Martes, Agosto 24, 2021

Paslit

PASLIT

bagamat hitik sa bunga ang puno ng kalumpit
na paborito namang pitasin ng mga paslit
subalit kung mahuhulog sa puno'y anong sakit
kahit kapwa batang nakakita'y napabunghalit

bagamat paslit dahil sa kamurahan ng gulang
bawat isa sa kanila'y may angking karapatan
karapatan nila ang mag-aral sa paaralan
subalit di ang magbungkal sa mga basurahan

sa murang edad ay karapatan nilang maglaro
mag-aral at maglaro silang may buong pagsuyo
tatanda agad kung nagtatrabahong buong puso
gayong bata pa, ang kabataan nila'y naglaho

kung ang bunga ng kalumpit ay madaling mapitas
yaong batang nagtratrabaho na'y malaking bigwas
sa kanyang pagkabatang di na niya nadadanas
bata pa'y nagtrabaho upang makabiling bigas

protektahan ang bata, pagkabata'y irespeto
huwag hayaang sa maagang gulang magtrabaho
ngunit kung dahil sa hirap, gagawin nila ito
karapatan nila bilang mga bata'y paano?

- gregoriovbituinjr.
08.24.2021

* mga litrato mula sa google

Linggo, Agosto 22, 2021

Itigil ang demolisyon

ITIGIL ANG DEMOLISYON

nginig na pag narinig ang salitang "demolisyon"
nakakakilabot pag nawalan ng bahay ngayon
ang demolisyon ay giyera, digmaan paglaon
sa maralita, demolisyon ay matinding hamon

sadyang nakakataranta sa aba nilang buhay
pagkat sa demolisyon, isang paa'y nasa hukay
kaya pinaghahandaan ang sagupaang tunay
upang tuluyang ipagtanggol ang kanilang bahay

ngunit daanin muna sa maayos na usapan
dapat makipag-negosasyon sa pamahalaan
upang di matuloy ang demolisyon at digmaan
sa pagitan ng maralita't maykapangyarihan

dahil lalaban bawat maralitang may dignidad
pagkakaisa sa pagkilos ang dapat matupad
sana'y di na humantong pa sa demolisyong hangad
ng nagpapagibang sa dahas ay walang katulad

"Itigil ang demolisyon!" sigaw ng maralita
"Ang tanging nais namin ay buhay na mapayapa!
Ayaw naming maghanda sa pakikipagsagupa! 
Subalit di kami aatras kung hangad n'yo'y digma!"

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Huwebes, Agosto 19, 2021

Ang estado

ANG ESTADO

napaka-teyoretikal ng mga pag-usisa
ano ba ang estado o yaong pamamahala
ng isang teritoryo, rehiyon, o kaya'y bansa
o pangkat ng mga taong nabuhay ng malaya

anong kasaysayan ng Atlantis, ayon kay Plato
bakit nga ba ito ang ideyal niyang estado
si Engels naman, sinuri'y pag-aaring pribado
pati na pinagmulan ng pamilya't ng estado

ang isa pa'y ang Estado't Rebolusyon ni Lenin
hinggil sa estadong dapat pag-aralang taimtim
anong kakapal ang mga librong dapat basahin
nakakatuwa kung buod nito'y malaman natin

anong mga nangyari sa primitibo komunal
bakit nawala't lipunang alipin ang umiral
bakit panginoong maylupa'y naghari sa pyudal
paanong lipuna'y binago ng mangangalakal

bakit ang aring pribado'y ugat ng kahirapan
bakit laksa'y mahihirap, mayaman ay iilan
bakit may inaapi't pinagsasamantalahan
paano itatayo ang makataong lipunan

paano sumulpot ang mga uri sa estado
bakit may watawat, pulis, teritoryo't husgado
paano sumulpot ang diktadura't ang gobyerno
anong halaga ng pakikibaka ng obrero

mga inaral na ito'y ibahagi sa masa
lalo't inaasam nila'y karapata't hustisya
paano kamtin ang lipunang para sa kanila
kung saan pantay, parehas at patas bawat isa

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

Miyerkules, Mayo 5, 2021

Pahayag ng XDI sa unang anibersaryo ng pagsasara ng ABS-CBN

PAHAYAG NG KPML
Mayo 5, 2021

PAHAYAG NG XDI SA UNANG ANIBERSARYO NG PAGSASARA NG ABS-CBN

Mahigpit na nakikiisa ang pamunuan at kasapian ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa higit labing-isang libong manggagawa ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho nang magsara ang nasabing kumpanya isang taon na ang nakararaan.

Matatandaang hindi na binigyan pa ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN sa pasiya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ito'y itinuring na matinding pagbira sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa. 

Naging bahagi na ng kabataan at ng buhay ng maraming Pilipino ang mga palabas sa ABS-CBN. Kahit na sa loob man ng pambansang piitan, sa mga opisina ng pulisya't kasundaluhan, sa tahanan ng karaniwang tao, maging dukha man at manggagawa, ay naging bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na gawain ang ABS-CBN.

Subalit nang mawala ang ABS-CBN, maraming kababayan natin ang nasalanta ng bagyo at nasira ang mga ari-arian at pananim sapagkat hindi nila napaghandaan at nabalitaan ang parating na unos dulot ng pagsasara ng ABS-CBN.

Gayunman, sakaling makakabalik ang ABS-CBN, gaya ng sigaw ng marami, hiling namin na gawing regular sa trabaho ang lahat ng manggagawa ng ABS-CBN. Hindi dapat pagsamantalahan ng pangasiwaan ng ABS-CBN ang mga manggagawa sa pagpapanatili sa mga ito bilang mga kontraktwal. Dagdag pa, ibigay ang tamang pasahod sa mga manggagawa ng ABS-CBN. Isang nakabubuhay na sahod o living wage batay sa isinasaad ng Konstitusyon ng bansa, at hindi libing wage na hindi nakakabuhay ng pamilya.

Kaya ang panawagan namin sa XDI: Ituloy ang serbisyo ng ABS-CBN sa mga Pilipino! Ibalik ang mga manggagawang tinanggal sa ABS-CBN, at gawing regular ang lahat ng mga manggagawa nito, at ipagbawal na ang kontraktwalisasyon! Ibalik ang ABS-CBN na tunay na naglilingkod sa sambayanan!

Sabado, Mayo 1, 2021

Pahayag ng HomeNet Philippines sa Mayo Uno 2021

STATEMENT OF HOMENET PHILIPPINES 
May 1, 2021

PAGSAGIP NG MGA BUHAY AT KABUHAYAN:
PANAWAGAN NG MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL, 
SOCIAL PROTECTION PARA SA LAHAT!

Ang pandemya na ating kasalukuyang nararanasan ay isang malaking hamon para sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino, partikular na sa mga bulnerableng manggagawa sa bansa. Sa gitna ng pag-urong ng ekonomiya at kaliwa’t kanang mga lockdown, ay marami ring mga Pilipino ang nawalan ng trabaho, kasama na ang mga street vendors, jeepney at tricycle drivers, home-based workers, non-corporate construction workers at mga maliliit na mga negosyante na umaasa lamang sa kakarampot na kinikita mula sa pamamasada at pagtitinda. Ang krisis na ito ay di maikakailang patuloy na nagdudulot ng kagutuman at matinding kahirapan sa maraming manggagawa at kanilang mga pamilya. 

Ang tugon ng gobyerno sa kasalukuyan ay sobrang kapos upang masolusyunan ang mga isyu na dulot ng pandemya. Dahil dito ay napipilitan ang mga mahihirap na manggagawa na ilagay sa peligro ang kanilang kalusugan para lamang may maipakain sa kanilang pamilya. Bukod pa rito ay dagdag rin sa problema ang mahirap na sistema at pag akses ng serbisyong medikal sa bansa. Kapag sila ay nagkasakit , hindi sila maasikaso ng isang health care system kung saan maging ang mayayaman ay nahihirapang kumuha ng agarang serbisyo. Kung sumusubok silang ibangon muli ang kanilang mga kabuhayan para makaahon sa sobrang paghihirap, wala o halos wala ang mga rekurso sa produksyon na pwede nilang magamit.

Sa panahon ng ganitong kagipitan, kinakailangan ng agaran at komprehensibong pag aksyon kalakip ang isang whole-of-society approach mula sa gobyerno. Bukod sa pangunahing responsibilidad ito ng estado, ay ito rin ang may hawak sa mga resources na pwedeng pakilusin o gamitin. 

Karapatan ng bawat mamamayan ang maproteksyunan laban sa mga life-cycle risks (pagbubuntis, katandaan, pagkamatay), economic risks (kawalan ng trabaho), social at governance risks, at environmental/disaster risks, lalo na sa gitna ng krisis na ating kinakaharap. 

Ngunit ang mga manggagawang impormal ay madalas na napag iiwanan sa mga polisiya, programa, at sistema ng social protection. Hindi sila kwalipikado para sa 4Ps at iba pang mga porma ng social assistance. Kumpara sa pormal na sektor at mga indigent, laging kulang na kulang ang bilang ng mga impormal na manggagawa pagdating sa pag mi-miyembro sa Philhealth, bagamat naipasa na ang Universal Health Care Act na naggagarantiya ng awtomatik Philhealth membership sa lahat ng Pilipino. Hindi rin sila nakakarehistro at wala ring pormal na empleyo kung kaya’t hindi regular na nakapag-aambag sa Social Security System. Pagdating naman sa sektor ng manggagawang pormal, bagamat mayroong malinaw na social security benefits(tulad ng sickness, maternity, disability, retirement, death, funeral, employee’s compensation, at unemployment insurance), ang pagbagsak ng ekonomiya ay nagdulot sa sapilitang paghinto ng karamihan na ipagpatuloy ang kanilang regular na kontribusyon sa kadahilanang hindi sapat ang kinikita. 

Malinaw na nasa disbentahe ang mga manggagawa sa impormal na ekonomiya. Ang mga organisasyong kasapi ng Homenet Philippines ay nananawagan at nagsusulong ng mga sumusunod na puntos bilang parte ng prayoriti agenda tungo sa progresibong realisasyon ng social protection para sa lahat. Para matugunan itong mga panawagang ito, kinakailangan ng pinansyal na alokasyon. Panahon na para singilin ang gobyerno sa mga serbisyo at mga resources na mayroon ito para maisalba ang bansa, lalong lalo na ang mga mahihirap. Sa halip na umasa lamang sa indirektang buwis na ipinapataw sa mga produkto at serbisyo kung saan ang malaking porsyento ay sinasagot ng mga nasa laylayan, kailangang singilin ang mga mayayamang ang kinakamal na tubo ay konkretong manipestasyon sa sobrang hindi pagkakapantay-pantay ng ating lipunan. Dapat na magkaroon ng direktang buwis na tatawaging ‘solidarity taxes’ na sasagutin ng mga mayayaman, partikular ng mga may ari-ariang umaabot ng isang daang milyong piso at pataas. Pwede ring magpataw ng buwis sa mga produkto ng iba’t ibang industriyang nag-eemploy ng maraming impormal na manggagawa na maaring magpondo para sa kasiguruhan ng kanilang social protection.

EMERGENCY AT SOCIAL ASSISTANCE PARA SA MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL SA GITNA NG PANDEMYA

1. Siguruhin ang pantay-pantay na akses sa sapat na cash assistance sa pamamagitan ng pagpapatupad ng sistemakong pagrerehistro na iminumungkahi sa Magna Carta of Workers in the Informal Economy (MACWIE) bill para maisakatwiran ang cash distribution.

2. Siguruhin ang pantay-pantay na akses sa minimum wage na di bababa ng sampung araw sa pamamagitan ng TUPAD cash for work at iba pang similar na mga programa.

3. Suportahan ang produksyon, pagproseso, at distribusyon ng pagkain sa pamamagitan ng pag-organisa ng community gardens, pantries, kitchens, community-supported agriculture, digital marketing platforms katulong ang LGU at iba pang may taya.

4. Palawakin ang gender-responsive na akses sa mga resources na makapaglilikha ng mas maraming oportunidad sa - at sa pagpapalakas ng kabuhayan;

a) Maglaan ng pondo para sa mga indibidwal na manggagawa para maka-akses ng micro-loans/maliliit na pautang (Php50,000 to Php300,000) na walang pataw na interes o kolateral, at working capital grant (Php100,000 to 1,000,000 kada grupo) naman para sa mga rehistradong informal sector group enterprises.

b) Maglaan ng pautang at kaginhawaan sa buwis para sa mga MSMEs.

c) SIguruhin ang akses sa inklusibong serbisyong pampinansyal sa pagtalaga ng suportang teknikal para sa mga village savings at loan associations (VSLAs) at iba pang katulad na mga inisyatiba sa grassroots level.

d) Pahintulutan ang mga manggagawang impormal sa paggamit ng mga pampublikong espasyo kung saan pwede maglako at magtinda ng mga produkto.

e) Magtatag ng isang malawakang programang makapag-eemploy at makapag-rerekrut ng mga manggagawang impormal sa mga serbisyong pampubliko tulad ng contact tracing, pagtatayo ng mga pasilidad pang quarantine at mga istrukturang pang DRRM, pag-repair ng mga napinsalang mga bahay at gusali, pag-aalaga sa mga pasyente, bata, at mga nakatatanda sa mga komunidad, atbp.

f) Pahintulutan ang tatlumpung porsyentong (30%) kota para sa impormal na sektor pagdating sa mga mga public procurement programs.

g) Tugunan ang isyu ng unpaid care work ng kababaihan sa pamamagitan ng pagkilala, pagbawas, pagredistribyut, at pagbibigay representasyon, pati ang pamamahagi ng mga pangunahin at esensyal na mga utilities tulad ng malinis at naiinom na tubig, elektrisidad), pati na rin mga serbisyo tulad ng pag-aalaga sa mga bata at nakatatanda at iba pang serbisyong pangkomunidad.

h) Maglaan ng karagdagang akses para sa mga manggagawang impormal upang mapalakas ang kasanayan at mapaunlad ang negosyo sa pamamagitan ng pag organisa ng mga libreng training activities, kasama ang paggamit ng internet o iba pang online na mga plataporma para sa pag-market ng produkto o serbisyo.

i) Pagkakaroon ng business registration at tax payments sa pamamagitan ng mga one-stop registration facilities o mabilisang pag isyu ng online permit, at sa paraan ng pagpapasimple ng mga sistemang pambuwis at pagiging abot-kaya ng mga ito para sa uring manggagawa.

PANGKALAHATANG KALUSUGAN PARA SA MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL AT KANILANG MGA PAMILYA

1. Siguruhin ang rehistrasyon ng mga manggagawang impormal sa Philhealth, kung saan kulang na kulang ang kanilang representasyon, upang mapakinabangan ang awtomatik na membership at mga benepisyong nakasaad sa Universal Health Care Act na dapat ay prayoridad at may sapat na pagpopondo.

2. Bigyan ng prayoridad ang libreng pagbabakuna ng mga ,manggagawang impormal na economic frontliners, tulad ng mga driver at vendor.

3. Bigyan ng pagsasanay ang mga organisasyon ng manggagawang impormal sa mga komunidad para magsagawa ng mga kampanya sa pagbibigay impormasyon at kamalayan tungkol sa covid, partikular sa mga gawi upang ito ay maiwasan, pagbabakuna, paggamot at iba pang entitlements na nakasaad sa batas.

SOCIAL SECURITY PARA SA LAHAT NG EDAD

1. Para maging makatarungan at pantay-pantay ang trato, maglaan ng subsidiya para sa kontribusyon ng mga manggagawang impormal sa SSS (30% tulad ng nangyayari sa Thailand o higit pa) para maging abot-kaya. (Ito ay sa kadahilanang ang mga manggagawa sa pormal na sektor ay nagbabayad ng mas mababa dahil ang mas malaking bahagdan ng kanilang kontribusyon ay nanggagaling sa mga employer, na wala ang mga impormal na manggagawa dahil enrolled sila sa SSS bilang mga self-employed.

2. I-institusyonalisa ang mga abot-kayang payment arrangements na partikular na dinisenyo para sa iba’t ibang sub-sektor ng mga manggagawang impormal (subcontracted and self-employed home-based workers, vendors, farmers and rural workers, non-corporate construction workers, atbp.) depende sa kani-kanilang mga konteksto. Ang ganitong mga arrangements ay dapat sinusuri at ginagabayan ng mga mabubuting halimbawa ng iba pang mga bansa.

3. I-akredit ang mga kooperatiba, micro-finance institutions, fair trade groups, at iba pang mga solidarity-based na organisasyon ng mga manggagawang impormal para mapadali at mapalawak ang mga kampanya sa membership at para rin magsilbing mga collective agents. 

4. I-amend ng SSS Law para mareporma ang SSS Commission na maging isang tunay at malayang body na pangangasiwaan ng mga representatibo ng bawat kategorya ng mga nakaseguro na miyembro, kabilang ang mga manggagawa’t employer sa impormal na sektor.

5. Maglaan ng mga benepisyo sa kawalan ng trabaho (unemployment insurance) para sa mga manggagawang impormal na self-contributing.

6. Taasan at bigyan ng Employee Compensation benefits, lalo na ang mga kasong may kaugnay sa COVID na galing sa mga pinakabulnerableng grupo, kabilang ang mga manggagawang impormal na nawalan ng pagkakakitaan.

7. Siguruhin ang implementasyon ng Expanded Maternity Leave Law upang masaklaw ang mga kababaihan sa impormal na ekonomiya.

8. Ipagkaloob ang adisyunal na Php1,000 sa SSS pensyon at itaas pa ang benepisyo sa pensyon para sa mga miyembro ng SSS.

9. Dagdagan para man lang maging Php1,000 ang social pension para makasama sa saklaw ang lahat ng mga senior citizens, at maging tunay itong pangkalahatan.

SIGURUHIN NA ANG MGA KARAPATAN NG MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL, KARAMIHAN AY NAILAHAD SA TAAS, AT PADALIIN ANG KANILANG TRANSISYON TUNGO SA PORMALIDAD SA PAMAMAGITAN NG PAGPASA AT PAGPAPATUPAD NG MAGNA CARTA OF WORKERS IN THE INFORMAL ECONOMY (MACWIE), KUNG HINDI MAN SA KASALUKUYANG KONGRESO, AY MAGING KAGYAT NA PANAWAGAN SA SUSUNOD BILANG ISYUNG ELEKTORAL SA 2022.

Pahayag ng KPML sa Araw ng Paggawa 2021

KPML
Press Statement
Mayo Uno, 2021

SIGAW NG MARALITA NGAYONG MAYO UNO:
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Ang pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig sa pagdiriwan ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

KABUHAYAN. Trabaho, hindi tanggalan! Ito ang panawagan ng manggagawa, lalo na ngayong may pandemya ay biglang nagsarahan ang maraming pabrika dahil hindi na pinalabas ang mga tao sa panahon ng community quarantine, na nagdulot ng pagkawala ng trabaho. O kung may trabaho man, ang mga regular na manggagawa ay hindi na pinapapasok, kundi pawang mga kontraktwal na ang nagtatrabaho. Ang pandemya'y naging pagkakataon para sa mga ganid na kapitalista na tanggalin ang mga regular na manggagawa sa ngalan ng kontraktwalisasyon. Dahil sa kakulangan ng ayuda, na sinasabi ng pamahalaan ay halos nasaid na ang badyet nito, bagamat nasa P19 Bilyong piso ang badyet ng NTF-ELCAC (National Task Force To End Local Communist Armed Conflict), na dapat tanggalin sa kanila upang gamiting pang-ayuda sa mamamayan sa panahon ng pandemya. Sayang lang na nagagamit ang badyet na ito sa kawalanghiyaan at pangre-redtag.

KALUSUGAN. Sa ngayong mahigit nang isang taon ng pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo, pumangalawa ang Pilipinas sa Southeast Asia sa may pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 na umabot na ng mahigit isang milyon, kasunod ng Indonesia. Patuloy pa rin ang tila hindi maayos na tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang ito kaya umabot ng isang milyong katao ang tinamaan ng COVID-19. Ang aming panawagan: Libreng mass testing at bakuna para sa lahat!

KARAPATAN. Dapat ipaglaban ng mamamayan ang kanilang karapatan laban sa kapalpakan ng pamahalaan. At dahil sa mga kapalpakang ito, nag-inisyatiba ang mamamayan sa pamamagitan ng mga community pantry upang kahit paano'y makatulong sa masa. Manipestasyon ng kapalpakan ng gobyerno kaya kumilos na ang mamamayan. Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda sa panahong nawalan sila ng pinagkakakitaan dahil hindi na sila pinayagang makalabas ng bahay dahil sa community quarantine na ipinatutupad.

KALIGTASAN. Dapat tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan, at mapigilan na ang sunud-sunod na naaapektuhan ng coronavirus at ang lumalalang kagutuman sanhi ng sunud-sunod na lockdown na pumipigil sa mga tao upang magtrabaho at magkaroon ng pagkakakitaan. Hindi sapat ang bakuna lang para sa lahat. Isama sa ayuda ang mga bitaminang kinakailangan ng katawan. Tiyakin ding kumakain ng sapat na pagkaing masustansya ang mamamayan upang hindi magkasakit. Dapat matulungan ang mga magsasaka upang mas umunlad pa ang kanilang paraan ng pagsasaka, at matulungan din ang ating mga mangingisda bagamat nag-iingat na silang pumunta sa West Philippine Sea upang mangisda. Tiyakin ding hindi mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa. Maglunsad din tayo ng urban farming upang balang araw ay may mapipitas tayong gulay at protas na makakain.

Kaya ngayong Mayo Uno, sigaw ng maralita, KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Miyerkules, Abril 28, 2021

Pahayag ng XDI sa World Day of Safety and Health at Work

Pahayag ng XD Initiative
Abril 28, 2021

SA WORLD DAY FOR SAFETY AND HEALTH AT WORK, SIGAW NG MAMAMAYAN:
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Umabot na ng isang milyong katao ang naapektuhan ng COVID-19 sa bansa. Sa Southeast Asia, pumapangalawa na tayo sa Indonesia na may 1,6 milyong kataong apektado ng naturang sakit. Bakit nangyari ang ganito? Kulang ang mga ospital at mga medical personnel upang tugunan ang mga ito. Nagkakasakit na ang mamamayan, at nagugutom pa bunsod ng kawalan ng pagkakakitaan dahil sa lockdown na hindi dapat lumabas ng bahay ang mga tao.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda at obligasyon naman ng pamahalaan ang ibigay ito dahil sa pinatutupad nilang mga patakaran ukol sa pandemya na naging isang malaking sagka sa kanilang kakayahang kumita. Marami ang nawalan ng trabaho at naging resulta nito ay ang kakarampot na pagkain sa hapag kainan na kasalukuyang pinagsasaluhan ng bawat pamilya.

Hanggang nag-inisyatiba ang mamamayan, sa pangunguna ni Ana Patricia Non, na nagtatag ng Maginhawa community pantry, na ang layunin ay makapag-ambag kahit kaunti upang maibsan ang kagutuman ng ilang mga nagugutom na kababayan. Naglagay siya ng kariton na may mga gulay sa Maginhawa St., sa Quezon City, sa prinsipyong "Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan." Hanggang sa ito'y dumami at nagsulputan na sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ipinakita ang pagdadamayan, pagbibigayan, pag-aambagan, at pagbabayanihan ng mga tao. Manipestasyon na palpak ang pamahalaan kaya mamamayan na mismo ang gumawa ng paraan. Subalit ni-redtag pa ito at itinuring na kagagawan umano ng mga komunista. Ang dinig yata ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) sa community pantry ay communist party.

Hindi sapat ang bakuna para sa lahat. Hiling ng XD Initiative na tanggalin na at gawing pang-ayuda sa mamamayan ang pondo ng NTF-ELCAC na nasa higit 19 Bilyong piso. Sayang lang ang pondong ginagamit nila sa kawalanghiyaan at pangre-redtag sa bayanihan ng mamamayan.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda sa panahong nawalan sila ng pinagkakakitaan dahil hindi na sila pinayagan ng pamahalaan namakalabas ng bahay dahil sa ipinatutupad na community quarantine. Kaya kung sinasabi ng pamahalaan na said na ang ayuda, aba'y ang P19 Bilyon ng NTF-ELCAC ay gamitin na sa ayuda at malaking tulong na ito sa mamamayan.

Milyon na ang apektado ng COVID. Nais ng mamamayan na tiyaking ligtas sila at ang kanilang mga mahal sa buhay mula sa sakit na ito. Kung nahihirapan ang pamahalaan, sa pangunguna ni Duterte, na tugunan ang krisis na ito, dapat lang siyang mag-resign na sa pwesto. O kung kapit tuko pa rin siya ay nararapat lamang siyang patalsikin ng taumbayan. Upang sa kalaunan ay pumili ang taumbayan ng bagong pamunuang binubuo ng mga magagaling at matitino, na siyang magtitiyak ng kaligtasan ng sambayanan.

Ngayong Abril 28, sa okasyon ng World Day For Safety and Health at Work (Pandaigdigang Araw para sa Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho), sigaw ng XD Initiative, KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!