Linggo, Abril 25, 2010

Gobyerno ng Masa hindi ng mga trapo at elitista

Gobyerno ng Masa
hindi ng mga trapo at elitista

Gugunitain natin ang Mayo Uno sa taong ito sa gitna ng nagsasalimbayang pangangampanya ng mga kandidato para sa pwesto sa gobyerno mula konsehal ng bayan hanggang pangulo sa Malakanyang. Lahat ay nangangakong sila ay magiging matinong lingkod ng bayan kapag nahalal, lalabanan ang kurapsyon, tatapusin ang kahirapan, magiging tapat na kakampi ng mahihirap at kung anu-ano pang linya ng pagpapahayag na nag-i-enganyong sila ay iboto ng mamamayan.

Kasinungalingang lahat! Wala sa sino man sa mga tradisyunal na kandidato at partidong nangangampanya ngayon ang may kakayanang mabago ang kalagayan ng mga manggagawa, nang dumaraming bilang ng mga maralita at ng masang anakpawis. Sapagkat, ipagpag mo man ng ilang beses ang kanilang plataporma ay di mo makikita ang pagtuligsa sa kapitalistang sistema bilang syang pinag-uugatan ng kahirapan at kaapihan ng masa ng sambayanan.

Ni ang pagsuporta sa mga ipinapanawagang reporma upang maibsan man lamang ang hirap na dinaranas ng mamamayan ay di nila magawa. Wala ni isa sa mga kandidatong presidente ngayon ang nagsasalita laban sa problemang kontraktwalisasyon, demolisyon, oil deregulation law, pribatisasyon, liberalisasyon at sa automatic appropriation. At lalong wala sa mga “prominenteng partido” ang nagpapanukala na baligtarin na ang Neo-liberal na patakarang pang-ekonomiya na isinalaksak sa ating bayan ng mga dambuhalang kapitalista sa daigdig.

Ang mga nabangit na usapin sa itaas ang ekspresyon ng kapitalistang pagsasamantala sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit lumiit na nang todo ang bilang ng mga regular na manggagawa, lumaganap ang mga manggagawang kontraktwal na kapos sa sahod, benepisyo, di tuloy tuloy ang trabaho at wala halos karapatan. Ito rin ang dahilan ng walang awang pagwasak sa mga tahanan ng mga kapatid nating maralita at pagkasadlak sa kagutuman at kaapihan ng maraming mamamayan sa lunsod man o kanayunan.

Kaya’t ang kawalan ng tindig sa mga isyung ito ng mga kandidato ngayon sa pagkapresidente at ng kani-kanilang partido ay ebidensya na walang mapapakinabang ang masa ng sambayanan sa eleksyong ito, sino man sa kanila ang manalo.

Ang mas masama, ang mismong inaasam ng mamamayan na mapalitan na si Gloria Arroyo ay di pa rin syento por yiento, dahil hanggang sa ngayon wala pa ring tigil ang kampo ni Arroyo sa pagmamaniobra para makapanatili sa pwesto. Maugong ang usapin ng Failure of Election! Ang secret deal ng kampo ni Villar at Arroyo (Villaroyo) kasabay ng nabubulgar na mga maniobra bilang paghahanda sa malawakang pandaraya, bago at sa aktwal na halalan.

Anu’t ano man ang kalalabasan, matuloy man o hindi ang eleksyon, walang mapapala ang masang Pilipino. Dahil ito ay labanan lamang sa pagitan ng mga elitistang partido! Kaya’t iikot lamang sa sirkulo ng makakapamayaning partido ang anumang yamang lilikhain ng sambayanan sa darating na anim na taon. Hindi malulutas ang kurapsyon. Hindi malulutas ang kahirapan at ang kaapihang kinasasadlakan ng sambayanan.

Magiging katulad lang sila ng 14 na nagdaang mga presidente at partido na namuno sa gobyerno. Natapos ang kani-kanilang termino nang hindi naresolba ang problema bagkos ay lumala pa. Ito’y sapagkat laban sa kanilang interes, laban sa interes ng kanilang pamilya at laban sa interes ng mga kasapi ng kanilang partido ang totoong solusyon sa problema ng masang Pilipino.

Laban sa kanilang interes na pataasin ang sahod ng mga manggagawa, ipamahagi sa mga magsasaka ang malalawak na lupaing kanilang pag-aari, itigil ang demolisyon, itigil ang oil deregulation law, itigil na ang pagbabayad sa maanomalyang utang sa mga dambuhalang bangko at institusyong pampinansya at ipwesto ang mga lider ng masa sa gobyerno at hindi ang mga elitista. Ito ang panimulang solusyon para sa pagbabago na kailanman ay di nila gagawin.

Hindi sila kundi tayo ang may pinakamatibay na dahilan upang isulong ang pagbabago. Ito ay magagawa natin sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapalakas ng ating sariling partido, ng pagpaparami ng mga kasapi ng ating partido na uukupa ng pwesto sa loob ng gobyerno at ng ating tuloy-tuloy na pakikibaka para wakasan ang elitistang pulitika at itayo ang Gobyerno ng Masa.

Lumahok sa ating pagkilos sa Mayo Uno. Gamitin natin ang araw na ito upang irehistro ang ating sariling agenda, ang ating totoong kahilingan para sa kagalingan ng masang manggagawa at maralita.

Mabuhay ang uring manggagawa! Mabuhay ang masang anakpawis!

BMP-KPML-SUPER-MELF-PMT
Abril 19, 2010