Linggo, Abril 30, 2023

Mahabang manggas, sumbrero't tubig sa Mayo Uno

MAHABANG MANGGAS, SUMBRERO'T TUBIG SA MAYO UNO

bilin sa lalahok sa Mayo Unong papalapit
magsuot ng sumbrero't manggas, magdala ng tubig
papalo na raw ng fifty degrees Celsius ang init
baka sa matinding init, ma-heat stroke, mabikig

pampalit na tshirt at bimpo'y magdala rin naman
bakasakaling sa pawis, likod ay matuyuan
labanan ang heat stroke, isipin ang kalusugan
sabihan din natin ang ating mga kasamahan

nawa'y maging matagumpay ang ating Mayo Uno
pati na ang pagsama-sama ng uring obrero
sana bilin sa init ay mapakinggang totoo
lalo na't nasa climate emergency na ang mundo

taospusong pagpupugay sa Uring Manggagawa! 
bati'y taaskamao sa Hukbong Mapagpalaya!

- gregoriovbituinjr.
04.30.2023

Biyernes, Abril 28, 2023

Alalahanin sila ngayong Abril Bente Otso

ALALAHANIN SILA NGAYONG ABRIL BENTE OTSO

alalahanin ang Abril Bente Otso taon-taon
dahil sa World Day for Safety and Health at Work
at International Day for Dead and Injured Workers
na tinatawag ding Workers' Memorial Day

mababanggit sa ating bansa ang mga trahedya
tulad ng Manila Film Center Tragedy kung saan
isandaan animnapu't siyam na manggagawa yaong
nabaon sa lupa nang ginagawang gusali'y gumuho

sampung manggagawa sa Eton construction sa Makati
ang nahulog at namatay sanhi ng isang aksidente
at ang pitumpu't dalawang manggagawang namatay
sa sunog sa pabrika ng tsinelas na Kentex

may mga lider-manggagawang binaril at pinaslang
ng marahil ay utusan ng kapitalistang halang
sa araw na ito sila'y ating alalahanin
upang di na mangyari muli, sistema na'y baguhin

itayo ang pangarap na lipunang makatao
kung saan wala nang pagsasamantala ng tao sa tao
iyan muna, mga kababayan, ang ibabahagi ko
alalahanin ang araw na ito bago mag-Mayo Uno

- gregoriovbituinjr.
04.28.2023

Lunes, Abril 24, 2023

Mithi

MITHI

nagpapatuloy ang ating buhay
upang tupdin ang napiling pakay
upang lasapin ang saya't lumbay
upang sa kapwa ay umalalay
habang yakap ang prinsipyong lantay

dinaranas nati'y laksa-laksa
paano ba babangon sa sigwa
paano ba lulusong sa baha
paano magkaisa ang dukha
pati na kauring manggagawa

bakit dapat dukha'y irespeto
pati na kapatid na obrero
bakit ang karapatang pantao
at hustisya'y ipaglalaban mo
pati ang tahanan nating mundo

sariling wika ang patampukin
sa mga tula't ibang sulatin
laksang masa ang dapat mulatin
upang kalagayan ay baguhin
at lipunang makatao'y kamtin

lipunan ay ating sinusuri
bakit ba may naghaharing uri
bakit may pribadong pag-aari
na kahirapan ay siyang sanhi
ah, sistema'y baguhin ang mithi

- gregoriovbituinjr.
04.24.2023

Sabado, Abril 22, 2023

Polyeto para sa Earth Day 2023

POLYETO PARA SA EARTH DAY 2023
IPAGLABAN ANG ISANG PLANETANG NAGKAKALINGA NG BUHAY!
IDEKLARA ANG CLIMATE EMERGENCY!

Mula 1965 hanggang 2021 - mahigit na isang milyong (1,304,844) toneladang carbon dioxide o CO2 - tipo ng greenhouse gas na binubuga mula sa pagsusunog ng fossil fuel gaya ng Coal, LNG / Fossil Gas at Oil, naiipon at nakonsentra sa atmospera na siyang dahilan ng pag-iinit ng planeta, mula sa produksyon ng elektrisidad, pagpapatakbo ng mga industriya at transportasyon sa buong mundo.

Sa loob naman ng panahong ito ay nakapagbuga ang sektor ng enerhiya sa Pilipinas ng 3,275 milyong tonelada ng CO2. Ang pandaigdigang pagbubuga ng CO2 sa enerhiya ay patuloy ang pagtaas ng 5.9% kada taon batay sa datos sa taong 2022.

Patuloy ang pagtaas ng kontribusyon ng bansa sa pagbuga ng carbon dioxide. Sa katunayan, ang tantos ng Pilipinas ay umaabot sa 7.8% kada taon ang pagtaas. Katumbas nito ang kwadrilyong tonelada ng CO2 at hindi maitatangging nakapag-ambag nang malaki sa pagbabago sa klima at ngayon ay banta sa sangkatauhan at lahat ng mga nabubuhay sa planeta.

Noong 2018, idineklara ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), isang United Nations body na nag-aaral ng physical science, na ang mundo ay nasa yugto ng climate emergency. Dito sa Pilipinas, wala nang pagdududa ang epekto ng pagbabago ng klima sa anyo nang mas madalas at ibayong paglakas ng mga bagyo, pagbaha at tagtuyot. Halimbawa, ang supertyphoon Yolanda na kumitil sa buhay ng 6,300 katao at hanggang ngayon ay may 3,000 katao pa ang hindi nakikita. Matindi ang mga tagtuyot na ating naranasan na nagresulta ng food riot at masaker sa Kidapawan. Ang pagtaas ng dagat o sea level rise (SLR) na umaapekto na ngayon sa mga baybayin ng Pilipinas. Tinatantya na aabot ng 76 milyong mamamayan ang maaapektuhan ng sea level rise sa taong 2030. Ito ang ilan sa mga patunay na papatindi ng papatindi ang mapangwasak na epekto ng krisis sa klima.

Sinabi ni Antonio Guterres, Secretary General ng United Nations, na limitado na lang ang ating panahon para hanapan ng solusyon ang krisis sa klima. Kung hindi, ang haharapin na natin ay climate catastrophe.

Ayon sa IPCC, kung magagawa lamang na mapababa ang pagbuga ng mga greenhouse gases sa taong 2025, matitiyak nito na malilimita ang pag-init ng mundo sa 1.5 degrees Celsius. Ang pag-abot sa target na 1.5 degrees Celsius na siyang magseseguro sa paglilimita sa climate change sa hinaharap ay mangangailangan ng 'kagyat na pagkilos' upang malimitahan ang gas emissions.

Ngunit ang patuloy na business-as-usual na pagharap sa pagbabago ng klima ay tiyak na magdudulot ng malawakang pagwasak ng kalikasan sa buong mundo at lalong titindi ang pag-init ng daigdig. Mas ligtas tayo kung hindi na natin hihintayin pa ang deadline sa taong 2025. Kung mas maagap at mabilis tayong kikilos ay magiging mataas ang posibilidad na matigil ang pagtaas ng temperatura ng daigdig lampas ng 1.5 degrees Celsius.

Subalit sa kasamaang-palad, ang Philippine Energy Plan na isinusulong ng gobyerno ay mas lalo pang magsasadlak sa Pilipinas sa pagdepende sa mga fossil fuels. Ito ay malinaw na paglabag mula sa IPCC AR 6 na nagsasaad na huwag nang palawakin pa ang paggamit ng fossil fuels mula taong 2023. Pero sa plano ng gobyerno na ipagpatuloy ang business-as-usual na paggamit ng fossil fuel ay lalong itinutulak nito ang maraming bilang ng Pilipino papunta sa kamatayan.

Panahon nang itigil ang pagsasawalang-kibo at walang pakialam sa maling landas na tinatahak ng gobyerno ng Pilipinas ukol sa fossil fuels. Kinakailangang kumilos at manawagan tayo na magdeklara ng climate emergency ang pambansang pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan at maging bahagi ng pandaigdigang solusyon sa krisis sa klima. Kailangan nating ipaglaban ang pagpapatigil ng fossil fuel generation plant na nagpapalala ng klima at paglulunsad ng malawak na pagpapatupad ng renewable energy sa bansa. Ipinapanawagan din natin ang pagpapatigil sa lahat ng mga proyektong sumisira sa kalikasan at nagpapahina sa kakayahan ng ating bansa sa epekto ng pagbabago ng klima.

Ngunit ang panawagan para sa climate emergency ay hindi maisasagawa kung walang pagkilos at laban mula sa mga mamamayan, lalo na ng mga bulnerableng komunidad na nasa frontline ng pagbabago sa klima. Ang laban natin ay huwag lumampas sa 1.5 degrees Celsius ang init ng planetang Earth upang tayong mga tao ay manatiling buhay at maging ang mga hayop at halamang sumusustento sa ating kabuhayan ay patuloy na mabuhay rin. Dalawang bagay para sa mga mamamayan: hintayin na lamang ang dilubyo ng kamatayan o lumaban para sa kaligtasan?

Para sa gobyerno: pakinggan ang sinasabi ng mamamayan at syensiya na kumilos para sa climate emergency o harapin ang delubyong dala ng klima at ang galit ng mamamayang nagnanais ng pagbabago ng sistema?

PLANETANG NAGKAKALINGA SA BUHAY, IPAGLABAN!
IDEKLARA ANG CLIMATE EMERGENCY, NGAYON!
HUSTISYANG PANGKLIMA, NGAYON NA!
PAGBABAGO NG SISTEMA, HINDI SA KLIMA!

Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Sa Araw ng Daigdig

SA ARAW NG DAIGDIG

Abril Bente Dos, Earth Day, / ano bang dapat gawin?
ito ba'y nararapat / na ipagdiwang natin?
baka mas dapat gawin / ay ang alalahanin
ang pagkasira nito, / sinong dapat sisihin?

tinatapon sa dagat / ang laksa-laksang plastik
na nagiging pagkain / ng mga may palikpik
pati ilog at sapa, / sa plastik nagsitirik
sadyang kapabayaan / ang ating inihasik

mapipigilan kaya / ang nagbabagong klima?
climate emergency ba'y / kaya pang madeklara?
iyang Annex I countries / ay magbabayad pa ba?
sa bansang apektado / ng ilan nang dekada?

dahil daw sa pag-unlad / ay kinalbo ang bundok
at mga kagubatan / ng mga tuso't hayok
sa tubo, tila baga / namumuno ay bulok
dahil sa pagmimina'y / pinatag pa ang bundok

kaya development ba'y / equals destroying nature?
kahulugan ng progress / ay destroying earth's future?
ang kapitalismo ba'y / sistemang parang vulture?
kaya ang ating mundo'y / di nila nino-nurture?

sa Araw ng Daigdig, / pulos ba kamunduhan?
at wala nang paggalang / sa mundo't sambayanan?
basta tumubong limpak, / wala nang pakialam
sa tahanang daigdig, / bulsa'y bumundat lamang!

- gregoriovbituinjr.
04.22.2023

*litrato CTTO, maraming salamat sa PMPI

Huwebes, Abril 20, 2023

#WagGas: Salin ng Batangas Declaration

Ang sumusunod na pahayag ay malayang isinalin mula sa wikang Ingles ng manunulat na si Gregorio V. Bituin Jr. bilang bahagi ng kampanya upang mas maunawaan pa ng sambayanan ang isyu,


Sa paglulunsad ng #WagGas noong Abril 20, 2023, binasa ni Bishop Alminaza, isa sa anim na tagapagsalita, ang sumusunod na pahayag:

#WagGas

DEKLARASYON SA BATANGAS: NAGKAKAISANG TINDIG LABAN SA PAGPAPALAWAK NG FOSSIL GAS SA PILIPINAS
Para sa Sustenableng Kinabukasan at 100% Renewable Energy para sa Lahat

KAMI, mga delegado ng Pambansang Pagtitipon ng mga Pamayanang Apektado  Fossil Gas at mga grupong sumusuporta, na kumakatawan sa mga pamayanan sa Luzon, Visayas at Mindanao; mga samahang masa at mga organisasyong di-pampamahalaan, mangingisda, kilusang sibiko at pangkapaligiran, mga organisasyon at institusyong nakabatay sa pananampalataya, mga grupo ng manggagawa, mga mamimili, kababaihan, at kabataan ay nagpapahayag:

SAPAGKAT ang Pilipinas ay isang bansang pinagkalooban ng masaganang yaman na higit pa sa kakayahang palakasin ang isang sustenableng kinabukasan habang nagbibigay ng kabuhayang kailangan ng ating mamamayan.

SAPAGKAT sa kanyang unang State of the Nation Address, iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos na bigyang-priyoridad ang pag-unlad na salungat sa agos at gitna sa agos (upstream at midstream development) ng natural gas bilang pansamantala sa pagbuo ng mga renewable - batay sa maling akala na ito ay isang malinis na mapagkukunan ng enerhiya. Ang natural na gas ay isang fossil fuel na hindi gaanong salarin sa krisis sa klima kaysa sa karbon o langis. Pangunahin itong binubuo at naglalabas ng methane sa bawat yugto ng value chain nito, at naglalabas ng iba pang mga greenhouse gases sa kapinsalaan ng ating mga pandaigdigang sistema sa klima.

SAPAGKAT kung titingnan sa higit sa 10- hanggang 20-taon na sukat ng panahon, ang methane at iba pang panandaliang greenhouse gas ay nakakaimpluwensya sa pag-init ng mundo kahit sindami ng carbon dioxide. Upang mapanatili ang higit pang sakuna sa pagbabago ng klima, walang mga bagong bukid ng gas, kung saan inaasahang mas maraming natural na gas ang makukuha mula sa sahig ng dagat, ay dapat maaprubahan para sa pagpapaunlad lampas ng 2021. Walang puwang para sa mga kompromiso sa pagkilos ng klima, sa katunayan, at batay sa sulating  Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Pope Francis: "Ang problema ay pinalala ng isang modelo ng pag-unlad batay sa masinsinang paggamit ng fossil fuels, na nasa puso ng pandaigdigang sistema ng enerhiya." "Alam namin na ang teknolohiyang nakabatay sa paggamit ng lubhang nakakaruming fossil fuel... ay kailangang unti-unting palitan nang walang pagkaantala."

SAPAGKAT ang renewable energy ay naging mas mabubuhay at mapagkumpetensya-sa-gastusin sa mga nakalipas na taon, na nagiging abot-kaya ngunit sustenableng enerhiya na mas abot-kaya ng bawat Pilipinong sambahayan; Ngayon, samakatuwid:

NAGKAKAISA KAMI sa likod ng pag-unawa na ang fossil gas ay nagsasapanganib sa kapakanan ng mga pamayanan, ating kapaligiran, at ating lipunan, at ngayon ay nagpapakita ng ating pagkakaisa sa paglaban sa pagpapalawak nito.

TINUTULIGSA NAMIN ang malawakang pagpapalawak ng natural gas sa bansa, na labag sa kapakanan ng Pilipinas bilang megadiverse (o malawakang samutsari) ngunit isang bansang bulnerable sa klima. Mula sa kasalukuyang 3.4 GW na kapasidad ng gas sa pipeline ay bumulusok sa 37.95 GW mula sa 34 na bagong proyekto, na may 11 bagong liquified natural gas (LNG) na mga terminal ng pag-import ay ginagawa na.

DINIRINIG NAMIN ang pandaigdigang panawagang magkaisa upang labanan ang umiiral na banta ng pagbabago ng klima at para sa pag-alis ng mga materyales at proseso na nag-uudyok sa pagtaas ng temperatura sa daigdig, na pangunahin sa mga ito ay ang paggamit ng mga fossil fuel - ito man ay coal o gas - sa pag-generate ng kuryente.

HINIHILING NAMIN na ang Pamahalaan ng Pilipinas, kasama ang Pangulo, Kongreso, at Kagawaran ng Enerhiya na siyang may pananagutan, na ihinto ang pagsisikap nitong palawakin ang ating pagiging palaasa sa gas at sa halip ay trabahuhin ang malawakang paglalagay ng mga enerhiyang renewable.

NANAWAGAN KAMI para sa proteksyon ng aming mga baybayin at ekosistemang pandagat kung saan nakasalalay ang buhay at kabuhayan ng mga pamayanan. Ang mga plantang pinagagana ng gas at mga terminal ng LNG ay inilagay sa tabi ng ating mga karagatan, laot at malalaking anyong tubig upang gamitin para sa kanilang sistema ng pagpapalamig, o upang makatanggap ng mga inangkat na LNG mula sa mga tanker. Ang sedimentasyon at siltasyon na nagreresulta mula sa paghahawan ng lupa, ang hindi maibabalik na pinsala sa mga tahanang dagat na dulot ng paghawan at reklamasyon ng bakawan, ang pagpakawala ng mas maiinit na tubig na ginagamit para sa paglamig ng mga pinatatakbong gas-fired power plant ay ilan lamang sa mga banta, na dulot ng industriya ng fossil gas sa ating pinahahalagahang ekolohiyang pandagat. Pitong mungkahing proyektong fossil gas at walong LNG terminal ang ilalagay sa Batangas, na bahagi ng Verde Island Passage (VIP). Ang VIP ang sentro ng mga sentro ng saribuhay sa karagatan at baybaying isda sa mundo at tinuturing bilang Amazon of the Oceans. Nababahala kami na ang mga gas site sa buong bansa ay sumasalamin sa pinsalang naganap sa VIP. Ang panliligalig, panlilinlang, at panggigipit na kinakaharap ng mga pamayanan, na kadalasang nakukulayan ng mga maling pagtitiyak ng pag-unlad at pagsulong, ay mga katotohanan ding hindi maaaring balewalain. Nagdurusa na sa mga hamon sa klima at pang-ekonomiya, ang industriya ng gas ay nakadagdag pa sa mga pasanin ng mga pamayanang nakaharap sa laban.

HINIHILING NAMIN ang pagpapahinto sa mga proyektong fossil gas na iminungkahi sa Batangas at sa iba pang lugar sa bansa, na nagdudulot ng polusyon at ng pagkasira sa mga lugar na kinalalagyan ng mga ito. Sa isang kamakailang pag-aaral, halimbawa, ang naglalantad sa katotohanang ilang mga pollutant ay umabot na sa hindi ligtas na mga antas sa tubig ng isang nahawahan na ng fossil gas na bahagi ng Verde Island Passage, ngunit walang malinaw na patakarang umiiral upang protektahan ang VIP mula sa karagdagang kontaminasyon. Ang mga awtoridad na responsable sa pangangalaga sa kapaligiran at mga taong umaasa rito para sa kanilang pamumuhay at pinagkukunan ng kabuhayan, pangunahin sa mga ito ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga local government units (LGUs), ay dapat magpatupad ng pinakamahigpit na pamantayan sa pangangalaga sa integridad ng Sangnilikha, na may malinaw na pagtutuos at pag-uulat hinggil sa kalusugan ng masaganang kalikasan.

HINIHIMOK NAMIN ang Department of Energy (DoE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na protektahan ang mga konsyumer mula sa mga hindi makatarungang presyo ng kuryente na resulta ng mga paghihigpit sa Malampaya Gas Field at mamahaling naangkat na mga alternatibong fuel, at itigil na ang paglalako na ang LNG ang solusyon sa problema sa kuryente. Ang digmaang Russia-Ukraine ay nagdulot din ng bagong pagtaas ng presyo ng gas. Ang mga pinatatakbong plantang nagsusunog ng lokal na gas ay patuloy na naniningil sa mga konsyumer ng pabagu-bago at mahal na presyo, salamat sa mga probisyon ng pass-on. Sa gitna ng mga kabiguang ito, ang fossil gas at lahat ng fossil fuel ay kulang din sa pangako ng pagkakaloob ng maaasahan at madaling kamting enerhiya, dahil ang iba't ibang pamayanan sa buong Pilipinas ay patuloy na dumaranas pa rin ng pagkawala ng kuryente o kawalan ng kuryente. Samantala, ang ating masaganang kakayahang renewable ay nagpapatunay na may kakayahang matugunan ang mga pangangailangan habang iniingatan ang ating mga baybayin at karagatan mula sa pagkasira. Ang kamakailang Green Energy Auction Program ay nagbunga ng mas mababa sa 4 Php/kWh na presyo para sa solar. Ang mga renewable ay mas madaling maitayo, na ang mga proyekto ay papasok nang mas mabilis kaysa panahong kinakailangan upang makagawa ng isang planta ng kuryente.

HINIHIMOK NAMIN ang lahat ng Pilipino na magkaisa para sa isang sustenable't pinatatag na kinabukasan at labanan ang fossil gas, na nagbabanta sa paglihis sa mga pangako sa klima ng bansa. Ang mga taon ng walang humpay at nagkakaisang pagkilos laban sa coal ay dapat magpaalala at magbigay ng inspirasyon sa atin na kahit ang isang napakalaking industriya ay maaaring bumagsak laban sa kolektibong kapangyarihan ng sambayanan.

NANAWAGAN KAMI sa lahat ng mamamayan sa Timog-silangang Asya na nahaharap sa matinding pagpapalawak ng mga proyekto ng fossil gas na magkaisang tumindig upang wakasan na ang paggamit ng fossil fuel. Tulad ng laban sa anti-coal, ang oposisyon laban sa gas ay isang tunggaliang isinasagawa ng lampas pa sa Pilipinas.

HININILING NAMIN sa Pambansang Pamahalaan na tuparin ang pinakaambisyosong layuning makamit ang 100% renewable energy mix sa lalong madaling panahon, na kinikilala na ang mga renewable lamang ang siyang tunay na nag-aalok ng malinis, abot-kaya, at madaling makuhang enerhiya para sa mamamayan.

HUWAG PAYAGAN ANG FOSSIL GAS SA ATING MGA BAYBAYIN!

Nilagdaan nitong ika-25 araw ng Agosto 2022 sa Capuchin Retreat Center, Lungsod ng Lipa, Pilipinas

Statement on the public launching of #WagGas

During the launching of #WagGas on April 20, 2023, Bishop Alminaza, one of the six speakers, read the following statement in front of the media and environmental organizations who attended:

#WagGas

BATANGAS DECLARATION: A UNITED STAND AGAINST FOSSIL GAS EXPANSION IN THE PHILIPPINES
For a Sustainable Future and 100% Renewable Energy for All

WE, delegates of the National Gathering of Fossil Gas-Affected Communities and support groups, representing communities in Luzon, Visayas and Mindanao; people's and non-governmental organizations, fisherfolk, civic and environmental movements, faith-based organizations and institutions, labor groups, consumers, women, and youth hereby declare:

WHEREAS the Philippines is a country endowed with bountiful resources that are more than capable of powering a sustainable future while providing sustenance needed by our people.

WHEREAS in his first State of the Nation Address, President Bongbong Marcos ordered the prioritization of upstream and midstream development of natural gas as interim in the development of renewables - premised on the misconception that it is a clean energy source. Natural gas is a fossil fuel  that is no less a culprit to the climate crisis than coal or oil. It is mainly composed of and emits methane in every stage of its value chain, and releases other greenhouse gases to the detriment of our global climate systems.

WHEREAS if viewed in over 10- to 20-year time scales, methane and other short-lived greenhouse gases influence global warming at least as much as carbon dioxide. To keep more catastrophic climate change at bay, no new gas fields, where more natural gas is expected to be extracted from the sea bed, must be approved for development beyond 2021. There is no room for compromises in climate action, indeed, and as His Holiness Pope Francis writes in Laudato Si: "the problem is aggravated by a model of development based on the intensive use of fossil fuels, which is at the heart of the worldwide energy system." "We know that technology based on the use of highly polluting fossil fuels... needs to be progressively replaced without delay."

WHEREAS renewable energy has become increasingly viable and cost-competitive in recent years, turning affordable yet sustainable energy much more within reach of every Filipino household; Now, therefore:

WE UNITE behind the understanding that fossil gas places the well-being of communities, our environment, and our society in peril, and now show our solidarity in resisting its expansion.

WE DECRY the massive expansion of natural gas in the country, which goes against the Philippines' best interests as a megadiverse yet a climate-vulnerable nation. From the existing 3.4 GW gas capacity in the pipeline booms to 37.95 GW from 34 new projects, with 11 new liquified natural gas (LNG) import terminals in the works.

WE HEED the global call to unite in the battle against the existential threat of climate change and for the phase out of materials and processes that trigger rising global temperatures, foremost of which are the use of fossil fuels - be it coal or gas - in power generation.

WE DEMAND that the Philippine Government, with the President, Congress, and Department of Energy at the helm, halt its efforts to expand our dependence on gas and work instead for massive deployment of renewable energy.

WE CALL for the protection of our coasts and marine ecosystems on which communities' lives and livelihoods depend. Gas-fired plants and LNG terminals are places beside our oceans, seas and large bodies of water to use for their cooling system, or to receive imported LNG from tankers. Sedimentation and siltation resulting from land clearing, the irreversible damage to marine habitats caused by mangrove clearing and reclamation, the discharge of warmer waters used for the cooling of the operating gas-fired power plants are but some of the threats that the fossil gas industry poses to our valued marine ecologies. Seven proposed fossil gas projects and eight LNG terminals will be sited in Batangas, which is part of the Verde Island Passage (VIP). VIP is the center of the center of the world's marine shorefish biodiversity and touted as the Amazon of the Oceans. We are concerned that gas sites across the country mirror the devastation wreaked along the VIP. Harassment, deception, and pressures faced by communities, often colored by false assurances of progress and development, are also realities that cannot be ignored. Already suffering from climate and economic challenges, the gas industry adds on the burdens shouldered by frontline communities.

WE DEMAND for a halt to fossil gas projects proposed in Batangas and elsewhere in the country, which trigger pollution and cause destruction in sites hosting them. A recent study, for example, exposes the reality that several pollutants have reached unsafe levels in the waters of a fossil gas-exposed portion of the Verde Island Passage, yet no clear policy exists to protect VIP from further contamination. Authorities responsible for safeguarding the environment and people dependent on it for their living and sustenance, foremost of which is the Department of Environment and Natural Resources (DENR) and local government units (LGUs), must implement the strictest standards in preserving the integrity of Creation, with clear accounting and reporting on the health of the bounty of nature.

WE URGE for the Department of Energy (DoE) and Energy Regulatory Commission (ERC) to protect consumers from unconscionable power rates resulting from Malampaya Gas Field restrictions and expensive imported alternative fuels, and to stop peddling LNG as a solution to power woes. The Russia-Ukraine war has also triggered new highs in gas prices. Operating plants burning local gas continue to charge consumers with volatile and expensive rates thanks to pass-on provisions. Amid theses failings, fossil gas and all fossil fuels also fall short in the promise of providing reliable and accessible energy, as various communities across the Philippines also continue to be plagued by outages or lack of electrification. Meanwhile, our abundant renewable potential proves capable of meeting needs while sparing our coasts and oceans from degradation. The recent Green Energy Auction Program yielded as low as less than 4 Php/kWh price for solar. Renewables are also more readily deployable, with projects coming into operation quicker than the time it takes to construct a gas power plant.

WE URGE all Filipinos to unite for a sustainably powered future and fight fossil gas, which is threatening a detour in the country's climate commitments. The years of relentless and unified resistance against coal should remind and inspire us that even a mammoth industry can topple against the collective power of the people.

WE CALL on all Southeast Asian peoples confronted with the massive expansion of fossil gas projects to stand in solidarity in ending fossil fuels. Much like the anti-coal fight, the opposition against gas is a battle waged beyond the Philippines.

WE DEMAND for the National Government to take on the most ambitious goal of achieving 100% renewable energy mix most urgently, recognizing that only renewables can genuinely offer clean, affordable, and accessible energy for the people.

KEEP FOSSIL GAS OFF OUR COASTS!

Signed this 25th day of August 2022 at the Capuchin Retreat Center, Lipa City, Philippines

Miyerkules, Abril 19, 2023

Unang anibersaryo ng pamamaril kina Ka Leody

UNANG ANIBERSARYO NG PAMAMARIL KINA KA LEODY

hapon ng Abril disinwuwebe, taong nakaraan
sina Ka Leody ay pinagbabaril daw naman
habang nangangampanya ay aming nabalitaan
tingnan daw namin sa pesbuk, sabi ng kasamahan

habang sa mga katutubo'y nakikipag-usap
nang malutas ang problema nilang kinakaharap
hinggil sa lupang ninunong inagaw sa mahirap
nang sila na'y pinagbabaril, iyon ang naganap

may ilang nasugatan, ayon sa balita noon
na naganap sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon
kausap nila'y tribu ng Manobo-Pulangiyon
mabuti na lang at walang namatay sa naroon

kinabukasan ay headline sa dyaryo ang nangyari
kaya ilang dyaryo ang sa amin ay pinabili
nang mga naganap ay mabasa naming mabuti
ngayon ang unang anibersaryo ng insidente

buti't sina Ka Leody, Walden, at D'Angelo
ay di natamaan, habang may sugatang totoo
buti't napag-usapan naman ang talagang isyu
inagaw ang lupaing kinabukasan ng tribu

isyu ng lupang ninuno'y pag-usapan talaga
dapat ibalik ang lupang inagaw sa kanila
pagsasamantala sa katutubo'y wakasan na
dapat nang mabago ang ganyang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
04.19.2023

Lunes, Abril 17, 2023

Di ko ikinahihiyang maging...

DI KO IKINAHIHIYANG MAGING...

di ko ikinahihiya ang maging tibak
ang maging kaisa ng dukha't hinahamak
pagkat bayan ay sugatan at nagnanaknak
dahil sa sistemang bulok at mapangyurak

di ko ikinahihiyang maging makata
dahil iyan ang pinili kong buhay, tumula
nais kong kumatha ng laksang talinghaga
upang magkama ang sa sahig nakahiga

di ko ikahihiyang maging manunulat
dyaryo't libro'y binabasa't binubulatlat
maraming isyung nanilay at nadalumat
nang masulat na'y binabahagi sa lahat

di ko ikahihiya yaring pagkatao
pagkat iyan ako, ito ako, prinsipyo
ang pinaiiral, magutom mang totoo
basta ginagawa'y wasto at makatao

nakakahiyang gawin ay katiwalian
o ang pangungurakot sa pamahalaan
lalo na't pagnanakaw sa kaban ng bayan
pag nahuli ka'y tiyak na makakasuhan

- gregoriovbituinjr.
04.17.2023

Biyernes, Abril 14, 2023

HRD Protection Bill, Isabatas! Now na!

HRD PROTECTION BILL, ISABATAS! NOW NA!

Human Rights Defenders Protection Bill na'y isabatas
para sa karapatang pantao't sistemang patas
upang malabanan ang samutsaring pandarahas
ng sinumang Cain na di marunong pumarehas

talagang binasa ko ang H.R.D. Protection Bill
panukalang batas ito laban sa mapaniil,
mapang-abuso't sa karapatan ay naninikil
upang managot ang mga berdugong kumikitil

panukalang batas na ito'y aralin din ninyo
dagdag na armas para sa karapatang pantao
bakasakaling mapigilan ang mga berdugo
sa pagpaslang, maraming buhay na'y nasakripisyo

kaya H.R.D. Protection Bill, isabatas ngayon
dahil layunin nito'y magkaroon ng proteksyon
ang tagapagtanggol ng karapatang ang nilayon
ay mapabuti ang mundo't berdugo'y mapakulong

- gregoriovbituinjr.
04.14.2023

Tanong

TANONG

ngayon po'y nais ko lang magtanong
sa mga talagang marurunong
pag-unlad ba'y paano isulong
kung kahulugan nito'y paurong

matatawag nga bang kaunlaran
kung sinisira ang kalikasan?
nagtayo ng tulay at lansangan
nagpatag naman ng kagubatan

bundok na'y kalbo sa pagmimina
mga puno'y pinagpuputol pa
negosyante'y tumaba ang bulsa
subalit hirap pa rin ang masa

sangkaterba ang ginawang plastik
na laksang tubo ang ipinanhik
ngunit plastik sa dagat sumiksik
sapa't ilog, sa plastik tumirik

anong klaseng pag-unlad ba ito?
progreso ba'y para lang kanino?
anong pag-unlad ba ang totoo?
kung nawawasak naman ang mundo?

sa pag-unlad, anong inyong tindig?
kung sira na ang ating daigdig
kanino kaya kayo papanig?
tanong ba'y unawa ninyo't dinig?

- gregoriovbituinjr.
04.14.2023

Miyerkules, Abril 12, 2023

Makabagbag-damdaming editorial cartoon

MAKABAGBAG-DAMDAMING EDITORIAL CARTOON

kaygandang dibuho sa editorial cartoon
na naglalarawan sa nangyayari ngayon
ganyan ang editoryal na ang nilalayon
madla'y magsuri bakit nagaganap iyon

ang iginuhit ay makabagbag-damdamin
dahil nasasapul ang diwa't puso natin
isang tao'y naroong yakap-yakap man din
ang isang kabang bigas na nagmahal na rin

"Ang mahal mo na" ang namutawing salita
sa harap ng kabang bigas na minumutya
at ako bilang mambabasa'y naluluha
sa katunayang nagpapahirap sa madla

nahan ang sangkilong bente pesos na bigas
na pinaniwalaang dala'y bagong bukas
ngunit pangakong isa lang yatang palabas
na parang pelikulang iba ang nilandas

pag inunawa mo ang kaygandang dibuho 
parang patsutsada sa napakong pangako
panibagong kalbaryo na nama't siphayo'y
daranasin ng madlang laging sinusuyo

- gregoriovbituinjr.
04.12.2023

Lunes, Abril 10, 2023

Sigaw pa rin ay hustisya matapos ang kwaresma

SIGAW PA RIN AY HUSTISYA MATAPOS ANG KWARESMA

may Muling Pagkabuhay, Easter Sunday ng Kristyano
matapos ang tatlong araw ay nabuhay si Kristo
habang inaalala ang tinokhang ng berdugo
kayraming biktimang batang inosenteng totoo

buti si Kristo, nabuhay sa Muling Pagkabuhay
yaong mga natokhang, di na talaga binuhay
di kasi sila si Kristo, sila'y basta pinatay
buti si Dimas, kasama si Kristo nang mamatay

kayraming ina ang hanggang ngayon ay lumuluha
dahil buhay ng anak nila'y inutas, nawala
pinaslang sa atas ng poon ng mga kuhila
kahit di nanlaban, gawing nanlaban, atas pa nga

lumutang sa dugo ang mga nabiktima nito
Kian pa ang pangalan ng isa, tandang-tanda ko
"May pasok pa ako bukas..." ang huli nitong samo
ngunit siya'y dinala roon sa kanyang kalbaryo

buti si Kristo, buhay; sila'y nanatiling bangkay
hanggang ngayon, kayraming inang lumuluhang tunay
nahan ang hustisya! ang sigaw nilang nalulumbay
makamit sana ang hustisyang asam nila't pakay

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

Linggo, Abril 9, 2023

Kalbaryo pa rin hangga't bulok ang sistema

KALBARYO PA RIN HANGGA'T BULOK ANG SISTEMA

kwaresma'y tapos na, ngunit di ang kalbaryo
dahil pabigat pa rin ang maraming isyu
sa dukha, babae, bata, vendor, obrero
napaisip kami: matatapos ba ito?

dahil problema'y nakaugat sa sistema
may uring mapang-api't mapagsamantala
at may pinagsasamantalahan talaga
sa ganito'y di na makahinga ang masa

may uring kamkam ang pribadong pag-aari
may isinilang na akala sila'y hari
may kapitalista, may elitista't pari
may sa pang-aapi'y nagkakaisang uri

may inaapi't pinagsasamantalahan
na walang pribadong pag-aaring anuman
liban sa lakas-paggawa nila't katawan
at nabubuhay bilang aliping sahuran

hangga't umiiral iyang sistemang bulok
patuloy tayong pamumunuan ng bugok
bakit kaya sinabi sa kantang "Tatsulok"
"Tulad ng dukha na ilagay mo sa tuktok!"

sadya bang ganyan ang kalakaran sa mundo?
tatanggapin na lang ba natin ang ganito?
o magkaisa ang dukha't uring obrero?
upang itatag ang lipunang makatao!

itayo'y lipunan ng uring manggagawa
na kung walang manggagawa, walang dakila
di uunlad ang daigdig na pinagpala
nitong kamay ng manggagawang mapanlikha

- gregoriovbituinjr.
04.09.2023

* litrato mula sa fb, maraming salamat po

Kalbaryo ng konsyumer

KALBARYO NG KONSYUMER

matapos ang Kwaresma'y kalbaryo pa rin sa masa
presyong kaymahal ng kuryente'y kalbaryo talaga
biktima na tayo ng ganid na kapitalista
aba'y biktima pa tayo ng bulok na sistema

sa mahal na kuryente'y talagang natuturete
di na malaman ng maralita bakit ganire
kung saan kukuha ng panggastos, ng pamasahe
ng pambiling pagkain, ng pambayad sa kuryente

mas mahal sa minimum wage ang sangkilong sibuyas
di kasya upang bayaran ang kuryenteng kaytaas
sa Asya, pinakamahal na ba ang Pilipinas?
masa'y gagamit na lang ba ng gasera o gaas?

coal plants at fossil fuel ang nagpapamahal sadya
sa presyo ng kuryenteng talagang kasumpa-sumpa!
kung ganito lagi, dukha'y mananatiling dukha!
mag-renewable energy kaya ang buong bansa?

- gregoriovbituinjr.
04.09.2023

Kalbaryo pa rin, nagtapos man ang semana santa

KALBARYO PA RIN, NAGTAPOS MAN ANG SEMANA SANTA

sa pagtatapos ng semana santa
natapos din ba ang kalbaryo nila?

may kalbaryo pa rin ang maralita!
patuloy pa rin ang dusa ng dukha!

nariyan ang banta ng demolisyon!
o pagtaboy sa kanila, ebiksyon!

may kontraktwalisasyon sa obrero!
di nireregular ang mga ito!

presyo ng mga bilihin, kaytaas!
mas mahal pa sa sweldo ang sibuyas!

mahal at maruming enerhiya pa!
na sadyang pasakit naman sa masa!

dapat konsyumer ang pinakikinggan!
at di ang mga kupal at gahaman!

kalbaryo nila'y di matapos-tapos...
ang sistema'y ginawa silang kapos!

kaya palitan ang sistemang bulok!
at mga dukha'y ilagay sa tuktok!

upang itayo ang lipunang patas!
kung saan lahat ay pumaparehas!

- gregoriovbituinjr.
04.09.2023

Sabado, Abril 8, 2023

Maling kahulugan ng development nila

MALING KAHULUGAN NG DEVELOPMENT NILA

maaalagaan ba natin ang kapaligiran
tulad ng samutsaring espesye sa karagatan
tulad ng ibon sa himpapawid at kagubatan
tulad ng nalalanghap na hangin sa kalikasan

ito'y sinisira ng development o progreso
ito'y winawasak ng sistemang kapitalismo
sinira ng mina, coal plants, bundok ay kinakalbo
sa trickle down theory, kakamtin ng masa'y mumo

iyan ba'y pag-unlad? sa paligid ay mapangwasak?
sistemang kapitalismo'y punyal na nakatarak
sa ating likod upang tumubo sila ng limpak
development nila'y dambuhalang halimaw, tiyak

iba ang kahulugan ng kanilang development
gumawa ng tulay upang kalakal ay tumulin
nagtayo ng gusali upang bulsa'y patabain
habang masa'y di kasama sa kanilang layunin

negatibo ang development nilang sinasabi
para lang sa iilan, sa bundat, makasarili
progresong ang silbi'y sa elit, trapo't negosyante
dukha pa rin ang dukha, lagay nila'y di bumuti

kalikasan na'y kawawa sa kanilang sistema
manira ng manira upang tumaba ang bulsa
terminong development ay dapat nang ibasura
kung laging para sa iilan, masa'y di kasama

- gregoriovbituinjr.
04.08.2023

Biyernes, Abril 7, 2023

Abril 7 - World Health Day

ABRIL 7 - WORLD HEALTH DAY

tuwing Ikapito ng Abril ay Pandaigdigang
Araw ng Kalusugan, batid mo ba, kaibigan?
isang paalala lamang, kahit di ipagdiwang
pagkat patungkol sa kalusugan ng mamamayan

kumusta ka na, kaibigan, wala ka bang sakit
o kung may nararamdaman ay tumatayong pilit
iniisip na malakas kahit dinadalahit
ng ubo, o kaya'y may sakit din ang mga paslit

kung di ipinagdiriwang ay anong dapat gawin
upang kalusugan ng kapwa ay alalahanin
anong mga paalala ba ang dapat sabihin?
upang manatiling malusog ang pamilya natin?

walong basong tubig araw-araw ang inumin mo
magsuot ng bota pag sa baha'y lulusong kayo
ang leptospirosis ay talagang iwasan ninyo
pag naulanan, magpalit ng damit, baro, sando

ayos lang, kaibigan, kung maraming paalala
ika nga nila, prevention is better than cure, di ba 
kaya sa payo ng matatanda ay makinig ka
para sa kabutihan mo rin ang sinabi nila

kaya ngayong World Health Day, atin namang pagnilayan
ang samutsaring pandemyang ating pinagdaanan
pati mga mahal na inagaw ng kamatayan
at pakinggan ang nadarama't bulong ng katawan

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Huwebes, Abril 6, 2023

Mga pinaslang na Pinay sa Kuwait

MGA PINASLANG NA PINAY SA KUWAIT

kayrami palang Pinay na pinaslang sa Kuwait
si Jullebee Ranara ang huli, nakagagalit
nariyan din ang kaso ni Joanna Demafelis
na bangkay pa'y nilagay sa freezer, ito na'y labis

sina Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende
ang dalawa pang Pinay na talagang sinalbahe
sana'y magkaroon ng hustisya sina Jullebee
at ang mga nabanggit na pinaslang pang babae

sila na'y minaltrato, aba, sila pa'y inutas!
bakit ba nagpapatuloy ang ganyang pandarahas?
sa mga Pinay na nagtatrabaho ng parehas
upang mapakain ang pamilya sa Pilipinas

paano bang pagmaltrato sa kanila'y mapigil
na mga karapatan bilang tao'y nasisikil
deployment ng Pinay workers sa Kuwait, itigil!
bago may iba pang buhay ng Pinay na makitil

dahil sa hirap ng buhay sa bansa, umaalis
ang mga kababayan, sa Kuwait nagtitiis
dapat talagang magkaroon ng aksyong mabilis
upang hustisya'y kamtin, huwag na ring magpaalis!

- gregoriovbituinjr.
04.06.2023

* Pinaghalawan ng ulat: pahayagang Pang-Masa, Marso 26, 2023, pahina 3

Martes, Abril 4, 2023

Kalbaryo ang demolisyon at ebiksyon

KALBARYO ANG DEMOLISYON AT EBIKSYON

kalbaryo sa dukha ang demolisyon at ebiksyon
na nangwawasak ng bahay at buhay nila roon
ngayong semana santa'y pagnilayan natin iyon
karapatan ba ng dukha'y balewala na ngayon?

masakit daw kasi sila sa mata ng mayaman
tingin pa sa dukha'y walang mga pinag-aralan
di makinis ang kutis at mga mukhang basahan
kaya animo'y daga silang pinagtatabuyan

ang maralita'y tumitira kung saan malapit
ang trabaho, itaboy mo sila'y napakasakit
madalas silang hamakin, walang magmalasakit
magtrabaho mang marangal ay laging ginigipit

tatayuan ng mall ang kinatirikan ng bahay
binili ng pribado ang tinirikan ng bahay
inaagaw ang lupang kinatirikan ng bahay
nilayo sa pinagkukunan ng ikabubuhay

demolisyon at ebiksyon ay talagang kalbaryo
sa maralita, tinataboy ng modernong Hudyo
sa malalayong relokasyong wala pang serbisyo
at inilayo pa sila sa kanilang trabaho

kailan ituturing na kapwa tao ang dukha?
at karapatan nila'y di na binabalewala?
kailan magpapakatao ang tuso't kuhila?
pag sistemang bulok na'y pinawi ng maralita?

- gregoriovbituinjr.
04.04.2023

* litratong kuha sa aktibidad na tinawag na "Kalbaryo ng Maralita" sa Maynila, 04.04.23

Kaylaki na ng utang mo

KAYLAKI NA NG UTANG MO

ah, grabe, may utang ka na nang ikaw ay isilang
halos sandaan dalawampung libong piso naman
kung bawat tao ay ganyan ang ating babayaran
subalit magbabayad niyan ay ang buong bayan

makakabayad kaya tayo kung ang bawat tao
na may utang ay di kayang magbayad ng ganito?
at kung magbabayad naman bawat isa'y kanino?
paisa-isa bang magbabayad sa bawat bangko?

ito na ba ang kahihinatnan ng Pilipinas?
magagaya sa Sri Lanka pag di nakabayad?
na kinuha ng Tsina ang parte ng bansang mahal
na teritoryo'y inokupa, iyon na ang bayad?

bansa'y ipinaglaban ng ating mga ninuno
upang sa mananakop, tayo't lumaya't mahango
baka dahil sa utang, lahat nang ito'y maglaho
anong dapat nating gawin, puso ko'y nagdurugo

- gregoriovbituinjr.
04.04.2023

* P13.75T / 115,559,009 (populasyon ng Pilipinas 2022) = P118,986.829 kada tao
* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2023, p.2