* krosword mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Marso 12, 2026, p.7
Biyernes, Marso 20, 2026
Ingat: Babala o Bilin?
INGAT: BABALA O BILIN?
aba'y mali yaong tanong
na "Babala sa lilisan"
tatlumpu't walo pahalang
sa isang palaisipan
para bagang nananakot
o may himig pagbabantâ
gayon ba ang kahulugan
pag sinabihan mong "Ingat"?
kung ako ang tagagawâ
ng krosword na tulad niyon
mas mabuti pang isulat
doon: "Bilin sa lilisan"
pag sinabi mong "Babala"
may mangyayaring masamâ
di gaya ng "Bilin", siya'y
pinapayuhan mong sadyâ
may saya't kurot sa pusò
pag sinabihan kang "Ingat"
nagsabi'y mabuting tao
asam ay kaligtasan mo
- gregoriovbituinjr.
03.20.2026
Huwebes, Marso 19, 2026
Awit sa desaparesido
AWIT SA DESAPARESIDO
ang búhay nila'y inumit
ng sinumang malulupit
hustisya sana'y makamit
ng mga winalang pilit
- gregoriovbituinjr.
03.19.2026
* mapapanood ang munting bidyo sa:
Hindi mananahimik ang tahimik na makatâ
HINDI MANANAHIMIK ANG TAHIMIK NA MAKATÂ
tahimik lang ang makatang nakapangalumbabâ
malalim ang nilay sa pasamano ng bintanà
tila may suliranin o unos na nagbabadyâ
habang mahigpit na tangan ang prinsipyong dakilà
panatà sa sarili'y di siya mananahimik
sa mga isyung masa'y apektado, magsaliksik
agad upang magsuri ng isyu at isatitik
ilalahad ang nakitang walang patumpik-tumpik
lalo ngayon, dahil sa digmâ, lahat apektado
nagtataasan na ang bilihin, lalo ang krudo
kayrami pang mapagsamantalang nagnenegosyo
upang limpak na tubo'y mahamig ng mga ito
hindi pa tayo tapos sa isyung pangungurakot
ng mga buwaya't buwitreng dapat lang managot
ang makata'y magpapatuloy sa pakikisangkot
hindi mananahimik upang maplantsa ang gusot
- gregoriovbituinjr.
03.19.2026
Si Bulakna
SI BULAKNA
black belter umano sa arnis si Bulakna,
isang babaylan, mandirigmâ, makatâ pa,
at kay Lapulapu ay butihing asawa,
babae, pinunô, ating bigyang halaga
nakita sa eksibit ni Kidlat Tahimik
nang mata ko'y imulat, di na maipikit
si Bulakna pala sa arnis ay kaylupit
pangalan niya sa kasaysayan igiit
dapat pa tayong magsaliksik ng ganito
dapat pa nating saliksikin ang ganito
tagong kasaysaya'y halungkating totoo
ngala'y idagdag sa bayaning Pilipino
O, Bulakna, pangalan mo'y isinadiwà
sa Mactan ay isa kang bayaning dakilà
kaylaki ng papel ng babae sa bansâ
"Bayani ng Arnis", itatawag kong sadyâ
- gregoriovbituinjr.
03.19.2026
* mga litrato kuha ng makatâ noong Marso 15, 2026 sa MET
Miyerkules, Marso 18, 2026
Ang mapalot mong ihi - tanaga baybayin
ANG MAPALOT MONG IHÌ
ang mapalot mong ihì
pakibuhusan, dalî
huwag ipamalagì
ang amoy na mapanghî
- gbj/03.18.2026
tanaga baybayin
Wala man sa toreng garing ang makatâ
WALA MAN SA TORENG GARING ANG MAKATÂ
minsan, may gabing di na siya kumakain
di pa dahil sa kawalan ng kaperahan
kundi mas masarap pang pagnilay-nilayin
ang mga akdang nais iambag sa bayan
panitikan, tulad ng mga tula't kwento
ang buhay nitong makatang nakikibaka
wala man sa toreng garing ang taong ito
tiyak ang makata'y laging nasa kalsada
kasama'y masang pinagsasamantalahan
ng bulok na sistemang dahilan ng luhà
sa mga akda'y kanyang inilalarawan
ang kalagayan ng abang obrero't dukhâ
bagamat makata'y wala sa toreng garing
nais niyang sa akdâ, isyu'y mapatining
- gregoriovbituinjr.
03.18.2026
Awit kay Alex Eala
AWIT KAY ALEX EALA
wowoh, Alex Eala
magaling na atleta
bayaning Pilipina
inspirasyon sa masa
bansa'y iyong dinala
sa tagumpay mo, iha
- gregoriovbituinjr.
03.18.2026
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:
Mag-subscribe sa:
Mga Komento (Atom)








