Huwebes, Abril 14, 2016

Suportahan ang Laban at Agenda ng mga Magsasaka sa Sariaya!

SUPORTAHAN ANG LABAN AT AGENDA NG MGA MAGSASAKA NG SARIAYA!
Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad

Ang mga kapatid nating magsasaka sa Sariaya, Quezon ay naglalakad ngayon patungong ka-Maynilaan upang iparating sa taumbayan at mga pulitiko ang kahilingan na isama sa agenda ng Eleksyon 2016 ang pagpapatupad ng makabuluhang batas sa repormang agraryo, proteksyon sa agrikultura, kasiguruhan sa pagkain, at ganap na pagbawi ng coco levy fund.

"Bayaning di kilala". 'Yan ang madalas na tawag sa magsasaka. Nakalulungkot pero ito'y pagdakilang palipad-hangin lamang. Sapagkat makalipas ng limang presidente at 30 taon nang mag-EDSA People Power, wala pa ring dignidad ang buhay ng mga magsasaka: marami pa ring walang lupa, walang suportang serbisyo at walang proteksyon sa gitna ng nagbabagong klima. Patuloy silang biktima ng pandarahas; ipinapakulong o pinapatay kapag lumalaban para sa karapatan sa pagkain at lupa. Madalas na magsasaka rin ang biktima ng sistematikong pagnanakaw sa kabang-yaman ng bansa: noon ay ang coco levy na ninakaw sa mga magniniyog at pinakinabangan ng mga crony ni Marcos sa pangunguna ni Danding Cojuangco; ngayon naman ay Bilyong Piso na nawaldas sa Fertilizer Scam, Pork Barrel Scam, Gintong Masaganang Ani (GMA) at iba pa.

Nabaon sa kumunoy ang repormang agraryo. Napako ang pangakong lupa sa ilalim ng Tuwid na Daan. Hindi umusad ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) at wala pang 20% ng 1 milyong ektaryang target ng CARPER ang naipamahagi.

Kahit ang naibigay na lupa ay binabawi pa. Ang malungkot pa, ang mga lupaing dati nang naipamahagi ay unti-unti ring binabawi at pinapawalang bisa. Sa bayan ng Sariaya, may kabuuang 4,800 ektaryang naipamahagi sa 3,781 pamilyang magsasaka ang napipintong mawala sa mapa dahil sa pagkansela ng mga Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) at Emancipation Patents (EPs). Ang pagbawi ng CLOAs/EPs ay nag-uugat sa Application for Exemption ng mga dating may-ari ng lupa na patuloy na pinapaboran ng gobyerno kahit matagal nang naipagkaloob sa magsasaka ang mga CLOA. May tatlong kaso na ng pagbawi ang naganap na nakaapekto sa halos 100 magsasaka at 200 ektaryang sakahan. Mayroon namang isang kaso na nakabimbin sa Korte Suprema na nakaapekto sa 255 na magsasaka at 416 ektarya ng sakahan. Marami pang kaso ng kanselasyon ng CLOA ang nasa Korte.

Panganib sa seguridad sa pagkain. Kaiba sa maraming lugar, naabot na sana ng Sariaya ang mataas na antas ng kaseguruhan sa pagkain nang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Kung dati ay mga share tenants lamang na tumatanggap ng tersyo ng ani, nagkaroon ng iba't ibang kita ang mga magsasaka mula sa niyog, gulayan, paghahayupan at iba pa dahil nailipat sa kanila ang pagmamay-ari at pagpapasya kung paano gagamitin ang lupa. Ito ang nagbigay daan sa pagtaas ng kita at pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka. Sa ngayon ay isa nang "food basket" ang Sariaya na isa sa pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng Kalakhang Maynila at iba pang panig ng Luzon. Kung isasama pati livestock, higit 100,000 toneladang pagkain at higit sa 1 Bilyong Piso ang halaga ng nalilikhang pagkain ng magsasaka sa Sariaya sa bawat taon. Ang antas ng seguridad ng bayan ng Sariaya sa bigas at gulay ay 225% habang sa livestock naman ay 115%. Wala itong magiging kakulangan sa pagkain sa susunod na 15 taon habang patuloy na nag-aambag sa pagkain ng iba pang bahagi ng Luzon. Nanganganib maglaho ang mga ito.

Ibabalik muli sa kahirapan ang magsasaka. Ang tagumpay ng mga magsasaka na pag-ahon mula sa kahirapan ay mababalewala dahil babawiin sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa. Muli silang babalik sa kahirapan sapagkat mawawalan sila ng sakahan at kabuhayan. Wala ring malinaw na alternatibo ang pamahalaan sa pagbawi ng CLOA at lupa sa magsasaka, maliban sa "disturbance compensation" na sa naunang mga kaso ay P7,000 lamang kada ektarya.

Lalala ang kawalan ng kasiguruhan sa pagkain. Tila wala namang pakialam ang pamahalaan sa patuloy na kakulangan ng pagkain ng bansa dahil sa patuloy ang kabi-kabilang kumbersyon ng mga lupaing agrikultural na nagpapaliit sa taniman ng pagkain sa bansa. Ito ay sa kabila ng matinding krisis na dulot ng climate change sa agrikultura kagaya ng nararanasan sa Mindanao. Food shortage, pagsandig sa importasyon at pagtaas ng presyo ng mga pagkain ang idudulot nito.

Karahasan ang tunguhin ng kanselasyon ng CLOA. Ang kanselasyon ng CLOA ay magtutulak sa puwersahang pagpapalayas sa mga magsasaka. Ang mga pagpapalayas na ito ay tiyak na tututulan ng mga magsasaka dahil sa ito ay direktang pagyurak sa karapatan sa pagkain at karapatang mabuhay.

Sa gitna ng ganitong banta sa kasiguruhan sa pagkain, kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan, hinahamon ng mga magsasaka:

- Ang mga kandidato sa Panguluhan upang magpahayag ng malinaw na plataporma / programa kaugnay sa repormang agraryo, kasiguruhan sa pagkain ng bansa, at pagbawi at paggamit ng coco levy fund;

- Ang Korte Suprema na itigil / kanselahin ang mga desisyong nagkakansela ng CLOA dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay, kabuhayan at kasiguruhan sa pagkain ng magsasaka at ng bansa.

Ang mga nabanggit na suliranin ng mga magsasaka, hindi lamang sa Sariaya, Quezon, maging ang iba pang pagdurusa ng masang Pilipino, gaya ng kontraktwalisasyon, mababang pasahod, mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, korapsyon, mataas na buwis, human rights violation, climate change, krimen at marami pang iba, ay nakakawing sa kawalan ng pinakamahalagang sangkap ng ganap na demokrasya sa bansa; una, ang kawalan ng representasyon ng mga marginalized sector, gaya ng mga magsasaka, sa pamahalaan; ikalawa ay ang kawalan ng tuwirang partisipasyon at aksyon ng mga marginalized sector sa mga programa at patakaran ng gobyerno.

Tuwing mag-eeleksyon, maririnig natin sa mga kandidato ang mga paulit-ulit na pangakong mag-aahon sa atin sa kahirapan. Nabansot ang papel natin bilang tagaboto lamang kung sino ang susunod na magpapasasa sa kabang-yaman ng gobyerno. Sa kalakhan, wala naman talaga tayong pagpipilian kundi ang mga pare-parehong political dynasty; mula sa lolo hanggang sa mga apo na nagrerelyebo sa pwesto.

Ngayong Eleksyon 2016, sa ilalim ng plataporma ng SANLAKAS Party List at pitong kakampi ng masa sa Senado (Walden Bello, Neri Colmenares, Dado Valeroso, Lorna Kapunan, Toots Ople, Levi Baligod, Allan Montano), simulan nating ipundar ang pagkakaisa at lakas nating mga api't mahihirap sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga SANLAKAS Chapter sa ating mga Barangay. Ang kombinasyon ng ating mga kinatawan sa Kongreso't Senado at ang ating pagkaka-organisa sa mga Barangay ang moog ng pampulitikang pwersa na magsusulong ng ganap na demokrasya at reporma para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon, ang ating mga anak at apo:

#37 SANLAKAS Party List
Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog
Abril 14, 2016

Martes, Abril 12, 2016

Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad

REPORMANG AGRARYO AT KASIGURUHAN SA PAGKAIN, NASAAN ANG INYONG AGENDA?
Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad

Paumanhin po sa kaunting abala. Mga magsasaka po kami mula sa Sariaya, lalawigan ng Quezon. Naglalakad kami patungong ka-Maynilaan, kasama ang aming mga kaalyado para iparating sa taumbayan ang aming kahilingan na isama sa agenda ng Eleksyon 2016 ang pagpapatupad ng makabuluhang batas sa repormang agraryo, proteksyon sa agrikultura, kasiguruhan sa pagkain, at ganap na pagbawi ng coco levy fund.

"Bayaning di kilala". 'Yan ang madalas na tawag sa magsasaka. Kung wala daw kasi ang mga magsasaka, walang kakainin ang bansa. Nakalulungkot pero ito'y pagdakilang palipad-hangin lamang. Paano nga po, makalipas ng limang presidente at 30 taon matapos ang EDSA People Power, wala pa ring buhay na may dignidad ang mga magsasaka: marami pa ring walang lupa, walang suportang serbisyo at walang proteksyon sa gitna ng nagbabagong klima. Patuloy din kaming biktima ng pandarahas na ipinapakulong o pinapatay kapag lumalaban para sa karapatan sa pagkain o sa lupa. Madalas na magsasaka rin ang biktima ng sistematikong pagnanakaw sa kabang-yaman: noon ay ang coco levy fund na ninakaw sa mga magniniyog at pinakinabangan ng mga crony ni Marcos sa pangunguna ni Danding Cojuangco; ngayon naman ay bilyon-bilyong nawaldas sa Fertilizer Scam, Pork Barrel Scam, Gintong Masaganang Ani (GMA) at iba pa.

Nabaon sa kumunoy ang repormang agraryo. Napako ang pangakong lupa sa ilalim ng Tuwid na Daan. Hindi umusad ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) at wala pang 20% ng 1 milyong ektaryang target ng CARPER ang naipamahagi sa higit 5 taon ng PNoy Administration. Noong nakaraang taon (2015), 30,000 lamang sa target na 205,000 ang naiulat na naipamahagi. Ito ang dahilan kung bakit maraming lupain ang hindi naipamahagi at maraming magsasaka ang patuloy na walang lupa. Ipinagwalang bahala rin ang kahalagahan ng suportang serbisyo kung kaya't ang mga naipamahaging lupa ay nawala rin sa mga magsasaka at nakontrol ng iilang ariendador, kagaya nang nangyari sa Hacienda Luisita.

Kahit ang naibigay na lupa ay binabawi pa. Ang malungkot pa, ang mga lupaing dati nang naipamahagi ay unti-unti ring binabawi at pinapawalang bisa sa kasalukuyan. Partikular sa bayan ng Sariaya, may kabuuang 4,800 ektaryang naipamahagi sa 3,781 pamilyang magsasaka ang napipintong mawala sa mapa dahil sa pagkansela ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) at Emancipation Patents (EPs). Ang pagbawi ng CLOAs/EPs ay nag-uugat sa Application for Exemption ng mga dating may-ari ng lupa na patuloy na nabibigyang daan kahit matagal na sa magsasaka ang mga CLOA. May 3 kaso na ng pagbawi ang naganap na nakaapekto sa halos 100 magsasaka at 200 ektaryang sakahan. Mayroon namang isang kaso na nakabimbin sa Korte Suprema na nakaapekto sa 255 na magsasaka at 416 ektarya ng sakahan. Marami pang kaso ng kanselasyon ng CLOA sa iba't ibang antas ng pagdinig.

Panganib sa seguridad sa pagkain. Kaiba sa maraming lugar, naabot na sana ng Sariaya ang mataas na antas ng kaseguruhan sa pagkain nang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Kung dati ay mga share tenants lamang na tumatanggap ng tersyo ng ani, nagkaroon ng iba't ibang kita ang mga magsasaka mula sa niyog, gulayan, hayupan, at iba pa dahil nailipat sa kanila ang pagmamay-ari at pagtatakda kung paano gagamitin ang lupa. Ito ang nagbigay daan sa pagtaas ng kita at pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka. Sa ngayon ay isa nang "food basket" ang Sariaya na isa sa pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng Kalakhang Maynila at iba pang panig ng Luzon. Sa ibaba ay makikita ang ambag ng Sariaya sa seguridad sa pagkain ng bansa ayon sa tala ng lokal na pamahalaan:

Kung isasama pati livestock, higit 100,000 toneladang pagkain at higit sa 1 Bilyong Piso ang halaga ng nalilikhang pagkain ng magsasaka sa Sariaya sa bawat taon. Ang antas ng seguridad ng bayan ng Sariaya sa bigas at gulay ay 225% habang sa livestock naman ay 115%. Wala itong magiging kakulangan sa pagkain sa susunod na 15 taon habang patuloy na nag-aambag sa pagkain ng iba pang bahagi ng Luzon. Ito ngayon ang nakatakdang mawala sa pagkansela ng mga CLOA ng mga magsasaka.

Ibabalik muli sa kahirapan ang magsasaka. Ang tagumpay ng mga magsasaka na pag-ahon mula sa kahirapan ay mababalewala dahil mawawala sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa. Muli silang babalik sa kahirapan sapagkat mawawalan sila ng sakahan at kabuhayan. Wala ring malinaw na alternatibo ang pamahalaan sa pagbawi ng CLOA at lupa sa magsasaka, maliban sa "disturbance compensation" na sa naunang mga kaso ay P7,000 lamang kada ektarya.

Lalala ang kawalan ng kasiguruhan sa pagkain. Tila wala namang pakialam ang pamahalaan sa patuloy na kakulangan ng pagkain ng bansa dahil sa patuloy ang kabi-kabilang kumbersyon ng mga lupang agrikultural na nagpapaliit sa taniman ng pagkain sa bansa. Ito ay sa kabila ng matinding krisis na dulot ng climate change sa agrikultura kagaya ng nararanasan sa Mindanao. Pabibilisin ng CLOA cancellation ang pagkaubos ng lupaing agrikultural dahil sa pag-convert ng lupa sa residensyal, komersyal, industriyal at iba pang gamit. Dahil dito, lalong aasa ang bansa sa pag-angkat ng pagkain mula sa ibang bansa. Hindi rin malayong mas madalas ang pagkakaroon ng food shortage na lalong maglalagay sa panganib at magpapataas ng presyo ng pagkain sa bansa.

Karahasan ang tunguhin ng kanselasyon ng CLOA. Ang kanselasyon ng CLOA ay magtutulak sa puwersahang pagpapaalis sa mga magsasaka. Ang mga pagpapaalis na ito ay tiyak namang tututulan ng mga magsasaka dahil sa ito ay direktang pagyurak sa karapatan sa pagkain at karapatang mabuhay.

Sa gitna ng ganitong banta sa kasiguruhan sa pagkain, kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan, hinahamon ng mga magsasaka:
- Ang mga kandidato sa panguluhan upang maglabas ng malinaw na plataporma / programa kaugnay sa repormang agraryo, kasiguruhan sa pagkain ng bansa, at pagbawi at paggamit ng coco levy fund;
- Ang Korte Suprema na itigil ang mga desisyong nagkakansela ng CLOA dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay, kabuhayan at kasiguruhan sa pagkain ng magsasaka at ng bansa.

Ugnayan ng mga Magsasaka ng Gitnang Quezon (UGNAYAN)
Kilusan para sa Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan (KATARUNGAN)
Abril 12, 2016

Linggo, Abril 3, 2016

KAISA's statement on the violent dispersal of the Kidapawan farmers

KAISA ng Magsasaka: ‪#‎BigasHindiBala‬!

KAISA expresses solidarity with the farmers of Kidapawan in light of the disastrous drought that pushed so many of them to hunger and desperation. Since April of last year, the Philippines has been experiencing one of the strongest and longest periods of extreme heat, which affects those sectors who rely directly on stable weather conditions for their livelihood and sustenance.

While a state of emergency has been raised, which meant that appropriate funds were released to respond to the situation, the local and national government have failed in responding to the needs of indigent farmers for food supply, alternative sources of income, and other means of social security. One farmer has even committed suicide because of the dire conditions he and his family have had to face.

These real and disturbing conditions caused 5,000 Kidapawan farmers to organize and stage a barricade to highlight their struggle, especially as the incumbent government's presidentiable - who repeatedly expressed that agriculture will be one of his priorities - was about to visit the province. And yet, in order to save face, the peaceful barricade turned into bloodshed when gunshots were fired at the farmers, killing three and injuring more than a hundred participants.

We condemn in the highest sense the acts of state-enforced violence aimed at curtailing those who highlight the failure of the local and national government to provide assistance to the victims of El Nino. We demand those who were responsible for the government inefficiency and for the succeeding murderous acts of harassment to come out and face accountability.
We further demand that the government undertake actions to ensure that indigent farmers can cope with the adverse effects of climate change.

These include:
1. The maximization of gains from land reform.
2. The provision of support for farmers in acquiring technology, adapting to climate change and provision of subsidies to help farmers increase their productivity and source of livelihood.
3. The shift away from neoliberal policies which fail to protect the agriculture sector, especially small-scale farmers, against competition from countries with more stable weather conditions and advanced industry.
4. The shift towards an ecologically-just, climate-responsive policies on energy, land use, food security, extraction and water resources.

Individuals and groups, especially from the University of the People, must stop dividing the student body and the rest of society, when together, we can help assert the demands of the countryside, here in our campus and the cities. No excuses can justify the act of terror the Kidapawan police has brought to the farmers. It is not a question of who helped the farmers organize and voice their concerns, nor is it a question of what means they used out of desperate need. It is a question of whether the needs of the many want to be and will be addressed by the few.

We call for justice in this tragic act of state terrorism. And we call for a united student body in asserting the demands of farmers and the masses in continued solidarity with the oppressed.

#BigasHindiBala!
Condemn state terrorism!
Solidarity, support and justice for the Kidapawan farmers!

* KAISA - Nagkakaisang Iskolar para sa Pamantasan at Sambayanan

Sabado, Abril 2, 2016

Si Teodoro Asedillo bilang Bayani ng Sariling Wika

SI TEODORO ASEDILLO BILANG BAYANI NG SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo.

Dapat ituring na bayani ng wikang pambansa ang rebolusyonaryong guro na si Teodoro Asedillo. Ayon sa kasaysayan, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Noong elementarya ako'y naranasan ko rin ang ganito sa aming paaralan, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika, at may parusa ang magsasalita ng sariling wika, gayong mahigit na kalahating siglo na yaong nakararaan sa panahon ni Asedillo. Matutunghayan natin ang eksenang ito sa unang bahagi ng pelikulang Asedillo na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. na ibinase sa kanyang buhay.

Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. 

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. 

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal.

Naging masalimuot ang buhay ni Asedillo mula noon. Hinirang siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon, ngunit nabiktima ng pang-iintirga at natanggal bilang hepe.

Nang maitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929, sumapi rito si Asedillo nang nagkatrabaho na siya bilang magsasaka sa taniman ng kape. Hanggang siya'y atasaan ng pamunuan ng KAP na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo, hanggang sa ang mga manggagawa rito ay nagwelga. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya ngunit nakatakas siya patungong Laguna, ang kanyang probinsya. 

Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.

Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas.

Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.

Noong Disyembre 31, 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Marahas na wakas ang nangyari kay Teodoro Asedillo, guro at tagapagtanggol ng sariling wika. Ngunit ang halimbawa niya bilang tagapagtanggol ng sariling wika, una pa kay Manuel Quezon, ay hindi dapat mabaon sa limot. Dapat siyang itaguyod sa panahong ito na dinedelubyo ng globalisasyon ang edukasyon at K-12 upang huwag nang pag-aralan ng sambayanang Pilipino ang sariling wika, at matuto na lang ng wikang dayuhan upang maging alipin sa ibang bansa.

Noong kanyang panahon ay wala pang idinedeklarang wikang pambansa, ngunit ang pagtataguyod niya ng sariling wikang nakagisnan niya ay malaking bagay na upang kilalanin siyang tagapagtanggol ng sariling wika at hindi ng wika ng dayo.

Dapat itaguyod ang simulan ni Teodoro Asedillo, hindi lamang ang kanyang paninindigan noong siya'y kasapi ng KAP, kundi higit sa lahat, bilang tagapagtanggol ng sariling wika.

Dapat siyang kilalanin at gawan ng bantayog bilang ganap na pagkilala sa kanya at ituring siyang bayaning nakibaka laban sa mga dayuhan at bayaning nanindigan para sa sariling wika. Halina't tayo'y magkaisa upang bigyang parangal si Asedillo bilang una pa kay Quezon sa pagtataguyod ng sariling wika.

Mabuhay si Teodoro Asedillo, rebolusyonaryo, tagapagtanggol at bayani ng sariling wika!

Martes, Marso 8, 2016

Group ORIANG Launched at Plaza Moriones in Tondo



Sanlakas, this International Women's Day, stands in solidarity with the women of the world, especially Fililipinas, in asserting their rights and freedoms towards a more socially just and progressive society.

ORIANG was formed today in a march by some 1,000 women in Plaza Moriones in Tondo, with the theme: “Kalayaan para sa Kababaihan! Pitong Laban ng Kababaihan”. Oriang is a grassroots movement led by women leaders of SANLAKAS, Partido Lakas ng Masa (PLM). Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), KALAYAAN, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Koalisyon Pabahay sa Pilipinas (KPP), Makabayan-Pilipinas, and, Aniban ng mga Manggagawa sa Agrikultura (AMA).

The name “Oriang” was derived from the nickname of Gregoria de Jesus, founder and vice-president of the women’s chapter of the Katipunan. Widow to Supremo Gat Andres Bonifacio and later wife to patriot Julio Nakpil, Ka Oryang went beyond the confines of domestic labor to devote her life to free the country from foreign oppressors.

The organizers said, “Ka Oryang symbolized the struggle of plebian women for a better and more egalitarian society, not just for their own families”.

At the march, ORIANG raised seven urgent women’s issues that need to be addressed in the coming elections. Among them: lack of employment and dignfied income; discrimination and unequal treatment in all spheres of society; non-recognition to the rights of women as part of basic human rights including reproductive rights; continuing incidences of rape, violence, and sexual harassment including from their husbands and other family members; the effects of environmental and ecological destruction and its effect on women and their families; the lack of social services for education, healthcare, housing, etc.; and the prevailing disregard to the vital role of women to social progress and social change. The issues form part of the SANLAKAS partylist 7-point pro-people platform.
#‎37Sanlakas‬ Partylist: T'yak Kakampi Ng Kababaihan Laban sa Diskriminasyon at Karahasan!

Miyerkules, Pebrero 24, 2016

Panawagan ng Welfareville People's Assembly

TAPUSIN ANG MAHIGIT APAT NA DEKADANG LABAN PARA SA KATIYAKAN AT PERMANENTENG TIRAHAN

Ang kasaysayan ng Welfareville Compound, tulad ng iba pang maralitang komunidad sa bansa, ay hindi simpleng kwento ng buhay at paninirahan. Ito ay kasaysayan ng mahaba at liku-likong landas ng pakikibaka ng mamamayan tungo sa permanente at disenteng tahanan. Patunay din ito ng elitistang karakter ng ating pamahalaan at hungkag na mga batas. Balik-aralan po natin ang mga ito habang tinutunton ang kasaysayan ng Welfareville.

I: KASAYSAYAN NG WELFAREVILLE

Mula sa isang tiwangwang na lupain matapos ng mga Kano, nagsulputan lamang ang mga naninirahan dito nang isailalim ni dating Unang Ginang Imelda Marcos ang lugar na ito sa programang Human Settlement. Karamihan sa mga unang nairahan dito ay mga nasunugan mula sa San Juan at mga nademolis sa iba't ibang panig ng Kamaynilaan. Taong 1968 nang ipalabas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Republic Act 5260 na naglalayong ibenta ang lupang Welfareville sa pamamagitan ng public bidding; ang mapapagbentahan ay ilalaan sa mga children's homes at government institutions.

Ang batas na ito ang nagbigay-daan sa mga kapitalista na pag-interesan ang Welfareville. Sumikad lamang ng husto ang kalakarang ito noong panahon ni dating Cory Aquino nang maaprubahan ang Republic Act 7279, mas kilala bilang Lina Law o UDHA (Urban Development and Housing Act). Layon naman ng batas na ito na gawing kaaya-aya ang lupang gobyerno sa pangkomersyo at pang-industriyal na gawain. Ang malungkot sa RA 7279, ang lupang ilalaan sa socialized housing, na dapat munang dumaan sa inventory, ay ang kawalan ng boses o partisipasyon ng mga naninirahan sa mga plano at desisyon. At kailangan muna ng public bidding, dehado kaagad ang mga maralita. Di gaya ng RA 5260, mas pambansa ang sakop ng RA 7279. Higit sa lahat ay lalo lamang magbibigay daan ito sa pribatisasyon ng lupang gobyerno na siya namang nagpalala sa alot na demolisyon at ebiksyon ng masang maralita sa bansa.

Nagkaroon lamang ng batas partikular sa Welfareville nang opalabas ni dating Pangulong Ramos ang Executive Order 156 noong 1994. Layon ng batas na ito ang pagbubuo ng Inter-Agency Executive Committee na siyang mangangasiwa sa pagbebenta ng lupang Welfareville. Binubuo ang komiteng ito ng mga ahensya ng gobyerno. Sabihin pa na hindi na naman kasali ang masang taga-Welfareville. Gayunpaman, nagbigay daan ang batas na ito sa pagkakabuo ng Welfareville Master Development Plan at HUDCC.

Nagpatuloy itong ganitong kalakaran hanggang sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nagpalabas naman ng Executive Order 47 (Oktubre 2001) na nag-aatas sa Welfareville Inter-Agency Executive Committee na pabilisin ang implementasyon ng Welfareville Development Plan sa anyo ng usufract at pagbibigay-kapangyarihan sa lokal na pamahalaan upang pangunahing mangasiwa sa aktwal na impelemtasyon ng Welfareville Development Plan. At upang makasabay, binuo ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong ang Welfareville Commission. Subalit makalipas lamang ang isang buwan ay binawi rin ito ni GMA nang ipalabas niya ang Executive Order 72 (Pebrero 2002) na naglalayon namang buwagin ang mga ahensyang nasa ilalim ng Office of the President na hindi gumagana o tapos na sa inaatas na tungkulin (fulfilled mandates). Sa kasawiang palad, kasama ang Welfareville Inter-Agency Executive Committee sa mga nabuwag. Taong 1997 naman nang pinalabas ang RA 9397, na mas kilala bilang Abalos Law. Layon nito na huwag nang dumaan sa public bidding kung ang bibili ng lupang gobyerno ay ang mismong naninirahan. Mas pag-amyenda sa UDHA at Lina Law ang batas na ito. Hindi partikular sa Welfareville.

II. PAKIKIBAKA NG MARALITA

Kaalinsabay ng pag-inog ng mga batas kaugnay ng paninirahan ay ang pakikibaka ng masang maralita sa bansa. Pinangunahan ito ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) noong kasagsagan ng martial law. Sinundan naman ito ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong panahon ni Cory. Partikular dito sa Mandaluyong ay sumikad ng husto ang pakikibaka ng maralitang lungsod noong nabuo ang Urban Poor Council of Mandaluyong (UPCM) na siyang nagtulak ng Urban Poor Affairs Office (UPAO) sa pamumuno ni Ka Pedring Fadrigon. Ang grupo ring ito, kasama ang POWER, ang nagluwal ng Koalisyon ng mga Samahang Maralita sa Welfareville Property (KSMWP) upang makasabay sa EO 47 ni GMA noong 2001. Hindi pa talaga ito para sa pagkakamit ng katiyakan sa paninirahan at permanenteng tahanan kundi para magkaroon ng bubong na masisilungan. Dahil ang batas ni GMA ay ang usufract na pinapahiram lamang sa LGU ang lupa.

III. REHIMENG NOYNOY

Sa ilalim naman ng kasalukuyang rehimen, may panukalang batas na pinagtibay sa Kongreso. Ito ang House Bill 4349 ni Neptali "Boyet" Gonzales II, na "declaring certain portions of the Welfareville Property located in Mandaluyong City open for disposition to bona fide residents without public bidding, repealing for the purpose RA No. 5260". Mas mainam kaysa naunang mga batas, direkta nitong inaatasan ang pamahalaan na prayoridad na ibenta sa mga taga-welfareville ang lupang kinatitirikan ng kanilang tahanan na hindi na dadaan sa public bidding. Walang patong na buwis ang halaga ng lupa, direct negotiated sale ang paraan ng bentahan. Ibig sabihin, maaaring tumawad sa presyo ng lupa at paraan ng pagbabayad ng mga naninirahan ayon sa kanilang kakayahan. Partikular kung sinu-sino ang benepisyaryo (mga survey noong 2003), gobyerno at organisasyong masa ang direktang mag-uusap. Panghuli, mas napapanahon ang panukalang ito base sa kasalukuyang latag o kalagayan ng bahayan dito sa Welfareville.

IV. ATING HAKBANG PARA SA KATIYAKAN SA PANINIRAHAN

Base sa naging kasaysayan ng paninirahan dito sa Welfareville mula rehimeng Marcos hanggang sa kasalukuyan ay malinaw na walang ibang pinakamainam na batas na pwedeng gamiting behikulo ng mga taga-Welfareville upang makamit ang matagal nang inaasam na kasiguruhan sa paninirahan kundi ang House Bill 4349. Dahil malaki ang ating pagkakataon na makapasok ng sarili nating mga proposal, tulad ng presyo ng lupa at paraan ng pagbabayad. Kaya't ang pinakamabisang hakbang ay isulong natin ito sa Senado para maaprubahan bilang batas.

Magiging bahagi ng hakbang na ito ang puspusang ikampanya ang House Bill 4349 sa mga taga-Welfareville, na sa aktwal ay maglulunsad ng mga talakayan sa mga nakatayong samahan dito sa welfareville. Kasunod ang paglulunsad ng malalaking pulong (general assembly) para sa kaalaman ng lahat ng mamamayan. Sa ipaglalaban, sundan naman ito ng signature campaign kung saan kakalapin natin ang pinakamaraming bilang ng mga botante dito sa Welfareville upang suhayan ang ating proposal hanggang sa malaking pagkilos sa Kongreso upang tuluyang maisabatas ang House Bill 4349.

Mga kapatid na maralita dito sa Welfareville, nasa atin ngayon ang pagkakataon upang matupad ang matagal na nating inaasam na katiyakan sa paninirahan. Subalit hindi natin ito makakamit kung hindi tayo magkakaisa sa iisang linya ng pagkilos, sa iisang hakbangin.

Kaya sa ngalan ng Welfareville People's Assembly (WPA), Inc., kami ay nananawagan na kalimutan muna ang pagkakaiba sa organisasyon. Muli ay magkaisa tayo at sama-samang isulong ang House Bill 4349. Tandaan nating walang ibang magsusulong ng ating katiyakan sa paninirahan kundi tayo lamang na mga maralita ng Welfareville. Maraming beses na nating nagawa ito at gawin natin itong muli upang tapusin na ang mahigit apat na dekada nating paghihintay para sa katiyakan sa paninirahan.

Lunes, Mayo 4, 2015

Ric Reyes: My Resignation from Akbayan

Here's Ric Reyes' letter to PLM explaining his resignation from Akbayan:
Ric Reyes: My Resignation from Akbayan


Please see below Ka Ric's explanation for his resignation from Akbayan (see attachment).

==================

Dear All,

This is to inform you that I resigned as Akbayan member during its recently held 6th Regular Congress after it voted to continue the party's alliance with the Aquino administration and its coalition with the Liberal Party.

I cannot defend, much less comply, with a policy to ally with an administration and ruling party whose aggressive neo-liberal and pro-US directions and designs have ran roughshod over the interests of the working class, the peasantry and the fishers and have forsaken the nation's and the people's sovereignty.

Many comrades advised me to remain in as much as the Aquino administration has only 13 months to go before it steps down from power. But I said those 13 months are forever - like a flowing stream that carries the mud of previous years and will pile up more before it reaches its destination.

I look forward to continue working with comrades and start working with new ones to strengthen the movement for socialism and participatory democracy, including comrades in Akbayan as individuals.

Attached is the speech I prepared for a debate on the alliance issue and also for my resignation in the event that the Akbayan Congress voted in favor of the alliance policy.

Mabuhay!

PAHAYAG NI KASAMANG RIC REYES 
SA IKA-6 NA REGULAR NA KONGRESO NG PARTIDO AKBAYAN
CLOUD 9, ANTIPOLO CITY, ABRIL 23-25


25 Abril 2015

Mga kasama,

Anim na taon ang nakakaraan, sa lugar ding ito, tumayo ako para tutulan ang panukala na magbuo ng pormal at mataas na alyansa sa Partido Liberal at suportahan ang kandidatura ni Senador Mar Roxas. Liban sa akin at sa mga kasamang kinatawan ng Alliance of Progressive Labor (APL) halos lahat ay sumang-ayon. Sa bisa ng desisyong ito, sinuportahan ng ating partido ang kandidatura ni Senador Noynoy Aquino nang siya ang ipinalit ng Partido Liberal kay Senador Roxas.

Tumutol ako dahil ang Partido Liberal at si G. Roxas ay tagapagtaguyod noon pa ng neoliberal na direksyon ng ekonomya at pamamahala . Ang direksyong neoliberal ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ay instrumento para patayin ng mga monopolyong global at lokal ang ating kakayahang lumikha ng trabaho at kabuhayan, magreporma sa lupa at payabungin ang agrikultura, at proteksyunan ang ating likas na yaman para sa ating mamamayan, kabilang ang mga katububo . Lalo lamang mabubulid sa kahirapan ang mayorya ng ating mamamayan at makokonsentra ang yaman at kapangyarihan sa iilang pamilya at mga monopolyong dayuhan at lokal.

Dito ako nagdumiin dahil sa ipinapakita ng ating karanasan bilang isang bayan. Ang demokrasya at kahirapan ay hindi pwedeng magsama. Ang bayang mayorya ay mahirap ay hindi kailanman magiging demokratiko. Ang pangarap ng ating Partido na mabali ang pulitikang elitista, trapo at padron ay mangyayari lamang kung ang ating mamamayan ay makakaahon sa kahirapan para maging independyente, mulat at aral na botante at walang kinatatakutang Pilato at Herodes sa bawat sulok ng ating bayan. Ang kahirapan ay hindi lang kasalatan sa pangangailangan sa buhay kundi ang kawalan ng kapangyarihan bunga ng makauring pagsasamantala at kaapihan.

Ang islogan ni G. Aquino nang palitan niya si G. Roxas: Kung walang corrupt, walang mahirap, ay hindi kapani-paniwala. Baligtad pa ang mas malapit sa katotohanan: kung walang mahirap, mahirap maging corrupt. Gayunman, ang panawagang ito ay naging kaakit-akit di lamang sa maraming kababayan kundi sa marami ring progresibo hindi lamang dahil kailangang tapusin na ang labis na corruption ng nakaraang administrasyon. Ang isang tapat at tuluy-tuloy na anti-corruption drive ay maaaring tumibag sa malalaking dinastiya na magbibigay ng ispasyo para sa mga progresibong pwersa at magpapalaya sa malaking pera ng gubyerno para sa mga batayang pangangailangan ng mamamayan.

Kaaakyat pa lamang sa Malacanang ng bagong presidente, malinaw na sa kanyang hirang na Gabinete at direksyon ng pamamahala na ang direksyong neoliberal ay mananatili. Pero dahil sa malalaki niyang hakbang para ipakulong si dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, pababain sa pagiging Ombudsman si Gutierrez at tanggalin sa pamamagitan ng impeachment si Chief Justice Corona, natakpan sa media ang araw-araw na kaganapan sa ating mga tahanan at komunidad – ang palalang kahirapan, kawalan ng trabaho, namamatay na kabuhayan, ang mas mabigat na dobleng pasanin ng ating kababaihan, ang malaking bilang ng di makapag-aral, ang di-makayanang gastos sa ospital, sa koryente at tubig at pamasahe, ang mga demolisyon, at ang walang tigil na paglisan sa ating bayan ng ating manggagawa para sa trabaho abroad.

Umasa ang maraming kababayan pati ang ating Partido na ang kampanya ng Presidente laban sa corruption ay magtutuluy-tuloy at ang problema n gating ekonomya ay unti-unting mahaharap. Kung kayat matapos ang unang tatlong taon ni G. Aquino sa Malacanang, sumisikat pa ang araw para sa kanya bagamat may namumumuong masamang panahon sa di-kalayuan.

Nasa ibabaw na natin ngayon ang maiitim na ulap. Ang pangako ng kanyang kampanya kontra corruption ay tumigil sa pintuan ng kanyang mga kasangga at kaalyado sa gubyerno. Ang prosecution at pagkulong sa tatlong senador at ang paglalantad at pagkakaso sa salang corruption laban sa pamilyang Binay ay makabuluhang hakbang sa paglilinis ng gubyerno. Subalit sa masugid na depensa ni G. Aquino sa isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP), sa pagkunsinti sa iba’ibang paikot ng mga kongresista at senador sa pag-ilegalisa sa PDAF at sa pagprotekta sa kanyang mga kakamping sangkot sa pork barrel scam naging double-standard ang kanyang kampanya laban sa corruption.

Kasabay nito ang mas mapaminsalang pangyayari. Ang sa umpisa’y “business as usual" na pagdadala ng neoliberal na direksyon ay naging agresibo nang pagtutulak nito na lalong nagpalala sa kahirapan at katayuan ng ating mga manggagawa, magbubukid, mangingisda, katutubo at kababaihan.

Ang adyenda ng ating Partido sa paggawa, agraryo at pagsasaka, pangisdaan at soberanyang bayan ay sinagasaan ng administrasyong ito.

Ang laban natin para sa full employment ay winalang bahala. Walang malinaw na industrial policy para buhayin ang ating mga industriya at baliin ang nakabaong monopolyo ng mga dayuhang korporasyon at mga kabit nitong lokal na monopolyo. Ito ang bara sa pagyabong ng mga maliliit at katamtamang mga negosyo at bara rin sa pagpasok ng mga dayuhang puhunan na makakatulong sa ating ekonomya.

Sa ating pagtataguyod sa karapatan ng paggawa, ang sagot ni G. Aquino ay pagmamatigas laban sa Security of Tenure Bill. Hindi natin makakalimutan ang pag-akusa ni G. Aquino ng economic sabotage sa mga unyonista ng PAL, ang PALEA. Masakit sa dibdib ang pagkatuwa niya sa nakaraang SONA na kakaunti na lang ang nagwewelga. At makahumindig-galit ang pangarap niyang zero strike sa SONA ding yaon. G. Aquino, alam ng buong bayan pati ang mga kapitalista na kaya kaunti at napakahirap magwelga ngayon ay hindi dahil maligaya sila sa kanilang sahod, benepisyo at iba pang karapatan, kundi dahil nilulumpo ang mga unyon ng contractualization at ang kapangyarihan ng gubyerno na mag-assume ng jurisdiction at mag-compulsory arbitration tuwing may labor dispute.

Lahat ng ito ay pinahayag ng APL at SENTRO sa Kongresong ito. Dagdag pa nila, ang mga manggagawa ay walang nakuha sa kanilang mga hiling ng makatwirang taas ng sahod, substantial tax breaks para sa sumasahod nang minimum, pagbaba ng bayad sa koryente, transportasyon at iba pang serbisyo, at determinadong pagbibigay hustisya sa mga biktimang unyonista at aktibista ng extra-judicial killings, at ang FOI bill.

Winaldas ni G. Aquino at kanyang administrasyon ang nalalabing pagkakataon at panahon na ipatupad ang CARPER. Natapos ito na ayon mismo sa DAR, 60 porsyento ng target nitong pamamahagi ng lupa sa magbubukid ay hindi pa nagagawa, kabilang ang hindi pa nabibigyan ng Notice of Coverage (NOC) matapos ang 25 taon. Ito ang sabi lang ng DAR. Paano na ang may 1 milyong ektaryang nabura sa target nang walang malinaw at kapani-paniwalang paliwanag? Ngayon pa lamang, sa Audit na sinisimulan ng Save Agrarian Reform Coalition (SARA) , naglilitawan na ang mga anomalya sa CLOA sa ilalim ng CARP bago pa mag-CARPER.

Ang CARPER ay sunog na sinaing na. Tutong sa ilalim, hilaw sa ibabaw at ang makukuha mo na lamang ay pakutsa-kutsarang luto. Kailangang magsaing nang bago. Para magawa ito, kailangang pawalang bisa o rebisahin ang maraming batas na sumasakal sa repormang agraryo tulad ng kapangyarihan ng LGU sa land classification, pagbali ng mga monopolyo sa agrikultura at pagbasura sa liberalisasyon na nagpasok sa atin sa WTO.

Ang lalong masakit, isa na namang salin ng mga batang magbubukid at batang aktibista ang magsasakripisyo para sa isang pagbabago na binuhusan na ng pawis, talino at dugo ng ilang henerasyon at naiukit na sa ating Konstitusyon.

Dineklara ng ating Partido na agrikultura ang susi sa pambansang pag-unlad: agriculture-led development. Salamat kay G. Aquino at kanyang administrasyon, ang ating agrikultura at ang ating magbubukid ay nahaharap sa mas matinding disaster sa mga papasok na taon. Pinayagan ng gubyerno na tapusin na ang quantitive restriction (QR) o pagkontrol sa importasyon ng bigas. Libre nang bumaha ang murang bigas mula Thailand at Vietnam. Wasak ang kabuhayan ng ating milyong magpapalay.

Salamat din kay G. Aquino, ang kanyang bagong EO sa coco levy ay salungat sa hinihingi ng mga maliliit na magninyog na lumaban nang ilang dekada at naglunsad ng milya-milyang martsa nang ilang beses. Ang nabawing mga coco oil mills at mga kaugnay na pag-aari ay isasapribado. Takam na takam na ang mga pinuno ng gubyerno sa mga bilyon ni Manny Pangilinan. Sa halip na gawing perpetual fund ang P71 billion coco levy, ito ay hinayaan na sa disposisyon ng PCA kung saan maimpluwensya si Danding Cojuangco at mga monopolista sa niyog. Ang kahilingan ng magninyog na Farmers Trust Fund para panghawakan ang nakumpiskang coco levy money sa halip na PCA ay nakasalang sa Kongreso kung saan may malaking tipak ng mga kongresista si Danding at mga monopolista sa niyog at walang determinadong pagtutulak ng Malacanang para rito.

Salamat uli kay G. Aquino at kanyang administrasyon, ang pinirmahan niyang Sugarcane Industry Development Act ng 2015 ay magbibigay daan sa lalong pagsakal ng mga monopolista sa asukal sa maliliit na saka sa tubo sa ilalim ng iskemang “ block farming “. Bagong panabotahe na naman ito sa laban para lansagin ang mga asyenda at gawing demokratiko ang kontrol sa lupa at kapital sa ating mga tubuhan.

Ang alarmang matagal nang itinaas ng mga maliliit na mangingisda tungkol sa mabilis na pagkaubos ng ating pangisdaan dahil sa open access sa karagatan na binigay sa malalaking komersyal na pangingisda ng mga kapitalistang korporasyon at kawalan ng plano at regulasyon ng gubyerno ay hindi pinapakinggan ng gubyerno.

Ang mahirap, marahas at dikdikang labanan ng mga manggagawa sa mararalitang komunidad ay nagtamo ng ilang tagumpay sa ilalim ng administrasyong ito. Nais kong kilalanin sa puntong ito ang ambag ng pumanaw na Kalihim Jesse Robredo at NAPC sa ilalim ng ating Joel Rocamora. Gayunman, di ko maikaila sa aking sarili na ang tagumpay na ito ay hindi permanente. Hindi matibay ang angkla ng patakarang on site at in city sa urban settlement program ng gubyerno at maliit ang pondong nakalaan para rito.

Tuluy-tuloy pa rin at paparami ang coal mining sa maraming lugar sa bansa, laluna sa Kabisayaan, sa ilalim ng kutsabahan ng ADB at ng gubyerno. Nakakasira ito sa klima, nakatarak ito sa puso ng mga lupang ninuno ng mga katutubo at nakakapinsala ito sa kalusugan ng mga komunidad na nakatira sa paligid.

Totoong nag-ambag si G. Aquino sa malawak at malakas na kampanya ng kilusang kababaihan at mga progresibo na nagtagumpay ipasa ang Reproductive Health Act. Ang mga hakbanging nilalaman ng batas na ito, bagamat limitado pa rin, ay patungo sa ganap na pagkilala ng karapatan ng kababaihan sa kanilang katawan. Paro tulad ng alam natin sa nangyayari sa mga karapatan, ito ay madaling maging patay na letra hanggat ang karamihan ng ating kababaihan mula sa manggagawa, magbubukid, mangingisda at katutubo ay nananatiling mahirap at kapos sa kapangyarihan sa pulitika.

Tinupad ni Aquino nang higit pa sa ninais ng kanyang ina na si Corazon Aquino na panatilihin ang base militar ng US sa Pilipinas. Ngayon, sa ilalim ng Enhanced Defense Coorperation Agreement (EDCA), makapagtatayo muli ng mga base at instalasyong militar ang mga Amerikano AT SA MISMONG sa mga kampo at instalasyong militar ng Pilipinas bukod sa iba pang pribilehiyong binigay sa mga tropang Amerikano sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Nakakagimbal ang kataksilang ito. Tahasang binaligtad nito ang tagumpay ng mahigit kalahating siglo ng makabayang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para palayasin ang mga base militar ng US sa ating bayan.

Mga kasama, hindi lang ito simpleng patakarang panlabas o patakarang panlabas na militar. Ang sinangla dito ay ang ating pambansang soberanya, ang ating karapatang ugitin ang ating sariling direksyon sa pagpapaunlad ng sarili at pakikipag-relasyon sa ibang bansa.

Lalong pagkokonsolida ito ng sakal ng dayuhan sa atin na kahit may pagluluwag ng mga nakaraang dekada ay nasa sentrong parametro pa rin ng Imperyong Amerikano. Kinomit ng EDCA ni Aquino ang Pilipinas bilang lunsaran o staging post ng gyera ng US laban sa tinatawag nitong terorismo na nakatuon sa mga kaaway nito sa Islamic at Arab world at sa geo-political na paligsahan nito sa Tsina. Mas maaga pa, tinanggap ni Aquino ang asaynment ni Presidente Obama na maging liaison ng US ang Pilipinas sa ASEAN. Nakakahiya!

Bulls-eye ang winika ni Senadora Santiago: wala kang makikitang isang bansa na labis labis na namanipula ng isa pang bansa tulad ng Pilipinas. Minsan pa, pinako ng isa pang Presidente ng Pilipinas ang ating bayan sa pinakamalaking kasawian nito sa kasaysayan – ang hindi pagkakaroon ng tunay na pagkakataon liban sa panahon ng Rebolusyong Pilipino at Digmang Pilipino-Amerikano, na umugit ng ating kinabukasan, lalo na para sa nakararaming mamamayan, bilang malayang bansa.

Mga kasama, hinding hindi ko matatanggap na sa kabila ng pananagasa ni Aquino at ng kanyang administrasyon sa adyenda ng ating Partido sa paggawa, agraryo at agrikultura, pangisdaan, at soberanyang bayan, ay magpapatuloy pa tayo ng alyansa sa kanila at koalisyon sa Partido Liberal. Hindi ko matatanggap na dapat itong gawin ng isang partido ng mapanlahok na demokrasya at sosyalismo.

Saksi ang mga naunang nagtayo ng ating Partido at mga kasaping nanatili at nagpursigi sa ating hanay sa kabila ng ating mga ups and downs na sinikap kong maging mabuting myembro, maging ako ma’y nasa mayorya o minorya. Naniniwala ako na ang praxis ng pagiging mabuting mayorya at mabuting minorya ay isang haligi ng pagtatayo ng demokratikong institusyon.

Batid ng mga kasama na kahit salungat ako sa desisyon ng ating 2009 Kongreso na makipag-alyansa sa Partido Liberal, kinilala ko ito. Katunayan, sa tulak ng lokal na oposisyon sa aking bayan ng Pasig, tumakbo ako kahit agaran para pamunuan ang labang elektoral kontra sa dinastiya sa amin sa ilalim ng koalisyon ng ating partido, LP, Partido ng Masang Pilipino, Sanlakas, Partido Lakas ng Masa at Magdalo.

Kahit kontra pa rin ako sa patakarang koalisyong ito, kinilala ko pa rin ang desisyon ng 2012 Kongreso ng ating partido.

Tinindigan ko rin ang ating partido sa ilang beses na pagkalas ng ilang mga grupo ng mga taong malalapit sa akin at sinikap kong angkupan at gamutin ang mapapait na bunga nito.

Hindi ninyo rin ako naringgan na aalis kung ang pusisyong tinindigan ko ay hindi mapagtitibay.

Sa pagkakataong ito, napakalalaki ng mga nakasalang na tumitinag at tumitibag sa mga pundamental kong paniniwala at sa aking tingin ay mga pundamental na paninidigan ng partido Akbayan nang ito ay itatag.

Hindi ko kayang ipagtanggol sa ating mamamayan, sa aking sarili at sa aking kahapon – ang alaala ng mga naunang nakibaka sa atin, at lalong hindi ko kayang ipatupad ang boto ng ating Kongreso ngayon na ipagpatuloy ang alyansa kay Aquino at sa Partido Liberal.

Dahil dito, tanggapin ninyo ang pormal kong pagbibitiw bilang kasapi ng Partido Akbayan.

Mahal ko kayong lahat at maraming maraming salamat sa inyong lahat sa ating mga ginintuang panahon ng pagsubok, pangangarap, iyakan at katuwaan.

Ricardo B. Reyes