Miyerkules, Pebrero 20, 2013

Pahayag ng UPAC (Union Presidents Against Contractualization)


PAHAYAG NG PANININDIGAN 
LABAN SA KONTRAKTUWALISASYON

Kaming mga Pangulo ng Unyon, mga opisyales at mga lider-manggagawa buhat sa iba’t-ibang linya ng industriya dito sa pambansang punong lungsod na natitipon sa makasaysayang araw na ito, ay buong pagkakaisang nagpapahayag ng mga sumusunod;  

Na, kinikilala namin na isang malaking problemang kinakaharap ng mga manggagawa ang patuloy na paglaganap ng kontraktuwal na pag-eempleyo sa bansa; 

Na, ang kontraktuwalisasyon ang sa kasalukuyan ay pinakamasahol na anyo ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa kabila ng yaman at kaunlarang ating nalikha at nai-ambag sa bansa;

Na, naniniwala kaming sa sama-samang lakas ng mga manggagawang organisado sa mga unyon mas epektibong maipahahayag ang pagtutol sa patuloy na pananalasa ng kontraktuwalisasyon sa kabuhayan at karapatan ng mga manggagawang Pilipino; 

Na, umaasa kaming mga nakalagda na sa pamamagitan ng inisyatibang ito na abutin ang pinakamalaking bilang ng mga unyon sa pamamagitan ng mga Pangulo nito ay maibabalik ang kumpyansa ng mga manggagawa na ipaglaban ang mga karapatang ipinagkait ng kasalukuyang sistema ng pag-eempleyo sa bansa;  

Na, nakahanda kaming pansamantalang isantabi ang anumang apilyasyon sa anumang sentro, pederasyon at/o anumang pormasyong aming kina-aaniban upang tiyakin na maisusulong hanggang tagumpay ang laban ng mga manggagawa kontra sa salot ng iba’t-ibang porma ng kontraktuwalisasyon; 

Na, nakahanda kami na pahigpitin pa ang aming pagkakaisa bilang mga Pangulo ng Unyon at mga indibidwal na lider upang pangunahan ang pakikipaglaban para sa proteksyon sa kabuhayan at karapatan ng masang kasapian. 

Na, patuloy kaming magsisikap upang gawing matatag ang aming mga unyon upang makatugon sa mga kakaharaping pagkilos laban sa kontraktuwalisasyon ngayon at sa darating pang mga panahon;  

Na, simboliko kaming lumagda sa pahayag na ito bilang patunay ng aming patuloy na pagyakap sa interes ng manggagawang aming kinakatawan sa partikular at ng buong uring manggagawa sa pangkalahatan.  

UNION PRESIDENTS AGAINST CONTRACTUALIZATION (UPAC) 
February 19, 2013 
Quezon City




Lunes, Pebrero 11, 2013

Position Paper - Koalisyon Kontra Demolisyon (KKD)


Position Paper Hinggil sa Napabalitaang Demolisyon ng mga Komunidad sa Tabing-Ilog, Estero at mga Naninirahan sa Ilalim ng mga Tulay

KOALISYON KONTRA DEMOLISYON (KKD)

Nababahala kaming mga maralita kaya nais naming sa maagang yugto pa lang ngayong Pebrero ay malaman na namin ang buong plano ng pamahalaan dahil tiyak na malaki ang epekto ng proyekto nilang ito sa kabuhayan at kinabukasan naming mga maralita. 

Kailangang ihayag at ilabas ng pamahalaan ang lahat ng dokumento at plano nila na tatama sa aming mga maralita. Maaaring sabihin ng DILG, sa Hunyo na lang ito pag-usapan at matagal pa naman. Ngunit ngayon pa lang, hindi na kami mapagkatulog dahil sa banta. Kaya dapat sa maagang yugto pa lang ngayong Pebrero ay malaman na namin ang buong plano upang amin itong mapaghandaan, masiguro ang aming partisipasyon sa buong proyekto nang hindi matatapakan ang aming karapatang-pantao.

Kaming mga maralita ng lungsod na nakatira sa ilalim ng tulay, estero't tabing ilog ang sinisisi ng pamahalaan sa mga nagdaang bagyong Ondoy, Pedring, Habagat, at iba pang kalamidad. Ngunit hindi masabi ng pamahalaan na ang dahilan nito'y ang pagbabago ng klima, o climate change. Tila ang dahilang ito'y kanilang iniiwasan. Mas kuntento na silang isisi ng isisi sa maralita ang bawat kalamidad na nagdaraan at tumatama sa bansa. Nakakita ng dahilan ang pamahalaan. Kaming mga maralita ang laging dahilan ng pagbaha, hindi ang nagtatayugang gusali ng mga mayayaman, hindi ang reclamation projects, tulad ng itinayong Mall of Asia. 

Kaming mga maralita raw ang nakababara sa mga daanan ng tubig, malinaw na halimbawa nito ay ang ekspansyon ng SM sa Marikina na nagpakitid sa Marikina river. Hindi kami papayag na kami ang sisisihin dahil sa mga naganap na pagbaha sa Kamaynilaan

Sa mga nakaraang demolisyon, kaming maralita'y laging agrabyado. Matapos magiba ang aming mga tahanan, itatapon kaming parang mga daga sa iba't ibang relocation site na malayo sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay. 

Nakakasira daw kami sa paningin ng mga kapitalista't mayayaman. Kami raw ay mga hampaslupang walang karapatan sa lungsod. Tao kami. May karapatan. At ito'y aming ipaglalaban.

Kaya sa plano ng pamahalaan, ano ang garantiya naming mga maralitang nakatira sa tabing-ilog, ilalim ng tulay at estero na ang karapatan namin ay igagalang, na hindi kami basta tatanggalan na lang ng aming mga tahanan? Barung-barong man ang anyo ng aming tinitirhan sa ngayon, iyon ang aming tahanan. Sa barung-barong na iyon nakatira at nabubuhay ang aming mga pamilya. 

Ayaw naming basta na lamang kami ide-demolis. Dahil handa kaming lumaban, at ipaglaban ang aming mga karapatan!

Kaya ang nais namin, huwag itago ng pamahalaan ang totoong plano, ang totoong proyekto. Tratuhin nila kaming tao at hindi mga dagang basta na lamang itataboy sa malayo. Ang kanilang bantang pagpapalayas sa 105,000 pamilya ay nakakatakot, dahil apektadong tiyak ang kinabukasan ng aming pamilya, lalo na ang aming mga anak.

Nais naming ilantad ng pamahalaan sa taumbayan ang totoong proyekto, dahil baka tulad sa mga nakaraan, walang kasiguruhan ang mga maralita, na basta na lamang itinatapon sa mga relocation sites na kabaligtaran ang mga inaasahan, pagkat walang kuryente, walang tubig, malayo sa aming trabaho, gutom ang inaabot ng mga pamilya, banta sa kalusugan, malayo sa serbisyong panlipunan at madalas mas malala pa kaysa sa aming pinagmulang komunidad.

Ngayong Pebrero na ito dapat pag-usapan. Huwag sa Hunyo kung saan mabibigla kami sa agarang demolisyon.

Ang Aming Mga Kahilingan:

1. Walang demolisyon hangga't walang abot-kaya, maayos, matibay, at ligtas na relokasyon, na pagkakasunduan ng pamahalaan at ng mga maralita.

2. Sumunod sa prosesong itinakda ng batas ayon sa kundisyong isinasaad ng Section 28 ng UDHA, marapat lang na maabisuhan at magkaroon ng negosasyon mula sa mga apektadong pamilya at hindi agarang magsasagawa ng demolisyon.

3. Tiyakin na hindi tutungo ang sa death zone ang mga komunidad na ide-demolish sa danger zone gaya naging kapalaran ng mga nasa Kasiglahan Village sa Montalban.

4. Tiyakin na kumpleto at may sapat na supply ng tubig at kuryente ang malapit sa mga panlipunang serbisyo ng gobyerno gaya ng paaralan, health center, ospital atbp.

5. Kinakailangang in-city ang relokasyon sa mga pamilyang ide-demolis para maiwasan na maperwisyo ang pag-aaral ng aming mga anak at ang aming kabuhayan.

6. Tiyakin ang maitatayo muna ang mga paglilipatang mga bahay bago simulan ang gibaan.

Pebrero 11, 2013