Huwebes, Mayo 10, 2012

Ika-115 Anibersaryo ng Kamatayan ni Bonifacio, Ginunita ng mga Militanteng Grupo

PRESS RELEASE
Mayo 10, 2012

Ika-115 Anibersaryo ng Kamatayan ni Andres Bonifacio, 
Ginunita ng mga Militanteng Grupo

Ginunita ng mga militanteng grupo ang ika-115 anibersaryo ng kamatayan ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio ngayong Mayo 10 sa isinagawa nilang pagkilos sa Mehan Garden sa Maynila. Ayon sa kasaysayan, pinaslang si Bonifacio, kasama ang kanyang kapatid na si Procopio, sa utos ni Hen. Emilio Aguinaldo, noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite.

Ito’y pinangunahan ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-NCRR), Sanlakas, at iba pa. Nag-alay sila ng bulaklak, nagkaroon ng maikling programa, at nagsagawa ng munting pagsasadula sa naganap na pagkapaslang sa bayani.

"Ginugunita natin ang kamatayan ni Rizal tuwing Disyembre 30 at Ninoy Aquino tuwing Agosto 21, pero bakit ang ginugunita natin ay ang kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio tuwing Nobyembre 30? Dahil nais itago ang isang kahindi-hindik na pangyayari sa kasaysayan, ang pagpaslang ng mga ilustrado sa itinuturing nilang hindi nila kauri, kay Bonifacio." Ito ang mariing sinabi ni Ka Leody de Guzman, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Dagdag pa niya, "Sa ngayon, patuloy pa ang pagpatay ng naghaharing uri sa mga maliliit, lalo na sa hindi nila kauri, tulad ng mga manggagawa’t maralita. Patuloy pa ang pananalanta ng salot na kontraktwalisasyon, patuloy ang pagtataboy sa mga maralita sa kanilang tirahan upang tayuan ng mga negosyo tulad ng SM, patuloy na nagtataasan ang mga bilihin, tubig, kuryente, tuition fee, langis, na ang nakikinabang lamang ay ang mga kapitalista, ang mga naghaharing uri sa lipunan. Kayrami na ring napaslang na mga lider ng masa at marami ring dinukot na naging mga desaparesidos."

Ayon kay Ojie Tan ng PMT, "Matagal nang itinago ng mga naghaharing uri ang pagkapaslang kay Bonifacio ng kapwa niya lider-rebolusyonaryo. Ayaw ng mga naghaharing uri na gunitain natin ito, dahil mamumulat ang mga Pilipino sa mga ginawa nilang katrayduran sa mga mahihirap nating kababayan. Takot ang burgesya na mamulat ang sambayanan sa tunggalian ng uring umiral at patuloy na umiiral sa lipunan. Ngunit kailangan natin itong gunitain upang hanguan ng aral at ipaalala sa mga susunod na henerasyon na ang nangyaring ito’y paglapastangan sa ating bayani at sa buong bayan."

Sinabi naman ni Victor Briz, bise-presidente ng Partido Lakas ng Masa (PLM), ”Napakahalagang gunitain natin ang araw ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio bilang paalala sa atin at sa mga susunod pang henerasyon na hindi natutulog ang kanilang mga ninuno, na ang mga aral ng nakaraan ay hindi natin ibinabaon sa limot. Ang pagbabalik-gunita natin sa nangyaring pagpaslang kay Ka Andres noong Mayo 10, 1897 ay isang mahalagang aral sa atin na hangga't may tunggalian ng uri sa lipunan, magpapatuloy ang mga ganitong pagpatay, pang-aapi at pagsasamantala ng mga naghaharing uri sa mga maliliit. Dapat talagang baguhin natin ang lipunan kung saan wala nang mga naghaharing uri't elitistang mapagsamantala sa maliliit. ”.

Ayon naman kay Greg Bituin Jr., ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)-NCRR, at kasapi ng history group na Kamalaysayan, "Pinapakita ng pagkapaslang kay Bonifacio ang tunggalian ng uri noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Bagamat parehong mga rebolusyonaryo na nagnanais ng pagpapalaya ng bayan mula sa kamay ng mananakop, magkakaiba pa rin sila ng kalagayan sa lipunan. Nangibabaw ang uring ilustrado sa uring anakpawis, tulad din ngayon na patuloy na nagsasamantala ang uring elitista laban sa mahihirap, ang uring kapitalista laban sa uring manggagawa, ang burgesya laban sa taumbayan, ang gobyernong kapitalista laban sa masa ng sambayanan. Panahon nang ilantad ang ganitong bulok na sistema upang mas madaling maunawaan ng masa na dapat silang mag-alsa laban sa bulok na sistemang patuloy na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao. Ituloy natin ang laban ni Bonifacio. Rebolusyon para sa pagbabago!"

Ipinahayag ng mga militanteng grupo na ang nasimulang paggunita ngayong Mayo 10 ay magiging taunang gawain para sa uring anakpawis na tulad din ng pagbibigay halaga ng paggunita sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio tuwing Nobyembre 30.



Miyerkules, Mayo 9, 2012

Militant Groups to Commemorate Bonifacio's 115th Death Anniversary


MEDIA ADVISORY
Mayo 9, 2012

Ika-115 Anibersaryo ng Kamatayan ni Gat Andres Bonifacio, 
Gugunitain ng mga Militanteng Grupo

SAAN: Mehan Garden, malapit sa Manila City Hall
KAILAN: Mayo 10, 2012, 10:30 am-12nn

Magsasagawa ng pagkilos sa Mehan Garden ang mga militanteng grupo bilang paggunita sa ika-115 anibersaryo ng kamatayan ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio. Kasamang pinaslang ang kanyang kapatid na si Procopio noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite.

Ang aktibidad na ito'y pangungunahan ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-NCRR), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Piglas-Kabataan (PK), Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), at iba pa. Mag-aalay ng bulaklak at magsasagawa ng reenactment ang mga militanteng grupo hinggil sa naganap na pagkapaslang kay Bonifacio at sa kapatid nitong si Procopio.

"Ginugunita natin ang kamatayan ni Rizal tuwing Disyembre 30 at Ninoy Aquino tuwing Agosto 21, pero bakit ang ginugunita natin ay ang kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio tuwing Nobyembre 30? Dahil nais itago ang isang kahindi-hindik na pangyayari sa kasaysayan, ang pagpaslang ng mga ilustrado sa itinuturing nilang hindi nila kauri, kay Bonifacio." Ito ang mariing sinabi ni Ka Leody de Guzman, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Dagdag pa niya, "Sa ngayon, patuloy pa ang pagpatay ng naghaharing uri sa mga maliliit, lalo na sa hindi nila kauri, ang mga manggagawa. Patuloy pa ang pananalanta ng salot na kontraktwalisasyon, patuloy ang pagtataboy sa mga maralita sa kanilang tirahan upang tayuan ng mga negosyo tulad ng SM, patuloy na nagtataasan ang mga bilihin, tubig, kuryente, tuition fee, langis, na ang nakikinabang lamang ay ang mga kapitalista, ang mga naghaharing uri sa lipunan."

Ayon kay Ojie Tan ng PMT, "Matagal nang itinago ng mga naghaharing uri ang pagkapaslang kay Bonifacio ng kapwa niya lider-rebolusyonaryo. Ayaw ng mga naghaharing uri na gunitain natin ito, dahil mamumulat ang mga Pilipino sa mga ginawa nilang katrayduran sa mga mahihirap nating kababayan. Takot ang burgesya na mamulat ang sambayanan sa tunggalian ng uring umiral at patuloy na umiiral sa lipunan. Ngunit kailangan natin itong gunitain upang hanguan ng aral at ipaalala sa mga susunod na henerasyon na ang nangyaring ito’y paglapastangan sa ating bayani at sa buong bayan."

Sinabi naman ni Allan dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR, "Ang paggunita sa kamatayan ni Bonifacio ay simula ng paggunita natin sa katrayduran ng mga naghaharing uri sa taumbayan. Ang nasimulang paggunitang ito tuwing Mayo 10 ay taun-taon na nating gagawin tulad ng taun-taon nating paggunita sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio tuwing Nobyembre 30. Ang pagbabalik-gunita natin sa naganap noong Mayo 10, 1897 ay pagpapaalala sa atin na hangga't may tunggalian ng uri sa lipunan, magpapatuloy ang mga ganitong pagpatay, pang-aapi at pagsasamantala ng mga naghaharing uri sa mga maliliit. Dapat baguhin natin ang lipunan kung saan wala nang mga elitista't naghaharing uring yuyurak sa ating dangal at pagkatao." 


MGA AKDANG HALAW SA KASAYSAYAN:

Narito ang mga sinulat ng mga bayaning sina Heneral Artemio Ricarte at Apolinario Mabini bilang katunayan ng naganap na pagpatay kay Gat Andres Bonifacio. 

“Si Koronel Bonzon ang bumaril ng rebolber kay G. Andres Bonifacio na ipinagkasugat nito sa kaliwang bisig. Dumaluhong din noon si Koronel Pawa kay G. Andres Bonifacio at ito'y sinaksak ng sundang sa gawing kanan ng liig. Nang anyong bibigyan ulit ng isa pang saksak si G. Bonifacio ay siyang pagdaluhong kay Pawa ni G. Alejandro Santiago na nagsabing: 'Ako ang patayin ninyo, huwag iyan!' Noon din ay inilagay si G. Andres Bonifacio sa isang duyan at dinalang bihag sa Indang.”

Iyan ang testimonya ni Heneral Artemio Ricarte sa sinapit ni Gat Andres Bonifacio. Matatagpuan iyan sa pahina 71 ng kanyang aklat na Himagsikan ng mga Pilipino Laban sa Kastila, na nalathala noong 1927 sa Yokohama, Japan.

May mga paratang laban sa pangkat nina Bonifacio na nasa nayon ng Limbon, sa Indang, Cavite nang panahong iyon. Dahil dito'y agad ipinadala ni Heneral Emilio Aguinaldo sina Koronel Agapito Bonzon at Jose Pawa, kasama ang kani-kanilang mga tauhan. Ayon sa ulat ni Ricarte: “Kinabukasan ng umaga, ang mga kawal ni G. Andres Bonifacio na noo'y nakabantay sa daan ng nayong Limbon, ay nilusob na't sukat ng pangkat ng nagsibalik doong mga Koronel Bonzon at Pawa at agad nilang napatay ang matandang kapatid ng Supremo na si G. Ciriaco Bonifacio, at pagkatapus ay hinandulong na nila ang mga kasamang kawal ng namatay, hanggang sa mangahuli at maalisan silang lahat ng sandata. Pagkarinig sa putukan, si G. A. Bonifacio at isa pang kapatid niyang si G. Procopio, saka ang mga kasamang G. Alejandro Santiago, G. Francisco Carreon, G. Apolonio Samson, G. Antonino Guevara at iba pa, ay nagsidalo sa pook na pinangyayarihan ng gulo; ngunit bahagya pa silang nakalalapit, ay sinagupa na sila nina Bonzon at Pawa.”

Dagdag pa ni Ricarte sa kanyang ulat: “Pagkabaril sa magkapatid na G. Andres Bonifacio at G. Procopio Bonifacio. - Nang ang Republika Pilipina ay nahihimpil na sa mga bundok na lalong masukal at tago sa pag-itan ng Maragundong at Look, pook na pinamamagatang Buntis, si G. Emilio Aguinaldo ay nagpasya na ng pagpapabaril sa dalawang magkapatid na nasabi na, upang lubusan nang mawala, marahil, ang sa boong tapang at lagablab ng pag-ibig sa bayang tinubuan, ay tinatag niya ang K. K. K. ng mga A. N. B. na siyang lumikha ng dakilang tungkuling sa gahasa'y inangkin niya (Aguinaldo). Inuna muna ang Procopio at pagkatapus ang Andres, na dahil sa kanyang mga sugat ay lupaypay na ang katawan, kaya't dinalang nakaduyan sa pook na pinagbarilan, isang oras muna sa kanyang kapatid, ng mga Koronel ding Bonzon at Pawa (“Koronel Lazaro Makapagal”), na gaya ng maalaala'y silang nagsilusob sa pangkat nina Bonifacio sa nayon ng Limbon, Indang. At sa ganitong paraan tinapus ang buhay niyaong bayaning humamak sa mga kapanganiban, at nagtatag ng K. K. K. ng mga Anak ng Bayan; niyaong taong nagturo sa bayang Pilipino ng tunay na landas, upang maibulid ang pangaalipin ng mga dayuhan; niyong, kailan ma't kausap ng kanyang mga kabig, ay lagi nang nilalabasan sa bibig ng mga ganitong pangungusap: “Pagsikapan ninyong huwag makagawi ng mga pagkakasalang makadudungis sa inyong mga pangalan.” “Matakot kayo sa Kasaysayan (Historia), na siyang di mapagkakailaan ng inyong mga kagagawan.”

Ayon kay G. Apolinario Mabini, sa Kabanata VIII ng kanyang aklat na Ang Himagsikan ng Bayang Pilipino: “Sa inasal na ito ni G. Emilio Aguinaldo, ang manunuligsang kasaysayan, ay di makakakita ng anomang katwirang sukat makapagtakip o makabawas man lamang sa kanyang sagutin. Si Andres Bonifacio ay di huli sa pinag-aralan sa sino man sa mga napahalal sa naturang pagpupulong, at tangi sa rito'y nagpakilala ng talino at lakas loob na di pangkaraniwan sa pagtatatag niya ng Katipunan. Ang lahat ng mga naghalal ay kaibigan ni G. Emilio Aguinaldo at ni G. Mariano Trias na noon ay nangagkakaisa, samantalang si Bonifacio ay tinitingnan nila ng may hinalang tingin, gayon nakapagpakilala na ng isang kaasalang malinis at pusong buo, at ito'y dahil lamang sa siya'y hindi tubo sa Kabite; ito ang sanhi ng kanyang pagdaramdam. Gayon pa man, ang pagdaramdam niya'y hindi ipinakita sa isang magahasang paraan ng pagsalungat, at ang katunayan, nang makita niyang walang sinomang nagmamalasakit sa ikapagkakasundo ng lahat, ay nagkasya na lamang siya sa pag-alis sa lalawigan tungong San Mateo na kasama ang kanyang mga kapatid. Kung pag-iisiping si G. Aguinaldo ang una-unang dapat managot sa di niya pagsunod at sa di pagkilala sa naturang pinuno ng Katipunan na kanya ring kinaaniban; kung pagbubulay-bulaying ang pagkakasundo ng lahat ay siyang tanging angkop na lunas sa mapanganib na kalagayan noon ng Panghihimagsik, ang dahil at layon ng pagpatay, ay di maikakait na bunga ng mga damdaming nakasisirang totoo ng puri sa Panghihimagsik; sa paano't paano man, ang gayong katampalasanan, ay siyang masabing unang tagumpay ng kasakiman ng isang tao laban sa tunay na pag-ibig sa bayan.”

Sa Kabanata X nama’y sinulat ni Mabini: “Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio ay nagpakilalang maliwanag na si G. Emilio Aguinaldo ay may isang walang habas na kasakiman sa kapangyarihan.” Aniya pa, “Sa buong sabi, ang Paghihimagsik ay nabigo pagkat nagkaroon ng masamang pamamatnugot; pagkat nakuha ng tagapamatnugot ang kanyang tungkulin, hindi sa pamamag-itan ng mga gawaing kapuri-puri, kungdi sa mga gawang kalait-lait; pagkat sa halip na tulungan niya ang mga taong lalong may magagawa sa bayan, dahil lamang sa paninibugho, ay lalo pang sinugpo niya. Sa pagkalango sa kadakilaan ng sarili, ay di na pinahalagahan ang mga tao nang ayon sa kanilang kakayahan, katibayang-loob at pag-ibig sa bayan. Dahil sa ganitong paghamak niya sa bayan, siya'y iniwan ng bayan naman; at sapagkat siya’y iniwan nito, wala na siyang hangganan kungdi ang pagkabulid na gaya ng nangyari sa isang pagkit na diyus-diyusan na nilusaw ng init ng kasawiang-palad. Harinangang tayo'y huwag makalimot sa kakila-kilabot na aral na iyang ating natutuhan sa likod ng mga di maulatang pagtitiis na yaon.”

Sabado, Abril 28, 2012

Polyeto sa Mayo Uno 2012


ANG MGA MARALITA'Y MANGGAGAWA RIN!
KAMALAYANG MAKAURI'Y PATALASIN!

Mga kapatid na maralita’t manggagawa sa komunidad, 

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno bawat taon. Kadalasan, hinihingi natin sa kapitalistang gobyerno ang pagkakaroon natin ng trabaho, pagbaba ng presyo ng pangunahing bilihin. Ngunit kadalasan din, hindi naman talaga pinagbibigyan ng pamahalaan ang kahilingan ng kanyang mamamayan. Ito'y dahil kapitalismo nga ang umiiral sa ating lipunan, at saklot nito ang buong bayan, kasama na ang pamahalaan ni PNoy. Kaya bakit hihingi tayo sa kapitalistang gobyerno, gayong kapitalismo nga ang kanilang pinaiiral, kapitalismong siyang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang mga batayang karapatan tulad ng pabahay at kalusugan ay naging negosyo na! Patuloy na nananalasa ang salot na kontraktwalisasyon kaya walang katiyakan sa trabaho at di maging regular ang ating mga manggagawa. 

Marami sa ating mga maralita ang mga walang trabaho at isang-kahig, isang-tuka ang ating pamilya. Patuloy tayong nakikibaka sa araw-araw upang mabuhay. Bilang maralita, tayo'y manggagawa rin. Wala man tayo sa mga pabrika, nabubuhay rin tayo sa pagbebenta ng ating lakas-paggawa. Wala tayong pag-aaring kasangkapan sa produksyon. 

Totoo, nagtataasan ang presyo ng mga bilihin, at upang makaangkop tayo dito'y dapat taasan din ang ating sinasahod, pamahalin ang ating itinitinda, taasan ang pamasahe. Ngunit ang mas mahalaga, huwag nang itaas ang presyo ng mga bilihin. Subalit hindi ito gagawin ng gobyernong nakasuso sa mga kapitalista para mabuhay. 

Kailangang maibsan ang ating mga nararanasang kahirapan, kaya dinudulog natin sa pamahalaan ang ating mga suliranin dahil sila ang namumuno sa ating bayan. Ngunit hindi sapat na humingi lang tayo sa kapitalistang gobyerno ng ikaaalwan ng ating kabuhayan. Hindi tayo dapat mamalimos sa kanya na tulad ng pulubi, kundi dapat nga ay palitan natin ang gobyernong ito ng totoong naglilingkod sa sambayanan.

Ang dapat nating gawin ay putulin na ang ganitong tanikala ng pagkaalipin. Patuloy nating pag-aralan ang lipunan! Kailangang makilala natin ang ating sarili bilang isang uri, dahil ito ang unang larangan ng labanan, ang palayain ang kaisipan ng manggagawa mula sa bansot na kaisipang isinubo ng kapitalistang sistema sa buong bayan, sa buong daigdig. Sa madaling salita, hindi lamang dapat magkasya ang manggagawa sa isyu ng pagtaas ng sahod, pagwawagi ng living wage, at pagiging maayos ng kondisyon sa pabrika bilang mga sahurang alipin. Higit sa lahat, tayo'y dapat maging mulat-sa-uri na may layuning durugin ang katunggali nating uri, ang uring kapitalista, elitista, burgesya. 

Kaya ang sustansya ng lagi nating isinisigaw na "Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya" ay kung mulat na tayo sa ating uring kinabibilangan – ang uring manggagawa. Ang makauring kamalayan ang ating armas sa pagbabago. Ito ang larangan natin tungo sa paglaya ng ating uri laban sa bulok na sistema.

Bilang mga mulat-sa-uri, ang dapat paghandaan natin ay ang pagtatayo ng isang lipunang ating ipapalit sa bulok at inuuod na sistemang kapitalismo, ang pagtatagumpay ng diktadurya ng uring manggagawa, hanggang sa maitayo ang ating nakatakdang lipunan, ang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, ang lipunang SOSYALISMO. Doon titiyakin natin na may pabahay para sa lahat, ang karapatan sa kalusugan at edukasyon ay tinatamasa ng lahat, ang katiyakan sa trabaho ay tiyak para sa lahat, dahil sa sosyalismo, papawiin natin ang pribadong pag-aaring siyang ugat ng ating kasalukuyang paghihirap. 

Wakasan ang salot na kapitalismo! Bawat hakbang natin patungong sosyalismo! 

BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP-NCRR)
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML-NCRR)
ZONE ONE TONDO ORGANIZATION (SM-ZOTO)
PIGLAS-KABATAAN (PK)
Mayo 1, 2012

Miyerkules, Abril 25, 2012

Pagkondena ng KPML-NCRR sa Karahasan sa Silverio

Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod
National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR)
Blk. 31, Lot 82-83, Maya-maya St., Brgy. NBBS, Navotas, MM Tel. 2859957

Press Statement
Ka Allan Dela Cruz
Pangulo, KPML-NCRR
Abril 24, 2012

KINOKONDENA NG KPML-NCRR ANG NANGYARING KARAHASAN AT PAGPASLANG SA NAGANAP NA DEMOLISYON SA SILVERIO!

Mahigpit naming kinokondena ang marahas na demolisyon sa aming mga kapatid na maralita sa Silverio Compound, sa Sucat, ParaƱaque na ikinamatay ng isang katao at ikinasugat ng humigit-kumulang apatnapung (40) katao. Sadyang kalunus-lunos ang nangyaring ito. Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-NCRR) ay taas-kamaong nagpupugay sa ginawang depensa ng mga kapatid naming maralita sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa pabahay at kinabukasan. Kinokondena namin ang marahas at brutal na demolisyon na naging sanhi ng pagkamatay ng isang maralitang 21 taong gulang at pagkasugat ng marami para depensahan ang kanilang tahanan, kabuhayan, kinabukasan, dangal at pagkatao.

Ilan pa ang dapat mamatay para magkaroon ng kasiguraduhan sa pabahay? Ilan pang demolisyon ang magaganap upang igalang ang karapatan ng bawat tao sa paninirahan? Ilan pang bato ang pauulanin ng maralita upang depensahan ang kanilang mga karapatang mabuhay?

Mahalaga ang negosasyon, bagamat sa negosasyon ay dehado lagi ang maralita kumpara sa mga may perang kayang bilhin kahit ang husgado at gobyerno. At ang gobyernong ito ni Noynoy Aquino ang pangunahing kakampi ng mga kapitalista para sa kanilang public and private partnership, na pag-unlad ng mga negosyo habang pinalalayas na parang mga daga ang mga maralita't itinataboy sa malalayong lugar ang mga dukhang nakapupuwing sa mata ng negosyo't ni Aquino. Walang awa sa mga mahihirap ang mga kapitalista't gobyerno. Patunay ang maraming naganap na demolisyon kung saan nakikipagbatuhan ang mga maralita upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan, dangal, pagkatao, buhay at kinabukasan.

Sa maraming mga naganap na demolisyon, sa Laperal sa Makati, sa Mariana at sa North Triangle sa Quezon City, sa 9 de Pebrero sa Mandaluyong, sa Corazon de Jesus sa San Juan, R10 sa Navotas, at ngayon sa Silverio sa ParaƱaque, nakipagbatuhan at nakibaka ang mga maralita upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Sinuman ang tanggalan ng tirahan ay tiyak na lalaban. Tanggalan kaya ng maralita ng bahay si Pangulong Aquino? Idemolis kaya nating maralita ang bahay ng mga nagdedemolis? Tiyak na maghahalo ang balat sa tinalupan! Dahil mahalaga sa atin ang bahay, ang ating tinitirhan, ang pahingahan ng pagal nating katawan, ang tahanan ng ating mga anak! Kung bato ang ating pandepensa para ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan, bakit hindi natin ito hahawakan at ibabato sa mga yumuyurak sa ating pagkatao!

Dapat magkaisa ang lahat ng maralita para labanan ang mga demolisyong patakaran ng kapitalista't gobyerno. Hindi mga hayop tayong mga maralita, tayo'y mga taong may dignidad. Taong may karapatang mabuhay, taong may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan, taong masisipag bagamat naghihirap, taong nagsisikap para sa kinabukasan ng ating mga anak. 

Dapat pag-aralan din ng maralita ang lipunang ating ginagalawan. Bakit nga ba kapitalismo ang sistema? At bakit sa ilalim ng kapitalismo, patuloy na naghihirap ang sambayanan? Simpleng kurapsyon lang ba ang problema na tulad ng elitistang pangulo? Bakit dapat mag-alsa ang mga maralita laban sa bulok na sistema ng lipunan? Bakit sa ilalim ng kapitalismo'y binabayaran ang bawat karapatan, tulad ng karapatan sa pabahay at karapatan sa kalusugan? May maaasahan ba tayong maralita sa mga tulad ng polisiya ni Aquino laban sa maralita, polisiyang kiling sa mga kapitalista kaysa mahihirap, patakarang para sa negosyo kaysa karapatang pantao?

Maralita, tapusin na natin ang panahon ng pananahimik at pagsasawalang-kibo. Panahon na upang magpasya tayo, di lang para sa ating sarili, kundi para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.

Mga kapatid na maralita, magkaisa laban sa karahasan sa ating hanay! Katarungan sa mga nasugatan at namatay sa demolisyon! Ipaglaban ang karapatan sa paninirahan!

Sabado, Marso 31, 2012

SANLAKAS Militantly Salutes HR Online


SANLAKAS MILITANTLY SALUTES HRONLINE FOR A VIRTUAL YEAR OF PROPAGATING DEMOCRACY WITH SOCIAL JUSTICE AND FOR DEFENDING OUR PEOPLE’S RIGHTS!

30 March 2012

SANLAKAS warmly extends a clench-fisted militant salute to HROnline on the occasion of your 1st Anniversary and for having raised and waved high the banner of progressive unity in the frontlines of mass struggle for one year now! We do so as a show of proud solidarity with HROnline’s dedicated and principled cadre of human rights defenders. We do so with respect just twelve months after HROnline successfully launched a new cyber-battlefront in defense of human rights in the Philippines and across the world. 

We fully recognize that HROnline has clearly proven itself to be an effective social-political platform that courageously propagates the broad progressive struggle for genuine social change. We can surely see this in the way HROnline has been able to act as a virtual campaigns contact-point which allows for a wide range of progressive organizations and individuals to come together in a concerted effort. In a sense, HROnline is also a ‘progressive forces projection-multiplier’ that can link up, magnify and re-echo the progressive mass movement’s agenda via the bourgeois-controlled mass media and to also develop alliances with other interested sectors and entities in the Philippine social-political arena. Thus, in recognition of this very important accomplishment, we in SANLAKAS wish to encourage HROnline to continue to develop this ground-breaking pathway and to even raise higher the potential level of coordination among various progressive forces.

In fact, HROnline’s just and honorable cause is not only shining a bright light on the many other progressive mass campaigns and struggles of today. It is also helping to serve the progressive mass movement with a critically vital component in relation to educating-organizing-mobilizing both the organized forces and the basic masses. Thus, HROnline helps to enhance and further develop the collective capacity of our general struggle in order to be able to one day overturn and change the ruling system, in unity with the broad working-class masses. Its ultimate outcome must be to favor the 99% social majority. 

Indeed, it can only be a revolutionary mass struggle that must and can win this fight for genuine systemic change. Its principled objective is to inevitably pave the way forward to socialism as an egalitarian social-economic system that does not exploit nor oppress other fellow human beings in society. Yet for now, we must first collectively and concretely advance a universal war to essentially liberate all of humanity from all forms of oppression and exploitation on the basis of general democratic reforms. This means carrying forward a democratic struggle for structural reforms and aimed at eventually destroying and crushing the main pillars of capitalist exploitation and oppression as the root cause of systemic mass poverty in present-day Philippine society. Nevertheless, this struggle must also be pursued on an international scale if it is to be victorious because capitalism is a globalized system and hence, its systemic replacement must also be of a global nature.

And so it is, that our joint forces are now truly engaged in a global war of liberation to uphold, to protect and to defend all human rights for all. Definitely, this necessitates the formation of mass resistance fronts in all countries of the world to combat the worldwide camp of hegemony, especially that one led by US imperialism and its reactionary puppet-states (i.e. the PNoy Regime in the Philippines). 

The economically and socially destructive domination and control of the international system by US imperialism today can be seen and felt in terms of the dangerous and deadly massive human rights violations worldwide. These outcomes are a direct result of the US imperialist-led neoliberal economic imposition and dictations, political maneuverings to ensure pro-US regime changes and ultimately, the subjugation of anti-imperialist states through wars of aggression. All of these are the basic elements of the US foreign policy framework aimed at absolutely securing puppet-agent states, market protection and expansion, sustained oil supplies and other strategic resources, and forward force projection through military bases, visiting forces-type agreements and other related defense arrangements. 

In order to systematically and institutionally attain its imperialist objectives, the US and its international agents will never hesitate to violate any and all the key provisions of the international bill of human rights. Ever since 1948, all Philippine governments have continuously violated and stepped on the principles and provisions of the Universal Declaration of Human Rights (UDHR), the International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), the International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), and the many other human rights-based instruments reflective of universal norms and values that uphold and protect the human rights of all the peoples of the world. This is clearly witnessed in the unabated number of HRVs, such as: warrantless arrests, torture, enforced disappearances, state-sponsored assassinations, and also unfair labor practices and non-compliance with accepted economic and social standards. 

So long as this globalized system of human rights violations continue on a massive scale all the genuinely sincere individuals and progressive and revolutionary Left forces shall have to continue on the fight for systemic change. And in this unjust environment, HROnline, SANLAKAS and all other organizations still active within the progressive mass movement will need to carry on our combined struggle until genuine social change is finally achieved for the social benefit and welfare of all.

Lastly, in total recognition of this, SANLAKAS confidently expresses its admiration for HROnline’s very good and highly positive work in strengthening and propagating our shared vision for a truly people-centered society premised on full democratic freedoms with social justice. And as we further encourage you to continue on with this noble fight, we now convey to our HROnline comrades that SANLAKAS shall also continue to firmly stand beside you and to resolutely march with you in our united struggles to build a truly free, democratic and socially just world order in the near future.

Miyerkules, Marso 14, 2012

Nagkakaisang pahayag at paninindigan kaugnay ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo!


Nagkakaisang pahayag at paninindigan kaugnay ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo!

Muli na namang sumirit noong nakaraang lingo ang presyo ng panghinaharap na kontrata (futures contract) ng crude oil sa pandaigdigang merkado. Umabot ito sa $120 bawat bariles (Dubai benchmark). Ito na ang pinakamataas na inabot mula ng sumambulat ang krisis sa presyo ng langis noong kalagitnaan ng taong 2008 kung saan umabot ito ng $145.

Sinasamantala ng mga ispekulador at mamumuhunan sa pandaigdigang merkado ang pagkakataong kumita ng mas malaki bunsod ng mga balitang maaring makaapekto sa supply at demand. Ginagamit nila ang problema ng bansang US, Greece at iba pang bansa sa Europa (baon sa utang at krisis pang-ekonomiya), ang patuloy na kaguluhan sa Syria (wala namang langis), sunog sa mga minahan langis sa Saudi Arabia (lumalabas hindi totoo) at ang nakaambang gera sa Iran (hindi pa nangyayari). Patuloy ang mga balita kaya’t patuloy nilang maitataas ang presyo ng kanilang produkto.

Ngunit hindi lang sila ang nagsasamantala. Ang mga lokal na kumpanya ng langis dito sa atin ay nag-uunahan sa pagtaas ng presyo. Para daw ireflect ang tama at totoong presyo ng mga produktong petrolyo batay sa presyo nito sa pandaigdigang pamilihan. Kahinahinala ito sapagkat ang tumataas na presyo ng crude oil ay futures contract. Ibig sabihin ay dalawang (2) buwan pa bago maideliver ang langis na ito kung ikaw ay bumili. At hindi rin nga natin alam kung lahat ng mga lokal na kumpaya ay bumili nito dahil lahat sila ay sabay-sabay na nagtataas.

Ang kanilang kasalukuyang presyo ay halos katumbas na ng presyo noong panahon 2008. Ngayon ay umaabot na sa 58.50 ang gasolina kumpara sa 59.46 noong Hunyo 2008. Ang diesel naman ay nasa 50.28 na kumpara sa 52.44 noong Hunyo 2008. Mas matindi ang LPG sapagkat nilampasan na nito ang P700 noong Hunyo 2008 na ngayon ay nasa P861 hanggang P1,000 ang bentahan. Halos $25 pa ang diperensya kada bariles noong pinakamataas ng 2008 pero di na naglalayo (at lumampas na sa kaso ng LPG) ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa. Ang piso naman ay higit na mas malakas ngayon sa palitang P42.40 kumpara sa P44.28 noong Hunyo 2008. Sa kabilang banda, noong bumulusok ang pandaigdigang presyo sa $30 kada bariles, di nangyaring bumaba ang presyo sa kahit P20 per litro. Ito ay maliwanag na overpricing at manipulasyon ng presyo para mas palakihin ang kanilang kita.

Ibig sabihin nito, na kapag umabot sa antas ng 2008 ang presyo ng langis ay aabot pa sa P70 ang gasolina, P60 ang diesel at P1,500 ang LPG. Hindi malayong mangyari ito. At mukhang lalampasan pa ang antas ng 2008 sa hitsura ng pandaigdigang pamilihan.

Walang nang pipigil dito dahil deregularisado ang industriya ng langis sa bansa. Ibig sabihin tanging ang mga kumpanya lang ang nagtatakda ng presyo. Walang pakialam sa epekto dahil ang tanging konsiderasyon ay hindi malugi. Di na naman kapanipaniwala ang pagkalugi dahil ang tatlong pinakamalalaking kumpanya o Big3 ng langis ay nanatiling ilan sa mga pinakamataas kumitang kumpanya taon- taon. Sa top 10, ang Petron ay pangalawa (2nd), ang Shell ay pangatlo (3rd) at ang Caltex ay panganim (6th). Bilyon bilyon ang kita nila taon taon at hindi na rin nalalayo ang mga tinatawag na small players.

Wala ring magagawa ang pamahalaan dahil nga deregularisado ang industriya. Ginawa siyang inutil ng deregulasyon ng industriya ng langis na siya rin mismo ang may akda. Tutal, para sa kanya, bilyon-bilyon din naman ang kita niya rito. Kapag nakapagbenta ang mga kumpanya ng P500 Bilyon, P60 Bilyon ang kita niya sa pamamagitan ng 12% Value-Added Tax sa mga produktong petrolyo. Marami silang mapaghahatian.

Para sa atin, patong patong na pasakit ang dala ng ganitong sitwasyon. Konektado sa presyo ng produktong petrolyo ang presyo ng iba pang produktong kailangan, hindi lamang ng mga namamasada kundi ng buong mamamayan. Kayat pag tumaas ang presyo ng produktong petrolyo, nagtataasan din ang presyo ng iba pang produkto at serbisyo. 

Ang Oil deregulation Law at ang VAT Law ay kambal na batas na nag ligalisa sa pang huhuthot ng mga kapitalista at Gobyerno sa perang pinagpaguran ng mamamaya. Itoý batas na bumubusog sa kasakiman sa tubo ng mga kapitalista ng langis at nagpapalaki sa pondong darambungin ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. 

Kailangan na ng pagkakaisa, Kailangan na nang samasamang pagtutol. Ang mapagpahirap na sistemang ito ang batayan upang pasiglahin ang kampanya kontra sa mataas at di-makatarungang presyo ng langis sa bansa at mas igiit ang pagsasagawa ng mga kongkretong hakbangin para resolbahin ang ganitong tuloy-tuloy na suliranin.

Batay sa maka-isangpanig na patakarang ito at sa epekto nito sa kabuhayan at karapatan ng masa ng sambayanan, kami sa hanay ng mga manggagawa sa industriya at Serbisyo ay nagkakaisa na ipanawagan at ipaglaban ang mga sumusunod na kahilingan; 

Ibaba ang presyo ng langis, 12% VAT sa produktong petrolyo alisin!

Kung tatanggalin ang VAT, P7 sa presyo ng gasolina, halos P6 sa krudo at di bababa sa P103 para sa LPG ang mababawas. Ang pagbabang ito ay dapat humila pababa sa presyo ng ibang batayang pangangailangan natin.

Itayo Oil Regulatory Commission, Oil Deregulation Ibasura!

Ang pagtatakda ng presyo ng mga produktong petrolyo ay lubhang nakakaapekto sa buhay ng mga mamamayan. Dapat ito ay dumadaan sa proseso ng pagpapatunay at pagaaral para tunay na makatarungan ang presyo. Ang prosesong ito ay dapat nalalahukan ng mamamayan at mga sector ng direktang apektado. Hindi dapat ito dinadaan lamang s aura-uradang paganunsyo at madalas ay “text” lamang.

Buy-back Petron, Energy Development Corp. (EDC), Isabansa! 

Kinakailangan ang masusing pagpaplano para sa Energy (kabilang ang oil) Development ng bansa lalo kung gusto talaga natin makaahon sa kahirapan. Kailangan dito ay ang instrumentong pag-aari at pinatatakbo ng gobyerno (para sa publiko at kanyang kapakanan, hindi para sa tubo) katulad ng EDC at Petron na maaring gamitin upang ipangtapat sa mga pribadong kumpanya. Sila ay dapat maging pangunahing kumpanya sa kanilang larangan katulad ng kasalukuyan nilang estado.


Signed;



TUPAS
KATIPUNAN
NATU
BMP
SUPER
MELF
PMT

Huwebes, Marso 8, 2012

Marso 8: Araw ng kababaihan, Araw ng paglaya!


Marso 8: Araw ng kababaihan, Araw ng paglaya!
ni Teody Navea

Ang halaga ng araw ng Marso 8 ay singhalaga ng araw ng Mayo Uno sa hanay ng kababaihan. Matagal nang panahon na di nakakaalpas ang sektor ng kababaihan sa patuloy nitong dinaranas na kaapihan at pagsasamantala. Mangyaring gawin nating krusada ang araw na ito upang imulat ang malawak na bilang ng kababaihan sa tunay na diwa ng okasyong ito di lamang sa ating bansa kundi maging sa buong daigdig.

Ang sektor ng kababaihan sa Pilipinas ay masahol pa ang kalagayan, dahil bukod sa ito’y nabibilang sa mahihirap na bansa ay patuloy pang kinukunsinti ng isang sistemang imbes kakandili sa kanyang interes ay lalo pang nagsasadlak sa kanya sa matinding kaapihan at kahirapan. Patong-patong na dagan ang kanyang dinadala resulta ng samu’t saring isyu’t problema dulot ng kabulukan ng sistemang kapital kung saan ang sektor ng kababaihan ay niyuyurakan ang karapatan at hindi naipagkakaloob ang tunay na interes at kagalingan nito.

Sa gitna ng matinding krisis na kinakaharap ng bansa, ang sektor ng kababaihan ay lalo pang nalulugmok sa kahirapan at kaapihan. Kung kaya’t ang marapat na papel ng sektor ng kababaihan ay patuloy na isulong nito ang kanyang laban upang tuluyang mapawi na ang tunay na ugat ng pagsasamantala. Isang lipunang mangangalaga sa kanyang mga karapatan at kagalingan maging ang mga pangkabuuang serbisyo at proteksiyon bilang sektor ng kababaihan.

Kung gusto nating maunawaan ang mga mahahalagang isyung kinakaharap ng sektor ng kababaihan, ating ilalatag ang mga puntong kailangan nating ipanawagan upang maisakongkreto ang mga kahilingan nito.

Una, ang mga kababaihan ay marapat mapagkalooban ng disente at marangal na trabaho.

Dumarami ang mga kababaihan sa puwersa sa paggawa dahil sa ”flexibilization of labor”. Malaganap ang kontraktwalisasyon kung saan ang sektor ng kababaihan ang siyang napupuruhan. Nagagamit ng mga kapitalista upang lalo pang pagsamantalahan ang kanilang hanay.

Ikalawa, ang mga kababaihan ay patuloy ang dinaranas na kawalang proteksyon at panlipunang serbisyo.

Ang ating bansa ay nahuhuli kung usaping proteksyon ng kababaihan ang pag-uusapan. Ang marapat na pagpapasa ng isang panukalang batas para sa kanyang mga karapatan at kagalingan ay nauunsiyami. Mahigit isang dekada na ang RH Bill sa kongreso ngunit ito’y hindi maipasa hanggang sa kasalukuyan.

Ikatlo, pasan-pasan ng mga kababaihan ang hagupit ng patuloy na pagtaas ng mga batayang bayarin at bilihin.

Ang unang natatamaan sa walang humpay na pagtataas ng presyo ng langis at bilihin ay ang mga kababaihan kung saan sila ang namomroblema sa gastusin sa pang-araw araw. Sila ang pangunahing nagbabadyet at kung papaano nila pagkakasyahin ang maliit na kinikita ng kani-kanilang mga asawa.

Ikaapat, patuloy nilang nararanasan ang samu’t saring diskriminasyon sa iba’t ibang aspeto ng kanilang pamumuhay.

Sa pag-eempleyo, karaniwan nang hindi pantay ang pagtrato sa mga kababaihang manggagawa. Sila ay hindi nabibigyan ng pantay na serbisyo at maging ang mga patakarang umiiral sa mga lugar na kanilang pinagtatrabahuhan ay di umaayon sa kanilang katayuan bilang sektor ng kababaihan. Malaganap pa rin ang kaisipang umiiral sa isang sistema kung saan binibigyang diin ang kapangyarihan ng kalalakihan o sistemang “patriarchal”. Mababa ang pagtingin sa kababaihan at mas pinapahalagahan ang papel ng kalalakihan sa lipunan. Sila ay itinuturing na mga “sex object” o commodity sa ilalim ng lipunang kapitalismo.

Ikalima, karaniwang ang nagiging bunton sa mga dumarating na krisis ay ang sektor ng kababaihan kung saan hindi sila ligtas sa mga pang-aabuso at karahasan.

Ayon sa ilang mga pananaliksik at pag-aaral, marami sa mga kababaihan ang dumaranas ng karahasan sa kanilang mga tahanan bunsod ng epekto ng krisis kung saan ang kanilang mga asa-asawa na nagiging aburido, bugnutin at sila ang napagbubuntunan. Maraming naitatalang mga kababaihang dumaranas ng pambubugbog ng asawa at iba pang samu’t saring porma ng karahasan.

Sa paggunita ng Marso 8, ating balik tanawin ang mga kadahilanan kung bakit natin ipinagdiriwang ito sa kasalukuyan. Sa araw na ito binigyan ng pagkilala ang karapatan ng mga kababaihan kung saan ang karapatan nilang bomoto ay patunay ng pagiging pantay nito sa karapatan ng mga kalalakihan. Ngunit hindi rito nagtatapos ang laban ng kababaihan. Ang tunay na diwa ng emansipasyon sa kababaihan ay di natin makakamit hangga’t ang ating lipunan ay nakapailalim sa bulok na sistemang kapitalismo. Kailangan nating lumaya upang mailatag at maipundar ang isang lipunang sosyalismo kung saan ang adyenda ng sektor ng kababaihan ay nasa unahan.

Mabuhay ang kababaihan! Mabuhay ang uring manggagawa!

* Ang may-akda ang ikalawang pangulo ng sosyalistang organisasyong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)