Sabado, Disyembre 5, 2009

pr - Alma Santolan

ALMA-SANTOLAN
ALYANSA NG MGA MAGKAKAPITBAHAY
SA TABING-ILOG NG SANTOLAN
Santolan, Pasig City

I-justify nang Buo
PRESS RELEASE
Disyembre 4, 2009

Maralita ng Pasig, Nagmartsa Laban sa Demolisyon
HUWAG KAMING ITAPON MULA
DANGER ZONE TUNGO SA DEATH ZONE!


Sa pangunguna ng Alyansa ng mga Magkakapitbahay sa Tabing Ilog ng Santolan, Pasig (ALMA-SANTOLAN), nagmartsa patungong Pasig City Hall kaninang hapon ang mga maralita, kasama ang mga manggagawa mula sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), mga kapwa maralita mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML), Partido Lakas ng Masa-Pasig chapter (PLM-Pasig), at mga residente sa palibot ng Manggahan Floodway artsa ang mga maralitang apektado ng demolisyon mula Santolan, Pasig tungo sa Pasig City Hall upang ipanawagan sa mga mamamayan ng Pasig at sa pamahalaang lokal ng Pasig na ayaw nilang ilipat sila sa death zone mula sa danger zone nang wala silang malinaw na pinanghahawakan upang matiyak ang kanilang kasiguraduhan sa paninirahan.

Ayon kay Vergel Velasquez, presidente ng ALMA-SANTOLAN, "Ang nais namin ay moratorium sa demolisyon hangga’t walang maayos at makataong relokasyon, at ang pinakamainam ay in-city relocation upang hindi tayo mapalayo sa ating trabaho at kinalakihang lugar. Ang nais po namin ay katiyakan sa paninirahan. Dapat ipatupad ang 10 meters easement ayon sa Flood Summit at dapat matayuan ng dike ang pampang para maging ligtas ang mga mamamayan ng Santolan. "

Idinagdag pa ni Velasquez, "Marami nang bumalik mula sa Calauan, Laguna dahil wala roong pagkakitaan ang mga tao, malayo sa hanapbuhay nila, malayo ang palengke, ospital at paaralan, at malapit sa bundok na may banta ng landslide. Kung ganito ang nangyayari, bakit pa kami pupunta doon? Dapat ay in-city relocation kung saan malapit ang pagdadalhan sa amin sa aming mga trabaho dito sa Pasig. Ang ilayo kami sa aming pagkukunan ng ikabubuhay ay parang unti-unti na ring pagpatay nila sa aming mga pamilya."

Sinabi naman ni Ka Pedring Fadrigon, pambansang pangulo ng KPML, "Sinisisi ng pamahalaan ang mga maralitang malapit sa ilog na siyang dahilan ng pagkarumi at pagbabara ng mga ilog, gayong di masisi ng pamahalaan ang kanyang sariling kapalpakan. Itinuring agad nila ang mga dukhang parang mga dagang dapat itaboy pagkatapos ng bagyong Ondoy, gayong ang mga iyon ay lehitimong taga-Pasig."

Hanggang ngayon ay nangangamba ang mga maralitang tatamaan ng demolisyon sa mga danger zone kung sila’t tuluyang ililipat sa death zone dahil wala pa silang kasiguraduhan hangga’t wala pa silang napanghahawakang anumang kasunduan na magtitiyak ng maayos at makatarungang paninirahan para sa kani-kanilang pamilya.

Huwebes, Disyembre 3, 2009

bukas na liham - Alma Santolan

Bukas na Liham
Magkaisa! Ipaglaban ang karapatan sa paninirahan!

Magandang araw po sa inyo, mga mahal naming kapitbahay,

Kami po ang nalalabing pamilya na idedemolis sa tabing ilog ng Santolan. Alam po naming alam nyo kung ano ang hirap at pagdurusang dinaranas ng mga apektado ng demolisyon. Bagamat ang hindi apektado sa sukat na 30 meters ay nagiging kampante na, 'yun lang po ang ating iniisip. Sa kabila nito, kung ating iisipin, hindi pa tayo panatag, at maaari pang ubusin tayong mga taga-Santolan na walang pinaghahawakang anumang dokumento o titulo na nagpapatunay na pag-aari natin ito. Wala po tayong kasiguraduhan hangga’t wala pa tayong napanghahawakan kung hanggang saan talaga ang dapat na sukat. Dapat magkaroon ng kasunduan para mawala ang ating pangamba.

Maaari pa ring unti-unti tayong idemolis ng ating lokal na pamahalaan nang walang pakundangan at dalhin kung saan nila gusto ng walang pagkonsidera kahit malulugmok man tayo sa higit na kahirapan. Tulad na lang ng Calauan, Laguna na walang hanapbuhay, matagal magkapera, kaya malaking problema ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang pumaroon na.

Huwag na nating hintayin pang dumating sa puntong madamay tayo. Hindi natin alam ang pamumuhay na ipipilit ng ating lokal na pamahalaan kung tayo'y idemolis pa. Huwag na nating hintayin na matulad sa mga lumipat na sa Calauan na inilikas nga sa danger zone ay isinadlak naman sa death zone. Huwag na nating hintayin pa na pati sarili nating mga anak ay mapariwara at matigil sa pag-aaral, at lalong mapahirapan ng bulok na kalakaran sa ating bayan. Hindi pa huli ang lahat! Ating ipaglaban ang kinabukasan at karapatan ng ating pamilya! Huwag tayo agad magpadala sa pananakot at pag-aralan ang iba pang opsyon.

Alam po namin, napamahal na sa atin ang Santolan na siyang kinagisnan natin, kinalakihan at nakasanayan nating tirahan. Kaya po kumakatok kami sa inyong puso’t isipan na makiisa sa martsa mula Santolan hanggang Pasig City Hall, Biyernes, Disyembre 04, 2009, 2pm, sa Santo Tomas Villanueva Parish Church upang ipaalam sa taong bayan ang pinaggagawa ng lokal na pamahalaan sa mahihirap na katulad natin. Hindi po makatarungan ang pinaggagawa nila sa ating mahihirap. Tungkulin ng pamahalaan ang bigyan ng maayos na pamumuhay at makataong paninirahan at pangalagaan ang karapatan ng kanyang mamamayan.

Ang nais natin ay moratorium sa demolisyon hangga’t walang maayos at makataong relokasyon, at ang pinakamainam ay in-city relocation upang hindi tayo mapalayo sa ating trabaho at kinalakihang lugar. Ang nais po natin ay katiyakan sa paninirahan. Dapat ipatupad ang 10 meters easement ayon sa Flood Summit at dapat matayuan ng dike ang pampang para maging ligtas ang mga mamamayan ng Santolan.

Dito na tayo tumagal. Dito rin tayo natutong mamuhay. Dito rin nagkapamilya. Kung kaya mahalin po natin itong ating lugar. Huwag nating basta-basta ibigay ang karapatan nating mamuhay ng walang alinlangan. Atin ito!!! Ipaglaban natin ang kinabukasan ng ating pamilya.

Nagkakaisang Magkakapitbahay na Apektado sa Tabing Ilog ng Santolan
Disyembre 2, 2009

polyeto - Alma-Santolan - blg. 1

HUWAG ITAPON SA CALAUAN KAMING TAGA-PASIG!

HUWAG KAMING ITAPON MULA DANGER ZONE TUNGO SA DEATH ZONE!

NAIS NAMI'Y KASIGURUHAN SA PANINIRAHAN!

PABAHAY, KABUHAYAN, KATARUNGAN!


Kami, mula sa Alyansa ng mga Magkakapitbahay sa Tabing Ilog ng Santolan, Pasig, ay ididemolis ng pamahalaang lokal at nais nila kaming ilipat sa Calauan, Laguna. Sa lugar na napakalayo at walang pagkakakitaan.

Itatapon kami dahil sakop daw ng danger zone ang aming lugar. Subalit tatanggalin nga kami sa danger zone upang dalhin naman sa death zone dahil wala kami duong ikabubuhay, walang palengke, ospital at paaralan ng mga anak na nag-aaral.

Hindi kami tutol na malipat ng lugar-tirahan subalit kung kami ay palilipatin ay sana sa lugar na kung hindi man mas maigi ay huwag namang mas delikado pa sa dati.

Napakasakit nito para sa amin na pwersahan kaming palipatin sa lugar na walang ikabubuhay. Hindi pa nga kami nakaka-recover sa trauma ng pananalanta ng bagyong Ondoy, ito na naman at rumaragasa ang balitang gigibain ang aming tahanan.

Kayat noong gabi ng Nobyembre 8 ay nakipag-usap agad kami sa mga kagawad ng Santolan at ipinahayag nila ang buong pagsuporta sa aming kahilingan at ipaglalaban din nila kami na kung kami ay palilipatin ay dapat sa Pasig rin para di kami malayo sa aming trabaho at sa paaralan ng aming mga anak.

Kinabukasan naman ay sama-sama kaming nakipag-usap sa Kapitan subalit waring bingi sa aming katwiran at kahilingan. Ipinagtutulakan na kaming pumayag na tanggapin na ang Calauan.

Nakipagpulong din kami kay MMDA Chairman Bayani Fernando at Mayor Bobby Eusebio, subalit iisa ang kanilang tono, pinalilipat kami sa lugar na di namin gusto at kung hindi ay idedemolis ang aming mga bahay.

Nagpunta rin kami sa tanggapan ng Presidential Commission on Urban Poor (PCUP), Commission on Human Rights (CHR) at National Housing Authority (NHA) noong Nobyembre 23 at nitong huli ay nagawan namin nang paraan na pagharap-harapin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa paninirahan, ang PCUP, CHR, NHA, MMDA, Office of Congressman Romulo at City Engineer Caparas. Ngunit katulad ng Kapitan ng Santolan at ng ating Mayor, wala kaming nakuhang pabor, lahat sila ay nagkakasundong palayasin na kami sa Pasig.

Paano kami lilipat sa lugar na napakalayo at wala kaming ikabubuhay. Katunayan, marami nang bumalik mula sa unang mga pumunta ng Calauan, dahil wala nga roong pagkakitaan, malayo at liblib ang lugar, paanan ng bundok at hindi imposible ang landslide.

Kung ganito rin lang naman ang paglilipatan, mas pipiliin na naming manatili dito sa tabi ng ilog sa Santolan na sa mahabang panahon ay naging lugar na ng aming paninirahan. Malapit sa aming hanapbuhay, eskwelahan at sa mga kabarangay na sa nakalipas na panahon ay naging bahagi na ng aming pang-araw-araw na buhay at takbuhan ng tulong sa tuwinang may mahigpit na pangangailangan.

Matagal na kaming mamamayan ng Pasig, hindi nga lang kami nagkaroon ng pagkakataon na makabili ng sariling lupang titirikan dahil maliit lang ang aming kinikita sa araw araw, gayong napakataa ng presyo ng bilihin at serbisyo tulad ng eskwela, pamasahe, tubig at kuryente. Marami kami na ganito ang kalagayan, nagsisiksikan kahit sa lugar na delikado para lang mabuhay.

Kami at ang milyon milyong kababayan natin ay mga biktima ng bulok na kaayusan ng ating bayan, ang kaayusang nagpapahintulot sa pagkamkam ng iilan sa yamang sana’y para sa buong mamamayan. Kung wala sanang kurapsyon at pandaraya at ang malaking perang ninanakaw ay nagagamit sa pagpapatayo ng bahay ng mahihirap, wala sanang mamamayang nakatira ngayon sa mga di ligtas na lugar.

Kami ay mga tao rin, di kami basura, huwag kaming itapon sa malayong lugar na walang ikabubuhay.

Kung ganito ang ginawa nila sa amin sa Santolan, tiyak ganito rin ang gagawin nila sa mga nakaambang demolisyon sa Manggahan Floodway at sa iba pang itinuturing nilang danger zone.

Ang aming hiling ay pang-unawa at tulong, hindi demolisyon.

Kaya’t nananawagan kami sa inyo na samahan kami na papaglinawin ang isipan ng ating mga opisyal ng pamahalaan. Tulungan nyo kami na mahadlangan ang plano ng ating pamahalaan na paalisin kami sa Pasig.

Lahat na po ng ahensya ay amin nang nalapitan at lahat sila ay bingi sa aming hinaing. Kayo na lang po mga kababayan ang aming pag-asa.

Samahan nyo kami sa panawagang WALANG DEMOLISYON KUNG WALANG MAKATAONG RELOKASYON!

Itigil ang pandarahas sa mga maralita!

Makiisa sa Martsa para sa makatao at ligtas na paninirahan
mula Santolan to Pasig City Hall.
Disyembre 4, 2009, Biyernes, 2:00pm
Magkita-kita tayo sa Sto. Tomas Villanueva Parish Church, Evangelista St., Santolan, Pasig.

ALMA-SANTOLAN
(ALYANSA NG MGA MAGKAKAPITBAHAY SA TABING-ILOG NG SANTOLAN, PASIG)
BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP)
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA
MARALITA NG LUNGSOD (KPML)
PARTIDO LAKAS NG MASA-PASIG (PLM-PASIG)

Disyembre 2, 2009