Sabado, Enero 17, 2026

Pagpupugay kina Alex Eala at Carlos Yulo!

PAGPUPUGAY KINA ALEX EALA AT CARLOS YULO!

dalawang matinding atletang Pinoy
ang pinarangalan, kahanga-hangà
pagpupugay kina Alex at Caloy
na binigyang karangalan ang bansâ

pinagbuti ang isports na pinasok
isa'y sa gymnastics, isa'y sa tennis
nagkampyon, nagkaginto, nasa rurok
pag-angat sa isports nila'y kaybilis

sports king at sports queen, anong husay
batid ng bansang sila'y nagsisikap
laging nag-eensayong walang humpay
nang matupad ang kanilang pangarap

mundo ng isports ay parang nilindol
ng atletang Pinoy na kaygagaling
pagpupugay sa inyo, mga aydol
at sa inyong isports, bansa'y nagising

- gregoriovbituinjr.
01.17.2026

* ulat mulâ sa pahayagang Remate, Enero 17, 2026, p.12    

Biyernes, Enero 16, 2026

Sa 3rd Black Friday Protest ng 2026

SA 3RD BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

patuloy pa tuwing araw ng Biyernes
ang pagkilos laban sa tuso't balakyot
isang commitment na ang Black Friday Protest
upang mapanagot ang mga kurakot

di pa humuhupà ang gálit ng bayan
sa katiwalian nitong mga trapo
nakabibingi na ang katahimikang
akala'y payapa ngunit abusado

talagang kinawat nitong mandarambong
ang pondo ng bayang sinarili nila
karaniwang tao'y saan na hahantong
kung lider na halal ay kurakot pala

nagpapahiwatig iyang ghost flood control
at mga pagbahâ sa mga kalsada
ng sistemang bulok na sadyang masahol
kaya ang sistema'y dapat palitan na!

magpapatuloy pa ang Black Friday Protest
sa pagpoprotesta'y di tayo hihintô
titiyakin nating ito'y walang mintis
nang maparusahan ang sangkot, mapiit

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026

* maraming salamat sa kumuha ng litrato

Pagpupugay kay Atty. Rafa!

PAGPUPUGAY KAY ATTY. RAFA!

pagpupugay, Attorney Rafael La Viña!
magaling, mahinahon, mabuting kasama
ngayong taon, isa sa mga nakapasá
sa bar exam at ganap na abogado na

mahusay na lider ng ilang taon dito
sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino
malaking tungkulin ang maging abogado
lalo pa't naglilingkod sa uring obrero

muli, isang taaskamaong pagpupugay
uring manggagawà ay paglingkurang tunay
maraming aping obrero ang naghihintay
sa serbisyo mo't kasipagang walang humpay

at kami nama'y nakasuporta sa iyo
upang mapagkaisa ang uring obrero
nawa'y maging matagumpay kang abogado
ng bayan, ng obrero't karaniwang tao

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026

Alex Eala, kampyon ng Kooyong Classics sa Melbourne

ALEX EALA, KAMPYON NG KOOYONG CLASSICS SA MELBOURNE

"MANILA, Philippines–Alex Eala was crowned champion of the 2026 Kooyong Classic ahead of her Australian Open debut.

The Kooyong Classic named Eala the women’s singles champion of the professional exhibition event held in Melbourne.

The Filipino tennis sensation received the Evonne Goolagong Cawley Trophy, named after the former World No. 1 Australian netter and seven-time Grand Slam champion." - ulat mula sa Philippine Daily inquirer

kaygandang ulat ang natunghayan
nagkampyon na si Alex Eala
sa Kooyong Classics sa Australia
na laban ay talagang pukpukan

tinalo niya si Donna Vekic
ng Croatia, ng dalawang beses
pag-angat ni Alex ay kaybilis
pagkat talaga namang matinik

Kooyong Classics ay ginaganap
tuwing Enero doon sa Melbourne
laban bago ang Australian Open
nakamit ni Alex ang pangarap

sa Australian Open ay sasabak
itong pambato ng Pilipinas
husay nawa'y muling ipamalas
pagiging kampyon sana'y matiyak

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026

* litrato mula sa inquirer.net

Huwebes, Enero 15, 2026

Tambak-tambak

TAMBAK-TAMBAK

tambak-tambak ang isyu't problema ng bayan
na isa sa matinding sanhi'y kurakutan
ng buwaya't buwitre sa pamahalaan
imbes bayan, sarili ang pinagsilbihan

dilis ang nakulong, walang malaking isdâ
kayâ gálit ng masa'y di basta huhupà
sana'y maparusahan ang mga kuhilà
at pangarap na hustisya'y kamtin ng madlâ

tambak din ang pobreng di sapat ang pambili
delata, bigas, palay, gulay, isdâ, karne
presyo ng krudo, gasolina't pamasahe
serbisyo'y ninenegosyo, tubig, kuryente 

tambak ang lupà, walang matirhan ang dukhâ
tambak ang mga kontraktwal na manggagawà
inaagaw pa ang teritoryo ng bansâ
sistemang bulok nga'y sadyang kasumpâ-sumpâ

buwaya't buwitre nga, masa'y nilalamon
sa ganyang tambak na problema'y anong tugon?
ano ang iyong pananaw, anong solusyon?
sistemang bulok palitan, magrebolusyon?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2026

Ang kaibhan

ANG KAIBHAN

mas nabibigyang pansin ang mga makatang gurô
kaysa makatang pultaym na nasa kilusang masa
naisasaaklat ang akdâ ng tagapagturò
kayhirap isaaklat ang akdâ ng aktibista

may university press para sa makatang gurô
solo diskarte naman ang makatang raliyista
may gawad na sertipiko pa ang tagapagturò
at walang ni ano ang makatang nangangalsada

nirerebyu ang mga libro ng makatang gurô
ng mga sikat na manunulat sa akademya
nasa mga bookstore ang aklat ng tagapagturò
dahil sa maraming rebyu ay sumisikat sila

sa makatang tibak, pawisang may bahid ng dugô
na produkto ng pinagdaanang pakikibaka
laban sa kurakot, trapo, dinastiya, hunyangò
nagmumulat nang mabago ang bulok na sistema

ganyan ang karanasan ko bilang makatang tibak
naghihirap man ngunit di nanghihingi ng limos
isyu't laban ng masa'y nilalarawan ng tapat
prinsipyo'y sinasabuhay, pultaym na kumikilos

kung sakaling sa rali ako'y makasalubong mo
o nasa isang forum o naglalakad mag-isa
suportahan mo naman at bilhin ang aking libro
nang may pambiling bigas ang pultaym na aktibista

- gregoriovbituinjr.
01.15.2026

Miyerkules, Enero 14, 2026

Ang napanalunan kong limang kilong bigas

 

ANG NAPANALUNAN KONG LIMANG KILONG BIGAS

bago mag-Pasko ay may piging akong dinaluhan
sa samahan, may talumpati, kantahan, sayawan
sa palabunutan ay nabunot ang aking ngalan
at limang kilong bigas ang aking napanalunan

halos tatlong linggo rin bago ko iyon naubos
palibhasa'y biyudo na, nag-iisa, hikahos
ngayong gabi, nagpapasalamat ako ng taos
sa nag-ambag niyon upang makakain nang lubos

sa manggagawa ng Anchor's Away Transport, salamat
napanalunan ko'y pinahahalagahang sukat
bilang makata't lider-dalita'y nadadalumat
na sana'y maayos din ang kalagayan ng lahat

uring manggagawa ang lumikha ng ekonomya
at nagpapakain sa mundo'y mga magsasaka
hatid ng nasa transport bawat produkto sa masa
sa akin, pinanalo'y pang-agdong buhay talaga

magpatuloy pa kayo sa mabuting adhikain
at magpapatuloy ako sa mabuting mithiin
magpatuloy tayo sa nagkakaisang layunin
muli, salamat sa bigas na nang maluto'y kanin

- gregoriovbituinjr.
01.14.2026

* maraming salamat sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), mabuhay kayo!