Sabado, Abril 16, 2016

Kalbaryo pa rin ng magsasaka sa Coco Levy, ayon kay Ka Oca

Information is the foundation of good governance.

KALBARYO PA RIN!

Marami pa rin ang mga katanungan tungkol sa Coco Levy, partikular kung ano raw ba ang nangyari sa usaping ito. Mga katanungang galing sa bayan-bayan at sa mga barangay.

Matagal na panahon ang naging kalbaryo ng mga magniniyog. Sa kabila ng patuloy na pagmamalasakit ng ilang mga farmer leaders, magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nadadama ang katanungang dapat ay kaytagal nang nakamtan ng mga magniniyog.

MAIKLING KASAYSAYAN

Matatandaan na noong 1972-1983, panahon ng diktadurya ay ipinataw ang Coco Levy sa mga magniniyog. Malaking halaga ang binawas sa presyo ng kanilang kopra. Di lang sila makapagreklamo nang lantaran noon pagkat Martial Law.

Nagkaroon ng halalan para sa Batasan noong 1984. Kahit walang pondo at madalas ay naglalakad lang, ako ay nahalal. Ang bilin sa Quezon ay siyasatin ko ang puno at dulo ng Coco Levy. At iyon sana ay maibalik at mapakinabangan na ng mga magniniyog. Kabubukas pa lang ng Batasan noong 1984 ay inihain ko agad ang Resolution No. 6. na ang layunin ay ang nasabing bilin ng aking mga kababayan. Bagamat may kaba (kainitan ng Martial Law noon), pinagsikapan kong tayuan at itaguyod iyon sa floor ng Kongreso. Ngunit iilang mga kongresista ang sumuporta.

Napatalsik ang diktador noong 1986. Naupo si Pangulong Cory. Binuwag ang Batasan at nagkaroon ng halalan noong 1987. Nahalal ako at muling ini-file ko ang Resolution No. 6. Tatlong beses ko tinayuan sa floor ito upang maipasa, ngunit kulang pa rin ang naging suporta ng mga kasamahan kong kinatawan.

Natapos ang administrasyon ni Pangulong Cory noong 1992. Itinatag namin ang COIR. Noon ko nakasama si Joey Faustino na siyang naging Executive Director at nagpatakbo ng COIR hanggang ngayon. Masipag at consistent. At mahahalaga sa mga magniniyog ang kanyang ginampanan.

Magkano kaya iyong kabuuan ng pondong levy na kinaltas at naipagkait sa mga magniniyog? Magkano kaya ang balor, kung kayang baloran, ang mga pagkakataong naipagkait sa kanila at kanilang mga mahal sa buhay - sanhi ng ipinataw na levy.

Nakisangkot ang COIR sa mga adbokasya upang itaguyod ang interes ng mga magniniyog at nang sa wakas sana'y makamtan na nila ang katarungan na mahigit na 40 taon na ipinagkait sa kanila.

DI DAPAT MALIMUTAN NA: Ang Coco Levy ay ipinataw sa mga magniniyog noong Martial Law.
- Noong mga panahong iyon, ang presyo ng kopra na binabayad sa mga magniniyog ay kinaltasan ng average Php60 kada 100 kilo.
- Iyon daw ay ipinataw upang makalikom ng capital para sa mga magniniyog ("for the benefit of the coconut farmers"). Ngunit ang magandang layuning iyon ay di nangyari. Ang pndo ay napagsamantalahan.
- Pinatunayan ng Philippine Coconut Authority na ang mga magniniyog ay naninirahang marginalized o nagdarahop sa may 21,000 coconut barangay sa bansa.
- Kinumpirma naman ng National Anti-Poverty Commission na ang mga magniniyog ay "the poorest of the poor and the most socially insecure sector of society."
- May ilang nagmamalasakit na NGOs at farmer leaders na patuloy na nananawagan sa radyo, TV, sa mga diyaryo at public meeting na mabawi ang pondong levy upang magamit na nang wasto at sana'y umangat na ang pamumuhay ng mga magniniyog.
- Ang adbokasyang ito ay nangyari noong panahon ng Martial Law at patuloy pang itinaguyod noong administrasyon ni Pangulong Cory, Ramos, Erap, Gloria, P-Noy at magpahanggang ngayon.
- Bumilis-bilis ang mga pangyayari nitong panunungkulan ni P-Noy, sa tulong ng CBCP-NASSA na pinamunuan ni Bishop Pabillo at Executive Director Fr. Edu at mga kaparian.
- Noong 2012 ay naisagawa iyong unang "lakad" mula Lucena City hanggang Supreme Court premises. Doon kami nanawagan na wakasan na sana ng hukuman ang levy cases na kaytagal nang nabibinbin sa kanila.
- Noong ding December 12, naimbitahan kami at ilang farmer leaders sa Senado sa isang public hearing on the levy. Naisiwalat ng mga farmer leaders ang hinaing ng mga magniniyog.
- Di nagtagal at noon ding December 2012, ay ibinaba na ng Supreme Court ang desisyon na ang 24% San Miguel shares valued at Php70B plus "belong to all the coconut farmers".
- Dahil sa wala pang tinatawag na entry of judgement doon sa 2012 Supreme Court decision, napilitang magsagawa muli ng "lakad magniniyog" noong 2014. May 71 sila na naglakad mula Davao hanggang Maynila noong September hanggang November 2014. Napilitang imbitahan ng Malacañang ang mga lider magniniyog sa isang dayalogo noong November 26, 2014 kung saan ito ang naging commitment ni P-Noy:
"Malinaw naman po siguro, buong-buo ang aming suporta. Nasa panig ninyo kami. Magkatugma ang mga hangarin ninyo, at ang hangarin ng gobyerno sa inyo." (Excerpts from P-Noy's speech at the start of the November 26 dialogue sa Malacañang.)
- On March 18, 2015, apat na buwan matapos ang nasabing dayalogo, ibinaba na ng Malacañang ang Executive Orders 179 at 180, na naglalayon ng "partial distribution" ng pondong levy.
- Noong September 21, 2015, ang Kilos Magniniyog ay nag-camp out sa tapat ng tanggapan ng PCA. Iginiit nila ang hinihiling na fulfillment ng mga commitment ni P-Noy doon sa Malacañang dialogue.
- On October 6, 2015, pinirmahan ni P-Noy ang certification na urgent ang panukalang batas na Coconut Trust Fund Bill.

MAY PANAHON PA. Naipasa na ng House ang kanilang version ng Coco Trust Fund Bill. Malungkot pagkat di naman naipasa ng Senado ang kanilang version. Inabot na ng adjournment. KUNG sinikap sana ng Senado bago sila nag-adjourn na maipasa ang kanilang version at KUNG naaprobahan iyong makatarungang bill sa Bicameral Committee at KUNG napirmahan ito ng Pangulo bago nag-adjourn ang Kongreso - DISIN SANA'Y NGAYON AY GANAP NANG BATAS ANG COCO TRUST FUND BILL.

Matapos ang halalan sa Mayo 9, 2016, muling magkakaroon ng session ang Kongreso. May nalalabi pang sessions bago ang final adjournment nila. Sana'y paglubusang pagmalasakitan ng both Houses na maipasa ang Coco Trust Fund Bill bago mag-final adjournment ang Kongreso sa June 30, 2016.

MGA ILANG ARAL. May naging pagkukulang ang mga kinauukulan - ang House, lalo na ang Senado at Malacañang. Kung lubusang pinagsikapan nila, sana'y ganap nang batas ang Coco Trust Fund Bill. Di tulad ng mga nangyaring kaganapan:
- Kinailangan pang sakripikadong magsagawa ng "dalawang lakad" ang mga magniniyog bago magising ang Malacañang at nakipagdayalogo sa mga magniniyog.
- Kinailangan pang talakayin at pagtalunan ng 2 kapulungan (House at Senado), lalo na ng Senado (nang kaytagal na tatlumpung taong singkad). Naipasa na ng House, ngunit inabot pa ng adjournment ang Senado na di nila naipasa ang kanilang version.
- May kakulangan din ang LGUs - ang mga Sangguniang Panlalawigan, ang mga Sangguniang Bayan at mga Sangguniang Barangay. Kung sila ay nakisangkot at pinaabot sa kanilang mga kinatawan ang kahalagahan na maging batas ang Coco Trust Fund Bill ay naipasa sana ito bago nag-adjourn ang Kongreso.
- May kakulangan din ang mga mamamayan. Lalo na ang tumatayong mga lider magniniyog.

Tunay nga ang wika na: "Nakakamit ng bansa ang kapalarang angkop lamang sa kanya."

Ka Oca

Huwebes, Abril 14, 2016

Suportahan ang Laban at Agenda ng mga Magsasaka sa Sariaya!

SUPORTAHAN ANG LABAN AT AGENDA NG MGA MAGSASAKA NG SARIAYA!
Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad

Ang mga kapatid nating magsasaka sa Sariaya, Quezon ay naglalakad ngayon patungong ka-Maynilaan upang iparating sa taumbayan at mga pulitiko ang kahilingan na isama sa agenda ng Eleksyon 2016 ang pagpapatupad ng makabuluhang batas sa repormang agraryo, proteksyon sa agrikultura, kasiguruhan sa pagkain, at ganap na pagbawi ng coco levy fund.

"Bayaning di kilala". 'Yan ang madalas na tawag sa magsasaka. Nakalulungkot pero ito'y pagdakilang palipad-hangin lamang. Sapagkat makalipas ng limang presidente at 30 taon nang mag-EDSA People Power, wala pa ring dignidad ang buhay ng mga magsasaka: marami pa ring walang lupa, walang suportang serbisyo at walang proteksyon sa gitna ng nagbabagong klima. Patuloy silang biktima ng pandarahas; ipinapakulong o pinapatay kapag lumalaban para sa karapatan sa pagkain at lupa. Madalas na magsasaka rin ang biktima ng sistematikong pagnanakaw sa kabang-yaman ng bansa: noon ay ang coco levy na ninakaw sa mga magniniyog at pinakinabangan ng mga crony ni Marcos sa pangunguna ni Danding Cojuangco; ngayon naman ay Bilyong Piso na nawaldas sa Fertilizer Scam, Pork Barrel Scam, Gintong Masaganang Ani (GMA) at iba pa.

Nabaon sa kumunoy ang repormang agraryo. Napako ang pangakong lupa sa ilalim ng Tuwid na Daan. Hindi umusad ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) at wala pang 20% ng 1 milyong ektaryang target ng CARPER ang naipamahagi.

Kahit ang naibigay na lupa ay binabawi pa. Ang malungkot pa, ang mga lupaing dati nang naipamahagi ay unti-unti ring binabawi at pinapawalang bisa. Sa bayan ng Sariaya, may kabuuang 4,800 ektaryang naipamahagi sa 3,781 pamilyang magsasaka ang napipintong mawala sa mapa dahil sa pagkansela ng mga Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) at Emancipation Patents (EPs). Ang pagbawi ng CLOAs/EPs ay nag-uugat sa Application for Exemption ng mga dating may-ari ng lupa na patuloy na pinapaboran ng gobyerno kahit matagal nang naipagkaloob sa magsasaka ang mga CLOA. May tatlong kaso na ng pagbawi ang naganap na nakaapekto sa halos 100 magsasaka at 200 ektaryang sakahan. Mayroon namang isang kaso na nakabimbin sa Korte Suprema na nakaapekto sa 255 na magsasaka at 416 ektarya ng sakahan. Marami pang kaso ng kanselasyon ng CLOA ang nasa Korte.

Panganib sa seguridad sa pagkain. Kaiba sa maraming lugar, naabot na sana ng Sariaya ang mataas na antas ng kaseguruhan sa pagkain nang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Kung dati ay mga share tenants lamang na tumatanggap ng tersyo ng ani, nagkaroon ng iba't ibang kita ang mga magsasaka mula sa niyog, gulayan, paghahayupan at iba pa dahil nailipat sa kanila ang pagmamay-ari at pagpapasya kung paano gagamitin ang lupa. Ito ang nagbigay daan sa pagtaas ng kita at pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka. Sa ngayon ay isa nang "food basket" ang Sariaya na isa sa pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng Kalakhang Maynila at iba pang panig ng Luzon. Kung isasama pati livestock, higit 100,000 toneladang pagkain at higit sa 1 Bilyong Piso ang halaga ng nalilikhang pagkain ng magsasaka sa Sariaya sa bawat taon. Ang antas ng seguridad ng bayan ng Sariaya sa bigas at gulay ay 225% habang sa livestock naman ay 115%. Wala itong magiging kakulangan sa pagkain sa susunod na 15 taon habang patuloy na nag-aambag sa pagkain ng iba pang bahagi ng Luzon. Nanganganib maglaho ang mga ito.

Ibabalik muli sa kahirapan ang magsasaka. Ang tagumpay ng mga magsasaka na pag-ahon mula sa kahirapan ay mababalewala dahil babawiin sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa. Muli silang babalik sa kahirapan sapagkat mawawalan sila ng sakahan at kabuhayan. Wala ring malinaw na alternatibo ang pamahalaan sa pagbawi ng CLOA at lupa sa magsasaka, maliban sa "disturbance compensation" na sa naunang mga kaso ay P7,000 lamang kada ektarya.

Lalala ang kawalan ng kasiguruhan sa pagkain. Tila wala namang pakialam ang pamahalaan sa patuloy na kakulangan ng pagkain ng bansa dahil sa patuloy ang kabi-kabilang kumbersyon ng mga lupaing agrikultural na nagpapaliit sa taniman ng pagkain sa bansa. Ito ay sa kabila ng matinding krisis na dulot ng climate change sa agrikultura kagaya ng nararanasan sa Mindanao. Food shortage, pagsandig sa importasyon at pagtaas ng presyo ng mga pagkain ang idudulot nito.

Karahasan ang tunguhin ng kanselasyon ng CLOA. Ang kanselasyon ng CLOA ay magtutulak sa puwersahang pagpapalayas sa mga magsasaka. Ang mga pagpapalayas na ito ay tiyak na tututulan ng mga magsasaka dahil sa ito ay direktang pagyurak sa karapatan sa pagkain at karapatang mabuhay.

Sa gitna ng ganitong banta sa kasiguruhan sa pagkain, kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan, hinahamon ng mga magsasaka:

- Ang mga kandidato sa Panguluhan upang magpahayag ng malinaw na plataporma / programa kaugnay sa repormang agraryo, kasiguruhan sa pagkain ng bansa, at pagbawi at paggamit ng coco levy fund;

- Ang Korte Suprema na itigil / kanselahin ang mga desisyong nagkakansela ng CLOA dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay, kabuhayan at kasiguruhan sa pagkain ng magsasaka at ng bansa.

Ang mga nabanggit na suliranin ng mga magsasaka, hindi lamang sa Sariaya, Quezon, maging ang iba pang pagdurusa ng masang Pilipino, gaya ng kontraktwalisasyon, mababang pasahod, mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, korapsyon, mataas na buwis, human rights violation, climate change, krimen at marami pang iba, ay nakakawing sa kawalan ng pinakamahalagang sangkap ng ganap na demokrasya sa bansa; una, ang kawalan ng representasyon ng mga marginalized sector, gaya ng mga magsasaka, sa pamahalaan; ikalawa ay ang kawalan ng tuwirang partisipasyon at aksyon ng mga marginalized sector sa mga programa at patakaran ng gobyerno.

Tuwing mag-eeleksyon, maririnig natin sa mga kandidato ang mga paulit-ulit na pangakong mag-aahon sa atin sa kahirapan. Nabansot ang papel natin bilang tagaboto lamang kung sino ang susunod na magpapasasa sa kabang-yaman ng gobyerno. Sa kalakhan, wala naman talaga tayong pagpipilian kundi ang mga pare-parehong political dynasty; mula sa lolo hanggang sa mga apo na nagrerelyebo sa pwesto.

Ngayong Eleksyon 2016, sa ilalim ng plataporma ng SANLAKAS Party List at pitong kakampi ng masa sa Senado (Walden Bello, Neri Colmenares, Dado Valeroso, Lorna Kapunan, Toots Ople, Levi Baligod, Allan Montano), simulan nating ipundar ang pagkakaisa at lakas nating mga api't mahihirap sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga SANLAKAS Chapter sa ating mga Barangay. Ang kombinasyon ng ating mga kinatawan sa Kongreso't Senado at ang ating pagkaka-organisa sa mga Barangay ang moog ng pampulitikang pwersa na magsusulong ng ganap na demokrasya at reporma para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon, ang ating mga anak at apo:

#37 SANLAKAS Party List
Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog
Abril 14, 2016

Martes, Abril 12, 2016

Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad

REPORMANG AGRARYO AT KASIGURUHAN SA PAGKAIN, NASAAN ANG INYONG AGENDA?
Lakad para sa Repormang Agraryo, Pagkain, Pagbawi ng Coco Levy Fun at Buhay na may Dignidad

Paumanhin po sa kaunting abala. Mga magsasaka po kami mula sa Sariaya, lalawigan ng Quezon. Naglalakad kami patungong ka-Maynilaan, kasama ang aming mga kaalyado para iparating sa taumbayan ang aming kahilingan na isama sa agenda ng Eleksyon 2016 ang pagpapatupad ng makabuluhang batas sa repormang agraryo, proteksyon sa agrikultura, kasiguruhan sa pagkain, at ganap na pagbawi ng coco levy fund.

"Bayaning di kilala". 'Yan ang madalas na tawag sa magsasaka. Kung wala daw kasi ang mga magsasaka, walang kakainin ang bansa. Nakalulungkot pero ito'y pagdakilang palipad-hangin lamang. Paano nga po, makalipas ng limang presidente at 30 taon matapos ang EDSA People Power, wala pa ring buhay na may dignidad ang mga magsasaka: marami pa ring walang lupa, walang suportang serbisyo at walang proteksyon sa gitna ng nagbabagong klima. Patuloy din kaming biktima ng pandarahas na ipinapakulong o pinapatay kapag lumalaban para sa karapatan sa pagkain o sa lupa. Madalas na magsasaka rin ang biktima ng sistematikong pagnanakaw sa kabang-yaman: noon ay ang coco levy fund na ninakaw sa mga magniniyog at pinakinabangan ng mga crony ni Marcos sa pangunguna ni Danding Cojuangco; ngayon naman ay bilyon-bilyong nawaldas sa Fertilizer Scam, Pork Barrel Scam, Gintong Masaganang Ani (GMA) at iba pa.

Nabaon sa kumunoy ang repormang agraryo. Napako ang pangakong lupa sa ilalim ng Tuwid na Daan. Hindi umusad ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) at wala pang 20% ng 1 milyong ektaryang target ng CARPER ang naipamahagi sa higit 5 taon ng PNoy Administration. Noong nakaraang taon (2015), 30,000 lamang sa target na 205,000 ang naiulat na naipamahagi. Ito ang dahilan kung bakit maraming lupain ang hindi naipamahagi at maraming magsasaka ang patuloy na walang lupa. Ipinagwalang bahala rin ang kahalagahan ng suportang serbisyo kung kaya't ang mga naipamahaging lupa ay nawala rin sa mga magsasaka at nakontrol ng iilang ariendador, kagaya nang nangyari sa Hacienda Luisita.

Kahit ang naibigay na lupa ay binabawi pa. Ang malungkot pa, ang mga lupaing dati nang naipamahagi ay unti-unti ring binabawi at pinapawalang bisa sa kasalukuyan. Partikular sa bayan ng Sariaya, may kabuuang 4,800 ektaryang naipamahagi sa 3,781 pamilyang magsasaka ang napipintong mawala sa mapa dahil sa pagkansela ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) at Emancipation Patents (EPs). Ang pagbawi ng CLOAs/EPs ay nag-uugat sa Application for Exemption ng mga dating may-ari ng lupa na patuloy na nabibigyang daan kahit matagal na sa magsasaka ang mga CLOA. May 3 kaso na ng pagbawi ang naganap na nakaapekto sa halos 100 magsasaka at 200 ektaryang sakahan. Mayroon namang isang kaso na nakabimbin sa Korte Suprema na nakaapekto sa 255 na magsasaka at 416 ektarya ng sakahan. Marami pang kaso ng kanselasyon ng CLOA sa iba't ibang antas ng pagdinig.

Panganib sa seguridad sa pagkain. Kaiba sa maraming lugar, naabot na sana ng Sariaya ang mataas na antas ng kaseguruhan sa pagkain nang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Kung dati ay mga share tenants lamang na tumatanggap ng tersyo ng ani, nagkaroon ng iba't ibang kita ang mga magsasaka mula sa niyog, gulayan, hayupan, at iba pa dahil nailipat sa kanila ang pagmamay-ari at pagtatakda kung paano gagamitin ang lupa. Ito ang nagbigay daan sa pagtaas ng kita at pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka. Sa ngayon ay isa nang "food basket" ang Sariaya na isa sa pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng Kalakhang Maynila at iba pang panig ng Luzon. Sa ibaba ay makikita ang ambag ng Sariaya sa seguridad sa pagkain ng bansa ayon sa tala ng lokal na pamahalaan:

Kung isasama pati livestock, higit 100,000 toneladang pagkain at higit sa 1 Bilyong Piso ang halaga ng nalilikhang pagkain ng magsasaka sa Sariaya sa bawat taon. Ang antas ng seguridad ng bayan ng Sariaya sa bigas at gulay ay 225% habang sa livestock naman ay 115%. Wala itong magiging kakulangan sa pagkain sa susunod na 15 taon habang patuloy na nag-aambag sa pagkain ng iba pang bahagi ng Luzon. Ito ngayon ang nakatakdang mawala sa pagkansela ng mga CLOA ng mga magsasaka.

Ibabalik muli sa kahirapan ang magsasaka. Ang tagumpay ng mga magsasaka na pag-ahon mula sa kahirapan ay mababalewala dahil mawawala sa kanila ang pagmamay-ari ng lupa. Muli silang babalik sa kahirapan sapagkat mawawalan sila ng sakahan at kabuhayan. Wala ring malinaw na alternatibo ang pamahalaan sa pagbawi ng CLOA at lupa sa magsasaka, maliban sa "disturbance compensation" na sa naunang mga kaso ay P7,000 lamang kada ektarya.

Lalala ang kawalan ng kasiguruhan sa pagkain. Tila wala namang pakialam ang pamahalaan sa patuloy na kakulangan ng pagkain ng bansa dahil sa patuloy ang kabi-kabilang kumbersyon ng mga lupang agrikultural na nagpapaliit sa taniman ng pagkain sa bansa. Ito ay sa kabila ng matinding krisis na dulot ng climate change sa agrikultura kagaya ng nararanasan sa Mindanao. Pabibilisin ng CLOA cancellation ang pagkaubos ng lupaing agrikultural dahil sa pag-convert ng lupa sa residensyal, komersyal, industriyal at iba pang gamit. Dahil dito, lalong aasa ang bansa sa pag-angkat ng pagkain mula sa ibang bansa. Hindi rin malayong mas madalas ang pagkakaroon ng food shortage na lalong maglalagay sa panganib at magpapataas ng presyo ng pagkain sa bansa.

Karahasan ang tunguhin ng kanselasyon ng CLOA. Ang kanselasyon ng CLOA ay magtutulak sa puwersahang pagpapaalis sa mga magsasaka. Ang mga pagpapaalis na ito ay tiyak namang tututulan ng mga magsasaka dahil sa ito ay direktang pagyurak sa karapatan sa pagkain at karapatang mabuhay.

Sa gitna ng ganitong banta sa kasiguruhan sa pagkain, kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan, hinahamon ng mga magsasaka:
- Ang mga kandidato sa panguluhan upang maglabas ng malinaw na plataporma / programa kaugnay sa repormang agraryo, kasiguruhan sa pagkain ng bansa, at pagbawi at paggamit ng coco levy fund;
- Ang Korte Suprema na itigil ang mga desisyong nagkakansela ng CLOA dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay, kabuhayan at kasiguruhan sa pagkain ng magsasaka at ng bansa.

Ugnayan ng mga Magsasaka ng Gitnang Quezon (UGNAYAN)
Kilusan para sa Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan (KATARUNGAN)
Abril 12, 2016

Linggo, Abril 3, 2016

KAISA's statement on the violent dispersal of the Kidapawan farmers

KAISA ng Magsasaka: ‪#‎BigasHindiBala‬!

KAISA expresses solidarity with the farmers of Kidapawan in light of the disastrous drought that pushed so many of them to hunger and desperation. Since April of last year, the Philippines has been experiencing one of the strongest and longest periods of extreme heat, which affects those sectors who rely directly on stable weather conditions for their livelihood and sustenance.

While a state of emergency has been raised, which meant that appropriate funds were released to respond to the situation, the local and national government have failed in responding to the needs of indigent farmers for food supply, alternative sources of income, and other means of social security. One farmer has even committed suicide because of the dire conditions he and his family have had to face.

These real and disturbing conditions caused 5,000 Kidapawan farmers to organize and stage a barricade to highlight their struggle, especially as the incumbent government's presidentiable - who repeatedly expressed that agriculture will be one of his priorities - was about to visit the province. And yet, in order to save face, the peaceful barricade turned into bloodshed when gunshots were fired at the farmers, killing three and injuring more than a hundred participants.

We condemn in the highest sense the acts of state-enforced violence aimed at curtailing those who highlight the failure of the local and national government to provide assistance to the victims of El Nino. We demand those who were responsible for the government inefficiency and for the succeeding murderous acts of harassment to come out and face accountability.
We further demand that the government undertake actions to ensure that indigent farmers can cope with the adverse effects of climate change.

These include:
1. The maximization of gains from land reform.
2. The provision of support for farmers in acquiring technology, adapting to climate change and provision of subsidies to help farmers increase their productivity and source of livelihood.
3. The shift away from neoliberal policies which fail to protect the agriculture sector, especially small-scale farmers, against competition from countries with more stable weather conditions and advanced industry.
4. The shift towards an ecologically-just, climate-responsive policies on energy, land use, food security, extraction and water resources.

Individuals and groups, especially from the University of the People, must stop dividing the student body and the rest of society, when together, we can help assert the demands of the countryside, here in our campus and the cities. No excuses can justify the act of terror the Kidapawan police has brought to the farmers. It is not a question of who helped the farmers organize and voice their concerns, nor is it a question of what means they used out of desperate need. It is a question of whether the needs of the many want to be and will be addressed by the few.

We call for justice in this tragic act of state terrorism. And we call for a united student body in asserting the demands of farmers and the masses in continued solidarity with the oppressed.

#BigasHindiBala!
Condemn state terrorism!
Solidarity, support and justice for the Kidapawan farmers!

* KAISA - Nagkakaisang Iskolar para sa Pamantasan at Sambayanan

Sabado, Abril 2, 2016

Si Teodoro Asedillo bilang Bayani ng Sariling Wika

SI TEODORO ASEDILLO BILANG BAYANI NG SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo.

Dapat ituring na bayani ng wikang pambansa ang rebolusyonaryong guro na si Teodoro Asedillo. Ayon sa kasaysayan, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Noong elementarya ako'y naranasan ko rin ang ganito sa aming paaralan, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika, at may parusa ang magsasalita ng sariling wika, gayong mahigit na kalahating siglo na yaong nakararaan sa panahon ni Asedillo. Matutunghayan natin ang eksenang ito sa unang bahagi ng pelikulang Asedillo na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. na ibinase sa kanyang buhay.

Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. 

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. 

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal.

Naging masalimuot ang buhay ni Asedillo mula noon. Hinirang siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon, ngunit nabiktima ng pang-iintirga at natanggal bilang hepe.

Nang maitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929, sumapi rito si Asedillo nang nagkatrabaho na siya bilang magsasaka sa taniman ng kape. Hanggang siya'y atasaan ng pamunuan ng KAP na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo, hanggang sa ang mga manggagawa rito ay nagwelga. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya ngunit nakatakas siya patungong Laguna, ang kanyang probinsya. 

Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.

Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas.

Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.

Noong Disyembre 31, 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Marahas na wakas ang nangyari kay Teodoro Asedillo, guro at tagapagtanggol ng sariling wika. Ngunit ang halimbawa niya bilang tagapagtanggol ng sariling wika, una pa kay Manuel Quezon, ay hindi dapat mabaon sa limot. Dapat siyang itaguyod sa panahong ito na dinedelubyo ng globalisasyon ang edukasyon at K-12 upang huwag nang pag-aralan ng sambayanang Pilipino ang sariling wika, at matuto na lang ng wikang dayuhan upang maging alipin sa ibang bansa.

Noong kanyang panahon ay wala pang idinedeklarang wikang pambansa, ngunit ang pagtataguyod niya ng sariling wikang nakagisnan niya ay malaking bagay na upang kilalanin siyang tagapagtanggol ng sariling wika at hindi ng wika ng dayo.

Dapat itaguyod ang simulan ni Teodoro Asedillo, hindi lamang ang kanyang paninindigan noong siya'y kasapi ng KAP, kundi higit sa lahat, bilang tagapagtanggol ng sariling wika.

Dapat siyang kilalanin at gawan ng bantayog bilang ganap na pagkilala sa kanya at ituring siyang bayaning nakibaka laban sa mga dayuhan at bayaning nanindigan para sa sariling wika. Halina't tayo'y magkaisa upang bigyang parangal si Asedillo bilang una pa kay Quezon sa pagtataguyod ng sariling wika.

Mabuhay si Teodoro Asedillo, rebolusyonaryo, tagapagtanggol at bayani ng sariling wika!

Martes, Marso 8, 2016

Group ORIANG Launched at Plaza Moriones in Tondo



Sanlakas, this International Women's Day, stands in solidarity with the women of the world, especially Fililipinas, in asserting their rights and freedoms towards a more socially just and progressive society.

ORIANG was formed today in a march by some 1,000 women in Plaza Moriones in Tondo, with the theme: “Kalayaan para sa Kababaihan! Pitong Laban ng Kababaihan”. Oriang is a grassroots movement led by women leaders of SANLAKAS, Partido Lakas ng Masa (PLM). Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), KALAYAAN, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Koalisyon Pabahay sa Pilipinas (KPP), Makabayan-Pilipinas, and, Aniban ng mga Manggagawa sa Agrikultura (AMA).

The name “Oriang” was derived from the nickname of Gregoria de Jesus, founder and vice-president of the women’s chapter of the Katipunan. Widow to Supremo Gat Andres Bonifacio and later wife to patriot Julio Nakpil, Ka Oryang went beyond the confines of domestic labor to devote her life to free the country from foreign oppressors.

The organizers said, “Ka Oryang symbolized the struggle of plebian women for a better and more egalitarian society, not just for their own families”.

At the march, ORIANG raised seven urgent women’s issues that need to be addressed in the coming elections. Among them: lack of employment and dignfied income; discrimination and unequal treatment in all spheres of society; non-recognition to the rights of women as part of basic human rights including reproductive rights; continuing incidences of rape, violence, and sexual harassment including from their husbands and other family members; the effects of environmental and ecological destruction and its effect on women and their families; the lack of social services for education, healthcare, housing, etc.; and the prevailing disregard to the vital role of women to social progress and social change. The issues form part of the SANLAKAS partylist 7-point pro-people platform.
#‎37Sanlakas‬ Partylist: T'yak Kakampi Ng Kababaihan Laban sa Diskriminasyon at Karahasan!

Miyerkules, Pebrero 24, 2016

Panawagan ng Welfareville People's Assembly

TAPUSIN ANG MAHIGIT APAT NA DEKADANG LABAN PARA SA KATIYAKAN AT PERMANENTENG TIRAHAN

Ang kasaysayan ng Welfareville Compound, tulad ng iba pang maralitang komunidad sa bansa, ay hindi simpleng kwento ng buhay at paninirahan. Ito ay kasaysayan ng mahaba at liku-likong landas ng pakikibaka ng mamamayan tungo sa permanente at disenteng tahanan. Patunay din ito ng elitistang karakter ng ating pamahalaan at hungkag na mga batas. Balik-aralan po natin ang mga ito habang tinutunton ang kasaysayan ng Welfareville.

I: KASAYSAYAN NG WELFAREVILLE

Mula sa isang tiwangwang na lupain matapos ng mga Kano, nagsulputan lamang ang mga naninirahan dito nang isailalim ni dating Unang Ginang Imelda Marcos ang lugar na ito sa programang Human Settlement. Karamihan sa mga unang nairahan dito ay mga nasunugan mula sa San Juan at mga nademolis sa iba't ibang panig ng Kamaynilaan. Taong 1968 nang ipalabas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Republic Act 5260 na naglalayong ibenta ang lupang Welfareville sa pamamagitan ng public bidding; ang mapapagbentahan ay ilalaan sa mga children's homes at government institutions.

Ang batas na ito ang nagbigay-daan sa mga kapitalista na pag-interesan ang Welfareville. Sumikad lamang ng husto ang kalakarang ito noong panahon ni dating Cory Aquino nang maaprubahan ang Republic Act 7279, mas kilala bilang Lina Law o UDHA (Urban Development and Housing Act). Layon naman ng batas na ito na gawing kaaya-aya ang lupang gobyerno sa pangkomersyo at pang-industriyal na gawain. Ang malungkot sa RA 7279, ang lupang ilalaan sa socialized housing, na dapat munang dumaan sa inventory, ay ang kawalan ng boses o partisipasyon ng mga naninirahan sa mga plano at desisyon. At kailangan muna ng public bidding, dehado kaagad ang mga maralita. Di gaya ng RA 5260, mas pambansa ang sakop ng RA 7279. Higit sa lahat ay lalo lamang magbibigay daan ito sa pribatisasyon ng lupang gobyerno na siya namang nagpalala sa alot na demolisyon at ebiksyon ng masang maralita sa bansa.

Nagkaroon lamang ng batas partikular sa Welfareville nang opalabas ni dating Pangulong Ramos ang Executive Order 156 noong 1994. Layon ng batas na ito ang pagbubuo ng Inter-Agency Executive Committee na siyang mangangasiwa sa pagbebenta ng lupang Welfareville. Binubuo ang komiteng ito ng mga ahensya ng gobyerno. Sabihin pa na hindi na naman kasali ang masang taga-Welfareville. Gayunpaman, nagbigay daan ang batas na ito sa pagkakabuo ng Welfareville Master Development Plan at HUDCC.

Nagpatuloy itong ganitong kalakaran hanggang sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nagpalabas naman ng Executive Order 47 (Oktubre 2001) na nag-aatas sa Welfareville Inter-Agency Executive Committee na pabilisin ang implementasyon ng Welfareville Development Plan sa anyo ng usufract at pagbibigay-kapangyarihan sa lokal na pamahalaan upang pangunahing mangasiwa sa aktwal na impelemtasyon ng Welfareville Development Plan. At upang makasabay, binuo ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong ang Welfareville Commission. Subalit makalipas lamang ang isang buwan ay binawi rin ito ni GMA nang ipalabas niya ang Executive Order 72 (Pebrero 2002) na naglalayon namang buwagin ang mga ahensyang nasa ilalim ng Office of the President na hindi gumagana o tapos na sa inaatas na tungkulin (fulfilled mandates). Sa kasawiang palad, kasama ang Welfareville Inter-Agency Executive Committee sa mga nabuwag. Taong 1997 naman nang pinalabas ang RA 9397, na mas kilala bilang Abalos Law. Layon nito na huwag nang dumaan sa public bidding kung ang bibili ng lupang gobyerno ay ang mismong naninirahan. Mas pag-amyenda sa UDHA at Lina Law ang batas na ito. Hindi partikular sa Welfareville.

II. PAKIKIBAKA NG MARALITA

Kaalinsabay ng pag-inog ng mga batas kaugnay ng paninirahan ay ang pakikibaka ng masang maralita sa bansa. Pinangunahan ito ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) noong kasagsagan ng martial law. Sinundan naman ito ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong panahon ni Cory. Partikular dito sa Mandaluyong ay sumikad ng husto ang pakikibaka ng maralitang lungsod noong nabuo ang Urban Poor Council of Mandaluyong (UPCM) na siyang nagtulak ng Urban Poor Affairs Office (UPAO) sa pamumuno ni Ka Pedring Fadrigon. Ang grupo ring ito, kasama ang POWER, ang nagluwal ng Koalisyon ng mga Samahang Maralita sa Welfareville Property (KSMWP) upang makasabay sa EO 47 ni GMA noong 2001. Hindi pa talaga ito para sa pagkakamit ng katiyakan sa paninirahan at permanenteng tahanan kundi para magkaroon ng bubong na masisilungan. Dahil ang batas ni GMA ay ang usufract na pinapahiram lamang sa LGU ang lupa.

III. REHIMENG NOYNOY

Sa ilalim naman ng kasalukuyang rehimen, may panukalang batas na pinagtibay sa Kongreso. Ito ang House Bill 4349 ni Neptali "Boyet" Gonzales II, na "declaring certain portions of the Welfareville Property located in Mandaluyong City open for disposition to bona fide residents without public bidding, repealing for the purpose RA No. 5260". Mas mainam kaysa naunang mga batas, direkta nitong inaatasan ang pamahalaan na prayoridad na ibenta sa mga taga-welfareville ang lupang kinatitirikan ng kanilang tahanan na hindi na dadaan sa public bidding. Walang patong na buwis ang halaga ng lupa, direct negotiated sale ang paraan ng bentahan. Ibig sabihin, maaaring tumawad sa presyo ng lupa at paraan ng pagbabayad ng mga naninirahan ayon sa kanilang kakayahan. Partikular kung sinu-sino ang benepisyaryo (mga survey noong 2003), gobyerno at organisasyong masa ang direktang mag-uusap. Panghuli, mas napapanahon ang panukalang ito base sa kasalukuyang latag o kalagayan ng bahayan dito sa Welfareville.

IV. ATING HAKBANG PARA SA KATIYAKAN SA PANINIRAHAN

Base sa naging kasaysayan ng paninirahan dito sa Welfareville mula rehimeng Marcos hanggang sa kasalukuyan ay malinaw na walang ibang pinakamainam na batas na pwedeng gamiting behikulo ng mga taga-Welfareville upang makamit ang matagal nang inaasam na kasiguruhan sa paninirahan kundi ang House Bill 4349. Dahil malaki ang ating pagkakataon na makapasok ng sarili nating mga proposal, tulad ng presyo ng lupa at paraan ng pagbabayad. Kaya't ang pinakamabisang hakbang ay isulong natin ito sa Senado para maaprubahan bilang batas.

Magiging bahagi ng hakbang na ito ang puspusang ikampanya ang House Bill 4349 sa mga taga-Welfareville, na sa aktwal ay maglulunsad ng mga talakayan sa mga nakatayong samahan dito sa welfareville. Kasunod ang paglulunsad ng malalaking pulong (general assembly) para sa kaalaman ng lahat ng mamamayan. Sa ipaglalaban, sundan naman ito ng signature campaign kung saan kakalapin natin ang pinakamaraming bilang ng mga botante dito sa Welfareville upang suhayan ang ating proposal hanggang sa malaking pagkilos sa Kongreso upang tuluyang maisabatas ang House Bill 4349.

Mga kapatid na maralita dito sa Welfareville, nasa atin ngayon ang pagkakataon upang matupad ang matagal na nating inaasam na katiyakan sa paninirahan. Subalit hindi natin ito makakamit kung hindi tayo magkakaisa sa iisang linya ng pagkilos, sa iisang hakbangin.

Kaya sa ngalan ng Welfareville People's Assembly (WPA), Inc., kami ay nananawagan na kalimutan muna ang pagkakaiba sa organisasyon. Muli ay magkaisa tayo at sama-samang isulong ang House Bill 4349. Tandaan nating walang ibang magsusulong ng ating katiyakan sa paninirahan kundi tayo lamang na mga maralita ng Welfareville. Maraming beses na nating nagawa ito at gawin natin itong muli upang tapusin na ang mahigit apat na dekada nating paghihintay para sa katiyakan sa paninirahan.