Huwebes, Mayo 2, 2013

Pahayag ng Kasunduan ng Pagkakaisa (TUGMA Kalikasan)

PAHAYAG
Ng Kasunduan ng Pagkakaisa
Tugon ng Mamamayan para sa Kalikasan (TUGMA Kalikasan)

Sa kadahilanang umaabot na ang kalagayang pangkalikasan ng Lawa ng Laguna at karatig sa sukdulang yugto ng pagkasira at tuluyan na itong mawalan ng buhay;

Sa kadahilanang ang mga mangingisda sa Lawa at kanilang mga komunidad ang nanganganib at dumadanas na ng pagkalusaw bilang isang produktibong sektor;

Sa kadahilang ang mga mamamayan sa ilalim ng isang malaya at demokratikong lipunan ay napapatnubayan ng prinsipyo at karanasan sa hustisya sosyal at karapatang pantao;

Kung Kaya ay Kami ang mga Lumagda sa Kasunduang ito ay buong lugod at sariling kusang pinagtitibay ang Kasunduan ng Pagkakaisa ng Mamamayan para sa Kalikasan hinggil sa mga sumusunod na usapin:

1) Pagsusulong ng pagbabago sa prinsipyo at sistema ng pamamahala sa Lawa ng Laguna at karatig sa pamamagitan ng pagsusulong sa HB 4845 o ng Laguna Lake Conservation Authority na kasalukuyang nakabinbin sa Mababang Kapulungan ng bansa. Ipapawalang bisa ng batas na ito ang RA 4850 (1966) o ang Laguna Lake Development Authority Act. 

Sa pagbuo ng isang bagong ahensyang mangangasiwa sa buong Laguna Lake Region na may angkop na sistema sa pangangalaga at kakayahang ipatupad ang mga batas at programang nakatutok sa proteksyong pangkalikasan at konserbasyong ng Lawa at pagtatangi at pagmamalasakit sa mga maliliit na mga mangingisda at kanilang komunidad na siyang katuwang sa pangangalaga ng Lawa at karatig nito.

Sapul ng maitatag ang LLDA, mag 50 taon sapul 1966, mula sa masagana at malinis na Lawa ay namamatay na ito sa kasalukuyan. Konserbayon at hindi “development” ang solusyon.

2) Pagpapatupad ng probisyon ng RA 8550 o ng Fisheries Code hinggil sa “Fisherfolk Settlements” o “Fishing Villages” at ipatupad ang isinasaad ng EO 841 na inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na repasuhin ang kanilang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) upang maipaloob sa socialize housing program ang itatalagang “fisherfolk settlements” ng batas.

Hindi humiling ang mga mangingisda ng hindi hanggang sa isinasaad ng batas at prinsipyo ng hustisya sosya. Ang mga mangingisda ay isa sa mga sektor na ang katuwang sa kanilang kabuhayan ay ang kalikasan – sila na pinakamaliit ang ambag sa pagkamatay ng Lawa at inaasahan sa proteksyon nito ay ngayon ang nalalagay sa panganib na malusaw at mawalan ng kanilang kabuhayan. 

Marapat lamang sa gayon na mabigyan ng karampatang solusyon ang mga suliraning kanilang kinaharap kabilang ang usapin ng kanilang pang-ekonomiya, panlipunan at pangkulturang seguridad.

3) Muling pagsukat sa 12.5 metrong baybayin o shoreline na inaangkin ng LLDA, na siyang gagamiting batayan sa magiging gamit at paggagamitan ng naturang libu-libong ektaryang shoreline ng Laguna Lake.

4) Pagpapalakas sa mga pananaliksik hinggil sa mga pararaan kung paano mapapanumbalik ang Lawa sa kung hindi man sa orihinal nitong estado ay kahit na malapit na dating malusog, malinis at malalim na katangian nito. Ang usaping ekolohiya ay usapin din ng syensya ng buhay.

5) Pagpapalakas sa kapangyarihan ng mga mamamayan at mga mekanismo ng partisipasyon ng mga mamamayan sa pamamahala lalo na sa mga usaping may kinalaman sa pangangalaga ng Lawa, kaligtasan ng mamamayan at pangangasiwa sa kaban at yaman ng bayan. Marapat lamang na ang mga samahan ng mga mamamayan at kanilang mga komunidad ay maging malakas at nakahanda sa anumang pagsubok – pangkalikasan man o panlipunan.

Ang Kasunduang ito ng Pagkakaisa ay Pinagtitibay sa pamamagitan ng mga Lagda ng kinatawan ng mga samahang bayan at mga indibidwal na nagtitipon-tipon sa Araw na ito, Mayo 1, 2013.
xxx