Sabado, Abril 28, 2012

Polyeto sa Mayo Uno 2012


ANG MGA MARALITA'Y MANGGAGAWA RIN!
KAMALAYANG MAKAURI'Y PATALASIN!

Mga kapatid na maralita’t manggagawa sa komunidad, 

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno bawat taon. Kadalasan, hinihingi natin sa kapitalistang gobyerno ang pagkakaroon natin ng trabaho, pagbaba ng presyo ng pangunahing bilihin. Ngunit kadalasan din, hindi naman talaga pinagbibigyan ng pamahalaan ang kahilingan ng kanyang mamamayan. Ito'y dahil kapitalismo nga ang umiiral sa ating lipunan, at saklot nito ang buong bayan, kasama na ang pamahalaan ni PNoy. Kaya bakit hihingi tayo sa kapitalistang gobyerno, gayong kapitalismo nga ang kanilang pinaiiral, kapitalismong siyang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang mga batayang karapatan tulad ng pabahay at kalusugan ay naging negosyo na! Patuloy na nananalasa ang salot na kontraktwalisasyon kaya walang katiyakan sa trabaho at di maging regular ang ating mga manggagawa. 

Marami sa ating mga maralita ang mga walang trabaho at isang-kahig, isang-tuka ang ating pamilya. Patuloy tayong nakikibaka sa araw-araw upang mabuhay. Bilang maralita, tayo'y manggagawa rin. Wala man tayo sa mga pabrika, nabubuhay rin tayo sa pagbebenta ng ating lakas-paggawa. Wala tayong pag-aaring kasangkapan sa produksyon. 

Totoo, nagtataasan ang presyo ng mga bilihin, at upang makaangkop tayo dito'y dapat taasan din ang ating sinasahod, pamahalin ang ating itinitinda, taasan ang pamasahe. Ngunit ang mas mahalaga, huwag nang itaas ang presyo ng mga bilihin. Subalit hindi ito gagawin ng gobyernong nakasuso sa mga kapitalista para mabuhay. 

Kailangang maibsan ang ating mga nararanasang kahirapan, kaya dinudulog natin sa pamahalaan ang ating mga suliranin dahil sila ang namumuno sa ating bayan. Ngunit hindi sapat na humingi lang tayo sa kapitalistang gobyerno ng ikaaalwan ng ating kabuhayan. Hindi tayo dapat mamalimos sa kanya na tulad ng pulubi, kundi dapat nga ay palitan natin ang gobyernong ito ng totoong naglilingkod sa sambayanan.

Ang dapat nating gawin ay putulin na ang ganitong tanikala ng pagkaalipin. Patuloy nating pag-aralan ang lipunan! Kailangang makilala natin ang ating sarili bilang isang uri, dahil ito ang unang larangan ng labanan, ang palayain ang kaisipan ng manggagawa mula sa bansot na kaisipang isinubo ng kapitalistang sistema sa buong bayan, sa buong daigdig. Sa madaling salita, hindi lamang dapat magkasya ang manggagawa sa isyu ng pagtaas ng sahod, pagwawagi ng living wage, at pagiging maayos ng kondisyon sa pabrika bilang mga sahurang alipin. Higit sa lahat, tayo'y dapat maging mulat-sa-uri na may layuning durugin ang katunggali nating uri, ang uring kapitalista, elitista, burgesya. 

Kaya ang sustansya ng lagi nating isinisigaw na "Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya" ay kung mulat na tayo sa ating uring kinabibilangan – ang uring manggagawa. Ang makauring kamalayan ang ating armas sa pagbabago. Ito ang larangan natin tungo sa paglaya ng ating uri laban sa bulok na sistema.

Bilang mga mulat-sa-uri, ang dapat paghandaan natin ay ang pagtatayo ng isang lipunang ating ipapalit sa bulok at inuuod na sistemang kapitalismo, ang pagtatagumpay ng diktadurya ng uring manggagawa, hanggang sa maitayo ang ating nakatakdang lipunan, ang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, ang lipunang SOSYALISMO. Doon titiyakin natin na may pabahay para sa lahat, ang karapatan sa kalusugan at edukasyon ay tinatamasa ng lahat, ang katiyakan sa trabaho ay tiyak para sa lahat, dahil sa sosyalismo, papawiin natin ang pribadong pag-aaring siyang ugat ng ating kasalukuyang paghihirap. 

Wakasan ang salot na kapitalismo! Bawat hakbang natin patungong sosyalismo! 

BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP-NCRR)
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML-NCRR)
ZONE ONE TONDO ORGANIZATION (SM-ZOTO)
PIGLAS-KABATAAN (PK)
Mayo 1, 2012

Miyerkules, Abril 25, 2012

Pagkondena ng KPML-NCRR sa Karahasan sa Silverio

Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod
National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR)
Blk. 31, Lot 82-83, Maya-maya St., Brgy. NBBS, Navotas, MM Tel. 2859957

Press Statement
Ka Allan Dela Cruz
Pangulo, KPML-NCRR
Abril 24, 2012

KINOKONDENA NG KPML-NCRR ANG NANGYARING KARAHASAN AT PAGPASLANG SA NAGANAP NA DEMOLISYON SA SILVERIO!

Mahigpit naming kinokondena ang marahas na demolisyon sa aming mga kapatid na maralita sa Silverio Compound, sa Sucat, ParaƱaque na ikinamatay ng isang katao at ikinasugat ng humigit-kumulang apatnapung (40) katao. Sadyang kalunus-lunos ang nangyaring ito. Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-NCRR) ay taas-kamaong nagpupugay sa ginawang depensa ng mga kapatid naming maralita sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa pabahay at kinabukasan. Kinokondena namin ang marahas at brutal na demolisyon na naging sanhi ng pagkamatay ng isang maralitang 21 taong gulang at pagkasugat ng marami para depensahan ang kanilang tahanan, kabuhayan, kinabukasan, dangal at pagkatao.

Ilan pa ang dapat mamatay para magkaroon ng kasiguraduhan sa pabahay? Ilan pang demolisyon ang magaganap upang igalang ang karapatan ng bawat tao sa paninirahan? Ilan pang bato ang pauulanin ng maralita upang depensahan ang kanilang mga karapatang mabuhay?

Mahalaga ang negosasyon, bagamat sa negosasyon ay dehado lagi ang maralita kumpara sa mga may perang kayang bilhin kahit ang husgado at gobyerno. At ang gobyernong ito ni Noynoy Aquino ang pangunahing kakampi ng mga kapitalista para sa kanilang public and private partnership, na pag-unlad ng mga negosyo habang pinalalayas na parang mga daga ang mga maralita't itinataboy sa malalayong lugar ang mga dukhang nakapupuwing sa mata ng negosyo't ni Aquino. Walang awa sa mga mahihirap ang mga kapitalista't gobyerno. Patunay ang maraming naganap na demolisyon kung saan nakikipagbatuhan ang mga maralita upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan, dangal, pagkatao, buhay at kinabukasan.

Sa maraming mga naganap na demolisyon, sa Laperal sa Makati, sa Mariana at sa North Triangle sa Quezon City, sa 9 de Pebrero sa Mandaluyong, sa Corazon de Jesus sa San Juan, R10 sa Navotas, at ngayon sa Silverio sa ParaƱaque, nakipagbatuhan at nakibaka ang mga maralita upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Sinuman ang tanggalan ng tirahan ay tiyak na lalaban. Tanggalan kaya ng maralita ng bahay si Pangulong Aquino? Idemolis kaya nating maralita ang bahay ng mga nagdedemolis? Tiyak na maghahalo ang balat sa tinalupan! Dahil mahalaga sa atin ang bahay, ang ating tinitirhan, ang pahingahan ng pagal nating katawan, ang tahanan ng ating mga anak! Kung bato ang ating pandepensa para ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan, bakit hindi natin ito hahawakan at ibabato sa mga yumuyurak sa ating pagkatao!

Dapat magkaisa ang lahat ng maralita para labanan ang mga demolisyong patakaran ng kapitalista't gobyerno. Hindi mga hayop tayong mga maralita, tayo'y mga taong may dignidad. Taong may karapatang mabuhay, taong may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan, taong masisipag bagamat naghihirap, taong nagsisikap para sa kinabukasan ng ating mga anak. 

Dapat pag-aralan din ng maralita ang lipunang ating ginagalawan. Bakit nga ba kapitalismo ang sistema? At bakit sa ilalim ng kapitalismo, patuloy na naghihirap ang sambayanan? Simpleng kurapsyon lang ba ang problema na tulad ng elitistang pangulo? Bakit dapat mag-alsa ang mga maralita laban sa bulok na sistema ng lipunan? Bakit sa ilalim ng kapitalismo'y binabayaran ang bawat karapatan, tulad ng karapatan sa pabahay at karapatan sa kalusugan? May maaasahan ba tayong maralita sa mga tulad ng polisiya ni Aquino laban sa maralita, polisiyang kiling sa mga kapitalista kaysa mahihirap, patakarang para sa negosyo kaysa karapatang pantao?

Maralita, tapusin na natin ang panahon ng pananahimik at pagsasawalang-kibo. Panahon na upang magpasya tayo, di lang para sa ating sarili, kundi para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.

Mga kapatid na maralita, magkaisa laban sa karahasan sa ating hanay! Katarungan sa mga nasugatan at namatay sa demolisyon! Ipaglaban ang karapatan sa paninirahan!