Sabado, Pebrero 7, 2026

Paglahok sa 2nd tour of historic Pasig

PAGLAHOK SA 2ND TOUR OF HISTORIC PASIG
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa nagkainteres na lumahok nang makita ko ang anunsyo ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) sa pesbuk hinggil sa 2nd tour of historic Pasig. Agad akong kumontak at sinabing nais kong sumama. Agad naman silang tumugon.

Pebrero 7, 2026, madaling araw pa lang ay gising na ako. Hindi ako dapat mahuli sa usapan. Maaga ako sa kitaan sa Plaza Rizal, at dumating ako roon bago mag-ikawalo ng umaga at umupo sa naroong mahabang bangko at naghintay. Ilang sandali  pa'y dumating na sila at agad akong nagpakilala.

Naghintayan pa ng mga dadalo. At nang kumpleto na ay lumakad na kami. Una naming pinuntahan ang Guanio Ancestral House na malapit lang sa Plaza Rizal. Nag-usap muna kami sa bungad ng tahanan hinggil sa kasaysayan ng nasabing lugar, na umano'y dating Cuartel ng mga Guardia Sibil sa Pasig noong panahon nina Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayang ito dahil dito nakuha ng mga Katipunero, sa pangunguna ni Heneral Valentin Cruz, ang labimpitong armas mula sa mga Kastila noong magsimula ang Rebolusyong 1896. Kilala ang pangyayaring iyon bilang Nagsabado sa Pasig.

Inanyayahan kaming umakyat sa ikalawang palapag. Nakasabit sa dingding doon ang isang painting ni Felix Resurrection Hidalgo na kasabayan ni Juan Luna.

Sumunod ay nagtungo kami sa eskwelahang Colegio Del Buen Consejo at nagtungo sa museo nito.

Sumunod ay nagtungo kami sa Plaza Bonifacio, na ang estatwa ni Bonifacio ay nakasakay sa kabayo, kung saan may nakasulat na CENOTAPH, na ibig sabihin daw ay bantayog ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan subalit di ang katawan ay di na natagpuan. Isa lang daw ito sa dalawang estatwang nakasakay si Bonifacio, na ang isa'y nasa Uptown Bonifacio sa Taguig.

Sunod ay pinuntahan ang simbahan ng Pasig at nakita ang mga naka-displey na limang kampana nito. Naroon din ang estatwa ni Padre Fray Manuel Blanco, na dating kura paroko ng Pasig, at may-akda ng saliksik at pag-aaral sa higit 1,200 na katutubong tanim o ispesye sa bansa o Flora de Filipinas.

Umakyat sa museo ng simbahan, at nakita ang naka-displey na lumang mekanikal na orasan na gamit para sa oras ng pagkalembang ng kampana. Subalit di na kami nakaakyat pa sa kampanaryo.

Umuulan noon, kaya nagtungo muna kami sa Museo ng Pasig at doon nagpatila ng ulan. Subalit umakyat na rin kami sa museo kung saan naroon ang estatwa ng Mutya ng Pasig. Naka-display din doon ang mga kilalang tao mula sa Pasig, tulad nina Lope K. Santos, mag-asawang National Artists na sina Lamberto at Daisy Abellana, national artist for music Ramon Santos, Senate President Jovito Salonga, Senador Rene Saguisag, at iba pa. Mahaba-haba rin ang talakayan doon.

Natalakay din na ang Pasig dati ay bahagi ng probinsya ng Tondo, Maynila, noong panahon ng mga Kastila. At nang maisyu ang Philippine Commission Act 137 ay nalikha ang lalawigan ng Rizal na ang kapitolyo ay Pasig. Sa Rotonda raw umiikot pabalik ang sasakyang Tranvia. At ang Santa Rosa sa Pasig ay dating isla. Naging bahagi na ng Metro Manila ang Pasig noong 1975. Ang Pasig ay naging lungsod noong Enero 21, 1995, nang maisabatas ang Republic Act No. 7829

Sunod ay pinuntahan namin ang tahanan ni Heneral Valentin Cruz, kung saan idinaos doon ang pulong ng mga Katipunero, isang pangyayaring tinawag na Asamblea Magna, kung saan dumalo roon sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Heneral Emilio Aguinaldo, Heneral Valentin Cruz, at iba pang mga pinunong Katipunero.

Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 3, 1896, isang pangkalahatang pagpupulong ng mga pinuno ng Katipunan ang ipinatawag ni Supremo Andres Bonifacio. Ito'y idinaos sa Pasig sa tahanan ng lokal na pinuno ng Katipunan na si Valentin Cruz. Tinawag ang papupulong na iyon na Asamblea Magna na isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Katipunan. Ito na rin yata ang huling pag-uusap nina Gat Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo bago magsimula ang himagsikan, at bago mapatay si Bonifacio. (Wala sa Tejeros Convention si Aguinaldo).

Nakapanayam pa ni Dean Carlos Tech si Heneral Valentin Cruz hinggil sa naganap na Nagsabado sa Pasig, at ang labimpitong armas na nakuha sa mga Kastila ay dinala ng mga Pasigenyo kinabukasan sa Labanan sa San Juan, na kilala ngayon sa kasaysayan na Pinaglabanan.

Pagkagaling sa tapat ng bahay ni Heneral Vakentin Cruz ay nagtungo na kami sa Bahay na Tisa, kung saan ito ang bahay ng bagong henerasyon ng pamilya Tech. Isa ito sa pinakamatandang bahay sa Pasig na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila nang ito'y maitayo. Ang itsura ng tahanan ay para bang ang pinagsyutingan ng huling bahagi ng pelikulang Oriang, na ginampanan nina Lovi Poe at Gina Pareno.

Mahaba pa ang talakayan sa nasabing tahanan, at doon na rin kami nananghalian. Natapos kami roon bandang ala-una y medya ng hapon.

Sa aking pag-iisa ay napag-isip kong marami pang kasaysayan ang dapat halungkatin at isulat hinggil sa Pasig. Hindi lamang noong panahon ng Kastila, kundi sa iba pang panahon, tulad ng anong naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano? May mga martir ba sa Philippine-American War? Anong mga naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Noong pamahalaan ng Commonwealth? Noong panahon ng martial law? Ah, marami pang dapat saliksikin sa kasaysayan. At kung may pagkakataon, ako'y tutulong sa pananaliksik at mag-aambag ng anumang makakaya.

Taospuso akong nagpapasalamat sa Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) at naging kalahok ako sa ganitong pagtitipon - ang 2nd Tour of Historic Pasig. Kung mayroon pang mga ganitong walking tour at kakayanin lang ng oras ko ay tiyak na dadalo ako. Mahalaga ang mga natututunan sa kasaysayan, na maaari ring maibahagi sa iba.

Nais ko ring imungkahi na magkaroon ng aktibidad sa Mayo 3, 2026, sa ikasandaan tatlumpung (ika-130) anibersaryo ng Asamblea Magna, bukod pa sa pagdiriwang ng ika-130 anibersaryo ng matagumpay na Nag-Sabado sa Pasig sa Agosto 29, 2026. Maraming salamat po!

ANG IKALAWANG LAKBAY-ARAL HINGGIL SA MAKASAYSAYANG PASIG

isa lamang ako sa mga tumugon
hinggil sa kasaysayan ng Pasig noon
salamat, nakadalo sa pagtitipon
maraming natuto sa kaygandang layon

pinuntahan ang bahay na dating Cuartel
na kinampuhan ng mga Guardia Civil
na mga tao ng mga mapaniil
buti't Katipunero sila'y nasupil

nakinig sa kanilang mga historya
habang aking tangan ang kwaderno't pluma
nakipagtalakayan, napuntahan pa
ang ginanapan ng Asamblea Magna

sa Bahay na Tisa pa nananghalian
isa sa pinakamatandang tahanan
sa Pasig, pesante'y ito ang puntahan
sa nakikibaka'y ito ang kanlungan

ang ganitong lakbay-aral ay mabuti
pagkat Pasig ay maipagmamalaki
dama ang tinahak ng mga bayani
sa pagsama rito'y di ka magsisisi

02.07.2026

Kung ako ang bituin

KUNG AKO ANG BITUIN

kung ako ang bituin
sa iyong panaginip
anong madarama mo?
kaysarap bang umidlip?

kung ako ang bituing
natatanaw sa langit
na lalambi-lambitin
ako ba'y anong rikit?

kung ako ang bituin
sa pagitan ng unos
sa gabing di pusikit
sa ningning tiyak kapos

kung ako ang bituing
masid ng dalaginding
ang dala ko'y pag-ibig
sa magandang tanawin

kung ako ang bituing
sa ulap nagkakanlong
ay di kita ang ningning
at luhang bumabalong

kung ako ang bituing
liwanag sa karimlan
nasa isip ko'y maging
tanglaw sa sambayanan

- gregoriovbituinjr.
02.07.2026

* litrato ng aklat hinggil kay Vincent van Gogh, na may likha ng painting na Starry Night, na naging inspirasyon ng kantang "Vincent" o "Starry, Starry Night" ni Don McLean

Biyernes, Pebrero 6, 2026

Sa ikaanim na Black Friday Protest ng 2026

SA IKAANIM NA BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

unang Biyernes ng Pebrero, wala pa ring
nakulong na malalaking isdâ o pating
ito nga'y isang malaking alalahanin
baka kurakot ay patuloy sa gawain

paano pa ba mapapanagot ng bayan
ang sangkatutak na kurakot at kawatan
na buwis ng bayan ang pinagdiskitahan
kayâ di maayos ang serbisyo sa tanan

ay, dapat nang baguhin ang sistemang bulok
at ibagsak ang mga pulitikong bugok
kahit matalinong trapo'y nagiging hayok
sa bilyon-bilyong buwis at pondo sa tuktok

dapat nang wakasan ang bulok na sistema
kayâ, O, Bayan, dapat na tayong mag-alsa

- gregoriovbituinjr.
02.06.2026

* kuha sa tapat ng UP Oblation at sa Bahay ng Alumni, 02.06.2026

Sa ika-25 anibersaryo ng kamatayan ni Ka Popoy Lagman (2 tula)

SA IKA-25 ANIBERSARYO NG KAMATAYAN NI KA POPOY LAGMAN - Tula 1

isa lamang ako sa karaniwang tibak
na nakadaupang palad siyang personal
habang nasa kilusang estudyante't dyaryo
pa kami, nang aking niyakap ang prinsipyo

sa Araneta Coliseum ay nahalal
siyang pangulo ng B.M.P., manggagawa
naroon ako sa Ayala nang sumigaw
siya ng "Rebolusyon!" sa rali n'ung araw

tinayo'y kapatiran ng mga pangulo
ng unyon, na inorganisa ngang totoo
napakarami niyang natulungang unyon
na misyon sa loob ng mahabang panahon

nasa tanggapan ako ng Sanlakas noon
nang mapabalitang walang awang pinaslang
si Ka Popoy sa UP Bahay ng Alumni
mga kasama'y nagpuntahan sa ospital

sa simbahan sa UP siya ibinurol
at nakapula kaming iminartsa siya
mula UP hanggang doon sa Marikina
nang inilibing ang katawang lupà niya

pagpupugay kay Ka Popoy, mapagpalayà!
mabuhay ang diwà ng bayaning dakilà!
patuloy kami sa pangarap at adhikà
itayo'y lipunan ng uring manggagawà

- gregoriovbituinjr.
02.06.2026

* kuha sa UP Bahay ng Alumni, 02.06.2026

Tula 2 (acrostic poem)

POPOY LAGMAN, LENINISTA

Popoy Lagman, na kilala ring Ka Popoy sa madla
Organisador na Leninista ng manggagawa
Pilipinong rebolusyonaryo, tanyag, dakila
O, bakit ba ikaw ay pinaslang nang walang awa
Yinanig ang bayan sa iyong biglang pagkawala
Leninistang nagturo sa amin ng rebolusyon
Ang tagumpay ni Lenin noon, inaaral ngayon
Gurong tunay si Ka Popoy nang magawa ang layon
Manggagawa, magkaisa kayo sa inyong misyon
Ang itayo n'yo ang lipunang sosyalista ngayon
Nagkakaisang puso, diwa't prinsipyo'y di lingid
Laban sa kapitalismong sadyang sistemang ganid
Edukador ng obrerong ating mga kapatid
Nang kawalan ng hustisya'y tuluyan nang mapatid
Isang pagpupugay kay Ka Popoy ang aming hatid
Nagtataguyod ng Leninistang diwa't prinsipyo
Isinasapuso'y tunay na diwang makatao
Sosyalistang lider siyang may pamanang totoo
Tahakin ang landas ni Ka Popoy, ang Leninismo
At palakasin ang pagkakaisa ng obrero

- gregoriovbituinjr.
02.06.2020

Ang skyscraper sa Abu Dhabi

ANG SKYSCRAPER SA ABU DHABI

sa kaylaking skyscraper sa Abu Dhabi
ay makikita ang kaaya-ayang mukhâ
ni Alex Eala at ng ating bandilà
na isang sandaling maipagmamalaki

at kasabay iyon ng Women's Tennis Open
lalo't kahanga-hanga ang mga nagawâ
ni Alex na inirepresenta ang bansâ
maraming Pinoy roon ang nauhâ man din

kung nasa Abu Dhabi ka't nakita iyon 
hahangà ka't manonood ng kanyang larô
ginawâ niya para sa bansa'y di birò
tilà pasan niya sa balikat ang nasyon

buô ang loob sa bawat pakikibaka
sa isports na tennis, nilikha'y kasaysayan
isa nang landas tungo sa kadakilaan
pagpupugay sa iyo, O, Alex Eala!

- gregoriovbituinjr.
02.06.2026

* litrato mulâ sa isang fb page na nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo?fbid=122316254204025710&set=a.122152794008025710 

Huwebes, Pebrero 5, 2026

Loob, labas, lalim, lubak, labò at linaw

LOOB, LABAS, LALIM, LUBAK, LABÒ AT LINAW

napagnilayan ang mga salitang ito
habang nakatalungkô, nilay na totoo
salitang tilà magkaugnay sa buhay ko
kayâ mga salita'y tinipon sa ulo

ikà ngâ ni Balagtas"sa loob at labas
ng bayan kong sawi", patakara'y di patas
di ba't pakikipagkapwa dapat ang batas?
mundo'y kaygulo, ang marami'y di parehas!

kayrami pang mga lubak na tatahakin
bago paroroonan ay aming marating
ngunit nang tumawid sa malalim na bangin
para bang dinadala'y pighati't panimdim

lumalabò ang ilog dahil sa basura
kung ito'y linisin natin, lilinaw pa ba?
tayo ang kikilos upang bansa'y gumanda
diwa'y malinaw at payapang puso'y dama

dapat lang positibo ang ating pananaw
sa dilim ng gabi'y sisikat din ang araw
loob, labas, lalim, lubak, labò at linaw
mga salitang sa kalooban ay tanglaw

- gregoriovbituinjr.
02.05.2026

Ang pressure, ayon kay Alex Eala

ANG PRESSURE, AYON KAY ALEX EALA

maraming nagtatanong kay Alex Eala
kung presyur ba'y paano niya hinaharap

"bahagi ng trabaho ko ang presyur," anya
"may dagdag pang presyur ang paglaro sa bansa"

"balewala lang ito kung ikukumpara
sa presyur na dinaranas ng karaniwang
Pinoy na kumakayod para sa pamilya,
at balewala ang presyur na dinanas ko
sa sakripisyo ng aking mga magulang"

pangmasang kaisipan, matalinong sagot
sadyang mapapahiya ang mga kurakot

kaya kahanga-hanga si Alex Eala
kaygaling sa tennis, kayhusay na atleta
kahit saan maglaro, dala ang bandilà
tunay na nangungunang atleta ng bansâ

- gregoriovbituinjr.
02.05.2026

* mga litrato mula sa google