Miyerkules, Abril 28, 2021

Pahayag ng XDI sa World Day of Safety and Health at Work

Pahayag ng XD Initiative
Abril 28, 2021

SA WORLD DAY FOR SAFETY AND HEALTH AT WORK, SIGAW NG MAMAMAYAN:
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Umabot na ng isang milyong katao ang naapektuhan ng COVID-19 sa bansa. Sa Southeast Asia, pumapangalawa na tayo sa Indonesia na may 1,6 milyong kataong apektado ng naturang sakit. Bakit nangyari ang ganito? Kulang ang mga ospital at mga medical personnel upang tugunan ang mga ito. Nagkakasakit na ang mamamayan, at nagugutom pa bunsod ng kawalan ng pagkakakitaan dahil sa lockdown na hindi dapat lumabas ng bahay ang mga tao.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda at obligasyon naman ng pamahalaan ang ibigay ito dahil sa pinatutupad nilang mga patakaran ukol sa pandemya na naging isang malaking sagka sa kanilang kakayahang kumita. Marami ang nawalan ng trabaho at naging resulta nito ay ang kakarampot na pagkain sa hapag kainan na kasalukuyang pinagsasaluhan ng bawat pamilya.

Hanggang nag-inisyatiba ang mamamayan, sa pangunguna ni Ana Patricia Non, na nagtatag ng Maginhawa community pantry, na ang layunin ay makapag-ambag kahit kaunti upang maibsan ang kagutuman ng ilang mga nagugutom na kababayan. Naglagay siya ng kariton na may mga gulay sa Maginhawa St., sa Quezon City, sa prinsipyong "Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan." Hanggang sa ito'y dumami at nagsulputan na sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ipinakita ang pagdadamayan, pagbibigayan, pag-aambagan, at pagbabayanihan ng mga tao. Manipestasyon na palpak ang pamahalaan kaya mamamayan na mismo ang gumawa ng paraan. Subalit ni-redtag pa ito at itinuring na kagagawan umano ng mga komunista. Ang dinig yata ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) sa community pantry ay communist party.

Hindi sapat ang bakuna para sa lahat. Hiling ng XD Initiative na tanggalin na at gawing pang-ayuda sa mamamayan ang pondo ng NTF-ELCAC na nasa higit 19 Bilyong piso. Sayang lang ang pondong ginagamit nila sa kawalanghiyaan at pangre-redtag sa bayanihan ng mamamayan.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda sa panahong nawalan sila ng pinagkakakitaan dahil hindi na sila pinayagan ng pamahalaan namakalabas ng bahay dahil sa ipinatutupad na community quarantine. Kaya kung sinasabi ng pamahalaan na said na ang ayuda, aba'y ang P19 Bilyon ng NTF-ELCAC ay gamitin na sa ayuda at malaking tulong na ito sa mamamayan.

Milyon na ang apektado ng COVID. Nais ng mamamayan na tiyaking ligtas sila at ang kanilang mga mahal sa buhay mula sa sakit na ito. Kung nahihirapan ang pamahalaan, sa pangunguna ni Duterte, na tugunan ang krisis na ito, dapat lang siyang mag-resign na sa pwesto. O kung kapit tuko pa rin siya ay nararapat lamang siyang patalsikin ng taumbayan. Upang sa kalaunan ay pumili ang taumbayan ng bagong pamunuang binubuo ng mga magagaling at matitino, na siyang magtitiyak ng kaligtasan ng sambayanan.

Ngayong Abril 28, sa okasyon ng World Day For Safety and Health at Work (Pandaigdigang Araw para sa Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho), sigaw ng XD Initiative, KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Martes, Abril 27, 2021

Pahayag ng XDI sa ika-500 Taon ng Tagumpay sa Mactan

PAHAYAG NG XDI
(EX-POLITICAL DETAINEES INITIATIVE)
Abril 27, 2021

MABUHAY ANG IKA-500 TAON NG TAGUMPAY SA MACTAN
INURONG NI LAPULAPU NG 44 TAON PA ANG PANANAKOP NG MGA KASTILA
Ang Tagumpay Laban sa Mananakop, at ang bantang pananakop sa West Philippine Sea sa kasalukuyan

Mahigpit na nakikiisa ang Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng tagumpay ng Labanan sa Mactan na naganap noong ika-27 ng Abril 1521. Natalo ng hukbo ni Datu Lapulapu ng Mactan ang mga kawal na Kastila sa pamumuno ng Portuges na kapitan at eksplorador na si Ferdinand Magellan, na napatay naman sa labanang iyon.

Ayon sa kasaysayan, dumating sa ating kapuluan sina Ferdinand Magellan sakay ng kanilang mga barko noong Marso 16, 1521. Nakipagkaibigan siya sa maraming pinuno sa Cebu, pangunahin na si Raha Humabon, at sa isla ng Mactan, kay Datu Zula. Bininyagan bilang Kristyano si Raha Humabon at kanyang mga tauhan. Gayunpaman, tumanggi si Datu Lapulapu na makipag-ugnayan kina Magellan. Dahil dito'y nais ni Magellan na ipakita ang kanilang superyor na armas at hukbo laban sa hukbo ni Lapulapu.

At noong Abril 27, 1521, naging madugo ang labanan sa Mactan nang sumugod doon sina Magellan. Nanaig naman ang mga mandirigma ni Lapulapu sa hukbo ni Magellan, na ayon sa mananalaysay na si Pigafetta, si Magellan ay napatay. Nakatakas naman sina Pigafetta at iba pa nilang kasama. Ayon pa kay Pigafetta, ilan sa mga tauhan ni Magellan ay napatay sa labanan at ang ilang katutubong naging Kristiyano na tumulong sa kanila ay napatay din ng mga mandirigma ni Lapulapu.

Si Lapulapu ay bayani ng ating lahi at sumisimbolo ng kalayaan sa buong Asya. Hindi siya gawa-gawa lang kundi tunay na taong nakibaka para sa kalayaan ng kanyang mga kababayan laban sa mga mananakop na dayuhan.

Sa ngayon ay may panibagong banta sa bansa, ang nagbabantang pananakop ng mga Tsino sa ating bansa. Kung nagawa noon nina Lapulapu na patalsikin ang dayuhan at iurong pa ng apatnapu't apat na taon ang pananakop ng mga Kastila, magagawa rin nating itaboy ang mga Intsik na nais manakop ng ating bayan. Subalit...

Halos pinamimigay na ni Duterte ang ating bansa sa mga Tsino dahil kaibigan siyang matalik ni Pangulong Xi ng Tsina. Mag-alburuto man tayo sa pang-aagaw ng teritoryo ng Tsina sa ating bansa ay tila wala tayong magawa dahil sa kainutilan ni Duterte na ipagtanggol ang ating bansa laban sa bagong mananakop. 

Nariyan pa ang pagsakmal ng dayuhan sa kasarinlan ng bansa dahil sa kasunduan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas, tulad ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement), ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) at ang MLSA (Mutual Logistics Support Agreement, na maaari rin namang Muling Lumuhod Sa Amerika). Dahil dito'y hindi ganap ang kasarinlan ng bansa habang ang mga Tsino naman ay nagbabanta.

Bilang mga dating bilanggong pulitikal, batid namin ang kahulugan ng salitang KALAYAAN. Mula sa aming puso't isipan, dapat itong ipaglaban dahil ito ang kaibuturan ng ating pagkatao - ang maging malaya mula sa gutom, sa pagsasamantala ng tao sa tao, at mula sa paninikis ng estadong malupit at walang paggalang sa karapatang pantao.

Tayo ay lahi ng mga bayani. Kung may panibagong banta sa ating kalayaan, tulad ng nangyayari ngayon sa West Philippine Sea, ang ginawa nina Lapulapu noon ay inspirasyon upang gawin din natin ang nararapat upang mapalayas ang mga dayuhang nais yumurak sa ating kalayaan at karapatan bilang tao.

Mabuhay ang ika-500 taon ng tagumpay nina Lapulapu! Paalisin ang mga Intsik sa West Philippine Sea! Mabuhay ang kalayaan!

Huwebes, Abril 22, 2021

Pahayag ng XD Initiative sa Earth Day 2021

PAHAYAG NG XDI SA EARTH DAY 2021
Abril 22, 2021

PANGALAGAAN ANG KAPALIGIRAN!
PROTEKTAHAN SI INANG KALIKASAN!

Iyan ang nagkakaisang panawagan ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) ngayong Araw ng Daigdig. Dahil iisa lang ang ating tahanan, iisa lang ang ating mundo, iisa ang ating daigdig. Sino pa ang mangangalaga nito kundi tayo. Kung hindi ngayon, kailan?

Nauunawaan namin ang pangangailangang pangalagaan ang kalikasan. Kaya nga kahit sa aming pamilya't mga kamag-anak ay sinimulan na namin ang pagbubukod ng mga basura mula sa mga nabubulok at sa hindi nabubulok. Lalo na ngayong may pandemya, hindi dapat isama ang medical waste, tulad ng facemask, sa karaniwang basura.

Napakaraming upos na nagkalat, di lang sa mga basurahan, kundi lalo na sa karagatan. Bukod sa mga plastik sa laot, kinakain na rin ng mga isda ang mga upos ng sigarilyo. Pati na mga microplastic na hindi nakikita ng tao. Habang tayo namang mga tao ay kakain ng mga isdang kumain ng mga plastik na basura ng tao. Isang katotohanan ng kasabihang "Kung ano ang tinapon mong basura ay babalik sa iyo." Kaya dapat magkaroon ng wastong kalutasan sa mga problemang ito.

Nariyan din ang mga masasalimuot na isyu ng pagmimina, ang pagbabago ng klima o climate change dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuel at mga usok galing sa mga coal-fired power plants, ang pagbaka laban sa polusyon, at ngayon ngang may pandemya ay pagharap sa kagutuman dahil hindi natin masuportahan ang mga magsasakang siyang gumagawa ng ating makakain.

Pangalagaan ang kapaligiran! Protektahan ang kalikasan! Para sa kinabukasan ng ating mga pamilya at ng mga susunod pang mga henerasyon.

Miyerkules, Abril 7, 2021

Pahayag ng XD Initiative sa World Health Day

PAHAYAG NG XDI SA WORLD HEALTH DAY
Abril 7, 2021

SA WORLD HEALTH DAY, KATIYAKAN SA KALUSUGAN, IPAGLABAN

Kami, ang mga kasapi ng organisasyong Ex-Political Detainees Initiative (XDI), ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng World Health Day o Pandaigdigang Araw ng Kalusugan.

Bilang nagmamalasakit na mamamayan, nakikita at nararamdaman namin ang kakulangan ng medical personnel sa mga ospital kung saan ay umaapaw na sa kasalukuyan ang bilang ng mga dinadalang positive sa covid-19. Kung kaya't kailangan nila ng dagdag na mga medical practitioner at manpower sa panahong ito ng pandemya.

Kailangan ng bayan ay libreng mass testing para sa lahat. Napakamahal ng presyo ng swab test na umaabot ng anim hanggang pitong libong piso kung indibidwal kaming magpapa-testing, na hindi kaya ng bulsa ng dukhang mamamayan. Pangkain na nga lang nila ay kulang na, magpa-swab test pa kaya.

Kailangan ng bayan ay solusyong medikal, hindi militar. Marami nang napatay na umano'y pasaway, tulad ni Winston Ragos na walang labang binaril ng mga pulis dahil diumano'y di sumusunod sa health protocol. Coronavirus ang kalaban, hindi ang mamamayan.

Trabaho at ayuda, hindi tanggalan. Napakarami nang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng pabrika dulot ng lockdown. Dagdag pa ang pagsasamantala ng kapitalista upang mas ipalaganap ang salot na kontraktwalisasyon imbes na iregular ang mga manggagawa. Ayuda sana'y sapat sa pangangailangan ng bawat pamilya sa isang takdang panahon. Ayudang nararapat sa mamamayan ay dapat makaabot sa mamamayan, huwag ibulsa ng iilan!

Libre, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat! Kung hindi man libre ay dapat abotkaya ng dukhang mamamayan. Kahit mga bilanggong pulitikal ay may karapatan sa bakuna.

Ayusin ang Philippine Health Care System. Pulos lockdown at modipikasyon ng quarantine ang solusyon, imbes na ayusin ang sistemang pangkalusugan sa bansa. Sa nakuhang trilyong utang ng bansa para sa COVID-19, sana'y matanaw natin na talagang nagagamit ito ng wasto, at hindi ibinubulsa para sa darating na Halalan 2022.

Dapat unahin ang kagalingan at kapakanan ng taumbayan, hindi ang bulsa ng iilan. Unahin ang katiyakan sa kalusugan, ayusin ang sistemang pangkalusugan, at dapat walang maiiwan, lalo na sa ligtas na bakuna para sa lahat.

Ilan lang ito sa mga kahilingan ng XDI sa panahong ito ng lockdown sa NCR at mga karatig probinsya, sa okasyong ito ng World Health Day.