Sabado, Nobyembre 20, 2021

Kapit

KAPIT

kapitbisig, kapitpuso, kapitdiwa, kapit lang
sa pagkilos para sa bayan ay huwag magkulang
kapamilya, kapatid, kauri'y ipagsanggalang
sa mga kapit tuko sa pwesto'y huwag palinlang

maraming kapit sa patalim upang makaraos
upang sa gatas ng sintang anak ay may panggastos
upang kahirapan ay bakasakaling matapos
umaasang di na sila mabuhay nang hikahos

ang kapitalismo'y sistemang mapagsamantala
sa tao't sa kalikasan, baguhin ang sistema
pinopondohan ang mapanira sa mundo't klima
tulad ng plastik, fossil fuel, coal plants, at kapara

kumapit sa wasto, iwaksi ang anumang mali
kumapit sa pag-asa, prinsipyong tangan at mithi
kapit lang, mga kapuso, kapatid, at kauri
magkapitbisig tayo't itaboy ang mga imbi

sa tagdan ng hagdanan ay maaaring kumapit
kung ayaw mahulog, matumba, o kaya'y mabingit
basta kumapit sa pag-asa, huwag palalait
sa sinuman, mahalaga pag-asa'y laging bitbit

kapit lang, huwag patangay sa problemang nariyan
kundi asahang iyan ay mareresolba naman
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
at maaapuhap din ang ganap na kalutasan

- gregoriovbituinjr.
11.20.2021

Martes, Nobyembre 16, 2021

Bawal

BAWAL

bawal ang paggamit ng plastic bag at styrofoam
sa isang lungsod ay talagang ordinansa roon
sa ating mamamayan ay isang malaking hamon
kung paano natin aayawang gamitin iyon

huwag gumamit ng plastic bag sa pamimili mo
halimbawa'y bayong o nabubulok gaya nito
huwag gumamit ng styrofoam sa pagkain mo
dahil microplastic ang mapapaloob sa iyo

para sa kalikasan ang nasabing ordinansa
dahil labis na ang gamit na nagiging basura
di nabubulok, babara sa kanal, at iba pa
na epekto'y malaki sa kalikasan at masa

ang karagatan nga'y tadtad na ng upos at plastik
kakainin mo'y isdang kumain ng microplastic
baka tayo magkasakit at talagang hihibik
mabuti't sa problemang ito'y mayroong umimik

ang ordinansang iyon ay paalalang matalim
upang sa mga basurang iyon ay di manimdim
upang ilog, sapa't karagatan ay di mangitim
na dapat kalikasan ay alagaang taimtim

- gregoriovbituinjr.
11.16.2021

Miyerkules, Nobyembre 10, 2021

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

makatawag-pansin yaong paskil sa nasakyang dyip
matapos magpa-antigen, buti't di na positive
piniktyuran ko ang paskil na kayganda ng hirit
mangingiti ka sa "Bawal ang Kabit, Este Sabit"

dyip sa Baguio iyon, marahil pagsunod sa batas
kung may batas ngang ganito'y di ko pa nawawatas
sa Maynila ko unang nakita't tila paglutas
laban sa sumasabit at nang-aagaw ng kwintas

kaya seguridad iyon para sa pasahero
upang walang basta sumabit sa mga estribo
lalo't may mga isnatser na mabilis tumakbo
kinawawa ang biktimang papasok sa trabaho

bawal na ang kabit, bawal pa ang sabit, kayganda
palabiro man sa paskil, sadyang matutuwa ka
sa pasahero'y seguridad na, paalala pa
salamat sa nakaisip ng paskil, mabuhay ka!

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Lunes, Nobyembre 8, 2021

Climate Justice Now!

CLIMATE JUSTICE NOW!

sa pangwalong anibersaryo ng bagyong Yolanda
sa panawagang Climate Justice ay nakikiisa
lalo't COP26 sa Glasgow ay nagaganap pa
kayraming delegadong tinatalakay ang klima

bakit nakiisa ako sa gayong panawagan
isa ako sa nakapunta noon sa Tacloban
nang sumamang magbigay ng relief goods ang samahan
sa mga nasalanta ng Yolanda't namatayan

at isang taon matapos iyon, ako'y nagpasya
sa mahabang lakaran, ang Climate Walk, ay sumama
tutungo kami sa Tacloban mula sa Luneta
naglakad mula Oktubre Dos, at lakad talaga

ilang lalawigan at bayan-bayan ang tinawid
upang mensaheng Climate Justice ay aming ihatid
bakit klima'y nagkaganyan, anong dapat mabatid
anong magagawa ng mga gobyerno't kapatid

nakapaang nilakad ang tulay ng San Juanico
at nakarating sa mismong unang anibersaryo
ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Nobyembre Otso
kita'y barko sa lupa't puntod ng mga yumao

makalipas ang isang taon ay naglakad naman
sa ibang bansa, kasama'y naglakad sa Tacloban
ang Pransya'y narating at naglakad sa kalamigan
at pagpasa ng Paris Agreement ay nasaksihan

sa mga nakasama, taospusong pasalamat
sa bawat paglalakbay na tunay na mapagmulat
kaya sa isyu ng klima'y sinusulat ang dapat
tuloy sa hangaring Climate Justice para sa lahat

kaya kumikilos pa ako sa usaping klima
bilang isang manunulat, makatâ, aktibista
panawagang "Climate Justice Now!" ay sinisigaw pa
nang dinggin at kumilos ang mga gobyerno't masa

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato kuha sa Luneta, Oktubre 2, 2014, tangan ng makatâ ang pulang banner

Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Sahod

SAHOD

isinusulat kong pataludtod
ang nakakaawa nilang sahod
parang hinihintay sa alulod
patak ng kanilang paglilingkod

pag paksa'y ganyang nakakaluhâ
pagtula'y di na nakakatuwâ
ngunit may tungkulin ang makatâ
na masa'y ipagtanggol sa tulâ

kahit makata'y di mapalagay
bawat isyu'y unawaing tunay
kalutasang dapat matalakay
sahod at lakas-paggawa'y pantay

paano ang dapat nilang gawin
upang mga ito'y pagpantayin
pagkat iyon ang dapat tanggapin
nilang mga sahurang alipin

dapat ay makatarungang sahod
para sa obrerong naglilingkod
makatarungan, pantay na sahod
upang di na sila manikluhod

sa produktong kanilang nalikha
may kapantay na lakas-paggawa
subalit di mabayarang tama
bigay lang ay sahod na kaybaba

negosyo raw kasi ay babagsak
kahit sila'y tumubo ng limpak
obrero'y gumapang man sa lusak
di ibibigay ang sweldong tumpak

anang isang namimilosopo
subukan mo kayang magnegosyo
upang ang ganito'y malaman mo
bakit dapat baratin ang sweldo

at di dapat bayaran ng tama
iyang kanilang lakas-paggawa
baka malaking kita'y mawala
kung ibibigay sa manggagawa

ganyan pag nabisto ang mahika
nitong sistemang kapitalista
kaya manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021
(Kinatha kasabay ng ika-104 anibersaryo ng Dakilang Rebolusyong Oktubre)

Sabado, Nobyembre 6, 2021

Ang plant-based menu sa COP26

ANG PLANT-BASED MENU SA COP26 AT ANG KAUGNAYAN NITO SA CARBON FOOTPRINT
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Upang mabawasan diumano ang carbon footprints ng mga pagkain sa COP26, inihanda ng mga organisador nito ang plant-based menu o yaong mga pagkaing mula sa halaman, tulad ng mga gulay.

Ayon sa inews.co.uk: "The winter squash lasagne, made with glazed root vegetables and vegan cheddar, has been listed as having 0.7kg CO2 equivalent emissions, while the kale pasta, made with spelt fusilli and field mushrooms, comes in at 0.3kg of CO2." Masyadong teknikal pag hindi mo nauunawaan ano ba itong carbon foot prints.

Sa theguardian.com naman: "Plant-based dishes will dominate the menu at the COP26 climate conference, where 80% of the food will be from Scotland. The low-carbon menu includes 95% British food, especially locally sourced Scottish produce, and each menu item has an estimate of its carbon foorprint, "helping attendees make climate-friendly choice."

Nakasaad naman sa greenqueen.com.hk: "Another plant-based dish on the menu is an organic spelt whole-grain penne pasta, which comes with a tomato ragu sauce, kale, and oatmeal-based crumble on top. It's the most carbon-friendly of all, requiring only 0.2 kilograms of CO2 to produce."

Subalit ano nga ba itong tinatawag na carbon footprint, at alalang-alala ang mga organisador nito? Ano ang epekto ng carboon footprint sa atin? At ano ang kaugnayan nito sa ating kinakain?

Ayon sa Oxford dictionary, ang carbon footprint ay "the amount of carbon dioxide and other carbon compounds emitted due to the consumption of fossil fuels by a particular person, groups, etc." Sa Wikipedia, "A carbon footprint is the total greenhouse gas emissions caused by an individual, event, organization, service, place or product, expressed as carbon dioxide equivalent."

Ayon naman sa World Health organization (WHO), "a carbon footprint is a measure of the impact your activities have on the amount of carbon dioxide (CO2) produced through the burning of fossil fuels and is expressed as a weight of CO2 emissions produced in tonnes.

Teka, ang carbon foorprint ay may direktang relasyon sa pagsusunog ng fossil fuel, at walang pagbanggit sa pagkain. Kaya ano ang relasyon ng carbon footprint sa ating kinakain, tulad ng gulay at karne? Ang nakalap na balita at ang kahulugan sa diksyunaryo ay hindi pa natin mapagdugtong. Kailangan pang magsaliksik.

Sa website ng Center for Sustainable Systems ay may ganitong paliwanag: "A carbon footprint is the total greenhouse gas (GHG) emissions caused directly and indirectly by an individual, organization, event of product. It is calculated by summing the emissions resulting from every stage of a product or service's lifetime (material production, manufacturing, use, and end-of-life). Throughout a product's lifetime or life cycle, different GHGs may be emitted, such as carbon dioxide (CO2), methane (CH4), and nitrous oxide (N2O), each with a greater or lesser ability to trap heat in the atmosphere. These differences are accounted for by the global warming potential (GWP) of each gas, resulting in a carbon footprint in units of mass of carbon dioxide equivalents (CO2e).

Ayon pa rin sa nasabing website, hinggil sa pagkain bilang pinagmumulan ng emisyon:
- Food accounts for 10-30% of a household's carbon footprint, typically a higher portion  in lower-income household. Production accounts for 68% of food emissions, while transportation accounts for 5%.
- Food production emissions consist mainly of CO2, N2O, and CH4, which result primarily from agricultural practices.
- Meat products have larger carbon footprints per calorie than grain or vegetable products because of the inefficient conversion of plant to animal energy and due to CH4 released from manure management and enteric fermentation in ruminants.
- Ruminants such as cattle, sheep, and goats produced 179 million metric ton (mmt) CO2e of enteric methane in the US in 2019.
- In an average US household, eliminating the transport of food for one yar could save the GHG equivalent of driving 1,000 miles, while shifting  to a vegetarian meal one day a week could save the equivalent of driving 1,160 miles.
- A vegetarian diet greatly reduces an individual's carbon footprint, but switching to less carbon intensive meats can have a major impact as well. For example, beef's GHG emissions per kilogram are 7.2 times greater than those of chicken.

Sa madaling salita, may bakas ng karbon sa ating kinakain. Ibig sabihin, may inilalabas tayong nakakapag-ambag sa emisyon sa atmospera. Sa paanong porma? Sa pagluluto na lang, may fossil fuel tayong sinusunog sa anyo ng gasul o LPG. Sa paghahatid ng mga produktong gulay mula sa lalawigan patungo sa kalunsuran, may gasolinang sinusunog sa sasakyan.

Mas malaki rin ang carbon footprint ng karne kaysa gulay. Dahil mas magastos ang patabaing baka at baboy kung ikukumpara sa gulay. Pati ang lakas-paggawa ng mangangatay ng hayop ay mas malaki kaysa pagpitas ng gulay. Kaya mas malaki ang carbon footprint ng mga karne kaysa gulay.

Ito ang simple kong pagkaunawa kaya plant-based ang inihahandang pagkain sa COP26 upang mas mababa ang carbon footprint na maiaambag ng mga delegado sa atmospera. At ito rin ang ating itinataguyod upang di lalong lumala pa ang pag-iinit ng klima.

Sa puntong ito, nais kong buodin ang munting talakay na ito sa pamamagitan ng tula:

PAGKAIN AT BAKAS NG KARBON

paano ba uunawain ang bakas ng karbon
o carbon footprint sa mga pagkain natin ngayon 
dapat talagang mabatid ang mga eksplanasyon
upang alam din natin ang gagawin at solusyon

ang carbon footprint ang sukat ng emisyon sa ere
o usok sa atmosperang di makita't masabi
dahil sa pagsunog ng fossil fuel na kayrami
dahil din sa mga coal plants na sadyang malalaki

carbon footprint yaong total ng greenhouse gas emission
dahil sa kagagawan ng tao, organisayon
dahil din sa aktibidad ng mga korporasyon
sa baytang ng paglikha ng produkto'y may emisyon

subalit may carbon footprints din sa pagkain natin
lalo pa sa mga alagang hayop at pananim
mabuting sa bakuran mo manggaling ang pakain
kaysa mula sa ibang lugar sa iyo dadalhin

kumpara sa gulay, mas malaki ang carbon footprint
ng mga karne, ng mga hayop na patabain
kaya sa COP26, gulay na ang hinahain
na malapit lang sa lugar ng pulong ang pagkain

dapat nating maunawaan, talagang masapol
fossil fuel ay sinusunog sa anyo ng gasul
o L.P.G., o natipong kahoy na pinalakol
upang gawing panggatong, makabuo ng espasol

sa munti kong pang-unawa, naibahagi nawa 
ang mga kaalamang dapat mabatid ng madla
pag-isipang mabuti ang ganitong nagagawa
na sistemang ito'y dapat palang baguhing kusa

Mga pinaghalawan:
https://www.theguardian.com/environment/2021/oct/23/cop26-menu-plant-based-dishes-scottish-food
https://www.greenqueen.com.hk/cop26-climate-change-menu/
https://www.veganfoodandliving.com/news/cop26-menu-sustainability-local-plant-based-food/
https://www.republicworld.com/world-news/uk-news/cop26-menu-to-focus-on-plant-based-dishes-to-help-attendees-make-climate-friendly-choices.html
https://inews.co.uk/inews-lifestyle/food-and-drink/cop26-low-carbon-plant-focused-menu-made-with-local-food-will-measure-emissions-of-each-dish-1265977
https://css.umich.edu/factsheets/carbon-footprint-factsheet

Biyernes, Nobyembre 5, 2021

Taumbayan ang bida

TAUMBAYAN ANG BIDA

tinatangka kong magsulat ng kwento at nobela
kung saan nais kong banghay ay akdang walang bida
walang iisang taong ang lahat na'y nasa kanya
kumbaga walang Prince Charming sa tulog na prinsesa

saksi ako sa papel ng madla sa kasaysayan
nakita ko'y mahalagang papel ng taumbayan
na siyang umugit sa kasaysayan nitong bayan
tulad ng Unang Edsang akin noong nasaksihan

bida ang taumbayan, silang totoong bayani
kung wala sila, wala iyang Ramos at Enrile
bayan ang bayani, ang nagpakasakit, nagsilbi
bayani ang bayan, patotoo ko't ako'y saksi

kaya sa pagsulat ko ng kwento o nobela man
walang iisang bida, walang Batman o Superman
walang iisang tagapagligtas ng sambayanan
kundi ang sama-samang pagkilos ng taumbayan

huwag nang asahang may bathala o manunubos
kundi ay pagsikapan ang sama-samang pagkilos
palitan ang sistemang sanhi ng paghihikahos
ganito ang kwento't nobelang nais kong matapos

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021