Miyerkules, Hunyo 30, 2010

Workers Reform Agenda

WORKERS REFORM AGENDA

Paunang Salita

Isang bayani ng uring manggagawa ang nagsulat ng sumusunod:

GUBYERNO NG MANGGAGAWA

Gubyerno ng uring manggagawa. Ito ang ating pangarap. At ito’y hindi isang imposibleng pangarap.

Kung nais natin ng hustisya at progreso para sa masa, kailangang hawakan ng manggagawa ang kapangyarihang isagawa ito. At ang kapangyarihang ito sa ibabaw ng lipunan ay walang iba kundi ang estado at ang mga instrumentalidad nito.

Dapat lang na ang uring manggagawa ang mangibabaw sa pamahalaan. Una, tayo ang mayorya sa lipunan. Ikalawa, tayo ang bumubuhay sa lipunan. Ikatlo, ang kapakanan ng ating uri ang kumakatawan sa simulain ng progreso at hustisyang panlipunan.

Madaling tanggapin ang mga batayang ito kung bakit ang manggagawa ang dapat na mangibabaw sa lipunan at pamahalaan. Ang agam-agam ay mas nanggagaling sa pananaw na tayo ay walang kapasidad na paandarin ang pamahalaan.

May kakayahan raw ang manggagawa na paandarin ang mga makina ng pagawaan pero hindi ang makinarya ng pamahalaan. Ang dapat daw na humahawak nito ay ang mga edukadong uri, ang mga edukadong tao, at ang uring manggagawa ay hindi edukado.

Hindi natin matatanggap ang ganitong panghahamak sa uring manggagawa. May dignidad ang magpatulo ng pawis sa pagpapaandar ng makina. Pero para sabihing hanggang dito na lang ang kakayahan ng manggagawa ay insulto sa ating uri.

Iisa ang ibig sabihin nito: Tayong mga manggagawa ang magpapawis para buhayin ang lipunan pero ang pagpapaandar sa ating buhay at kapalaran ay wala sa ating kamay, kontrolado ng mga humahawak ng kapangyarihan sa pamahalaan.

Ang gubyerno ang nagpapasya sa direksyon ng buhay ng mamayan sa kinabukasan ng ating bansa. Narito ang eksaktong kahulugan ng ating pangarap na gubyerno ng manggagawa- ang kontrol sa ating buhay ay dapat nasa kamay ng uring manggagawa, ang ating kinabukasan ay dapat idikta ng ating kapakanan.

Ang interes ng uring manggagawa ang dapat maghari sa pamahalaan- ito ang ibig sabihin ng gubyerno ng manggagawa. Makatarungan lang na ang interes ng uring manggagawa ang dapat mangibabaw sapagkat tayo ang mayorya sa lipunan, tayo ang pinakaimportanteng uri sa lipunan, tayo ang kumakatawan sa interes ng progreso at hustisyang panlipunan.

Ang talino ay hindi monopolyo ng mararangyang uri.

Pero ang katotohanan, malaking aspeto ng pagpapaandar na pamahalaan ay nasa balikat ng manggagawa. Ang burokrasya ay pinaaandar ng karaniwang swelduhang mga empleyado ng gubyerno na kabilang sa mga manggagawa ng lipunan.

Ang kabilang aspeto, ang mapagpasyang aspeto—ang paggawa ng mga patakaran at batas—ang kontrolado ng matataas na opisyal ng gubyerno na ang totoong kwalipikasyon ay ang kanilang katapatan sa bulok na sistema.

Una sa lahat, dapat malaman na ngayon pa lang ay pinaaandar na ng mga manggagawa ang buong burokrasya ng pamahalaan. Umaandar ang makinarya ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga empleyado ng gubyerno na kabilang sa uring manggagawa.

Pero ang desisyon ng pamahalaan ay wala sa kamay ng ordinaryong mga empleyado ng gubyerno. Itoy nasa kamay ng matataas na opisyal ng pamahalaan...

Isa ito sa pinakahuling isinulat ni Ka Popoy Lagman. Bago niya mabalikan ang pagtatapos ng akdang ito ay pinaslang na siya ng mga mamamatay-taong inupahan ng mga kaaway ng manggagawa. Ang Workers Reform Agenda ay maituturing na karugtong ng di natapos na sulatin ni Ka Popoy.

Ang Workers Reform Agenda bilang bahagi ng komprehensibong plataporma de gobyerno ng uring manggagawa ay patunay na magagawang balangkasin ng uring manggagawa ang “direksyon ng pamahalaan.”

Hindi eksklusibong kakayahan ng mga elitista o mga edukado ang itakda ang mga patakaran at batas. Katunayan ang buktot at baluktot na “direksyon ng pamahalaan” na kanilang ipinatutupad ang ugat ng kabulukan sa gobyerno at pagdarahop ng mamamayan.

Ang Workers Reform Agenda ay hindi simpleng ebidensya na kakayanin ng uring manggagawa na hawakan ang estado poder. Ang alternatibong plataporma de gubyernong ito mismo ang solusyon sa kagyat na mga problema ng manggagawa at mamamayang Pilipino.

Napapanahong ilathala ang Workers Reform Agenda at ipabatid ito sa buong madla laluna’t naghahanap ang taumbayan ng isang platapormang tutugon sa inaasam nilang pagbabago. Kaliwa’t kanan ang mga plataporma de gubyernong naglalabasan at nagkukumpitensyahan para sa puso’t isipan ng mamamayan.

Natatangi ang Workers Reform Agenda sapagkat ang nilalaman nitong mga reporma para sa sambayanang Pilipino ay ibinalangkas sa punto-de-bista ng uring manggagawa. Binalangkas ito nang ikinukunsidera hindi lamang ang kagyat na interes kundi ang ultimong adhikain ng uring manggagawa para sa pagpawi ng pagsasamantala sa lipunan.



Ang Pagbabagong Aming Ipaglalaban

Totohanan at makabuluhang mga pagbabago! Ito ang hamon naming mga mangagagawa sa lahat ng pwersang kumikilos para patalsikin si Gloria Arroyo at ibagsak ang pekeng pangulo ng bansa.

Kabilang kami sa mayorya ng mamamayan – walo sa bawat sampu, ayon sa survey – na nagnanais maalis si Gloria Arroyo sa kanyang trono sa Malakanyang. Pero ang hangad namin ay hindi lang pagpapalit ng pangulo kundi malawakang mga reporma sa gobyerno at lipunan.

Naniniwala kaming walang pagbabagong maaasahan ang uring manggagawa sa kasalukuyang rehimen. May kawastuhan ang sinasabi ng elitistang oposisyon na si Gloria Arroyo mismo ang problema dahil siya ay mandaraya at kurakot. Pero lagpas sa krimen ng pandaraya at pangungurakot ang dahilan kung bakit hindi sinusuportahan ng manggagawa ang rehimeng Arroyo.

Kaming mga manggagawa ay hindi nagdadalawang-isip na tutulan ang gobyerno ni Gloria Arroyo. Isinasakdal namin siya sa mas masahol na kasalanan – ang tumitinding kahirapan at pang-aapi sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino.

Ang mortal na kasalanan ni Gloria sa taumbayan, laluna sa manggagawa at maralita, ay ang pagtalima niya sa pang-ekonomikong doktrina ng Globalisasyon. Isinakripisyo niya sa altar ng pandaigdigang kompetisyon hindi lang ang lokal na industriya at agrikultura kundi pati ang kabuhayan at karapatan ng mga manggagawa.

Sapat nang ebidensya ang resulta ng Globalisasyon para isakdal ang rehimeng Arroyo. Matapos ratipikahin ng Senado ang General Agreement on Tarffs and Trade (GATT) noong 1994 – na inisponsor mismo ni Gloria Arroyo noong siya’y senador pa lang, ibayong nalugmok sa krisis ang kabuhayan at karapatan ng manggagawang Pilipino.

Ang resulta ng doktrina ni Gloria Arroyo? Sumisirit pataas ang presyo ng mga bilihin at singil sa kuryente’t tubig! Nagsasara ang mga pabrika! Kulang ang trabaho! Bumabagsak ang sweldo! Nilalabag ang mga karapatan ng manggagawa! Binubuwag ang mga unyon! Lumiliit ang badyet para sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pang panlipunang serbisyo!

Sinlaki ng mundo ang mga problemang bunga ng Globalisasyon. Pero sa kabila nito, nakabibingi ang katahimikan ng mga pulitikong anti-Arroyo ukol dito. Napakaingay nila sa paghingi ng pagbibitiw ni GMA. Pero ni isang salita ay hindi sila makapagbitiw sa dinedelubyong buhay naming mga manggagawa.

Hinahamon namin ang oposisyon na ihapag ang kanilang mga solusyon sa mga pang-araw-araw na problema ng mga manggagawa. Ano ang kanilang solusyon sa kakulangan ng regular na trabaho? Sa mababang sweldo? Sa contractualization? Sa downsizing? Sa union busting? Sa mga paglabag sa labor standards? Sa kawalan ng panlipunang serbisyo sa taumbayan?

Handa na kaming mga manggagawa na magmartsang kasabay ng iba pang pwersang nais magpatalsik kay GMA. Laluna sa mga nananawagan ng “transitional revolutionary government”, “caretaker council”at “demokratikong konseho”, hindi ng constitutional succession. Sapagkat isang rekisito ng malawak na pagbabago ng gobyerno at lipunan ang maipagkait ang pagkapangulo kina Noli, Drilon at de Venecia matapos maibagsak si GMA. Natuto na kami sa mapait na aral ng Edsa Dos.

Ngunit habang nakikipagkaisa kami sa malawak na kilusang anti-Arroyo, dapat naming panatilihin ang aming interes bilang uri. Dahil ang interes ng uring manggagawa sa ngayon ay hindi lamang ang pagpapatalsik kay GMA kundi ang pagbubuo ng isang gobyernong tutugon sa mga problemang kinahaharap namin sa aming araw-araw na pamumuhay.

Kaya’t sa loob at labas ng gobyernong papalit kay Gloria Arroyo, patuloy naming igigiit ang mga repormang tutugon sa mga suliranin ng manggagawa’t maralita. Habang ang mga repormang ito ang batayan ng aming paninindigan laban kay Arroyo, alam namin na hindi ito maisasabatas sa pamamagitan lang ng pagpapabagsak kay GMA.

Ang mga kahilingang ito ay magiging tuloy-tuloy na krusada kahit pa maibagsak na si GMA. Ang papalit na gobyerno ay hindi magkukusa na magsagawa ng mga reporma, laluna kapag ang dominanteng pwersa sa loob ay mga elitista ring tulad ng napatalsik na pangulo. Sa ganitong kalagayan, obligadong isulong naming mga manggagawa ang mga repormang ito “mula sa labas” ng bagong gobyerno.

Hindi kami umaasa na susuportahan ng “buong-buo” ng mga elitistang pwersang anti-Arroyo ang listahan ng mga repormang isusulong ng uring manggagawa. Subalit naniniwala kami na sinumang nagmamalasakit at kumikilala sa dignidad ng mga lumilikha ng yaman ng lipunan ay makikinig sa katwiran ng sumusunod na mga kahilingan.

1. Kalayaan sa pag-oorganisa ng Manggagawa at Karapatang Mag-Unyon, Makipagtawaran at Magwelga

Sa panahong ito ng Globalisasyon, ang Konstitusyonal na karapatang mag-unyon ay dapat kilalanin bilang state policy. Sapagkat ang proteksyon sa paggawa ay dapat gawing prayoridad ng gubyerno sa kalagayang hindi maikakaila ang delubyong dulot ng Globalisasyon sa sektor ng paggawa.

Maliwanag sa kasaysayan ng lahat ng bansa na ang proteksyon sa paggawa at pagsulong ng labor standards ay dahil sa malakas na unyonismo. Unibersal na karanasan na kapag walang unyon ang mga manggagawa napakadali silang lapastanganin ng kapital.

Kasabay ng pagkilala sa karapatang mag-unyon, dapat ding patibayin ang kakambal nitong mga karapatan – ang pakikipagtawaran at paglulunsad ng sama-samang pagkilos, kasama ang pagwewelga.

Isabatas ang Magna Carta of Unionism, na magbibigay ng ganap na kalayaan at karapatan ng lahat ng manggagawa at empleyado sa pribado at publikong mga sektor na organisahin ang kanilang mga sarili sa mga unyon at pampulitikong organisasyon. Babaklasin ng naturang batas ang mga restriksyon sa pag-uunyon. Isasabatas din nito ang kriminalisasyon ng mga paglabag sa mga batas at istandard sa paggawa.

Kakambal ng karapatan sa pag-uunyon ang karapatan sa collective bargaining. Walang manggagawang tatangging makipagnegosasyon sa kapitalista para mapataas ang sweldo, mapalaki at maparami ang mga benepisyo at masiguro ang mga karapatan. Ito ang dahilan kung bakit sila sumasapi sa unyon – upang katawanin sila sa negosasyon sa kanilang employer. Kung ang karapatang bumoto ay ginawa ng estado na obligasyon ng mamamayan, dapat ay obligasyon din ang pagtatayo ng unyon at pagkakaroon ng CBA.

Lalamnin din ng Magna Carta of Unionism ang ganap na kalayaan at karapatang magwelga ng lahat ng manggagawa at empleyado sa pribado at publikong mga sektor hindi lang sa mga isyung pang-ekonomya kundi hanggang sa mga isyung pampulitika at pasaklawin ito hanggang sa paglulunsad ng general strikes at sympathy strikes. Baklasin ang mga restriksyon sa batas na sumusupil o bumabalewala sa karapatang ito gaya ng assumption of jurisdiction, free egress-ingress, atbp. Palakasin at istriktong ipatupad ang mga batas laban sa paggamit ng mga iskirol, pulis at maton sa panahon ng welga.

Sa naturang batas, gagawing mandatory ang pagtatayo ng pambansang mga unyon para sa piling mga linya ng industriya laluna sa mga sektor ng agrikultura, serbisyo, konstruksyon, transportasyon, atbp., na mahirap itayo o hindi epektibo ang lokal na unyon. Ang pagtatayo ng industriyal na mga unyon ang dapat na direksyon ng pagkakaorganisa ng kilusang unyon sa bansa.

Tanggalin ang “no union” na option sa certification election (CE) sapagkat ginagamit lang ito ng kapitalista para biguin ang pag-uunyon sa isang kompanya. Malaya ang sinumang manggagawa na di sumapi sa unyon pero di dapat sagasaan nito ang karapatan din ng ibang manggagawa na magkaroon ng unyon. Dapat lubusang paluwagin ang mga regulasyon hinggil sa pagtatayo ng unyon hindi gaya sa kasalukuyan na ito’y napakasalimuot at napakahaba ang proseso. Nabibigyan ng oportunidad ang management na agad na wasakin ang inoorganisang unyon dahil napakaraming rekisito bago ito makaabot sa certification election.

2. Ibasura ang Cheap Labor Policy at Ipatupad ang Konstitusyunal na probisyon sa Living Wage

Ang kasalukuyang antas ng pasahod ay malayong malayo sa cost of living, sa kinakailangan para mabuhay ng disente’t marangal ang pamilyang manggagawa. Sa datos ng gobyerno, ito ay nasa P20,430 kada buwan o P681 kada araw. Dulot ito ng cheap labor policy na ibinababa ang sweldo para akitin ang dayuhang pamumuhunan. Ang polisiyang ito ang sinunod ng Wage Rationalization Act o RA 6727 na ginamit ang “employers capacity to pay” sa pagtatakda ng sweldo.

Hindi kompetisyon o batas ng merkado ang dapat na magtakda ng minimum na halaga ng paggawa kundi ang cost of living. Ito ay alinsunod sa Konstitusyonal na karapatan sa living wage (Art. XIII Sec. 3 at Art. XV Sec. 3) o sa sweldo para sa disenteng pamumuhay ng manggagawa.

Katulad din ito sa pagtatakda ng mga negosyante sa presyo ng kanilang mga kalakal. Kung saan, ang minimum na presyo ay katumbas ng cost of production o mga gastusin para likhain ito. Sa lakas-paggawa, mapapanatili lang ng manggagawa ang kanyang produktibong pagtatrabaho kung ang sweldo niya ay sapat para bigyan siya at ang kanyang pamilya ng makataong pamumuhay.

Dapat itaas ang minimum wage sa antas ng living wage sa pamamagitan ng kombinasyon ng direct wage increase, tax breaks, subsidy sa social security contributions at price discounts sa basic goods and services na binibili ng mga manggagawa.

3. Trabaho at Seguridad sa Empleyo ng Lahat ng Manggagawa

“Full employment” ang kautusan ng Konstitusyon sa gobyerno. Ibig sabihin, obligasyon ng estado na bigyan ng sapat na hanapbuhay ang bawat Pilipino sa loob ng ating bansa. Hindi ito dapat na maging ahente para gawing alila ang mga Pilipino sa ibang bansa.

Taliwas sa Konstitusyon ang nangyayari sa kasalukuyan. Ang unemployed ay 11.3% ng kabuuang labor force, bukod pa sa 16.1% na underemployed (may pinagkakakitaan subalit nais pa ng dagdag na trabaho). Ibig sabihin, isa sa bawat apat na Pilipino ang walang sapat na hanapbuhay. Karamihan sa ating skilled workers (tulad ng mga nars at doktor) ay nangibang bayan na dahil sa kasalatan ng oportunidad na umunlad sa Plipinas.

Sa kabila nito, sobra-sobra ang trabaho ng mga nasa mga pabrika. Kalakaran sa mga pagawaan ay pag-oovertime at pumapayag ang mga manggagawa dahil kapos ang kinikitang sweldo. Ang resulta, ipinagkakait ng mga kapitalista ang paggawang ito na maaring gawin ng mga walang trabaho.

Hindi rin ligtas ang mga nagtatrabaho sa banta ng unemployment. Talamak ang mga iskema ng kontraktwalisasyon, pleksibilisasyon ng paggawa at oras ng paggawa, na nauso dahil sa Globalisasyon para mapamura ang lakas paggawa, mapalaki ang tubo at maikutan ang unyonismo.

May sapat na yamang likas at yamang tao ang Pilipinas para bigyan ng sapat na trabaho at masaganang buhay ang bawat Pilipino. Ang problema – bukod pa sa kabulukan ng pamahalaan at kasibaan ng mga kapitalista – ay ang delubyo ng Globalisasyon. Ang prinsipal na solusyon ay isang panibagong modelo ng nagsasariling pambansang pag-unlad na nilalayon ang paglakas ng lokal na industriya at agrikultura na magiging bukal ng disenteng hanapbuhay para sa mamamayang Pilipino, at mga batas at patakaran ng gobyerno na sadyang tinatarget hindi lamang ang job generation kundi job security.

4. Isabatas ang Proteksyon ng Paggawa Laban sa Globalisasyon

Ang Globalisasyon ay nangangahulugan ng pagbabaklas sa lahat ng proteksyon ng ekonomya ng bansa para sa malayang pagpasok at paglabas ng dayuhang kalakal at kapital. Dahil dito, ang ipinangako nitong “malayang kalakalan” ay nagdulot ng “malayang kompetisyon” sa lokal na industriya at agrikultura.

Sa pag-igting ng pandaigdigang kompetisyon, iisa ang gastusin sa produksyon na pinag-iinitang tipirin ng nga kapitalista. Walang iba kundi ang sahod, ang presyo ng lakas-paggawa. Sa panahon ng Globalisasyon, nauso ang iba’t ibang iskema para baratin ang mga manggagawa. Kabilang dito ang contractualization at downsizing.

Solusyon sa contractualization. May lehitimo at di lehitimong dahilan sa paggamit ng contractual labor. Kung seasonal o pana-panahon lang ang pangangailangan para sa contractual labor, ito ay lehitimong rason para hindi umupa ng regular na manggagawa. Pero kung ang totoong rason ay para makatipid sa pasahod/benepisyo at makaiwas sa regularisasyon, ito ay di lehitimong rason, labag sa batas at pandaraya sa paggawa. Ang iligal na paggamit ng contractual labor ang dahilan ng contractualization, at hindi ito napipigil sapagkat hindi ang tunay na rason sa likod ng ganitong contractualization ang inaatake ng mga batas hinggil rito.

Upang ganap na maiwasan at mapigilan ang di lehitimong paggamit ng contractual labor at maobliga ang mga kompanya na iregularisa ang ginagamit nilang mga contractual o casual, ipag-utos ng batas na sa pangkalahatan ay mas mataas ng 50% ang pasahod sa contractual labor kaysa regular labor. Sa ganitong paraan, mawawala ang rason o bentahe sa pananamantala sa contractual labor. Kung lehitimo naman ang rason sa paggamit ng contractuals, tama lang na bayaran ng mas malaki ang contractual dahil wala silang kasiguruhan sa trabaho kapag natapos ang kontrata at minimal ang mga benepisyo kumpara sa regular.

Isabatas ang isang Anti-Contractualization Law na may probisyong kailangang may pagsang-ayon ang nakatayong unyon, o ang kinatawan ng manggagawa kung walang unyon, sa paggamit ng contractuals pati ang pagpasok sa subcontracting at outsourcing.

Solusyon sa downsizing, Sa buong daigdig, nagkakaisa ang mga kilusang unyon sa iba’t ibang bansa na mali na ang magiging biktima ng progreso ay ang uring manggagawa, na ang isasakripisyo sa modernisasyon ng produksyon ay ang uring manggagawa. Kung tumataas ang produktibidad ng indibidwal na manggagawa dahil sa aplikasyon ng makabagong mga makina at teknolohiya, ibig sabihin, ang trabaho dati ng dalawa ay magagawa na ng isang manggagawa, mali na ang magiging hakbang ng kompanya ay downsizing, ang patalsikin sa trabaho ang sinasabing “redundant” na emleyado. Kung ganito ang magiging kalakaran, ibig sabihin, imbes na makinabang sa progreso ang manggagawa ay siya ang sinasagasaan at pineperwisyo.

Hindi dapat downsizing ang ibunga ng pagsulong ng industriya kundi pagpapaiksi ng araw ng paggawa (shortening of the working-day} nang walang kabawasan sa sahod at benepisyo. Ito ang tamang hakbang sapagkat maling-mali na pagkawala ng trabaho at paghihikahos ng pamilya ng empleyadong tatamaan ng downsizing ang ibinubunga ng modernisasyon ng produksyon. Kung tumataas ang produktibidad bunga ng aplikasyon ng makinarya, ang dapat na bunga nito ay hindi kawalan ng trabaho kundi pag-alwan ng trabaho at kabuhayan ng manggagawa gaya ng pag-iksi ng kanyang oras ng pagtatrabaho at paghaba ng kanyang panahon para sa pamilya.

Kung babalikan ang kasaysayan ng unyonismo sa buong mundo, nagawang paiksiin ng kilusang manggagawa ang araw ng paggawa mula sa 14, 12, 10 hanggang sa naging 8 oras sa isang araw. Hindi ito naging sagka sa pagsulong ng kapitalistang ekonomya. At sa panahong ito ng modernong industriya, ang pag-unlad ng mga kasangkapan sa produksyon ay mas matibay na dahilan para paiksiin pa ang araw ng paggawa upang pagaanin ang trabaho at isulong ang kabuhayan ng manggagawa.

5. Isulong ang mga Istandard at Benepisyo ng Manggagawa

a. 50% Overtime Rates. Hindi tayo sang-ayon na pinupwersa ng kapitalista o ng kababaan ng basic pay ang manggagawa na mag-overtime. Ang epekto nito ay sinasagad sa trabaho ang may trabaho pinagkakaitan ng trabaho ang walang hanapbuhay. Gayunman, dapat doblehin ang premium sa overtime mula 25% sa 50% ng basic pay sapagkat, una, ang sobrang oras na binibili ng kapitalista ay inaagaw na niya sa pamilya ng manggagawa, at ikalawa, ito’y trabahong ipinagkakait sa mga walang trabahong manggagawa. Dapat ding doblehin ang holiday pay, premium pay at night differential pay.

b. One Month Separation Pay. Doblehin ang separation pay na itinatakda ng batas at gawing katumbas ng isang buwang sahod. Baguhin din ang batas na ginagawa lang ikatlo sa prayoridad ang manggagawa sa babayaran kapag nagsara ang isang kompanya. Dapat unang makasingil ang manggagawa bago ang gubyerno at mga bangko. Ang pagpapalaki sa separation pay ay maaring magsilbing disentibo sa pagbabawas ng empleyado o pagsasara ng kompanya para muling magbukas sa ibang lugar (run-away shop).

c. 14th Month Pay. Isabatas ang 14th month pay na nakalaan sa Disyembre at ibigay ang dating 13th month pay sa Hunyo kasabay ng pagbubukas ng school year at bayaran ng matrikula. Kung ang mahihingi ng modernong sistema sa produksyon ay mataas na antas na edukasyon ng bagong henerasyon ng mga manggagawa, dapat lang na madagdagan ang kinikita ng manggagawa para matustusan ang pag-aaral sa kolehiyo ng kanilang mga anak.

d. 3 Months Paid Maternity Leave. Ipatupad sa bansa ang rekomendasyon ng ILO na tatlong buwan na maternity leave with pay. Ipagkaloob rin ang parental leave. Mahalaga ang maternity leave at parental leave sa pag-aalaga sa bata at katatagan ng pamilya ng manggagawa. Itaas ang itinakda ng batas sa paid sick leave at vacation leave.

e. Monthly Pension. Palakihin ang pension mula sa SSS at GSIS para sa retiradong mga manggagawa. Ang karagdagang ito ay dapat sagutin ng buong hanay ng uring kapitalista at ng gubyerno, at hindi dapat kaltasin sa mga manggagawa.

f. Tax Breaks. Lahat ng manggagawa sa pribado at publikong mga sektor na ang take home pay ay hindi umaabot sa daily cost of living ay hindi dapat kaltasan ng withholding tax.

g. Housing Benefits. Isabatas ang pagtatayo ng workers’ villages na isang ispesyal na housing program ng gubyerno (national at LGU) katulong ang buong uring kapitalista na ang ginagamit ay mga lupa ng gubyerno na di kalayuan sa mga lugar ng trabaho ng mga manggagawa.

6. Proteksyon sa Masang Maralita at Informal Sector

Ang problema ng kakulangan ng disenteng tirahan at sapat na hanapbuhay, ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin at arawang gastos sa kabuhayan, ang kapabayaan ng gubyerno sa serbisyong panlipunan, edukasyon at kalusugan, ang pagkakait ng benepisyo sa progreso at dignidad ng paggawa, ang pagsupil sa pampulitikang karapaatan at representasyon ay komon na mga isyu ng lahat ng maralita, sa lunsod man o sa kanayunan.Patunay ito ng kabiguan at kabulukan ng umiiral na sistema, at ebidensya ng kawalan ng tunay na demokrasya para sa masa.

Ang masang maralita - ibig sabihin, ang hukbo ng walang trabaho at nasa imformal sector tulad ng vendors, jeepney, tricycle at taxi drivers, at mahirap na magbubukid - ay bahagi ng uring manggagawa sapagkat pareho ang katayuan sa buhay sa puntong walang pag-aaring yaman at biktima ng kapitalistang sistema. Katunayan, mas malala pa ang pagdarahop at kaapihan ng mga maralita dahil walang proteksyong tinatamasa gaya ng mga nasa formal sector. Tanging ang ganap na pagbabago sa lipunan ang lulutas sa kahirapan at kaapihan ng maralita.Ganunpaman, sa pamamagitan ng kagyat na reporma, mapapaalwan ang kadusta-dusta naming kalagayan.

Para sa Maralita ng Lungsod

a. Absolutong pagbabawal at iligalisasyon sa marahas na demolisyon at pwersahang ebiksyon sa maralitang naninirahan sa mga lupaing pag-aari ng gubyerno o malalaking korporasyon o negosyante, at sa maliliit na manininda sa kalsada. Lutasin ang mga sigalot sa kaparaanan ng negosasyon nang walang banta ng dahas, panlalansi o panunuhol.

b. Walang relokasyong dapat maganap kung hindi garantisadong mas maigi ang magiging kalagayan ng masa kaysa sa kanilang pinanggalingang komunidad. Ang pagtatakda ng ganitong istandard ang magtitiyak na madadaan sa negosasyon ang mga sigalot at maiiwasan ang pwersahang ebiksyon. Dapat lamang na magbigay ng alternative vending sites na katanggap-tanggap sa maliliit na manininda. Maglaan ang gobyerno ng concessionary loans para sa maliliit na manininda.

c. Sa malalaking proyekto ng gubyerno at pribadong sektor na apektado ang maralitang lungsod, isabatas ang pagpasok ng social cost sa project cost at dapat ang masang maralita mismo ang magtakda ng mga istandard sa pagkukwenta ng social cost.

d. Iprayoridad at garantiyahan ang saligang panlipunang mga serbisyo sa mga komunidad ng maralita.

e. Ibasura ang UDHA dahil ang balangkas nito ay hindi komprehensibong solusyon sa problema ng maralitang lungsod kundi mas nilulutas kung paano mapalayas ang masang maralita sa mga lupang gustong bawiin ng gubyerno o kamkamin ng pribado. Dapat magkaroon ng batas para sa komprehensibong solusyon sa problema ng maralitang lungsod.

Para sa mga drayber

a. Pagbasura sa oil deregulation bilang unang hakbang sa pagkontrol sa presyo ng langis at pagpapababa sa mga gastusin ng jeepney, tricycle at taxi drivers at operators. Magbalangkas ng epektibong sistema ng subsidyo sa mga produktong petrolyo na ginagamit sa pampublikong transportasyon.

b. Bawasan ang labis na ligal na bayarin ng jeepney, tricycle at taxi drivers at operators, at sugpuin ang talamak na pangongotong ng mga pulis at sindikato.

c. Rationalization ng over-regulation sa public transort sector na bunga ng patong-patong na burukrasya at sala-salabat na patakaran ng LTO, MMDA at LGU sa public transport sector. Ilagay sa superbisyon ng isang ahensya at magbalangkas ng mga regulasyon nang may konsultasyon sa mga samahan ng jeepney, tricycle at taxi drivers at operators.

d. Itayo ang isang mass transport system nang kinukunsidera ang katiyakan sa kabuhayan ng jeepney, tricycle at taxi drivers at operators. Ang pag-phase-out ng mga lumang jeepney, tricycle at taxi ay dapat mayroong konsultasyon sa apektadong drivers at operators.

Para sa Mahihirap na Magbubukid

a. Baklasin ang monopolyo sa lupa ng mga asendero at ilagay ang lupa sa kontrol ng magbubukid na nagbubungkal nito. Pawiin ang upa sa lupa sa anyo man ng ani, paggawa o pera. Abolisyon ng anumang porma ng usura na pasanin ng magbubukid at totohanin ang concessionary loans mula sa Landbank batay sa programang ACEF at AFMA.

b. Lansagin ang mga kartel sa mga produktong agrikultural at buhusan ng suportang pinansyal at teknikal ang mga mahihirap na magbubukid tungo sa modernisasyon at industriyalisasyon ng kanayunan.

c. Engganyuhin ang pagbubuo ng cooperative farms sa halip na individual farms o corporate plantations.

d. Ipatupad ang labor standards at ilagay sa proteksyon ng labor code ang mga manggagawang agrikultural sa malalaking plantasyon at mahirap na magbubukid na nagbebenta ng lakas-paggawa sa mayayamang magsasaka at panginoong maylupa.

7. Proteksyon sa Overseas Filipino Workers

Ang tunay na katangian ng globalisasyon ay nalalantad ng katotohanang habang ipinipilit ang malayang paggalaw ng kapital kasabay namang pinipigil ang malayang migrasyon ng paggawa. Ang mayayamang bansang promotor ng globalisasyon ang pursigidong naglalagay ng restriksyon sa pagpasok ng migranteng manggagawa sa kani-kanilang bansa. Kinikilala natin na isang demokratikong karapatan ng manggagawa ang kalayaang mangibang-bayan sa layuning maghanap ng trabaho, kumita ng mas malaki at bumuti ang buhay.

Ganunpaman, ang puno’t dulo ng malawakang migrasyon ng manggagawang Pilipino ay dahil hindi sila mabigyan ng sapat at disenteng trabaho sa ilalim ng bulok na sistema at atrasadong kapitalismo. Mahirap masukat pero tiyak na malaki ang social costs na likha ng paglikas ng lagpas walong milyong Pilipino. Negatibo ang epekto sa pagpapaunlad ng Pilipinas ng tinatawag na brain drain at pagkawala ng milyun-milyong skilled at professional workers.

Ang ultimong solusyon sa pag-ampat ng malawakang migrasyon ng manggagawang Pilipino ay ang nagsasariling pag-unlad ng bansa sa batayan ng pambansang industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura upang magkaroon ng sapat at disenteng hanapbuhay para sa lahat. Sa kagyat ang determinadong pagtatanggol at pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng migranteng Pilipino laban sa pang-aabuso at pananamantala sa kanila ay dapat na maging haligi ng patakaran ng gobyerno

a. Wakasan ang deregulasyon ng labor export industry. Hindi maaring ineengganyo ng gobyerno ang paglikas ng mga manggagawa bilang paraan ng paglikha ng trabaho pero iniwan sa kamay ng pribadong recruitment at placement agencies ang mismong pagpapadala ng mga manggagawa. Palakasin sa halip na pahinain ang poder at regulasyon ng POEA sa pagpapadala ng mga migranteng manggagawa. Pabigatin ang parusa sa iligal na mga recruiter.

b. Amyendahan ang Migrants Workers and Overseas Workers Act para tanggalin ang mga probisyon na nagbibigay-laya sa deregulasyon ng labor export industry. Bigyan ng ngipin ang batas na ito para sa dagdag na proteksyon sa migranteng mga manggagawa, partikular mga kababaihan at marino.

c. Repormahin at reorganisahin ang OWWA upang mapagsilbihan ang kapakanan ng migranteng mga manggagawa. Ibasura ang OWWA Omnibus Policies. Isulong ang mga programa at serbisyo para sa pangangailangan ng migranteng mga manggagawa at kanilang pamilya, tulad ng social security, health at housing. Pangalagaan ang OWWA Fund sa pamamagitan ng mga mekanismo ng audit at transparency. Totohanang representasyon ng migranteng mga manggagawa at kanilang pamilya sa OWWA Board.

d. Amyendahan ang Overseas Absentee Voting Law upang maging mas epektibo. Kasama sa dapat baguhin ay ang sistema para sa postal o personal na pagrehistro at pagboto, continuing registration ng overseas Filipinos at angkop na mekanismo para sa pagrehistro at pagboto ng mga marino.

e. Maging prinsipal na oryentasyon at gawain ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa ibang bansa ang proteksyon sa migranteng mga manggagawa. Magbalangkas ng labor agreements sa mga bansang tumatanggap ng migranteng mga manggagawa upang tiyak ang proteksyon ng labor standards at social legislation. Ilaban sa internasyunal ng mga kasunduan ang ibayong proteksyon para sa migranteng mga manggagawa at abolisyon ng mga restriksyon sa malayang paggalaw ng paggawa.

8. Repormang Pang-ekonomya

Dapat nang lagutin ang napakahaba’t walang patid na kasaysayan ng dayuhang dominasyon sa Pilipinas na siyang namumukod na dahilan ng atrasadong pag-unlad ng ating ekonomya. Sandaang taon na tayong nasa ilalim ng imperyalistang dominasyon ng US at ang kasalukuyang kalagayan ng ating ekonomya ang nagpapatunay na pagsasamantala at panghuhuthot ang interes nito sa ating bayan at hindi pakikipagkaibigan. Dapat nang tigilan ang baluktot na katwirang wala tayong alternatibo kundi manatiling nakasandig sa US at lalo tayong mapasasama kapag hindi sumunod sa mga kagustuhan nito.

Ang isang bansang nasa imperyalistang dominasyon ay nakalubog sa isang kumunoy at wala nang sasahol pa sa ganitong sitwasyon. Kahit sa globalisadong mundo ay maaring magsarili ang Pilipinas sa pang-ekonomyang landas ng pag-unlad basta may kapasyahan ang gubyerno at nagkakaisa ang sambayanan. Pampulitikang kapasyahang nagsasariling paunlarin ang bansa ang kinakailangang hakbang sa pang-ekonomyang progresong ang pinakasimulain ay progreso at hustisyang panlipunan.

Itigil ang pagsandig ng Pilipinas sa dayuhang puhunan at dayuhang pautang dahil mas malaki ang nagiging kapalit nito kaysa pakinabang na pang-ekonomyang pag-unlad. Tama lang na papasukin ang mga dayuhang imbestor ngunit sa ating kondisyon. Ang pagbabayad sa mga dayuhang pautang ay dapat batay sa ating kapasidad at prayoridad. May sapat na kayamanan at puhunang nakaimbak ang Pilipinas para paandarin ang ekonomya ng bansa nang hindi nagpapaalipin sa dayuhang puhunan at pautang.

Distrungkahin ang “export-oriented, import dependent” na linya ng palsipikadong pag-unlad at halinhan ng patakaran ng industriyalisasyon ng ekonomya at modernisasyon ng agrikultura na prinsipal na nakasandig sa pagsulong ng panloob na pamilihan at sariling mga kalakal.

Isabansa ang mga susing korporasyon sa mga istratehikong industriya tulad ng langis, kuryente, tubig, atbp. Palakasin sa halip na pahinain ang pampublikong sektor ng ekonomya sa kondisyong ang nakatayo ay isang matalino, progresibo at makamasang gubyerno.

Ibig sabihin, tinututulan natin ang panukala ngayon na i-takeover ng gobyerno sa panahon daw ng krisis ang krusyal na mga industriya sapagkat sa ilalim ng bulok na rehimeng Arroyo ang mga kompanyang ito ay huthutan at gagatasan lamang ng mga kawatan sa gobyerno

9. Repormang Elektoral, Pulitikal at Sosyal

Ang kabulukan ng sistemang pang-ekonomya sa bansa, kung saan ang iilang nagmamay-ari ang nagpapasasa sa yamang likha ng nakararami ay ginagawang mas malubha’t mas masahol ng kabulukan ng kabuuang gubyernong kontrolado rin ng mga naghaharing uring ito.

Ang “Hello Garci” tape ay patunay ng talamak na katiwalian sa buong burukrasya ng estado mula lokal hanggang pambansang antas, at sa bawat sangay at ahensya ng pamahalaan, mula ehekutibo hanggang lehistura at pati ang mga hukuman. Ang buong makinarya ng militar at pulisya ay inuuod na sa kabulukan at lantarang ginagamit para sa interes pampulitika ng elitistang paksyong may hawak sa poder.

Natural na modus operandi ang korapsyon at katiwalian sa kasalukuyang gobyerno dahil kasali ang mamamayan sa operasyon at pagdedesisyon nito. Ang partisipasyon ng taumbayan sa pulitika ay tuwing eleksyon lamang, minsan sa tatlo o anim na taon, kung saan pinipili nila kung sino sa mga elitista ang susunod na mang-aapi sa mamamayan.

Kabilang sa pangunahing mga repormang pampulitikang aming ipinaglalaban ay ang reporma sa sistemang elektoral, sistema ng partidong pampulitika at sistema ng parlamentaryong demokrasya. Ang pinakamainam na larangan ng pakikipaglaban para sa mga repormang ito ay sa loob at labas ng isang People’s Assembly na dapat ipatawag ng pansamantalang gobyernong mabubuo matapos mapatalsik si Arroyo at madiskaril ang paghalili nina Noli, Drilon at De Venecia bilang “constitutional successors”. Ang People’s Assembly ay dapat na maging pagtitipon ng mga kinatawan ng taumbayan – ibig sabihin, manggagawa, maralita, magsasaka, middle class, atbp – upang balangkasin ang bagong konstitusyon para sa malawak na pampulitika at panlipunang pagbabago.

Ang pinakapundamental na repormang pampulitikang dapat ipaglaban ay ang paggigiit ng pampulitikang soberanya at kasarinlan ng Pilipinas mula sa dominasyon at interbensyon ng mga dayuhang bansa at pwersa. Dapat salaminin ng mga batas at kautusan ng gobyerno ang kapasyahan ng sambayanan, hindi ng mga dayuhan. Tayo ay dapat na makipag-ugnayan sa ibang bansa sa diwa ng totoong pandaigdigang kapatiran at kooperasyon. Sa diwa nito, dapat itigil ang pagsuporta ng gobyerno sa “gera laban sa terorismo” na pinangungunahan ng Estados Unidos na sa katunayan ay gera ng agresyon laban sa mamamayan ng daigdig.

Sa madaling salita, ang repormang elektoral at pampulitika na ating sinusulong ay magreresulta ng demokratisasyon ng lahat ng antas ng gobyerno, ng pagtitiyak sa partisipasyon ng mamamayan sa loob nito.

Dapat magkaroon ng representasyon ang mga manggagawa sa lahat ng ahensya at institusyon ng pamahalaan mula antas lokal hanggang nasyunal. Sa ngayon, may itinatalagang “kinatawan” diumano sa ilang piling ahensyang, tulad ng SSS, subalit palakasan at pagpapakatuta sa umiiral na rehimen ang batayan ng paghirang na ito. Kaya naman hindi nagiging tagapagtanggol ng kapakanan at karapatan ang mga inutil na “kinatawang” ito.

Ang hinihiling namin ay totoong mga representante ng manggagawa hindi sa ilan kundi sa lahat ng ahensya upang magsilbing bantay ng mamamayan sa mga nakatalaga sa opisinang ito. Ang kilusang manggagawa ang dapat na maghirang sa mga kinatawang ito para walang utang na loob sa umiiral na rehimen at sa anumang oras maaari silang tanggalin kung hindi gagampan ng maayos sa kanilang pwesto. May kakayahan ang mga manggagawa na magsilbi sa responsableng mga posisyon ng gobyerno at pagmamaliit na isiping hindi ito magagampanan ng mga manggagawa laluna’t kung iisipin mga empleyado ng gobyerno ang araw-araw nagpapagana ng serbisyo publiko

Ang pag-unlad ng anumang bansa ay nasusukat sa tinatamasang mga karapatan ng kanyang mamamayan. Dahil dito dapat na maging espesyal na bahagi ng programa ng gobyerno ang pagbibigay importansya sa panlipunan, pampulitika at pangkulturang mga karapatan ng mga Plilipino.

Sinusuportahan namin ang mga kahilingan ng ibang mga uri at sektor. May dalawang kondisyon ng pagsuporta sa mga kahilingang ito: (1) nagsisilbi ito sa kagyat na interes na pakilusin ang buong mamamayan para ibagsak ang rehimeng Arroyo sa batayan ng pagrereporma sa lipunan; at (2) konsistent ang mga ito sa demokratisasyon ng buong lipunan na kinakailangan para sa malayang pag-unlad ng manggagawa bilang uri.

Batayang Panlipunan, Pampulitika at Pangkulturang Karapatan

Ang sambayanan ay may karapatang mabuhay nang malaya at may dignidad. Ang pagkilala sa mga karapatang ito ay tumgkulin ng gobyerno. Gayundin ang pangangalaga at pagtitiyak sa dignidad ng mamamayan bilang indibidwal at bilang myembro ng komunidad. Tiyakin ang kapasidad sa sariling pag-unlad ng bawat tao. Isabatas ang mga patakaran, batas at mekanismo ayon sa mga unibersal na istandard ng karapatang pantao. Obligasyon ng gobyerno ang pagbibigay ng pinakamataas na antas ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagbubuwag sa di-pagkakapantay-pantay sa batayang pang-ekonomiya, pampulitika, lahi at kasarian. Karapatan din ng mamamayan ang tamasahin ang pinakamataas na istandard ng kalusugan at tiyakin ng gobyerno ang sapat na nutrisyon at eradikasyon ng kagutuman.

Kasama din sa batayang karapatan ng mamamayan ang makabuluhang representasyon, partisipasyon, at pagdedesisyon sa mga usapin ng bansa at komunidad, at ang seguridad at privacy ng mga indibidwal at kanilang mga pamilya. Sa lahat ng pagkakataon, dapat garantiyahan at proteksyunan ng gobyerno ang mga karapatan sa malayang pamamahayag at mapayapang pagtitipon.

Pantay na oportunidad na maglingkod sa bayan ng lahat ng kwalipikado. Tiyaking ang pampulitikang kapangyarihan ay hindi monopolyado ng iilan at sagkaan ang mga political dynasty.

Ang soberanya ay nasa taumbayan. Nasa mamamayan ang karapatan para tutulan ang isang despotiko, mapang-api at tiwaling rehimen sa mga paraang konsistent sa pangkalahatang mga prinsipyo ng karapatang pantao.

Rekognisyon sa Karapatan para sa Self-Determination

Dapat itigil ang gera sa Mindanao at Cordillera, gayundin ang militarisasyon sa kanilang mga komunidad. Ang mga katutubo at ang Bangsamoro ay may karapatan sa pagkakapantay-pantay tulad ng ibang Pilipino at hindi dapat maging biktima ng anumang uri ng diskriminasyon. Karapatan nilang mabuhay bilang hiwalay na bansa, kasama ang pagtutol sa klase ng pag-unlad ng bansa sa kanilang pag-iral bilang komunidad. Daanin sa negosasyon ang nagaganap na armadong labanan tungo sa pampulitikang kasunduang nakabatay sa pagkilala sa kanilang karapatang magsarili.

Pagpapalaya sa mga Bilanggong Pulitikal

Ibasura ang mga kasong kriminal na ipinataw sa mga indibidwal na nagsusulong ng kanilang pampulitikang paniniwala. Kung hindi napipinsala ang taumbayan at hindi nasasagkaan ang panlipunang hustisya at progreso, ang anumang paraan ng pagsusulong ng pulitikal na ideolohiya ay dapat kilalanin ng gobyerno. Kagyat na palayain ang mga bilanggo at detinidong pulitikal.

Abot-kaya, Makabuluhan at De-kalidad na Edukasyon para sa Lahat

Ibasura ang Edukasyon Act of 1982 sapagkat ang balangkas nito ay “deregulation” na nagbibigay-laya sa mga kapitalistang edukador na magtakda ng matrikula at iba pang singil, at kung gayon patakbuhin bilang negosyo ang pribadong edukasyon.

Palawakin at palakasin ang pampublikong sistema ng edukasyon mula primarya hanggang kolehiyo. Ipatupad ang itinatadhana ng Konstitusyon, ilaan sa edukasyon ang pinakamataas na alokasyon sa pondo ng gobyerno imbes na sa pambayad-utang.

Isabatas ang “Magna Carta of Students” na gumagarantiya sa academic freedom, sa pag-oorganisa at pagkilos ng mga estudyante para ipaabot sa nangangasiwa ng paaralan o unibersidad ang kanilang mga hinaing, at sa representasyon ng estudyante sa Board of Directors o Board of Regents ng paaralan. Ibasura ang Campus Journalism Act at palitan ito ng batas na totoong nagtatanggol at nagtataguyod sa malayang pamamahayag ng mga mag-aaral.

Pantay na Karapatan at Oportunidad sa Kababaihan, Kabataan, Gays and Lesbians

Ang kabataan ay may karapatan sa espesyal na pagkalinga, edukasyon, kalusugan, at proteksyon sa lahat ng anyo ng pang-aabuso, diskriminasyon, pagsasamantala, katiwalian at mga sitwasyong sumasagka sa kanilang pag-unlad. Ang interes ng kabataan ay dapat maging pangunahin sa mga batas at patakaran ng gobyerno. Ipagbabawal ang child labor, child prostitution and trafficking, at child abuse. At ipagbawal ang paggamit ng mga salitang may bahid ng diskriminasyon gaya ng “illegitimate children”.

Pantay na karapatang sibil, pampulitika, panlipunan at kultural sa mga kababaihan. Proteksyunan sila ng gobyerno mula sa diskriminasyon, pagsasamantala, trafficking, assault, battery at iba pang anyo ng pang-aabuso at karahasan. Pantay na karapatan ng mga kababaihan na kumatawan at mamuno sa pampubliko at pribadong mga institusyon. Burahin ang sexismo at “sexist stereotyping” sa midya, paaralan at iba pang institusyon. Itigil ang diskriminasyon sa “sexual and gender preference”. Ibigay ang karampatang serbisyo sa mga biktima ng karahasan sa kababaihan. Huwag ituring na kriminal ang mga kababaihang biktima ng prostitution at sa halip ay parusahan ang mga kapitalistang nagsasamantala sa kanila.

Kilalanin ang karapatan ng lahat ng mag-asawa, magkarelasyon at mga indibidwal na malaya’t responsableng magpasya sa bilang, agwat at panahon ng kanilang magiging anak. Bigyan sila ng sapat na kaalaman at kaparaanan para dito. Karapatan ng mamamayan ang pinakamataas na istandard ng sexual at reproductive health.

Gayundin, respetuhin ng gobyerno ang pagdedesisyon ng mga magkarelasyon ukol sa reproduksyon. Tiyakin na ito ay walang diskriminasyon, koersyon o karahasan. Isabatas ang Reproductive Health Care Program na gagarantiya sa reproductive rights at reproductive health ng kababaihan. Gawing bahagi ng serbisyo ng gobyerno ang pagbibigay ng libre at ligtas na contraceptive. Ipagbawal ang forced sterilization. Ang sex education at mga usapin ng kababaihan ay ilagay sa kurikulum ng mga paaralan.

Pantay na ligal at panlipunang karapatan sa mga indibidwal na magbuo ng iba’t ibang anyo ng mga relasyon sa loob at labas ng matrimonya o kasal (kasama ang same sex marriage at de Facto relationship). Tiyakin ang karapatan ng kababaihan sa dibersyo, karampatang alimonya at suporta sa mga bata. Kilalanin ang produktibong paggawa ng kababaihan sa loob ng pamilya. Maglaan ng mga serbisyo, programa at rekurso para pagaanin ang mga gawaing bahay at mulatin ang mamamayan sa magkatuwang na responsibilidad ng babae at lalake sa gawaing bahay.

Para sa May-kapansanan

Maglaan ang gobyerno ng ispesyal na proteksyon sa mga may-kapansanan. Karapatan nilang tamasahin ang pantay na oportunidad, kabilang ang serbisyo sosyal, edukasyon, trabaho, rehabilitasyon at social security.

Para sa Senior Citizens

Bigyan ng gobyerno ng preferential treatment ang mga senior citizen. Sila ang bibigyang prayoridad sa social security at health.

Proteksyon sa Kalikasan

Lahat ng ng likhang yaman ay nagmula sa paggawa at kalikasan. Kung kaya’t itataguyod ng gobyerno ang maingat na paggamit, pagpapaunlad at pagpapanatili ng likas-yaman upang tiyakin ang ecological balance at sustenadong tugunan ang mga pangangailangan ng taumbayan. Karapatan ng mamamayan ang malinis, ligtas at sustenadong kapaligirang maaaring pagkunan ng maayos na pamumuhay.

Kung gayon, ipatupad ng gobyerno ang absolute ban sa commercial logging sa mga lugar na deforested kundi man kritikal. Ipagbawal ang dumping ng industrial waste at poisonous substances ng mayayamang bansa sa teritoryo ng Pilipinas. Tuklasin ang mga “renewable sources” ng enerhiya at itaguyod ang tradisyunal na teknolohiyang hindi nakakasira sa kalikasan.

Igiit ang makatarungang kompensasyon sa pagkasira sa kalikasan dulot ng dating mga base militar ng Amerika at multinasyunal na mga korporasyon sa Pilipinas. Balangkasin ang patakaran para sa sustenadong paggamit ng lupa at tubig, komprehensibong waste management, at sa anti-pollution program. Ipagbawal ang pagmimina sa lugar na nasa kritikal na ekolohikal na kalagayan, gayundin ang mga teknolohiyang nakakasira sa kalikasan.

Ang Susi sa Tagumpay ng Aming Mga Kahilingan

Minsan may nagsabi na ang “bawat hakbang ng totoong pagkilos ay mas mainam kaysa sa isang dosenang programa”. Ibig sabihin, hindi sapat ang simpleng ilista lamang ang mga paninindigan at kahilingan nating manggagawa’t maralita. Sapagkat mas matimbang ang totoong pagkilos kumpara sa mga “papel” ng ating plataporma.

Sinumang aktibong kasapi ng unyon at samahan sa komunidad ng maralita ay nakauunawa sa kahalagahan ng pagkakaisa at pakikibaka para kamtin ang ating kahilingan. Karanasan mismo ang nagsasabing hindi makakamit ang mga kahilingan sa isang collective bargaining agreement kung ito ay ililista at ihahain lang ng kapitalista.

Paano ba nagtatagumpay ang isang unyon? Sa pamamagitan ng nagkakaisang paninindigan at pagkilos ng mga kasapi nito. Pagkakaisa at pagkilos. Ito ang susi sa tagumpay ng malawakang reporma sa lipunan at gobyerno na hinahangad ng mga manggagawa.

Hindi totoong tayong mga manggagawa at maralita ay nagsawa na sa rali’t protesta. Sa tindi ng hirap ng buhay dahil sa Globalisasyon, “pumuputok na ang dibdib” natin sa sobrang ngitngit sa bulok na gobyerno. Siguradong ang ngitngit na ito ay sasabog sa tamang pagkakataon.

Kung mayroon man tayong pinagsawaan, ito ay ang mga resulta ng pagkilos na gaya ng Edsa 2, mga pag-aalsang ginamit lang tayo ng karibal na paksyon ng mga elitistang nasa poder para umagaw sila ng kapangyarihan.

Higit kailanman, ngayon na ang panahon para ipakita nating mga manggagawa’t maralita sa sambayanang Pilipino kung alin sa mga uri sa lipunan ang tunay na desidido at totoong may kapasidad na baguhin ang sistema.

Dapat itong patunayan ng ating uri, ang uring manggagawa, hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Hindi lang sa pagpapahayag ng mga pagbabagong ating ninanais. Hindi lang para imarka ang kaibhan natin sa elitistang oposisyon. Ang higit na importante ay itatak natin ang nagkakaisang pagkilos ng uring manggagawa para maipagtagumpay ang kahilingan ng uri at bayan. #