Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Stop Child Labor, Now! - Piglas-Kabataan (PK)

PIGLAS KABATAAN
Press Statement
Hunyo 12, 2012

STOP CHILD LABOR, NOW!
TRABAHO PARA SA AMING MGA MAGULANG!

Inilunsad ng International Labour Organization (ILO) ang kauna-unahang World Day Against Child Labour noong Hunyo 12, 2002 upang mapatampok ang mga delikadong kalagayan ng mga batang manggagawa sa Pilipinas. Batay ito sa mga naganap na ratipikasyon ng ILO Convention Bilang 182 hinggil sa mga napakadelikadong anyo ng pagtatrabaho ng mga bata, at ILO Convention Bilang 138 na hinggil naman sa miminum na edad sa pagtatrabaho.
Bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw Laban sa Maagang Pagtatrabaho ng mga Bata, nananawagan ang Piglas-Kabataan na dapat gumawa ang pamahalaan ng mga mekanismo upang matigil na ang pagsasamantala sa mga batang manggagawa. Hiniling din nila sa pamahalaan na dapat bigyan ng trabaho ang kanilang mga magulang, magkaroon ng libreng edukasyon, trabaho sa mga magulang, libreng pangkalusugan, at proteksyon sa kanilang mga bata. Sa ngayon, umaabot sa 4M ang mga child workers sa Pilipinas, bagamat sa datos ng gobyerno, ito'y umaabot ng 2.4 milyon. Sa kalunsuran pa lamang, karamihan sa mga batang ito na nasa edad 17 pababa ay magbabasura, nagpapedicab, magbabakaw, mangingisda, industrial workers (cyber sex), domestic helper, at manininda sa lansangan. Sa mga kanayunan at liblib na pook, nariyan ang mga batang manggagawa sa mga minahan, pangisdaan, tubuhan, atbp.

Ayon kay Carmina Obedoza, pangulo ng Piglas-Kabataan, "Nais ng mga bata sa paaralan. Ayaw namin sa basurahan at mga lugar na maaari kaming mapahamak ng maaga. Dapat nang itigil ang child labor sa ating bansa upang ang ating mga kabataan, lalo na yaong nasa edad 17 pababa, makapag-aral, makapaglaro at mabuhay bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng mga batang manggagawa."

Dagdag pa ni Obedoza, "Kahirapan ng buhay ang nagtulak upang magkaroon ng mga batang manggagawa, mga batang manggagawang dapat na nasa paaralan ngunit kailangang magtrabaho ng maaga dahil sa kagutuman, dahil hikahos ang mga magulang, dahil hirap ang buong pamilya. Ang mga serbisyong para sa tao ay ginagawa nang negosyo, kaya imbes na mapakinabangan ng mamamayan, ito'y pinagtutubuan ng iilan. Ang kamahalan ng presyo ng edukasyon na taun-taon ay tumataas, at ang presyo ng medikal ay talagang hindi kayang maabot ng mga maralita. Kailangan nang palitan ang sistemang itong yumuyurak sa karapatan natin bilang tao. Dapat nang wakasan ang sistemang kapitalismo!"

Education, not exploitation! Education is our right... stopping child labor is our fight!
Karapatan ng mga bata ang mag-aral, hindi ang magtrabaho ng maaga at magpagal!
Every child deserves a childhood. END CHILD LABOR, NOW!