TAPUSIN ANG MAHIGIT APAT NA DEKADANG LABAN PARA SA KATIYAKAN AT PERMANENTENG TIRAHAN
Ang kasaysayan ng Welfareville Compound, tulad ng iba pang maralitang komunidad sa bansa, ay hindi simpleng kwento ng buhay at paninirahan. Ito ay kasaysayan ng mahaba at liku-likong landas ng pakikibaka ng mamamayan tungo sa permanente at disenteng tahanan. Patunay din ito ng elitistang karakter ng ating pamahalaan at hungkag na mga batas. Balik-aralan po natin ang mga ito habang tinutunton ang kasaysayan ng Welfareville.
I: KASAYSAYAN NG WELFAREVILLE
Mula sa isang tiwangwang na lupain matapos ng mga Kano, nagsulputan lamang ang mga naninirahan dito nang isailalim ni dating Unang Ginang Imelda Marcos ang lugar na ito sa programang Human Settlement. Karamihan sa mga unang nairahan dito ay mga nasunugan mula sa San Juan at mga nademolis sa iba't ibang panig ng Kamaynilaan. Taong 1968 nang ipalabas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Republic Act 5260 na naglalayong ibenta ang lupang Welfareville sa pamamagitan ng public bidding; ang mapapagbentahan ay ilalaan sa mga children's homes at government institutions.
Ang batas na ito ang nagbigay-daan sa mga kapitalista na pag-interesan ang Welfareville. Sumikad lamang ng husto ang kalakarang ito noong panahon ni dating Cory Aquino nang maaprubahan ang Republic Act 7279, mas kilala bilang Lina Law o UDHA (Urban Development and Housing Act). Layon naman ng batas na ito na gawing kaaya-aya ang lupang gobyerno sa pangkomersyo at pang-industriyal na gawain. Ang malungkot sa RA 7279, ang lupang ilalaan sa socialized housing, na dapat munang dumaan sa inventory, ay ang kawalan ng boses o partisipasyon ng mga naninirahan sa mga plano at desisyon. At kailangan muna ng public bidding, dehado kaagad ang mga maralita. Di gaya ng RA 5260, mas pambansa ang sakop ng RA 7279. Higit sa lahat ay lalo lamang magbibigay daan ito sa pribatisasyon ng lupang gobyerno na siya namang nagpalala sa alot na demolisyon at ebiksyon ng masang maralita sa bansa.
Nagkaroon lamang ng batas partikular sa Welfareville nang opalabas ni dating Pangulong Ramos ang Executive Order 156 noong 1994. Layon ng batas na ito ang pagbubuo ng Inter-Agency Executive Committee na siyang mangangasiwa sa pagbebenta ng lupang Welfareville. Binubuo ang komiteng ito ng mga ahensya ng gobyerno. Sabihin pa na hindi na naman kasali ang masang taga-Welfareville. Gayunpaman, nagbigay daan ang batas na ito sa pagkakabuo ng Welfareville Master Development Plan at HUDCC.
Nagpatuloy itong ganitong kalakaran hanggang sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nagpalabas naman ng Executive Order 47 (Oktubre 2001) na nag-aatas sa Welfareville Inter-Agency Executive Committee na pabilisin ang implementasyon ng Welfareville Development Plan sa anyo ng usufract at pagbibigay-kapangyarihan sa lokal na pamahalaan upang pangunahing mangasiwa sa aktwal na impelemtasyon ng Welfareville Development Plan. At upang makasabay, binuo ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong ang Welfareville Commission. Subalit makalipas lamang ang isang buwan ay binawi rin ito ni GMA nang ipalabas niya ang Executive Order 72 (Pebrero 2002) na naglalayon namang buwagin ang mga ahensyang nasa ilalim ng Office of the President na hindi gumagana o tapos na sa inaatas na tungkulin (fulfilled mandates). Sa kasawiang palad, kasama ang Welfareville Inter-Agency Executive Committee sa mga nabuwag. Taong 1997 naman nang pinalabas ang RA 9397, na mas kilala bilang Abalos Law. Layon nito na huwag nang dumaan sa public bidding kung ang bibili ng lupang gobyerno ay ang mismong naninirahan. Mas pag-amyenda sa UDHA at Lina Law ang batas na ito. Hindi partikular sa Welfareville.
II. PAKIKIBAKA NG MARALITA
Kaalinsabay ng pag-inog ng mga batas kaugnay ng paninirahan ay ang pakikibaka ng masang maralita sa bansa. Pinangunahan ito ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) noong kasagsagan ng martial law. Sinundan naman ito ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong panahon ni Cory. Partikular dito sa Mandaluyong ay sumikad ng husto ang pakikibaka ng maralitang lungsod noong nabuo ang Urban Poor Council of Mandaluyong (UPCM) na siyang nagtulak ng Urban Poor Affairs Office (UPAO) sa pamumuno ni Ka Pedring Fadrigon. Ang grupo ring ito, kasama ang POWER, ang nagluwal ng Koalisyon ng mga Samahang Maralita sa Welfareville Property (KSMWP) upang makasabay sa EO 47 ni GMA noong 2001. Hindi pa talaga ito para sa pagkakamit ng katiyakan sa paninirahan at permanenteng tahanan kundi para magkaroon ng bubong na masisilungan. Dahil ang batas ni GMA ay ang usufract na pinapahiram lamang sa LGU ang lupa.
III. REHIMENG NOYNOY
Sa ilalim naman ng kasalukuyang rehimen, may panukalang batas na pinagtibay sa Kongreso. Ito ang House Bill 4349 ni Neptali "Boyet" Gonzales II, na "declaring certain portions of the Welfareville Property located in Mandaluyong City open for disposition to bona fide residents without public bidding, repealing for the purpose RA No. 5260". Mas mainam kaysa naunang mga batas, direkta nitong inaatasan ang pamahalaan na prayoridad na ibenta sa mga taga-welfareville ang lupang kinatitirikan ng kanilang tahanan na hindi na dadaan sa public bidding. Walang patong na buwis ang halaga ng lupa, direct negotiated sale ang paraan ng bentahan. Ibig sabihin, maaaring tumawad sa presyo ng lupa at paraan ng pagbabayad ng mga naninirahan ayon sa kanilang kakayahan. Partikular kung sinu-sino ang benepisyaryo (mga survey noong 2003), gobyerno at organisasyong masa ang direktang mag-uusap. Panghuli, mas napapanahon ang panukalang ito base sa kasalukuyang latag o kalagayan ng bahayan dito sa Welfareville.
IV. ATING HAKBANG PARA SA KATIYAKAN SA PANINIRAHAN
Base sa naging kasaysayan ng paninirahan dito sa Welfareville mula rehimeng Marcos hanggang sa kasalukuyan ay malinaw na walang ibang pinakamainam na batas na pwedeng gamiting behikulo ng mga taga-Welfareville upang makamit ang matagal nang inaasam na kasiguruhan sa paninirahan kundi ang House Bill 4349. Dahil malaki ang ating pagkakataon na makapasok ng sarili nating mga proposal, tulad ng presyo ng lupa at paraan ng pagbabayad. Kaya't ang pinakamabisang hakbang ay isulong natin ito sa Senado para maaprubahan bilang batas.
Magiging bahagi ng hakbang na ito ang puspusang ikampanya ang House Bill 4349 sa mga taga-Welfareville, na sa aktwal ay maglulunsad ng mga talakayan sa mga nakatayong samahan dito sa welfareville. Kasunod ang paglulunsad ng malalaking pulong (general assembly) para sa kaalaman ng lahat ng mamamayan. Sa ipaglalaban, sundan naman ito ng signature campaign kung saan kakalapin natin ang pinakamaraming bilang ng mga botante dito sa Welfareville upang suhayan ang ating proposal hanggang sa malaking pagkilos sa Kongreso upang tuluyang maisabatas ang House Bill 4349.
Mga kapatid na maralita dito sa Welfareville, nasa atin ngayon ang pagkakataon upang matupad ang matagal na nating inaasam na katiyakan sa paninirahan. Subalit hindi natin ito makakamit kung hindi tayo magkakaisa sa iisang linya ng pagkilos, sa iisang hakbangin.
Kaya sa ngalan ng Welfareville People's Assembly (WPA), Inc., kami ay nananawagan na kalimutan muna ang pagkakaiba sa organisasyon. Muli ay magkaisa tayo at sama-samang isulong ang House Bill 4349. Tandaan nating walang ibang magsusulong ng ating katiyakan sa paninirahan kundi tayo lamang na mga maralita ng Welfareville. Maraming beses na nating nagawa ito at gawin natin itong muli upang tapusin na ang mahigit apat na dekada nating paghihintay para sa katiyakan sa paninirahan.