong pananaw ng mamamayan sa kanilang kalagayan. Sa taong 2005, 57% ng populasyon ang itinuturing ang sarili bilang "mahirap". Mula Marso hanggang Mayo 2005, 12% ng pamilyang Pilipino ang nagsabing nakaranas sila ng gutom o kawalan ng makakain. Katumbas ito ng dalawang milyon mula sa 16.6 milyong pamilyang Pilipino. At palala ito. Pagdating ng Marso 2006, 16.9% sa mga Pilipino ang gutom, katumbas ng 2.8 milyong pamilya. [Social Weather Station, SWS Survey 2nd quarter 2005; SWS Survey March 2006]

Ito ay sa kabila ng katotohanang aktwal na ibinababa ng mga maralita ang kanilang mababa nang standard of living! Sang-ayon sa survey, ang itinuturing na mahihirap na kitang sapat para umalpas sa kahirapan ay P10,000 sa Metro Manila, P7,000 sa Luzon, P6,000 sa Visayas at P5,000 sa Mindanao. Subalit ito na ang sinasabi ng masa na poverty threshold limang taon na ang nakararaan subalit mula noon ay tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaya't ang kongklusyon ng survey ay sadyang ibinababa ng mahihirap ang kanilang standard of living at ito ay isang paraan nila upang umangkop sa krisis pang-ekonomya. [Social Weather Station, SWS Survey 2nd quarter 2005]

Pabagsak ang kabuhayan ng lahat ng manggagawa. Ang P300 na minimum na arawang pasahod sa Metro Manila noong Enero 2005 ay nagkakahalaga na lamang ng P237 kung ikukumpara sa mabibili noong 2000. Ibig sabihin, tumataas ang presyo ng mga bilihin kaya't ang piso noong 2000 ay nagkakahalaga ng 79 sentimos na lamang noong Enero 2005. Kaya't bumagsak ang halaga ng sahod sa loob ng 5 taon. Hindi nakakahabol sa umaarangkadang presyo ng mga bilihin ang sahod na itinatakda ng batas at maging ang umentong naipapanalo sa mga collective bargaining. Tumataas ang sweldo pero lumiliit ang tunay na halaga nito, kumokonto ang mga pangangailangang mabibili nito. [BLES, January 2005]

Noong 1985, pinaghatian ng 80% ng kabuuang populasyon, na ang bulto ay binubuo ng manggagawa, ang 53% ng yaman ng bayan. Matapos ang halos dalawang dekada, noong 2003, pumaparte na lamang sila sa 46.9% na kita ng lipunan. [Family Income and Expenditures Survey, National Statistics Office]

Kaya't kung anu-anong diskarte ang pinapasok ng mga manggagawa para lamang makaraos. Magkandakuba sila sa pago-overtime kundi man sa pagsa-sideline. Ang asawa nila ay umeekstra rin para may ipandagdag sa kakainin. Ang mga anak nila ay napipilitang tumigil sa pag-aaral at sumabak sa trabaho sa murang gulang. Mahigit 4 milyong bata ang nagtatrabaho para kumita - bilang tagalinis o tagabantay ng sasakyan, katulong, yaya, maging tagagawa ng paputok, uling at pigurin. [Survey on Children, NSO, 2001] Paparami naman ang minamabuti pang kumapit sa patalim, napipilitang magnakaw ng pera o magbenta ng laman, kaysa tuluyang magutom sa lansangan.

Papalaki ang hukbo ng mga walang trabaho. Sang-ayon sa mismo datos ng gobyerno, noong Enero 2005, walang trabaho ang 11.3% ng kabuuang pwersang paggawa, bukod pa sa 16.1% na tinatawag nilang underemployed (may pinagkakakitaan subalit nais pa ng dagdag na trabaho). Ang tunay na tantos ng kawalang hanapbuhay ay nasa pagsusuma ng dalawang datos na ito, ibig sabihin isa sa bawat apat na Pilipino ang totoong walang hanapbuhay. [Labor Force Survey, BLES, January 2005]

Maging ang kasalukuyang may trabaho ay nanganganib na mapabilang sa hukbo ng walang hanapbuhay. Libu-libo ang itinatapong parang basahan ng mga kompanyang nagsasara o nagbabawas ng empleyado gaya ng garments at textile dahil hindi makasabay sa mas maigting na pandaigdigang kompetisyon. Nauuso ang subcontracting, contractualization, casualization at iba pang labor flexibility scheme. Mahigit 300,000 manggagawa mula sa 24,533 empresa ang "agency-hired". Unti-unting nawawasak ang kaunting seguridad sa sahod, benepisyo at trabaho ng mga regular na empleyado. [BLES, June 2003]

Nagtatrabaho ang mga manggagawa sa ilalim ng masasahol na kondisyon sa paggawa. Hindi sapat ang bentilasyon ng mga planta para sa sangkaterbang manggagawa at maiinit na makina kaya nagmimistulang mga kalderong nasa apoy ang mga pabrika. Ipinagbabawal ng mga bisor, na parang aso kung magbantay, ang mamahinga man lamang ng sandali ang manggagawa o ang paulit-ulit na pagpunta sa palikuran. Sa mga pagawaan ng garments, buong maghapong nakatayo ang mga nasa linya ng pagpaplantsa. Noong 2002, 21,779 kaso ng aksidente ang naitala sa mga pabrika. Mahigit anim na daang aksidente ang nauwi sa pagkamatay ng manggagawa at permanenteng pagkatanggal sa trabaho. Maliban sa subcontracting, ito ang pangunahing sanhi ng retrenchment. Hindi pa kasama rito ang mga nagkakasakit o namamatay. [BLES Integrated Survey, 2002]

Makitid ang proteksyong nakukuha ng mga manggagawa mula sa batas paggawa. Noong Enero hanggang Hunyo 2002, lagpas sa 70% ang mga paglabag sa iba't ibang regulasyong nagbibigay proteksyon sa manggagawa: 78% sa Metro Manila, 83% sa Southern Tagalog at 98% sa Bicol region. [Survey on labor standards, 2002, DOLE] Sa bawat sampung empresa, anim hanggang pito ang nagpapasahod ng mas mababa sa itinatakdang minimum wage. [Country report on human rights practices, US State Department, 2004]

Sa lahat ng karapatang naipagwagi ng manggagawa na kinikilala sa batas, ang lubos na ipinagkakait ay ang kalayaang magwelga. Noong 2004, 558 unyon ang nag-file ng notice of strike subalit 25 lamang dito ay humantong sa welga. Walang ibang dahilan nito kundi ang panggigipit ng mga kapitalista laban sa mga manggagawang nagbabalak na magwelga. Ito ay nagagawa nila, pangunahin, sa tulong ng "assumption of jurisdiction" ng Secretary of Labor na agad nag-uutos sa manggagawa na bumalik sa trabaho bilang sagot sa kanilang "notice of strike". [DOLE, 2005]

Habang pormal na kinikilala ng batas ang karapatan sa pag-uunyon at pagwewelga, nililimitahan naman ito ng napakaraming rekisito. Sa nakasampang Amendatory Bill ng Labor Code sa Kongreso, dadagdagan pa ang mag restriksyon kaya't lubhang magiging mahirap para sa manggagawa ang magtayo ng unyon at maglunsad ng welga upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.

Wala na ngang yaman, ang mga manggagawa'y wala pa ring kapangyarihan. Kakaunti na nga ang proteksyong kanilang tinatamasa pero ang mismong mga batas ay tadtad pa ng butas.

Ang kawalan ng matinong trabaho at nakabubuhay na pasahod ang pinag-uugatan ng malawakang paglikas ng mga manggagawang Pilipino. Mahirap masukat pero tiyak na grabe ang social costs na dala ng pangingibang-bayan ng lagpas walong milyong Pilipino. Malaking sakripisyo para sa mga manggagawang Pilipino ang iwan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas habang nagtitiis sila sa trabahong walang proteksyon mula sa sarili nating gobyerno at sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Samantalang negatibo ang epekto sa pagpapaunlad ng Pilipinas ng tinatawag na brain drain at pagkawala ng milyun-milyong skilled at professional workers.

Ineenganyo ng gobyerno ang paglikas ng mga manggagawa bilang paraan ng paglikha ng trabaho pero iniiwan sa kamay ng pribadong recruitment at placement agencies ang pagpapadala ng mga manggagawa kaya naman naglipana ang illegal recruiters at nagtataasan ang placement fees. Matapos makakuha ng trabaho sa ibang bansa ay hindi naman makaasa ng matinong tulong ang mga OFW sa mga embahada ng Pilipinas dahil hindi nila prayoridad ang proteksyon at serbisyo sa kanila. Hindi rin iginigiit ng gobyerno sa internasyunal at bilateral agreements ang karapatan at kapakanan ng mga OFW. Hindi nakagugulat na tuluy-tuloy na dumarating ang mga bangkay ng mga OFW, dumarami ang bilang ng nakakulong sa ibang bansa at libu-libo ang bumabalik sa Pilipinas matapos abusuhin at linlangin ng kanilang dayuhang employers.

Magsingdami ang lalaki at babae na nasa edad 15 hanggang 65, parehong 27 milyon, subalit 14 milyong babae lamang ang pasok sa pwersang paggawa habang 22 milyon naman ang mga lalaki. Malinaw na bunga ito ng diskriminasyon laban sa kababaihan at pagkabahura ng mga babae sa gawaing bahay na hindi itinuturing ng kasalukuyang lipunan na bahagi ng produktibong paggawa. [Regional Labor Force Statistics on Women and Young Workers, October 2004]

Sa manipuladong datos ng gobyerno, mas marami ang mga lalaki kaysa babae na unemployed at underemployed. Kabaliktaran ito ng realidad. Ito ay makikita sa datos na 50% lamang ng kababaihang nasa edad at may kakayahang magtrabaho ang pasok sa kwenta ng pwersang paggawa ng bansa samantalang 83% ng kalalakihan ang kasama sa itinuturing na labor force. [Regional Labor Force Statistics on Women and Young Workers, October 2004]

Ang mga problema ng manggagawa sa pangkalahatan ay problema rin ng manggagawang kababaihan. Halimbawa, papalaki ang bilang ng mga babae na kontraktwal at kaswal. Dumarami din ang bilang ng mga babaeng OFW at nagiging bulnerable sa mga abuso. Sa loob ng huling dekada, mula sa 58% noong 1995 ay lumobo sa 73% nitong 2004 ang mga babae sa kabuuang bilang ng bagong land-based workers.

Subalit bukod dito, mayroon silang partikular na mga usapin at prinsipal dito ang diskriminasyon sa trabaho. Habang halos magsinglaki na ang bilang ng mga manggagawang babae at lalaki sa manupaktura, patunay ng patuloy na paghigop ng papalaking bilang ng mga babae sa pagawaan, may mga partikular na linya ng trabaho pa rin na minorya ang kababaihan. Sa konstruksyon, isang babae lamang sa bawat 61 manggagawa. Sa transportasyon, isang babae sa bawat 19. Sa pagmimina, isang babae sa bawat 12. Sa kanayunan, isang babae sa bawat 16 mangingisda at isang babae sa bawat apat na magsasaka. [National Statistics Office, October 2004]

Ang kabilang mukha naman ng diskriminasyon laban sa mga babae ay ang pagiging mayorya ng kababaihan sa ibang linya ng industriya. Tatlo sa bawat apat na titser at nars ang babae. Habang apat sa bawat limang katulong ang babae. [National Statistics Office, October 2004]

Habang nakalugmok sa kahirapan ang mga manggagawa ay nagtatampisaw sa karangyaan ang mga kapitalista. Ang papel ng mga kapitalista ay bumili ng lakas-paggawa ng manggagawa. Obligado namang magbenta ng lakas-paggawa ang mga manggagawa sapagkat pag-aari ng mga kapitalista ang mga pagawaan, empresa at plantasyon. Sa batayan ng pag-aari ng mga kapitalista sa mga kagamitan sa produksyon, humuhuthot sila ng napakalaking tubo.

Nakatira sila sa malalaking bahay sa eksklusibong mga subdibisyon ng Metro Manila. Sila ang pinagsisilbihan ng kung ilang katulong na nagtitiyak na walang dumi ang kanilang mamahaling muwebles at appliances, malinis ang magagarang damit at nasa magandang kondisyon ang mga bagong modelong kotse sa garahe. Ang kanilang mga anak ay nag-aaral sa ekslusibo ring mga paaralan - mula kinder hanggang kolehiyo. Mga first-class na resort at 5-star hotel ang palipasan nila ng oras. Banyaga sa kanila ang kagutuman. Katunayan ang alaga nilang mga aso at pusa ay mas masarap at mas masustansya pa ang kinakain kaysa mga manggagawa.

Hindi sumasakit ang kanilang ulo sa paghahanap ng ipangtutustos sa pamilya. Walang kaba sa kanilang dibdib na magugutom ang mga anak. Ang problema pa nila ay kung paano palalaguin ang kanilang negosyo, kung paano palalakihin pa ang kanilang tinutubo. Sila ang nasa tuktok ng tatsulok ng lipunan na bumubuo ng 20% ng populasyon noong 2003. Hawak nila ang 53% ng yaman ng bayan. [Family Income and Expenditures Survey, NSO 2003]

Sila ang iginagalang at pinagpipitagan sa lipunan gayong ang mga kamay ng marami sa kanila ay nababahiran ng dungis ng katiwalian at kriminalidad, ng dumi ng paglabag sa mga batas paggawa at pang-aabuso sa mga manggagawa. Nakatipon sila sa mga samahang pang-negosyo tulad ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), American Chamber of Commerce, Filipino-Chinese Chamber of Commerce, Makati Business Club (MBC), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), atbp., na regular na kinokonsulta ng gobyerno tuwing magbabalangkas ito ng mga batas at patakaran.

Iba't iba man ang laki ng yaman at linya ng negosyo, lahat sila ay kapitalista. Iisa ang kanilang papel sa produksyon - ang ariin ang mga pagawaan, empresa at plantasyon, at bilhin ang lakas-paggawa ng mga manggagawa. Bumubuo sila ng isang uri sa lipunan.

Ito ang kontradiksyon ng buhay: kung sinong nagpapawis at bumubuhay sa bayan ay siyang nagdarahop at inaapi, habang kung sinong hindi nagtatrabaho ay siyang nakaririwasa at tinitingala sa lipunan. Isa itong katotohanan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa lahat ng bansa, sa buong daigdig.

Maging sa abanteng mga bansa, may mahihirap at mayayaman, may mga manggagawa at kapitalista na magkakaiba ang kalagayan sa buhay at papel sa produksyon. Habang mas maginhawa ang kabuhayan ng mga manggagawa sa abanteng mga bansa, higit rin namang mas mayaman at makapangyarihan ang kanilang mga kapitalista. Katunayan ang pinakamalaking mga kapitalista sa mga bayang ito ay nagtatayo pa ng mga sangay ng kanilang mga negosyo sa iba't ibang bansa, bukod sa pagbebenta ng kanilang mga produkto sa ibayong dagat.

Noong 1960, 2.3% ng pandaigdigang kita ang napunta sa pinakamahirap na 20% ng sangkatauhan habang 70.2% nito ang inangkin ng pinakamayamang 20% ng tao sa mundo. [1996 Report, United Nations Development Program] Noong 1998, lumiit sa 1.2% ang pinaghahatian ng 20% na pinakamahirap na tao samantalang lumobo sa 89% ang napupunta sa pinakamayamang 20% [International Herald Tribune, 1999/02/05]. Ang pag-aari ng 200 sa pinakamayamang tao ay katumbas ng pinagsamang kita ng 2.46 bilyon katao o 41% ng mamamayan ng daigdig. [UNDP, 1999]

Sa United States na pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig, ang 1% ng yaman ay pinagpapartehan ng 80% ng populasyon habang ang natitirang 99% ng yaman ay nasa kamay ng 20% ng pinakamayamang Amerikano. [Aralin sa Kahirapan]

Bagamat mas mataas ang sweldo ng mga manggagawa sa Amerika kumpara sa ibang bansa, ang kanilang kita ay hindi sapat para sa kanilang batayang pangangailangan. Ang minimum na sweldo ay nasa $5.15 kada oras. Subalit ang upa sa isang apartment na may dalawang kwarto kasama ang singil sa tubig at kuryente ay nagkakahalaga ng $15.37 kada oras - halos tatlong ulit na mas malaki ang sweldo, ayon sa National Low Income Housing Coalition ng Amerika.

At habang kinakapos ang minimum na sweldo sa Amerika, sumisirit naman ang kita ng mga Chief Executive Officer (CEO) ng dambuhalang mga korporasyon. Noong 1980, ang ibinabayad sa mga CEO ay 40 beses na mas malaki sa karaniwang sweldo sa Amerika. Noong 1997, ito ay 280 beses na ng ordinaryong sinasahod ng manggagawang Amerikano. Nahahati ang lipunan sa dalawang uring may magkaibang katayuan sa buhay - manggagawa at kapitalista. Ang lahat ng manggagawa sa buong mundo, anuman ang pagkakaiba sa kalagayan at pamumuhay, ay pare-parehong nagbebenta ng lakas-paggawa at pare-parehong naghihirap at inaapi.#

Table 1: Di pantay na Distribusyon ng Yaman sa mga Piling Bansa sa Latin Amerika

Bansa Pinakamahirap na 20% Pinakamayamang 20%
Uruguay 5.0% (ng yaman ng bansa) 48.7% (ng yaman ng bansa)
Costa Rica 4.3 50.6
Peru 4.4 51.3
Ecuador 2.3 59.6
Brazil 2.5 63.4
Paraguay 2.3 62.3
Source: ADB 1998, UNDP 1999

II

DALAWANG URI SA LIPUNAN
DALAWANG INTERES SA BUHAY

Biyernes, Setyembre 25, 2009

History of Metro Manila Vendors Alliance, from the news


http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=174100
Street vendors convene summit vs MMDA chiefBy Romel Bagares (The Philippine Star)
Updated August 31, 2002

They’re not going to take it lying down.
Street vendors, besieged by a war declared by Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando to clear city sidewalks, convened a historic summit yesterday at the University of the Philippines church in Quezon City to establish the Metro Manila Vendors Alliance (MMVA).
"He is depriving us of our only honest means of livelihood," said Melly Auza, 50, a leader of the 6,000-member Baclaran Christian and Muslim Vendors Association. "We have to fight to survive."
Auza, who sends three children to private colleges, said she and her husband Onie have been unable to sell their wares for a month now because of Fernando’s campaign.
Auza said she sells shoes and umbrellas at a stall near the Light Rail Transit station in Baclaran. She supplemented income from vending by running a small eatery.
She claimed business has become bad since the MMDA began a crackdown on street vendors.
One moment, her stall is open, at another, it is hurriedly closed down because of MMDA enforcers on the prowl. At times, she and her husband have to hide at nearby malls and department stores while an MMDA clearing operation is underway.
"Lately, however, the guards at the mall have been throwing us out," she said. "We later learned that the MMDA chairman had asked the department store owners to keep us out."
The MMVA, convened under the auspices of the militant group Sanlakas and its urban poor ally Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), drew vendor groups from 24 areas in the metropolis.
A joint manifesto issued by the MMVA at the end of the day-long summit said the MMDA, instead of carrying out a "policy of annihilation," should work in hand with local chief executives and the national government to organize vendors, support their cooperatives and involve them in joint socio-economic projects.
While admitting that they have wittingly or unwittingly violated laws and regulations, vendors insisted that they were forced by circumstances.
"For poor people like us, sidewalk vending is an economic necessity not a travesty of laws," the vendors said in the manifesto. "We are not criminals. We find it more detestable to see our government selling all its properties to foreign and private corporations than to see ordinary people selling their merchandise in the streets at a bargain price."
"If the government can afford to talk with armed rebels in the hope of ending the conflict, why can’t they do the same with vendors," it said.
The vendors warned that if Fernando remains undaunted in his terror tactics, "we have no other recourse but to fight back."
Some vendors did not make it to the summit, like those from Cubao and Gracepark in Caloocan, where MMDA enforcers swooped down on their stalls yesterday and hauled their wares unto trucks.

Miyerkules, Setyembre 16, 2009

PMT Press Release - SAQUIJODA rali sa LTFRB

PAGKAKAISA NG MANGGAGAWA SA TRANSPORTASYON (PMT)


Press release
Setyembre 15, 2009

RUTANG MENDIOLA SA MAYNILA,
PINAG-AAGAWAN NG MGA SAMAHAN NG TSUPER

Nagrali sa harap ng LTFRB ang mga kasaping tsuper ng SAQUIJODA (Santol-Quiapo Jeepney Operators and Drivers Association) kaninang umaga, kasama ang mga kasapi ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT).

Ipinrotesta nila ang pagpasok sa kanilang ruta ng dalawa pang asosasyon ng mga dyip, ang BAJODA (Bacood Jeepney Operators and Drivers Association), na may 16 na dyip, at BAQUIJODA (Bacood-Quiapo Jeepney Operators and Drivers Association), na may 125 dyip. Ang SAQUIJODA naman ay may 51 dyip lamang. Ang SAQUIJODA at BAJODA ay kasapi ng FEJODAP, habang ang BAQUIJODA naman ay kasapi ng Pasang Masda.

Sa matagal na panahon, tanging ang mga kasapi ng SAQUIJODA ang dumaraan at naghahatid ng pasahero sa Mendiola, Concepcion, Aguila at J. P. Laurel St., malapit sa Malacañang, at mga eskwelahang San Beda, Centro Escolar University, St. Jude Church, atbp. Ang buo nilang ruta ay Quiapo (Barbosa) – Santol via Sta. Mesa via Barbosa, Arlegui, P. Casal, Legarda, Mendiola, Concepcion, Aguila, J.P. Laurel, R. Magsaysay Blvd., Santol Ave., Bayani terminal at babalik via Biak na Bato, Santol Ave., R. Magsaysay, J.P. Laurel, Concepcion Aguila, Mendiola, Bilibid Viejo, Hidalgo hanggang sa terminal ng Barbosa sa Quiapo.

Ngunit noong huling linggo ng Hulyo, napag-alaman ng mga kasapi ng SAQUIJODA na nagbigay na ng go signal si Manila Mayor Alfredo Lim na maaari nang makadaan sa Mendiola ang rutang Bacood-Quiapo. Kaya noong Agosto 5, nakipag-usap ang liderato ng SAQUIJODA, kasama ang pangulo nitong si Juanito Peña, at ang kanilang pederasyong FEJODAP, sa pamamagitan ni Gng. Zeny Maranan, kina Mayor Lim, Chairman Suansing (LTFRB), Col Yap (LGU Head of Traffic Management) at Arlene Cua (Chair ng Transport Committee). Sa pulong na ito'y idineklara ni Mayor Lim na free zone na ang Mendiola, at maaari na doong dumaan ang rutang Bacood-Quiapo. Ayon sa ulat, kinausap umano si Mayor Lim ng mga residente ng Bacood na kung maaari'y may diretsong sakay patungong Mendiola ang rutang Bacood-Quiapo, dahil maraming mag-aaral mula sa Bacood ang nag-aaral sa Mendiola, at nais nilang pangalagaan ang kaligtasan ng mga ito.

Gayunman, ang naging pormula ni Suansing ay 50-50. Kung ilan ang mga dyip ng SAQUIJODA ay ganoon din ang bilang ng mga rurutang dyip ng BAQUIJODA sa Mendiola. Ngunit para sa mga tsuper ng rutang Santol-Quiapo, ito'y ilegal dahil hindi dumaan sa tamang proseso, silang mga legitimate franchise holder ay humina ang kita. Para sa kanila, kolorum, illegal entry at out-of-line ang rutang Bacood-Quiapo. Ayon pa sa SAQUIJODA, dito'y kita ang double standard ng LTFRB.

Ayon kay Larry Pascua, tagapagsalita ng PMT, ang mga transport groups na ito ay pinag-aaway-away lamang, tila pinagkakakitaan, at ginagamit sa pamumulitika.

Kaya ang panawagan ng PMT ay ang mga sumusunod:
1) Proteksyon sa mga may lehitimong linya!
2) Ilegal na linya at kolorum, sugpuin!
3) Rerouting ng Bacood-Quiapo, Ilegal!
4) Rerouting ng Bacood-Quiapo, pakana nina Lim at Suansing!

Biyernes, Setyembre 4, 2009

Kritik sa "Bayani for President Movement"



KRITIK SA "BAYANI FOR PRESIDENT MOVEMENT"
ni Ka Pedring Fadrigon
pambansang tagapangulo, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML)
dating pangulo, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)

Sa tuwing magbabasa ako ng dyaryo at nababasa ang Bayani for President Movement, hindi ko maiwasan ang magulumihanan. Ibang-iba na talaga ngayon, kahit ano na lamang ang nagsusulputang grupo bilang paghahanda a nalalapit na 2010 elections. Wala sanang problema kung ang pangalan ng mga ito ay popular at katanggap-tanggap sa masa. Sabagay ay popular naman ang katagang bayani. Pero ito ay kung tulad nina Andres Bonifacio o Jose Rizal ang pinag-uusapan. Subalit kung berdugo ng maralita at mamamayan ang pag-uusapan ay talaga namang nakakatindig-balahibo ang pangalang Bayani.

Bale ba ay matapos manalbahe ng maraming Pilipino lalung-lalo na ang mga maliliit na naghahanapbuhay ay may tapang pa ng apog na mag-ambisyong pangulo ng Pilipinas ang taong ito. Kung ngayon nga na tagapangasiwa pa lamang siya ay hindi na maawat at todo hataw sa mga maliliit, ano pa kaya kung pangulo na ng bansa? Kung ngayon ay itak pa lamang ang balak gamitin nito sa mga maralita, tsuper, at vendors, eh, baka kanyon na ang gamitin nito pag nagkaroon ng mas mataas na pwesto sa pamahalaan.

Sa isang banda, maganda sana ang layunin ng taong ito na pagandahin at isaayos ang Kamaynilaan, subalit iyon ay kung hindi siya nag-astang emperador na may hindi mababaling salita. Ibig sabihin, mainam sana kung may partisipasyon ang mamamayan sa kanyang mga proyekto at pagdedesisyon. Sa halip, ang ginawa ng taong ito ay huramentadong iwinasiwas ang kanyang kapangyarihan at walang habas na inaglahi ang milyun-milyon nating maliliit na kababayan na pati kanilang hanapbuhay at tahanan ay itinuring na basura at sakit-sa-mata. Karapat-dapat nga bang tawaging Bayani ang taong ito? Ang matindi pa nito ay matapos ang lahat ng kanyang pananalbahe ay Bayani for President pa ang makikita natin sa araw-araw.

Mga kababayan, ngayon pa lamang ay magkaisa na ang lahat ng inapi ng taong ito; huwag na huwag tayong magpapaloko sa hangal na ito kung ayaw nating tuluyang magkaletse-letse ang buhay natin.

(Nalathala ang artikulong ito sa dyarong Tinig ng Samana-Fa ng mga vendor sa Mandaluyong, at sa publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML)