Biyernes, Disyembre 31, 2021

Mensahe sa payong

MENSAHE SA PAYONG

napakainit ng panahon, dama'y alinsangan
sa isang mapagpalayang pagkilos sa Diliman
nang matanaw ko ang nakapayong na mga manang
kayganda ng tatak sa payong at nilitratuhan

panawagan iyong sa aking puso'y ibinulong
nang sa rali't mainit na semento'y nakatuntong
sa tumitinding klima'y saan ba tayo hahantong
na kung di malutas, danasin ay kutya't linggatong

Araw ng Karapatang Pantao noong magrali
habang mga lider-masa'y nagbigay ng mensahe
na huwag ipanalo ang mga tusong buwitre
at buwagin na ang mga political dynasty

gayunman, mensahe sa payong ang agad nakita
ngayon, nanalasang Odette ay nararamdaman pa
ng mga tao't maraming lugar na sinalanta
anong tindi bagamat di sintindi ng Yolanda

mensahe yaon nang buhay ay di basta mapatid
upang tao'y di masadlak sa kumunoy na hatid
mahalagang mensaheng marapat nating mabatid
upang sa pusikit na gabi'y di tayo mabulid

- gregoriovbituinjr.
12.31.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa rali noong 12.10.2021, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
* nakatatak sa payong ay "Climate Justice Now" na nilagdaan ng APMDD (Asian People's Movement on Debt and Development)

Miyerkules, Disyembre 29, 2021

Panawagan

PANAWAGAN

napadaan lang ako noon sa U.P. Diliman
nang makita yaong nakasulat na panawagan
"Contractual, Gawing Regular", aba'y marapat naman
lalo na't islogang makatao't makatarungan

panawagan nilang ito'y sadyang napapanahon
anuman ang kanilang unyon o organisasyon
kabaong sa manggagawa ang kontraktwalisasyon
kapitalistang pandaraya ang iskemang iyon

kaya nag-selfie ako sa islogang nakasulat
bilang pakikiisa sa manggagawa, sa lahat
ng nakikibaka, lalo sa mga nagsasalat
sa mga obrero'y taas-noong pasasalamat

O, mga manggagawang kontraktwal, magkapitbisig
manggagawang regular ay kakampi ninyo't kabig 
kayong iisang uri'y magturingang magkapatid
iskemang kontraktwalisasyon nga'y dapat mapatid

- gregoriovbituinjr.
12.29.2021

Sabado, Nobyembre 20, 2021

Kapit

KAPIT

kapitbisig, kapitpuso, kapitdiwa, kapit lang
sa pagkilos para sa bayan ay huwag magkulang
kapamilya, kapatid, kauri'y ipagsanggalang
sa mga kapit tuko sa pwesto'y huwag palinlang

maraming kapit sa patalim upang makaraos
upang sa gatas ng sintang anak ay may panggastos
upang kahirapan ay bakasakaling matapos
umaasang di na sila mabuhay nang hikahos

ang kapitalismo'y sistemang mapagsamantala
sa tao't sa kalikasan, baguhin ang sistema
pinopondohan ang mapanira sa mundo't klima
tulad ng plastik, fossil fuel, coal plants, at kapara

kumapit sa wasto, iwaksi ang anumang mali
kumapit sa pag-asa, prinsipyong tangan at mithi
kapit lang, mga kapuso, kapatid, at kauri
magkapitbisig tayo't itaboy ang mga imbi

sa tagdan ng hagdanan ay maaaring kumapit
kung ayaw mahulog, matumba, o kaya'y mabingit
basta kumapit sa pag-asa, huwag palalait
sa sinuman, mahalaga pag-asa'y laging bitbit

kapit lang, huwag patangay sa problemang nariyan
kundi asahang iyan ay mareresolba naman
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
at maaapuhap din ang ganap na kalutasan

- gregoriovbituinjr.
11.20.2021

Martes, Nobyembre 16, 2021

Bawal

BAWAL

bawal ang paggamit ng plastic bag at styrofoam
sa isang lungsod ay talagang ordinansa roon
sa ating mamamayan ay isang malaking hamon
kung paano natin aayawang gamitin iyon

huwag gumamit ng plastic bag sa pamimili mo
halimbawa'y bayong o nabubulok gaya nito
huwag gumamit ng styrofoam sa pagkain mo
dahil microplastic ang mapapaloob sa iyo

para sa kalikasan ang nasabing ordinansa
dahil labis na ang gamit na nagiging basura
di nabubulok, babara sa kanal, at iba pa
na epekto'y malaki sa kalikasan at masa

ang karagatan nga'y tadtad na ng upos at plastik
kakainin mo'y isdang kumain ng microplastic
baka tayo magkasakit at talagang hihibik
mabuti't sa problemang ito'y mayroong umimik

ang ordinansang iyon ay paalalang matalim
upang sa mga basurang iyon ay di manimdim
upang ilog, sapa't karagatan ay di mangitim
na dapat kalikasan ay alagaang taimtim

- gregoriovbituinjr.
11.16.2021

Miyerkules, Nobyembre 10, 2021

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

makatawag-pansin yaong paskil sa nasakyang dyip
matapos magpa-antigen, buti't di na positive
piniktyuran ko ang paskil na kayganda ng hirit
mangingiti ka sa "Bawal ang Kabit, Este Sabit"

dyip sa Baguio iyon, marahil pagsunod sa batas
kung may batas ngang ganito'y di ko pa nawawatas
sa Maynila ko unang nakita't tila paglutas
laban sa sumasabit at nang-aagaw ng kwintas

kaya seguridad iyon para sa pasahero
upang walang basta sumabit sa mga estribo
lalo't may mga isnatser na mabilis tumakbo
kinawawa ang biktimang papasok sa trabaho

bawal na ang kabit, bawal pa ang sabit, kayganda
palabiro man sa paskil, sadyang matutuwa ka
sa pasahero'y seguridad na, paalala pa
salamat sa nakaisip ng paskil, mabuhay ka!

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Lunes, Nobyembre 8, 2021

Climate Justice Now!

CLIMATE JUSTICE NOW!

sa pangwalong anibersaryo ng bagyong Yolanda
sa panawagang Climate Justice ay nakikiisa
lalo't COP26 sa Glasgow ay nagaganap pa
kayraming delegadong tinatalakay ang klima

bakit nakiisa ako sa gayong panawagan
isa ako sa nakapunta noon sa Tacloban
nang sumamang magbigay ng relief goods ang samahan
sa mga nasalanta ng Yolanda't namatayan

at isang taon matapos iyon, ako'y nagpasya
sa mahabang lakaran, ang Climate Walk, ay sumama
tutungo kami sa Tacloban mula sa Luneta
naglakad mula Oktubre Dos, at lakad talaga

ilang lalawigan at bayan-bayan ang tinawid
upang mensaheng Climate Justice ay aming ihatid
bakit klima'y nagkaganyan, anong dapat mabatid
anong magagawa ng mga gobyerno't kapatid

nakapaang nilakad ang tulay ng San Juanico
at nakarating sa mismong unang anibersaryo
ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Nobyembre Otso
kita'y barko sa lupa't puntod ng mga yumao

makalipas ang isang taon ay naglakad naman
sa ibang bansa, kasama'y naglakad sa Tacloban
ang Pransya'y narating at naglakad sa kalamigan
at pagpasa ng Paris Agreement ay nasaksihan

sa mga nakasama, taospusong pasalamat
sa bawat paglalakbay na tunay na mapagmulat
kaya sa isyu ng klima'y sinusulat ang dapat
tuloy sa hangaring Climate Justice para sa lahat

kaya kumikilos pa ako sa usaping klima
bilang isang manunulat, makatâ, aktibista
panawagang "Climate Justice Now!" ay sinisigaw pa
nang dinggin at kumilos ang mga gobyerno't masa

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato kuha sa Luneta, Oktubre 2, 2014, tangan ng makatâ ang pulang banner

Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Sahod

SAHOD

isinusulat kong pataludtod
ang nakakaawa nilang sahod
parang hinihintay sa alulod
patak ng kanilang paglilingkod

pag paksa'y ganyang nakakaluhâ
pagtula'y di na nakakatuwâ
ngunit may tungkulin ang makatâ
na masa'y ipagtanggol sa tulâ

kahit makata'y di mapalagay
bawat isyu'y unawaing tunay
kalutasang dapat matalakay
sahod at lakas-paggawa'y pantay

paano ang dapat nilang gawin
upang mga ito'y pagpantayin
pagkat iyon ang dapat tanggapin
nilang mga sahurang alipin

dapat ay makatarungang sahod
para sa obrerong naglilingkod
makatarungan, pantay na sahod
upang di na sila manikluhod

sa produktong kanilang nalikha
may kapantay na lakas-paggawa
subalit di mabayarang tama
bigay lang ay sahod na kaybaba

negosyo raw kasi ay babagsak
kahit sila'y tumubo ng limpak
obrero'y gumapang man sa lusak
di ibibigay ang sweldong tumpak

anang isang namimilosopo
subukan mo kayang magnegosyo
upang ang ganito'y malaman mo
bakit dapat baratin ang sweldo

at di dapat bayaran ng tama
iyang kanilang lakas-paggawa
baka malaking kita'y mawala
kung ibibigay sa manggagawa

ganyan pag nabisto ang mahika
nitong sistemang kapitalista
kaya manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021
(Kinatha kasabay ng ika-104 anibersaryo ng Dakilang Rebolusyong Oktubre)

Sabado, Nobyembre 6, 2021

Ang plant-based menu sa COP26

ANG PLANT-BASED MENU SA COP26 AT ANG KAUGNAYAN NITO SA CARBON FOOTPRINT
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Upang mabawasan diumano ang carbon footprints ng mga pagkain sa COP26, inihanda ng mga organisador nito ang plant-based menu o yaong mga pagkaing mula sa halaman, tulad ng mga gulay.

Ayon sa inews.co.uk: "The winter squash lasagne, made with glazed root vegetables and vegan cheddar, has been listed as having 0.7kg CO2 equivalent emissions, while the kale pasta, made with spelt fusilli and field mushrooms, comes in at 0.3kg of CO2." Masyadong teknikal pag hindi mo nauunawaan ano ba itong carbon foot prints.

Sa theguardian.com naman: "Plant-based dishes will dominate the menu at the COP26 climate conference, where 80% of the food will be from Scotland. The low-carbon menu includes 95% British food, especially locally sourced Scottish produce, and each menu item has an estimate of its carbon foorprint, "helping attendees make climate-friendly choice."

Nakasaad naman sa greenqueen.com.hk: "Another plant-based dish on the menu is an organic spelt whole-grain penne pasta, which comes with a tomato ragu sauce, kale, and oatmeal-based crumble on top. It's the most carbon-friendly of all, requiring only 0.2 kilograms of CO2 to produce."

Subalit ano nga ba itong tinatawag na carbon footprint, at alalang-alala ang mga organisador nito? Ano ang epekto ng carboon footprint sa atin? At ano ang kaugnayan nito sa ating kinakain?

Ayon sa Oxford dictionary, ang carbon footprint ay "the amount of carbon dioxide and other carbon compounds emitted due to the consumption of fossil fuels by a particular person, groups, etc." Sa Wikipedia, "A carbon footprint is the total greenhouse gas emissions caused by an individual, event, organization, service, place or product, expressed as carbon dioxide equivalent."

Ayon naman sa World Health organization (WHO), "a carbon footprint is a measure of the impact your activities have on the amount of carbon dioxide (CO2) produced through the burning of fossil fuels and is expressed as a weight of CO2 emissions produced in tonnes.

Teka, ang carbon foorprint ay may direktang relasyon sa pagsusunog ng fossil fuel, at walang pagbanggit sa pagkain. Kaya ano ang relasyon ng carbon footprint sa ating kinakain, tulad ng gulay at karne? Ang nakalap na balita at ang kahulugan sa diksyunaryo ay hindi pa natin mapagdugtong. Kailangan pang magsaliksik.

Sa website ng Center for Sustainable Systems ay may ganitong paliwanag: "A carbon footprint is the total greenhouse gas (GHG) emissions caused directly and indirectly by an individual, organization, event of product. It is calculated by summing the emissions resulting from every stage of a product or service's lifetime (material production, manufacturing, use, and end-of-life). Throughout a product's lifetime or life cycle, different GHGs may be emitted, such as carbon dioxide (CO2), methane (CH4), and nitrous oxide (N2O), each with a greater or lesser ability to trap heat in the atmosphere. These differences are accounted for by the global warming potential (GWP) of each gas, resulting in a carbon footprint in units of mass of carbon dioxide equivalents (CO2e).

Ayon pa rin sa nasabing website, hinggil sa pagkain bilang pinagmumulan ng emisyon:
- Food accounts for 10-30% of a household's carbon footprint, typically a higher portion  in lower-income household. Production accounts for 68% of food emissions, while transportation accounts for 5%.
- Food production emissions consist mainly of CO2, N2O, and CH4, which result primarily from agricultural practices.
- Meat products have larger carbon footprints per calorie than grain or vegetable products because of the inefficient conversion of plant to animal energy and due to CH4 released from manure management and enteric fermentation in ruminants.
- Ruminants such as cattle, sheep, and goats produced 179 million metric ton (mmt) CO2e of enteric methane in the US in 2019.
- In an average US household, eliminating the transport of food for one yar could save the GHG equivalent of driving 1,000 miles, while shifting  to a vegetarian meal one day a week could save the equivalent of driving 1,160 miles.
- A vegetarian diet greatly reduces an individual's carbon footprint, but switching to less carbon intensive meats can have a major impact as well. For example, beef's GHG emissions per kilogram are 7.2 times greater than those of chicken.

Sa madaling salita, may bakas ng karbon sa ating kinakain. Ibig sabihin, may inilalabas tayong nakakapag-ambag sa emisyon sa atmospera. Sa paanong porma? Sa pagluluto na lang, may fossil fuel tayong sinusunog sa anyo ng gasul o LPG. Sa paghahatid ng mga produktong gulay mula sa lalawigan patungo sa kalunsuran, may gasolinang sinusunog sa sasakyan.

Mas malaki rin ang carbon footprint ng karne kaysa gulay. Dahil mas magastos ang patabaing baka at baboy kung ikukumpara sa gulay. Pati ang lakas-paggawa ng mangangatay ng hayop ay mas malaki kaysa pagpitas ng gulay. Kaya mas malaki ang carbon footprint ng mga karne kaysa gulay.

Ito ang simple kong pagkaunawa kaya plant-based ang inihahandang pagkain sa COP26 upang mas mababa ang carbon footprint na maiaambag ng mga delegado sa atmospera. At ito rin ang ating itinataguyod upang di lalong lumala pa ang pag-iinit ng klima.

Sa puntong ito, nais kong buodin ang munting talakay na ito sa pamamagitan ng tula:

PAGKAIN AT BAKAS NG KARBON

paano ba uunawain ang bakas ng karbon
o carbon footprint sa mga pagkain natin ngayon 
dapat talagang mabatid ang mga eksplanasyon
upang alam din natin ang gagawin at solusyon

ang carbon footprint ang sukat ng emisyon sa ere
o usok sa atmosperang di makita't masabi
dahil sa pagsunog ng fossil fuel na kayrami
dahil din sa mga coal plants na sadyang malalaki

carbon footprint yaong total ng greenhouse gas emission
dahil sa kagagawan ng tao, organisayon
dahil din sa aktibidad ng mga korporasyon
sa baytang ng paglikha ng produkto'y may emisyon

subalit may carbon footprints din sa pagkain natin
lalo pa sa mga alagang hayop at pananim
mabuting sa bakuran mo manggaling ang pakain
kaysa mula sa ibang lugar sa iyo dadalhin

kumpara sa gulay, mas malaki ang carbon footprint
ng mga karne, ng mga hayop na patabain
kaya sa COP26, gulay na ang hinahain
na malapit lang sa lugar ng pulong ang pagkain

dapat nating maunawaan, talagang masapol
fossil fuel ay sinusunog sa anyo ng gasul
o L.P.G., o natipong kahoy na pinalakol
upang gawing panggatong, makabuo ng espasol

sa munti kong pang-unawa, naibahagi nawa 
ang mga kaalamang dapat mabatid ng madla
pag-isipang mabuti ang ganitong nagagawa
na sistemang ito'y dapat palang baguhing kusa

Mga pinaghalawan:
https://www.theguardian.com/environment/2021/oct/23/cop26-menu-plant-based-dishes-scottish-food
https://www.greenqueen.com.hk/cop26-climate-change-menu/
https://www.veganfoodandliving.com/news/cop26-menu-sustainability-local-plant-based-food/
https://www.republicworld.com/world-news/uk-news/cop26-menu-to-focus-on-plant-based-dishes-to-help-attendees-make-climate-friendly-choices.html
https://inews.co.uk/inews-lifestyle/food-and-drink/cop26-low-carbon-plant-focused-menu-made-with-local-food-will-measure-emissions-of-each-dish-1265977
https://css.umich.edu/factsheets/carbon-footprint-factsheet

Biyernes, Nobyembre 5, 2021

Taumbayan ang bida

TAUMBAYAN ANG BIDA

tinatangka kong magsulat ng kwento at nobela
kung saan nais kong banghay ay akdang walang bida
walang iisang taong ang lahat na'y nasa kanya
kumbaga walang Prince Charming sa tulog na prinsesa

saksi ako sa papel ng madla sa kasaysayan
nakita ko'y mahalagang papel ng taumbayan
na siyang umugit sa kasaysayan nitong bayan
tulad ng Unang Edsang akin noong nasaksihan

bida ang taumbayan, silang totoong bayani
kung wala sila, wala iyang Ramos at Enrile
bayan ang bayani, ang nagpakasakit, nagsilbi
bayani ang bayan, patotoo ko't ako'y saksi

kaya sa pagsulat ko ng kwento o nobela man
walang iisang bida, walang Batman o Superman
walang iisang tagapagligtas ng sambayanan
kundi ang sama-samang pagkilos ng taumbayan

huwag nang asahang may bathala o manunubos
kundi ay pagsikapan ang sama-samang pagkilos
palitan ang sistemang sanhi ng paghihikahos
ganito ang kwento't nobelang nais kong matapos

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021

Biyernes, Oktubre 29, 2021

Sanlakas 28

PAGPUPUGAY SA IKA-28 ANIBERSARYO NG SANLAKAS

aking nakita'y lubusang pagsisilbi sa masa
mapanuri, palaban, talagang nakikibaka
silang Sandigan ng Kalayaan at Demokrasya
ng Sambayanan, saksi ako sa nagawa nila

isinilang sa gitna ng matinding debatehan
tumindig sa tama, iwinasto ang kamalian
wala sa dulo ng baril, di sa digmaang bayan
maitatayo ang mithing makataong lipunan

sinusuring mabuti ang sumusulpot na isyu
binabaka ang mali't kapalpakan ng gobyerno
naghahain pa ng kahilingang pabor sa tao
naghahapag ng solusyong dapat dingging totoo

patuloy sa pag-oorganisa ng aping madla
nakikipagkapitbisig sa uring manggagawa
nakikibakang tunay kasama ng maralita
naglilingkod sa kapwa, nasa puso ang adhika

at sa ikadalawampu't walong anibersaryo
ng Sanlakas, taospusong pagbati't pagsaludo
bahagi na kayo ng paglaki ko't pagtanda ko
kaya narito akong nagpupugay ng totoo

- gregoriovbituinjr.
10.29.2021

Lunes, Oktubre 25, 2021

Pagkakaisa

PAGKAKAISA

may agad akong nagunita nang mabasa iyon
kasabihang sa buhay ay may prinsipyadong layon
mula sa Etiyopya, animo'y tula at bugtong
ang: "When "When spider webs unite, they can tie up a lion."

na maikukumpara sa nabasa ko ring taos
ito'y: "Workers of the world, unite! You have nothing to lose
but your chain," kung manggagawa nga'y magkaisang lubos
puputlin nila ang kadena ng pagkabusabos

kung magkapitbisig tulad ng sapot ng gagamba
magagapos nila ang leyong mapagsamantala
at sa pang-aapi sa masa'y di na makadamba
tulad ng pagtapos sa paghahari ng burgesya

dahil Tao'y tao, ating kapwa, may karapatan
tulad ng mga manggagawang aliping sahuran
kung walang manggagawa, wala tayong kaunlaran
kanilang mga kamay ang nagbuo ng lipunan

sapot ng gagamba'y ihanda nating buong giting
upang igapos ang leyong dahilan ng ligalig
manggagawa, magkaisa, mensahe'y iparating
upang bulok na sistema'y palitan na't malupig

- gregoriovbituinjr.
10.25.2021
#LaborPowersa2022
#ManggagawaNamansa2022

ang litrato ay screenshot mula sa yutyub

Martes, Oktubre 19, 2021

Manggagawa, Pangulo ng bansa

MANGGAGAWA, PANGULO NG BANSA

isang bus driver si Pangulong Nicolas Maduro
ng bansang Venezuela, tunay na lider-obrero
guro sa primarya ang sa Peru'y kumandidato
at nanalo, siya si Pangulong Pedro Castillo

obrero sa pabrikang metal, lider-unyonista
yaong pangulo ng Brazil na si Lula da Silva
manggagawa rin ang naging Pangulo ng Bolivia
na si Evo Morales, nakatatlong termino na

ipinanalo ng kanilang mamamayang dukha
at ng kapwa nila mahihirap na manggagawa
di trapo, di elitista ang namuno sa bansa
di mayayamang bobotante ang turing sa madla

totoong lider ang nais ng mga mamamayan
na talagang maglilingkod sa madla't buong bayan
sa atin, manggagawa'y tumakbo sa panguluhan
sa katauhan naman ni Ka Leody de Guzman

bayan ay sawa na sa dinastiya't mga trapo
na nanggaling sa iisang pamilya't apelyido
huwag na sa trapong yaong dukha'y laging dehado 
manggagawa naman ang iboto nating pangulo

- gregoriovbituinjr.
10.19.2021

Mga pinaghalawan:
https://www.nbcnews.com/storyline/venezuela-crisis/nicolas-maduro-path-bus-driver-venezuelan-president-n788121
https://www.bbc.com/news/world-latin-america-57941309
https://en.wikipedia.org/wiki/Evo_Morales
https://edition.cnn.com/2016/03/17/world/lula-da-silva-profile/index.html
https://www.youtube.com/watch?v=QSehQ5sbxBs

Huwebes, Oktubre 14, 2021

Kabataan, balisa sa climate crisis

MGA KABATAAN, NABABALISA SA HINAHARAP DAHIL SA MATINDING EPEKTO NG KRISIS SA KLIMA
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraang Setyembre 2021 ay nabalita ang pagkabalisa ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan mula sa iba't ibang bansa hinggil sa hinaharap o kanilang kinabukasan bunsod ng epekto ng pabago-bagong klima o climate change.

Tingnan muna natin ang pamagat ng mga balita bago natin iulat ang mga nilalaman niyon. Sa BBC news (bbc.com): "Climate change: Young people very worried - survey", Setyembre 14, 2021. Sa cnbc.com: "Nearly half of young people worldwide say climate change anxiety is affecting their daily life," Setyembre 14, 2021. Sa nature.com: "Young people's climate anxiety revealed in landmark survey," Setyembre 22, 2021.  Sa medicalnewstoday.com: "Eco-anxiety: 75% of young people says 'the future is frightening'", Setyembre 28, 2021. Nakababahala rin ang pamagat ng ulat ng The Guardian: "Four in 10 young people fear having children due to climate crisis," Setyembre 14, 2021.

Ayon sa BBC news, nagsagawa ng survey sa 10 bansa, na pinangunahan ng University of Bath sa pakikipagtulungan sa lima pang unibersidad. Ito'y pinondohan ng Avaaz, na isang campaign and research group. Sinasabi nila diumanong ito na ang pinakamalawak na survey na naisagawa, dahil tumugon ay nasa 10,000 kabataang nasa edad na 16 hanggang 25. Ayon naman sa The Guardian, "The poll of about 10,000 young people covered Australia, Brazil, Finland, France, India, Nigeria, the Philippines, Portugal, the UK and the US."

Sa ulat ng cnbc.com, pinangunahan ang pag-aaral ng mga akademiko mula sa Universty of Bath ng United Kingdom at ng Stanford Center for Innovation in Global Health, "among others... under peer review in The Lancet Planetary Health journal."

Ang pangunahing may-akda ng pag-aaral na si Caroline Hickman ng University of Bath ay nagsabi sa BBC News: "This shows eco-anxiety is not just for environmental destruction alone, but inextricably linked to government inaction on climate change. The young feel abandoned and betrayed by governments." Si Ms. Hickman ay mula rin sa University of Bath Climate Psychology Alliance.

Ayon naman kay Liz Marks na may-akda rin ng nasabing pag-aaral at senior lecturer sa University of Bath na nakabibiglang marinig o "shocking to hear how so many young people from around the world feel betrayed by those who are supposed to protect them." At idinagdag pa niya, "Now is the time to face the truth, listen to young people, and take urgent action against climate change." Marahil, di lang makinig kay Greta Thunberg ng Sweden, kundi sa lahat ng mga kabataan. Ayon nga sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) kung saan ay matagal ko nang nakasama, na dapat magdeklara na ang gobyerno ng Pilipinas ng climate emergency at kumilos, lalo na ngayong siyam na taon na lang ang nalalabi bago mag-2030.

Matatandaang sinabi ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) noong Oktubre 2018 na may labindalawang taon na lang upang masagip ang mundo sa sitwasyong "point of no return". Ibig sabihin bago mag-2030, dapat magbawas ng emission o usok ang mga bansa upang di abutin ng mundo ang lampas ng 1.5 degrees pang lalong pag-iinit ng daigdig. Kung hindi'y maraming lugar ang lulubog sa tubig dulot ng climate change.

Sinabi naman ni Tom Burke ng think tank na grupong e3G: "It's rational for young people to be anxious. They're not just reading about climate change in the media - they're watching it unfold in front of their own eyes." 

Ayon pa sa mga may-akda, ang antas ng pagkabalisa ng mga kabataan "appear to be greatest in nations where government climate policies are considered weakest." Dagdag pa nila, "failure of governments on climate change maybe defined as cruelty under human rights legislation. Six young people are already taking the Portuguese government to court to argue this case." BBC News

Nabanggit ang Pilipinas sa ulat ng cnbc.news: "Young people from countries in the Global South expressed more worry about the climate crisis, with 92% in the Philippines describing the future as "frightening." Ang ulat na ito'y naging editoryal din ng Philippine Daily Inquirer kung saan ang pamagat ng editoryal ay "The future is frightening." (Oktubre 3, 2021)

Sa Medical News Today ay nakapanayam ang isang Pinay, at ito ang ulat: Mitzi Tan, a 23-year-old Philippina (Filipina) told the University of Bath: "I grew up being afraid of drowning in my own bedroom. Society tells me that this anxiety is an irrational fear that needs to be overcome - one that meditation and healthy coping mechanisms will 'fix.' At its root, our climate anxiety comes from this deep-set of betrayal because of government inaction. To truly address our growing climate anxiety, we need justice."

Mabigat ang huling salitang sinabi ng Pinay: JUSTICE, hindi just tiis. Kaya ang konsepto ng CLIMATE JUSTICE , na naging dahilan din ng pagkakatayo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) noong Hunyo 2010, ay aking niyakap. Hanggang ako'y maging bahagi ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Nobyembre 2014, at sa French Leg ng Climate Pilgrimage noong 2015.

Nais kong ibuod ang ulat sa pamamagitan ng tula.

KABATAAN, BALISA DAHIL SA KRISIS SA KLIMA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Oktubre 14, 2021

sampung libong kabataan mula sa sampung bansa
o kaya'y sanlibong kabataan sa bawat bansa
ang kinapanayam hinggil sa klimang lumalala
mga tugon sa panayam ay nakababahala

kabataan ay binigo raw ng mga gobyerno
na dapat daw unang tumugon sa krisis na ito 
climate change ay isyu raw ng karapatang pantao
may mga kabataang handang magsampa ng kaso

kabataang balisa sa kanilang hinaharap
pulos pangako lang ba ang gobyernong mapagpanggap?
dahil sa krisis sa klima'y kayraming naghihirap
ngayon pa'y balisa ang kabataang may pangarap

takot ding magkaanak dahil sa krisis sa klima
kinabukasang nakakatakot ang nakikita
wala raw ginagawang sapat ang gobyerno nila
upang lutasin ang krisis na pandaigdigan na

sadyang nakababahala ang ganitong sitwasyon
bagamat may ginagawa ang ating henerasyon
siyam na taon pa, sa krisis ba'y makababangon
sa mga kabataang ito'y anong ating tugon

may hiling na magdeklara ng climate emergency
dito lang sa Pilipinas, ito na'y sinasabi
sana mga gobyerno'y di maging bulag, pipi't bingi
upang sa huli, ang buong mundo'y di magsisisi

Mga pinaghalawan:
https://www.nature.com/articles/d41586-021-02582-8
https://www.cnbc.com/amp/2021/09/14/young-people-say-climate-anxiety-is-affecting-their-daily-life.html
https://www.bbc.com/news/world-58549373
https://www.medicalnewstoday.com/articles/eco-anxiety-75-of-young-people-say-the-future-is-frightening
https://www.google.com/amp/s/amp.theguardian.com/environment/2021/sep/14/four-in-10-young-people-fear-having-children-due-to-climate-crisis
https://www.google.com/amp/s/www.euronews.com/green/amp/2021/09/14/climate-anxiety-as-global-study-reveals-three-in-four-young-people-think-the-future-is-fri

Miyerkules, Oktubre 13, 2021

Labor Power sa 2022

LABOR POWER SA 2022

kung sawang-sawa ka na sa political dynasties
na laging naluluklok habang masa'y nagtitiis
sa hirap at pagsasamantala ng mga burgis
may pag-asa pa, sa MANGGAGAWA tayo'y magbigkis

kung sawang-sawa ka nang mamayagpag muli'y trapo
naluluklok ay pamilyang iisang apelyido
anong napala sa tradisyunal na pulitiko?
nganga ang bayan, nais ba nating laging ganito?

laging elitista't mayayaman ang naluluklok
pati artistang sumayaw lang, nalagay sa tuktok
tingin nila sa masa'y tagaboto't tagaluklok
dapat nang mapatid ang ganitong sistemang bulok

panahon nang ikampanya natin ang manggagawa
at iluklok natin ang kandidato ng paggawa
silang dahilan upang umunlad ang mga bansa
walang pag-unlad sa buong mundo kung sila'y wala

kung walang manggagawa, walang tulay at lansangan
sa Makati ay walang gusaling nagtataasan 
walang gusali ang Kongreso, Senado, Simbahan
walang nakatayong White House, Kremlin o Malakanyang

nilikha ng manggagawa ang mga ekonomya
umikot ang dolyar, ang piso, ang maraming kwarta
sila ang gumagawa kaya bansa'y kumikita
manggagawa ang nagpapaikot ng mundo, di ba?

kaya panahon namang manggagawa ang iluklok
at ang mga political dynasties ay ilugmok
lider-manggagawa ang ating ilagay sa tuktok
upang tuluyang mapalitan ang sistemang bulok

isang sistemang nagdulot ng pagsasamantala
ng tao sa tao kaya maraming aping masa
panahong nang ilugmok ang elitista't burgesya
na nagpanatili lang ng dusa't hirap sa masa

si Ka Leody de Guzman ang ating kandidato
sa susunod na halalan, tumatakbong pangulo
batikang labor leader, mapangahas, matalino
kasangga ng manggagawa't ng karaniwang tao

si AttyLuke Espiritu sa senado naman
na maraming unyon ang pinanalo't tinulungan
silang dalawa ang kandidatong maaasahan
sigaw ng manggagawa'y dinggin: MANGGAGAWA NAMAN!

- gregoriovbituinjr.
10.11.2021

Sabado, Oktubre 9, 2021

Chair Chito Gascon, CHR

CHAIR CHITO GASCON, CHR

taaskamaong pagpupugay at pasasalamat, 
Chair Chito Gascon, pagkat tunay kang tagapagmulat
ng karapatang pantaong pinaglaban ng tapat
upang panlipunang hustisya'y kamtin ngang marapat

ah, isa ka nang moog sa karapatang pantao
na kinamuhian man ng pangulong butangero
ay di natinag bagkus ay matatag hanggang dulo
dignidad ng kapwa'y ipinagtanggol mong totoo

nakasama ka namin sa samutsaring labanan
lalo't due process of law ay lantarang di ginalang
lalo sa tokhang na dinulot ay laksang patayan
lalo't kayraming pamilyang sigaw ay katarungan

salamat sa buhay mong sa bayan mo na inalay
katawan ma'y nawala, hanggang huli'y nakabantay
upang karapatang pantao'y di yurakang tunay!
muli, Chair Chito Gascon, taasnoong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
10.09.2021

Martes, Oktubre 5, 2021

Maligayang Araw ng mga Guro

MALIGAYANG ARAW NG MGA GURO

sa lahat po ng guro, taasnoong pagpupugay
sa paglaki namin, guro'y sandigan at patnubay
bukod sa aming magulang ay guro ang nagpanday
ng isip at asal ng estudyante, naging gabay

ang mahal kong ina ang talagang una kong guro
ang aking ama naman ay kayrami ring tinuro
upang kaming mga anak ay sadyang mapanuto
silang nagturo't gumabay ng may buong pagsuyo

salamat sa guro ng kinder at elementarya
tunay kayong sa aming puso't diwa'y mahalaga
di lang itinuro'y wika, agham, matematika
kundi good manners and right conduct, wastong disiplina

sa mga guro ko ng hayskul, nagpupugay ako
di rin malimot ang mga guro sa kolehiyo
sa lahat ng aming naging guro, mabuhay kayo!
sa lahat ng guro, kami'y taasnoong saludo!

- gregoriovbituinjr.
10.05.2021

litratong kuha ng makata noong 2016

Huwebes, Setyembre 2, 2021

Si Jose Mari Chan at ang mga natanggal na obrero

SI JOSE MARI CHAN AT ANG MGA NATANGGAL NA OBRERO

'ber months na, maririnig na naman natin ang mga
awiting pamasko datapwat Pasko'y malayo pa
wala pang Undas, pauso na ng kapitalista
nang pamaskong regalo'y maihanda't mabili na

habang umeere ang tinig ni Jose Mari Chan
may isang paalala lamang si kasamang Emman
isang union buster at sa manggagawa'y kalaban
si Jose Mari Chan, masakit na katotohanan

sa Hotel Enterprises of the Philippines, pangulo
ang Hyatt Regency Manila'y pag-aari nito
babayarang service charge na one point three milyong piso
ay kanya pang ipinagkait sa mga obrero

dulot nito'y illegal mass lay-off ng manggagawa
higit dalawang daan silang trabaho'y nawala
sa kabila ng awit, may lihim palang nagawa
na sa mga obrero'y bagay na kasumpa-sumpa

at salamat, Ka Emman, sa pagbubulgar mong ito
di mo kasalanan, tapat ka lang sa tungkulin mo
habang umaawit si Chan, tandaan natin ito
dahil sa kanya'y kayraming nawalan ng trabaho

- gregoriovbituinjr.
09.02.2021

* litrato mula sa post sa fb ni Emman Hizon na nakilala ko noong siya'y nasa Freedom from Debt Coalition (FDC) pa

Martes, Agosto 31, 2021

Pabahay

PABAHAY

kayraming nakatenggang tahanan
habang kayraming walang tirahan
bakit ba ganyan? anong dahilan?
karapatan ba'y pinabayaan?

mga tanong ng dukha'y ganito:
kung pabahay ay karapatan mo, 
karapatan ko't ng bawat tao
ay bakit ito ninenegosyo?

kayraming bahay ang nakatengga
upang pagtubuan at ibenta
sa mga nagtatrabahong masa
di sa walang bahay, walang pera

kung ganyan pala, sistema'y bulok
dahil mga dukha'y di kalahok
negosyo'y tuso, tubo ang tarok
karapatan na ang inuuk-ok

masdan ang mga dukha sa atin
pera'y di sapat kung iisipin
kung magkapera, una'y pagkain
nang pamilya nila'y di gutumin

karapatan natin sa pabahay
ay naukit na sa U.D.H.R.
pati na sa I.C.E.S.C.R.
pagkat bahay ay buhay at dangal

karapatang balot ng prinsipyo't
tinataguyod nating totoo
ika nga: "Pabahay ay serbisyo!"
dagdag pa: "Huwag gawing negosyo!"

patuloy na ipaglaban natin
ang karapatang dapat angkinin
makataong pabahay ay kamtin
dignidad itong dapat kilanlin

- gregoriovbituinjr.
08.31.2021

- litratong kuha ng makatang gala sa tapat ng opisina ng paggawa
* U.D.H.R. - Universal Declaration of Human Rights
* I.C.E.S.C.R. - International Covenant on Economic, Social, and Cultural Rights

Lunes, Agosto 30, 2021

Nawa'y makita pa sila


NAWA'Y MAKITA PA SILA
(August 30 is International Day of Disappeared)

kanina sa webinar ng FIND ay dumalo ako
dahil daigdigang araw ng desaparesido
ngayon, kaya pinakinggan ko ang naritong isyu
nakinig ng pananalita sa usaping ito

makabagbag-damdamin ang bidyong ipinalabas
tungkol sa masayang pamilya subalit dinahas
nang kuya'y dinukot, winala ng kung sinong hudas
pangyayaring ang kawalang hustisya'y mababakas

ako'y nakikiisa sa paglaban nilang tunay
habang akin ding nadarama ang sakit at lumbay
ako'y kaisa upang makita ang mga bangkay
ng mga desaparesidong dinukot, pinatay

kaya naging adhika ko nang kumatha ng tula
sa usaping desaparesido o iwinala
ilang taon na ring commitment na ito'y ginawa
bilang bahagi ng pagsisilbing tapat sa madla

Agosto Trenta, International Day of Disappeared
at Araw din ng mga Bayani, ito'y di lingid
taunang gunitang araw na sa puso'y naukit
sa paghanap ng mahal sa buhay, mga kapatid

seryoso akong nakinig sa mga inilahad
sadyang dama kong krimeng ginawa sa buto'y sagad
sana, bangkay ng mga iwinala'y mailantad
pagpupugay sa mga kasama sa FIND at AFAD

- gregoriovbituinjr.
08.30.2021

* litrato mula sa dinaluhang webinar hinggil sa mga desaparesido
FIND - Families of Victims of Involuntary Disappearance
AFAD - Asian Federation Against Involuntary Disappearances

Sabado, Agosto 28, 2021

Diwang mapagpalaya

DIWANG MAPAGPALAYA

simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
ang isinasabuhay ng tulad kong aktibista
patuloy na kumikilos at nag-oorganisa
tungo sa pagtatayo ng lipunang ninanasa

binabasa ang akda't kasaysayan ng paggawa
upang tuluyang tagpasin ang gintong tanikala
tungo sa adhikang pagbabagong mapagpalaya
tungo sa lipunang ang bawat isa'y maginhawa

tungo sa asam na lipunang walang mga uri
lipunang hindi hinahati, walang naghahari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
nitong kasangkapan sa produksyon, dapat mapawi

lipunang bibigkis sa matinding pagkakaisa
ng sangkatauhan laban sa pagsasamantala
lipunang nakatindig sa panlipunang hustisya
at karapatang pantao, na pantay bawat isa

tara't magbasa ng mga mapagpalayang akda
tungo sa pagkakaisa ng uring manggagawa
upang lipunang hangad nila'y maitayong sadya
at lahat ay makinabang sa bunga ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Biyernes, Agosto 27, 2021

Panawagan ng maralita

PANAWAGAN NG MARALITA

tingni ang tarpolin nila't kaytinding panawagan
na talagang ikaw mismo'y mapapaisip naman
krisis daw sa pagkain, trabaho at kabuhayan
ay marapat daw lutasin para sa mamamayan

ipaglaban din ang karapatan sa makatao
at abot kayang pabahay, panawagang totoo
pahayag nilang ito'y tumitimo sa puso ko
na di sila dapat maapi sa panahong ito

kahilingan nila'y dapat lang ipaglabang tunay
lalo't panawagan nila'y di kusang ibibigay
tanging sama-samang pagkilos ang kanilang taglay
upang kamtin ang adhikang di basta nahihintay

magpatuloy kayo, maralita, sa inyong misyon
sabihin ang inyong hangad kung may pagkakataon
baka hiling n'yo'y ibigay agad pag nagkataon
tara't magbakasakali upang kamtin ang layon

- gregoriovbituinjr.
08.27.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Miyerkules, Agosto 25, 2021

Ang kalabasa

ANG KALABASA

iyang kalabasa raw ay pampalinaw ng mata
bakasakaling nanlalabong mata'y makakita
pampalinaw din kaya ng budhi ang kalabasa
lilinaw din kaya ang paghahanap sa hustisya

kalabasa, anang iba, sa mata'y pampatalas
upang makita ang mga pandaraya't padulas
ng mga trapong ang ugali'y kapara ng hudas
dinaan na sa lakas, dinadaan pa sa dahas

aba'y pag ginulay ang kalabasa'y anong sarap
bakit ba ito'y naging simbolo ng mapagpanggap
kalabasa'y dala sa pagkilos ng mahihirap
sa rali't sagisag na pinuno'y sero, kaysaklap

bakaw sa kapangyarihan kaya sero, butata
kayrami pang napaslang sa hanay ng maralita
walang due process of law, rule of law ay balewala
gayong dapat may konsensyang naglilingkod sa madla

ay, kalabasa, ikaw nga ba ang tamang simbolo
ng mga trapong sero sa karapatang pantao
kalabasang lunti, dilawang kalabasa'y ano
kalabasa'y pampalinaw ng mata ang totoo

- gregoriovbituinjr.
08.25.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Martes, Agosto 24, 2021

Paslit

PASLIT

bagamat hitik sa bunga ang puno ng kalumpit
na paborito namang pitasin ng mga paslit
subalit kung mahuhulog sa puno'y anong sakit
kahit kapwa batang nakakita'y napabunghalit

bagamat paslit dahil sa kamurahan ng gulang
bawat isa sa kanila'y may angking karapatan
karapatan nila ang mag-aral sa paaralan
subalit di ang magbungkal sa mga basurahan

sa murang edad ay karapatan nilang maglaro
mag-aral at maglaro silang may buong pagsuyo
tatanda agad kung nagtatrabahong buong puso
gayong bata pa, ang kabataan nila'y naglaho

kung ang bunga ng kalumpit ay madaling mapitas
yaong batang nagtratrabaho na'y malaking bigwas
sa kanyang pagkabatang di na niya nadadanas
bata pa'y nagtrabaho upang makabiling bigas

protektahan ang bata, pagkabata'y irespeto
huwag hayaang sa maagang gulang magtrabaho
ngunit kung dahil sa hirap, gagawin nila ito
karapatan nila bilang mga bata'y paano?

- gregoriovbituinjr.
08.24.2021

* mga litrato mula sa google

Linggo, Agosto 22, 2021

Itigil ang demolisyon

ITIGIL ANG DEMOLISYON

nginig na pag narinig ang salitang "demolisyon"
nakakakilabot pag nawalan ng bahay ngayon
ang demolisyon ay giyera, digmaan paglaon
sa maralita, demolisyon ay matinding hamon

sadyang nakakataranta sa aba nilang buhay
pagkat sa demolisyon, isang paa'y nasa hukay
kaya pinaghahandaan ang sagupaang tunay
upang tuluyang ipagtanggol ang kanilang bahay

ngunit daanin muna sa maayos na usapan
dapat makipag-negosasyon sa pamahalaan
upang di matuloy ang demolisyon at digmaan
sa pagitan ng maralita't maykapangyarihan

dahil lalaban bawat maralitang may dignidad
pagkakaisa sa pagkilos ang dapat matupad
sana'y di na humantong pa sa demolisyong hangad
ng nagpapagibang sa dahas ay walang katulad

"Itigil ang demolisyon!" sigaw ng maralita
"Ang tanging nais namin ay buhay na mapayapa!
Ayaw naming maghanda sa pakikipagsagupa! 
Subalit di kami aatras kung hangad n'yo'y digma!"

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Huwebes, Agosto 19, 2021

Ang estado

ANG ESTADO

napaka-teyoretikal ng mga pag-usisa
ano ba ang estado o yaong pamamahala
ng isang teritoryo, rehiyon, o kaya'y bansa
o pangkat ng mga taong nabuhay ng malaya

anong kasaysayan ng Atlantis, ayon kay Plato
bakit nga ba ito ang ideyal niyang estado
si Engels naman, sinuri'y pag-aaring pribado
pati na pinagmulan ng pamilya't ng estado

ang isa pa'y ang Estado't Rebolusyon ni Lenin
hinggil sa estadong dapat pag-aralang taimtim
anong kakapal ang mga librong dapat basahin
nakakatuwa kung buod nito'y malaman natin

anong mga nangyari sa primitibo komunal
bakit nawala't lipunang alipin ang umiral
bakit panginoong maylupa'y naghari sa pyudal
paanong lipuna'y binago ng mangangalakal

bakit ang aring pribado'y ugat ng kahirapan
bakit laksa'y mahihirap, mayaman ay iilan
bakit may inaapi't pinagsasamantalahan
paano itatayo ang makataong lipunan

paano sumulpot ang mga uri sa estado
bakit may watawat, pulis, teritoryo't husgado
paano sumulpot ang diktadura't ang gobyerno
anong halaga ng pakikibaka ng obrero

mga inaral na ito'y ibahagi sa masa
lalo't inaasam nila'y karapata't hustisya
paano kamtin ang lipunang para sa kanila
kung saan pantay, parehas at patas bawat isa

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

Miyerkules, Mayo 5, 2021

Pahayag ng XDI sa unang anibersaryo ng pagsasara ng ABS-CBN

PAHAYAG NG KPML
Mayo 5, 2021

PAHAYAG NG XDI SA UNANG ANIBERSARYO NG PAGSASARA NG ABS-CBN

Mahigpit na nakikiisa ang pamunuan at kasapian ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa higit labing-isang libong manggagawa ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho nang magsara ang nasabing kumpanya isang taon na ang nakararaan.

Matatandaang hindi na binigyan pa ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN sa pasiya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ito'y itinuring na matinding pagbira sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa. 

Naging bahagi na ng kabataan at ng buhay ng maraming Pilipino ang mga palabas sa ABS-CBN. Kahit na sa loob man ng pambansang piitan, sa mga opisina ng pulisya't kasundaluhan, sa tahanan ng karaniwang tao, maging dukha man at manggagawa, ay naging bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na gawain ang ABS-CBN.

Subalit nang mawala ang ABS-CBN, maraming kababayan natin ang nasalanta ng bagyo at nasira ang mga ari-arian at pananim sapagkat hindi nila napaghandaan at nabalitaan ang parating na unos dulot ng pagsasara ng ABS-CBN.

Gayunman, sakaling makakabalik ang ABS-CBN, gaya ng sigaw ng marami, hiling namin na gawing regular sa trabaho ang lahat ng manggagawa ng ABS-CBN. Hindi dapat pagsamantalahan ng pangasiwaan ng ABS-CBN ang mga manggagawa sa pagpapanatili sa mga ito bilang mga kontraktwal. Dagdag pa, ibigay ang tamang pasahod sa mga manggagawa ng ABS-CBN. Isang nakabubuhay na sahod o living wage batay sa isinasaad ng Konstitusyon ng bansa, at hindi libing wage na hindi nakakabuhay ng pamilya.

Kaya ang panawagan namin sa XDI: Ituloy ang serbisyo ng ABS-CBN sa mga Pilipino! Ibalik ang mga manggagawang tinanggal sa ABS-CBN, at gawing regular ang lahat ng mga manggagawa nito, at ipagbawal na ang kontraktwalisasyon! Ibalik ang ABS-CBN na tunay na naglilingkod sa sambayanan!

Sabado, Mayo 1, 2021

Pahayag ng HomeNet Philippines sa Mayo Uno 2021

STATEMENT OF HOMENET PHILIPPINES 
May 1, 2021

PAGSAGIP NG MGA BUHAY AT KABUHAYAN:
PANAWAGAN NG MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL, 
SOCIAL PROTECTION PARA SA LAHAT!

Ang pandemya na ating kasalukuyang nararanasan ay isang malaking hamon para sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino, partikular na sa mga bulnerableng manggagawa sa bansa. Sa gitna ng pag-urong ng ekonomiya at kaliwa’t kanang mga lockdown, ay marami ring mga Pilipino ang nawalan ng trabaho, kasama na ang mga street vendors, jeepney at tricycle drivers, home-based workers, non-corporate construction workers at mga maliliit na mga negosyante na umaasa lamang sa kakarampot na kinikita mula sa pamamasada at pagtitinda. Ang krisis na ito ay di maikakailang patuloy na nagdudulot ng kagutuman at matinding kahirapan sa maraming manggagawa at kanilang mga pamilya. 

Ang tugon ng gobyerno sa kasalukuyan ay sobrang kapos upang masolusyunan ang mga isyu na dulot ng pandemya. Dahil dito ay napipilitan ang mga mahihirap na manggagawa na ilagay sa peligro ang kanilang kalusugan para lamang may maipakain sa kanilang pamilya. Bukod pa rito ay dagdag rin sa problema ang mahirap na sistema at pag akses ng serbisyong medikal sa bansa. Kapag sila ay nagkasakit , hindi sila maasikaso ng isang health care system kung saan maging ang mayayaman ay nahihirapang kumuha ng agarang serbisyo. Kung sumusubok silang ibangon muli ang kanilang mga kabuhayan para makaahon sa sobrang paghihirap, wala o halos wala ang mga rekurso sa produksyon na pwede nilang magamit.

Sa panahon ng ganitong kagipitan, kinakailangan ng agaran at komprehensibong pag aksyon kalakip ang isang whole-of-society approach mula sa gobyerno. Bukod sa pangunahing responsibilidad ito ng estado, ay ito rin ang may hawak sa mga resources na pwedeng pakilusin o gamitin. 

Karapatan ng bawat mamamayan ang maproteksyunan laban sa mga life-cycle risks (pagbubuntis, katandaan, pagkamatay), economic risks (kawalan ng trabaho), social at governance risks, at environmental/disaster risks, lalo na sa gitna ng krisis na ating kinakaharap. 

Ngunit ang mga manggagawang impormal ay madalas na napag iiwanan sa mga polisiya, programa, at sistema ng social protection. Hindi sila kwalipikado para sa 4Ps at iba pang mga porma ng social assistance. Kumpara sa pormal na sektor at mga indigent, laging kulang na kulang ang bilang ng mga impormal na manggagawa pagdating sa pag mi-miyembro sa Philhealth, bagamat naipasa na ang Universal Health Care Act na naggagarantiya ng awtomatik Philhealth membership sa lahat ng Pilipino. Hindi rin sila nakakarehistro at wala ring pormal na empleyo kung kaya’t hindi regular na nakapag-aambag sa Social Security System. Pagdating naman sa sektor ng manggagawang pormal, bagamat mayroong malinaw na social security benefits(tulad ng sickness, maternity, disability, retirement, death, funeral, employee’s compensation, at unemployment insurance), ang pagbagsak ng ekonomiya ay nagdulot sa sapilitang paghinto ng karamihan na ipagpatuloy ang kanilang regular na kontribusyon sa kadahilanang hindi sapat ang kinikita. 

Malinaw na nasa disbentahe ang mga manggagawa sa impormal na ekonomiya. Ang mga organisasyong kasapi ng Homenet Philippines ay nananawagan at nagsusulong ng mga sumusunod na puntos bilang parte ng prayoriti agenda tungo sa progresibong realisasyon ng social protection para sa lahat. Para matugunan itong mga panawagang ito, kinakailangan ng pinansyal na alokasyon. Panahon na para singilin ang gobyerno sa mga serbisyo at mga resources na mayroon ito para maisalba ang bansa, lalong lalo na ang mga mahihirap. Sa halip na umasa lamang sa indirektang buwis na ipinapataw sa mga produkto at serbisyo kung saan ang malaking porsyento ay sinasagot ng mga nasa laylayan, kailangang singilin ang mga mayayamang ang kinakamal na tubo ay konkretong manipestasyon sa sobrang hindi pagkakapantay-pantay ng ating lipunan. Dapat na magkaroon ng direktang buwis na tatawaging ‘solidarity taxes’ na sasagutin ng mga mayayaman, partikular ng mga may ari-ariang umaabot ng isang daang milyong piso at pataas. Pwede ring magpataw ng buwis sa mga produkto ng iba’t ibang industriyang nag-eemploy ng maraming impormal na manggagawa na maaring magpondo para sa kasiguruhan ng kanilang social protection.

EMERGENCY AT SOCIAL ASSISTANCE PARA SA MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL SA GITNA NG PANDEMYA

1. Siguruhin ang pantay-pantay na akses sa sapat na cash assistance sa pamamagitan ng pagpapatupad ng sistemakong pagrerehistro na iminumungkahi sa Magna Carta of Workers in the Informal Economy (MACWIE) bill para maisakatwiran ang cash distribution.

2. Siguruhin ang pantay-pantay na akses sa minimum wage na di bababa ng sampung araw sa pamamagitan ng TUPAD cash for work at iba pang similar na mga programa.

3. Suportahan ang produksyon, pagproseso, at distribusyon ng pagkain sa pamamagitan ng pag-organisa ng community gardens, pantries, kitchens, community-supported agriculture, digital marketing platforms katulong ang LGU at iba pang may taya.

4. Palawakin ang gender-responsive na akses sa mga resources na makapaglilikha ng mas maraming oportunidad sa - at sa pagpapalakas ng kabuhayan;

a) Maglaan ng pondo para sa mga indibidwal na manggagawa para maka-akses ng micro-loans/maliliit na pautang (Php50,000 to Php300,000) na walang pataw na interes o kolateral, at working capital grant (Php100,000 to 1,000,000 kada grupo) naman para sa mga rehistradong informal sector group enterprises.

b) Maglaan ng pautang at kaginhawaan sa buwis para sa mga MSMEs.

c) SIguruhin ang akses sa inklusibong serbisyong pampinansyal sa pagtalaga ng suportang teknikal para sa mga village savings at loan associations (VSLAs) at iba pang katulad na mga inisyatiba sa grassroots level.

d) Pahintulutan ang mga manggagawang impormal sa paggamit ng mga pampublikong espasyo kung saan pwede maglako at magtinda ng mga produkto.

e) Magtatag ng isang malawakang programang makapag-eemploy at makapag-rerekrut ng mga manggagawang impormal sa mga serbisyong pampubliko tulad ng contact tracing, pagtatayo ng mga pasilidad pang quarantine at mga istrukturang pang DRRM, pag-repair ng mga napinsalang mga bahay at gusali, pag-aalaga sa mga pasyente, bata, at mga nakatatanda sa mga komunidad, atbp.

f) Pahintulutan ang tatlumpung porsyentong (30%) kota para sa impormal na sektor pagdating sa mga mga public procurement programs.

g) Tugunan ang isyu ng unpaid care work ng kababaihan sa pamamagitan ng pagkilala, pagbawas, pagredistribyut, at pagbibigay representasyon, pati ang pamamahagi ng mga pangunahin at esensyal na mga utilities tulad ng malinis at naiinom na tubig, elektrisidad), pati na rin mga serbisyo tulad ng pag-aalaga sa mga bata at nakatatanda at iba pang serbisyong pangkomunidad.

h) Maglaan ng karagdagang akses para sa mga manggagawang impormal upang mapalakas ang kasanayan at mapaunlad ang negosyo sa pamamagitan ng pag organisa ng mga libreng training activities, kasama ang paggamit ng internet o iba pang online na mga plataporma para sa pag-market ng produkto o serbisyo.

i) Pagkakaroon ng business registration at tax payments sa pamamagitan ng mga one-stop registration facilities o mabilisang pag isyu ng online permit, at sa paraan ng pagpapasimple ng mga sistemang pambuwis at pagiging abot-kaya ng mga ito para sa uring manggagawa.

PANGKALAHATANG KALUSUGAN PARA SA MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL AT KANILANG MGA PAMILYA

1. Siguruhin ang rehistrasyon ng mga manggagawang impormal sa Philhealth, kung saan kulang na kulang ang kanilang representasyon, upang mapakinabangan ang awtomatik na membership at mga benepisyong nakasaad sa Universal Health Care Act na dapat ay prayoridad at may sapat na pagpopondo.

2. Bigyan ng prayoridad ang libreng pagbabakuna ng mga ,manggagawang impormal na economic frontliners, tulad ng mga driver at vendor.

3. Bigyan ng pagsasanay ang mga organisasyon ng manggagawang impormal sa mga komunidad para magsagawa ng mga kampanya sa pagbibigay impormasyon at kamalayan tungkol sa covid, partikular sa mga gawi upang ito ay maiwasan, pagbabakuna, paggamot at iba pang entitlements na nakasaad sa batas.

SOCIAL SECURITY PARA SA LAHAT NG EDAD

1. Para maging makatarungan at pantay-pantay ang trato, maglaan ng subsidiya para sa kontribusyon ng mga manggagawang impormal sa SSS (30% tulad ng nangyayari sa Thailand o higit pa) para maging abot-kaya. (Ito ay sa kadahilanang ang mga manggagawa sa pormal na sektor ay nagbabayad ng mas mababa dahil ang mas malaking bahagdan ng kanilang kontribusyon ay nanggagaling sa mga employer, na wala ang mga impormal na manggagawa dahil enrolled sila sa SSS bilang mga self-employed.

2. I-institusyonalisa ang mga abot-kayang payment arrangements na partikular na dinisenyo para sa iba’t ibang sub-sektor ng mga manggagawang impormal (subcontracted and self-employed home-based workers, vendors, farmers and rural workers, non-corporate construction workers, atbp.) depende sa kani-kanilang mga konteksto. Ang ganitong mga arrangements ay dapat sinusuri at ginagabayan ng mga mabubuting halimbawa ng iba pang mga bansa.

3. I-akredit ang mga kooperatiba, micro-finance institutions, fair trade groups, at iba pang mga solidarity-based na organisasyon ng mga manggagawang impormal para mapadali at mapalawak ang mga kampanya sa membership at para rin magsilbing mga collective agents. 

4. I-amend ng SSS Law para mareporma ang SSS Commission na maging isang tunay at malayang body na pangangasiwaan ng mga representatibo ng bawat kategorya ng mga nakaseguro na miyembro, kabilang ang mga manggagawa’t employer sa impormal na sektor.

5. Maglaan ng mga benepisyo sa kawalan ng trabaho (unemployment insurance) para sa mga manggagawang impormal na self-contributing.

6. Taasan at bigyan ng Employee Compensation benefits, lalo na ang mga kasong may kaugnay sa COVID na galing sa mga pinakabulnerableng grupo, kabilang ang mga manggagawang impormal na nawalan ng pagkakakitaan.

7. Siguruhin ang implementasyon ng Expanded Maternity Leave Law upang masaklaw ang mga kababaihan sa impormal na ekonomiya.

8. Ipagkaloob ang adisyunal na Php1,000 sa SSS pensyon at itaas pa ang benepisyo sa pensyon para sa mga miyembro ng SSS.

9. Dagdagan para man lang maging Php1,000 ang social pension para makasama sa saklaw ang lahat ng mga senior citizens, at maging tunay itong pangkalahatan.

SIGURUHIN NA ANG MGA KARAPATAN NG MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL, KARAMIHAN AY NAILAHAD SA TAAS, AT PADALIIN ANG KANILANG TRANSISYON TUNGO SA PORMALIDAD SA PAMAMAGITAN NG PAGPASA AT PAGPAPATUPAD NG MAGNA CARTA OF WORKERS IN THE INFORMAL ECONOMY (MACWIE), KUNG HINDI MAN SA KASALUKUYANG KONGRESO, AY MAGING KAGYAT NA PANAWAGAN SA SUSUNOD BILANG ISYUNG ELEKTORAL SA 2022.

Pahayag ng KPML sa Araw ng Paggawa 2021

KPML
Press Statement
Mayo Uno, 2021

SIGAW NG MARALITA NGAYONG MAYO UNO:
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Ang pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig sa pagdiriwan ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

KABUHAYAN. Trabaho, hindi tanggalan! Ito ang panawagan ng manggagawa, lalo na ngayong may pandemya ay biglang nagsarahan ang maraming pabrika dahil hindi na pinalabas ang mga tao sa panahon ng community quarantine, na nagdulot ng pagkawala ng trabaho. O kung may trabaho man, ang mga regular na manggagawa ay hindi na pinapapasok, kundi pawang mga kontraktwal na ang nagtatrabaho. Ang pandemya'y naging pagkakataon para sa mga ganid na kapitalista na tanggalin ang mga regular na manggagawa sa ngalan ng kontraktwalisasyon. Dahil sa kakulangan ng ayuda, na sinasabi ng pamahalaan ay halos nasaid na ang badyet nito, bagamat nasa P19 Bilyong piso ang badyet ng NTF-ELCAC (National Task Force To End Local Communist Armed Conflict), na dapat tanggalin sa kanila upang gamiting pang-ayuda sa mamamayan sa panahon ng pandemya. Sayang lang na nagagamit ang badyet na ito sa kawalanghiyaan at pangre-redtag.

KALUSUGAN. Sa ngayong mahigit nang isang taon ng pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo, pumangalawa ang Pilipinas sa Southeast Asia sa may pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 na umabot na ng mahigit isang milyon, kasunod ng Indonesia. Patuloy pa rin ang tila hindi maayos na tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang ito kaya umabot ng isang milyong katao ang tinamaan ng COVID-19. Ang aming panawagan: Libreng mass testing at bakuna para sa lahat!

KARAPATAN. Dapat ipaglaban ng mamamayan ang kanilang karapatan laban sa kapalpakan ng pamahalaan. At dahil sa mga kapalpakang ito, nag-inisyatiba ang mamamayan sa pamamagitan ng mga community pantry upang kahit paano'y makatulong sa masa. Manipestasyon ng kapalpakan ng gobyerno kaya kumilos na ang mamamayan. Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda sa panahong nawalan sila ng pinagkakakitaan dahil hindi na sila pinayagang makalabas ng bahay dahil sa community quarantine na ipinatutupad.

KALIGTASAN. Dapat tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan, at mapigilan na ang sunud-sunod na naaapektuhan ng coronavirus at ang lumalalang kagutuman sanhi ng sunud-sunod na lockdown na pumipigil sa mga tao upang magtrabaho at magkaroon ng pagkakakitaan. Hindi sapat ang bakuna lang para sa lahat. Isama sa ayuda ang mga bitaminang kinakailangan ng katawan. Tiyakin ding kumakain ng sapat na pagkaing masustansya ang mamamayan upang hindi magkasakit. Dapat matulungan ang mga magsasaka upang mas umunlad pa ang kanilang paraan ng pagsasaka, at matulungan din ang ating mga mangingisda bagamat nag-iingat na silang pumunta sa West Philippine Sea upang mangisda. Tiyakin ding hindi mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa. Maglunsad din tayo ng urban farming upang balang araw ay may mapipitas tayong gulay at protas na makakain.

Kaya ngayong Mayo Uno, sigaw ng maralita, KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Miyerkules, Abril 28, 2021

Pahayag ng XDI sa World Day of Safety and Health at Work

Pahayag ng XD Initiative
Abril 28, 2021

SA WORLD DAY FOR SAFETY AND HEALTH AT WORK, SIGAW NG MAMAMAYAN:
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Umabot na ng isang milyong katao ang naapektuhan ng COVID-19 sa bansa. Sa Southeast Asia, pumapangalawa na tayo sa Indonesia na may 1,6 milyong kataong apektado ng naturang sakit. Bakit nangyari ang ganito? Kulang ang mga ospital at mga medical personnel upang tugunan ang mga ito. Nagkakasakit na ang mamamayan, at nagugutom pa bunsod ng kawalan ng pagkakakitaan dahil sa lockdown na hindi dapat lumabas ng bahay ang mga tao.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda at obligasyon naman ng pamahalaan ang ibigay ito dahil sa pinatutupad nilang mga patakaran ukol sa pandemya na naging isang malaking sagka sa kanilang kakayahang kumita. Marami ang nawalan ng trabaho at naging resulta nito ay ang kakarampot na pagkain sa hapag kainan na kasalukuyang pinagsasaluhan ng bawat pamilya.

Hanggang nag-inisyatiba ang mamamayan, sa pangunguna ni Ana Patricia Non, na nagtatag ng Maginhawa community pantry, na ang layunin ay makapag-ambag kahit kaunti upang maibsan ang kagutuman ng ilang mga nagugutom na kababayan. Naglagay siya ng kariton na may mga gulay sa Maginhawa St., sa Quezon City, sa prinsipyong "Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan." Hanggang sa ito'y dumami at nagsulputan na sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ipinakita ang pagdadamayan, pagbibigayan, pag-aambagan, at pagbabayanihan ng mga tao. Manipestasyon na palpak ang pamahalaan kaya mamamayan na mismo ang gumawa ng paraan. Subalit ni-redtag pa ito at itinuring na kagagawan umano ng mga komunista. Ang dinig yata ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) sa community pantry ay communist party.

Hindi sapat ang bakuna para sa lahat. Hiling ng XD Initiative na tanggalin na at gawing pang-ayuda sa mamamayan ang pondo ng NTF-ELCAC na nasa higit 19 Bilyong piso. Sayang lang ang pondong ginagamit nila sa kawalanghiyaan at pangre-redtag sa bayanihan ng mamamayan.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda sa panahong nawalan sila ng pinagkakakitaan dahil hindi na sila pinayagan ng pamahalaan namakalabas ng bahay dahil sa ipinatutupad na community quarantine. Kaya kung sinasabi ng pamahalaan na said na ang ayuda, aba'y ang P19 Bilyon ng NTF-ELCAC ay gamitin na sa ayuda at malaking tulong na ito sa mamamayan.

Milyon na ang apektado ng COVID. Nais ng mamamayan na tiyaking ligtas sila at ang kanilang mga mahal sa buhay mula sa sakit na ito. Kung nahihirapan ang pamahalaan, sa pangunguna ni Duterte, na tugunan ang krisis na ito, dapat lang siyang mag-resign na sa pwesto. O kung kapit tuko pa rin siya ay nararapat lamang siyang patalsikin ng taumbayan. Upang sa kalaunan ay pumili ang taumbayan ng bagong pamunuang binubuo ng mga magagaling at matitino, na siyang magtitiyak ng kaligtasan ng sambayanan.

Ngayong Abril 28, sa okasyon ng World Day For Safety and Health at Work (Pandaigdigang Araw para sa Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho), sigaw ng XD Initiative, KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Martes, Abril 27, 2021

Pahayag ng XDI sa ika-500 Taon ng Tagumpay sa Mactan

PAHAYAG NG XDI
(EX-POLITICAL DETAINEES INITIATIVE)
Abril 27, 2021

MABUHAY ANG IKA-500 TAON NG TAGUMPAY SA MACTAN
INURONG NI LAPULAPU NG 44 TAON PA ANG PANANAKOP NG MGA KASTILA
Ang Tagumpay Laban sa Mananakop, at ang bantang pananakop sa West Philippine Sea sa kasalukuyan

Mahigpit na nakikiisa ang Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng tagumpay ng Labanan sa Mactan na naganap noong ika-27 ng Abril 1521. Natalo ng hukbo ni Datu Lapulapu ng Mactan ang mga kawal na Kastila sa pamumuno ng Portuges na kapitan at eksplorador na si Ferdinand Magellan, na napatay naman sa labanang iyon.

Ayon sa kasaysayan, dumating sa ating kapuluan sina Ferdinand Magellan sakay ng kanilang mga barko noong Marso 16, 1521. Nakipagkaibigan siya sa maraming pinuno sa Cebu, pangunahin na si Raha Humabon, at sa isla ng Mactan, kay Datu Zula. Bininyagan bilang Kristyano si Raha Humabon at kanyang mga tauhan. Gayunpaman, tumanggi si Datu Lapulapu na makipag-ugnayan kina Magellan. Dahil dito'y nais ni Magellan na ipakita ang kanilang superyor na armas at hukbo laban sa hukbo ni Lapulapu.

At noong Abril 27, 1521, naging madugo ang labanan sa Mactan nang sumugod doon sina Magellan. Nanaig naman ang mga mandirigma ni Lapulapu sa hukbo ni Magellan, na ayon sa mananalaysay na si Pigafetta, si Magellan ay napatay. Nakatakas naman sina Pigafetta at iba pa nilang kasama. Ayon pa kay Pigafetta, ilan sa mga tauhan ni Magellan ay napatay sa labanan at ang ilang katutubong naging Kristiyano na tumulong sa kanila ay napatay din ng mga mandirigma ni Lapulapu.

Si Lapulapu ay bayani ng ating lahi at sumisimbolo ng kalayaan sa buong Asya. Hindi siya gawa-gawa lang kundi tunay na taong nakibaka para sa kalayaan ng kanyang mga kababayan laban sa mga mananakop na dayuhan.

Sa ngayon ay may panibagong banta sa bansa, ang nagbabantang pananakop ng mga Tsino sa ating bansa. Kung nagawa noon nina Lapulapu na patalsikin ang dayuhan at iurong pa ng apatnapu't apat na taon ang pananakop ng mga Kastila, magagawa rin nating itaboy ang mga Intsik na nais manakop ng ating bayan. Subalit...

Halos pinamimigay na ni Duterte ang ating bansa sa mga Tsino dahil kaibigan siyang matalik ni Pangulong Xi ng Tsina. Mag-alburuto man tayo sa pang-aagaw ng teritoryo ng Tsina sa ating bansa ay tila wala tayong magawa dahil sa kainutilan ni Duterte na ipagtanggol ang ating bansa laban sa bagong mananakop. 

Nariyan pa ang pagsakmal ng dayuhan sa kasarinlan ng bansa dahil sa kasunduan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas, tulad ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement), ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) at ang MLSA (Mutual Logistics Support Agreement, na maaari rin namang Muling Lumuhod Sa Amerika). Dahil dito'y hindi ganap ang kasarinlan ng bansa habang ang mga Tsino naman ay nagbabanta.

Bilang mga dating bilanggong pulitikal, batid namin ang kahulugan ng salitang KALAYAAN. Mula sa aming puso't isipan, dapat itong ipaglaban dahil ito ang kaibuturan ng ating pagkatao - ang maging malaya mula sa gutom, sa pagsasamantala ng tao sa tao, at mula sa paninikis ng estadong malupit at walang paggalang sa karapatang pantao.

Tayo ay lahi ng mga bayani. Kung may panibagong banta sa ating kalayaan, tulad ng nangyayari ngayon sa West Philippine Sea, ang ginawa nina Lapulapu noon ay inspirasyon upang gawin din natin ang nararapat upang mapalayas ang mga dayuhang nais yumurak sa ating kalayaan at karapatan bilang tao.

Mabuhay ang ika-500 taon ng tagumpay nina Lapulapu! Paalisin ang mga Intsik sa West Philippine Sea! Mabuhay ang kalayaan!

Huwebes, Abril 22, 2021

Pahayag ng XD Initiative sa Earth Day 2021

PAHAYAG NG XDI SA EARTH DAY 2021
Abril 22, 2021

PANGALAGAAN ANG KAPALIGIRAN!
PROTEKTAHAN SI INANG KALIKASAN!

Iyan ang nagkakaisang panawagan ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) ngayong Araw ng Daigdig. Dahil iisa lang ang ating tahanan, iisa lang ang ating mundo, iisa ang ating daigdig. Sino pa ang mangangalaga nito kundi tayo. Kung hindi ngayon, kailan?

Nauunawaan namin ang pangangailangang pangalagaan ang kalikasan. Kaya nga kahit sa aming pamilya't mga kamag-anak ay sinimulan na namin ang pagbubukod ng mga basura mula sa mga nabubulok at sa hindi nabubulok. Lalo na ngayong may pandemya, hindi dapat isama ang medical waste, tulad ng facemask, sa karaniwang basura.

Napakaraming upos na nagkalat, di lang sa mga basurahan, kundi lalo na sa karagatan. Bukod sa mga plastik sa laot, kinakain na rin ng mga isda ang mga upos ng sigarilyo. Pati na mga microplastic na hindi nakikita ng tao. Habang tayo namang mga tao ay kakain ng mga isdang kumain ng mga plastik na basura ng tao. Isang katotohanan ng kasabihang "Kung ano ang tinapon mong basura ay babalik sa iyo." Kaya dapat magkaroon ng wastong kalutasan sa mga problemang ito.

Nariyan din ang mga masasalimuot na isyu ng pagmimina, ang pagbabago ng klima o climate change dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuel at mga usok galing sa mga coal-fired power plants, ang pagbaka laban sa polusyon, at ngayon ngang may pandemya ay pagharap sa kagutuman dahil hindi natin masuportahan ang mga magsasakang siyang gumagawa ng ating makakain.

Pangalagaan ang kapaligiran! Protektahan ang kalikasan! Para sa kinabukasan ng ating mga pamilya at ng mga susunod pang mga henerasyon.

Miyerkules, Abril 7, 2021

Pahayag ng XD Initiative sa World Health Day

PAHAYAG NG XDI SA WORLD HEALTH DAY
Abril 7, 2021

SA WORLD HEALTH DAY, KATIYAKAN SA KALUSUGAN, IPAGLABAN

Kami, ang mga kasapi ng organisasyong Ex-Political Detainees Initiative (XDI), ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng World Health Day o Pandaigdigang Araw ng Kalusugan.

Bilang nagmamalasakit na mamamayan, nakikita at nararamdaman namin ang kakulangan ng medical personnel sa mga ospital kung saan ay umaapaw na sa kasalukuyan ang bilang ng mga dinadalang positive sa covid-19. Kung kaya't kailangan nila ng dagdag na mga medical practitioner at manpower sa panahong ito ng pandemya.

Kailangan ng bayan ay libreng mass testing para sa lahat. Napakamahal ng presyo ng swab test na umaabot ng anim hanggang pitong libong piso kung indibidwal kaming magpapa-testing, na hindi kaya ng bulsa ng dukhang mamamayan. Pangkain na nga lang nila ay kulang na, magpa-swab test pa kaya.

Kailangan ng bayan ay solusyong medikal, hindi militar. Marami nang napatay na umano'y pasaway, tulad ni Winston Ragos na walang labang binaril ng mga pulis dahil diumano'y di sumusunod sa health protocol. Coronavirus ang kalaban, hindi ang mamamayan.

Trabaho at ayuda, hindi tanggalan. Napakarami nang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng pabrika dulot ng lockdown. Dagdag pa ang pagsasamantala ng kapitalista upang mas ipalaganap ang salot na kontraktwalisasyon imbes na iregular ang mga manggagawa. Ayuda sana'y sapat sa pangangailangan ng bawat pamilya sa isang takdang panahon. Ayudang nararapat sa mamamayan ay dapat makaabot sa mamamayan, huwag ibulsa ng iilan!

Libre, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat! Kung hindi man libre ay dapat abotkaya ng dukhang mamamayan. Kahit mga bilanggong pulitikal ay may karapatan sa bakuna.

Ayusin ang Philippine Health Care System. Pulos lockdown at modipikasyon ng quarantine ang solusyon, imbes na ayusin ang sistemang pangkalusugan sa bansa. Sa nakuhang trilyong utang ng bansa para sa COVID-19, sana'y matanaw natin na talagang nagagamit ito ng wasto, at hindi ibinubulsa para sa darating na Halalan 2022.

Dapat unahin ang kagalingan at kapakanan ng taumbayan, hindi ang bulsa ng iilan. Unahin ang katiyakan sa kalusugan, ayusin ang sistemang pangkalusugan, at dapat walang maiiwan, lalo na sa ligtas na bakuna para sa lahat.

Ilan lang ito sa mga kahilingan ng XDI sa panahong ito ng lockdown sa NCR at mga karatig probinsya, sa okasyong ito ng World Health Day.