Huwebes, Oktubre 27, 2022

Salamat sa mga tumatangkilik

SALAMAT SA MGA TUMATANGKILIK

pasasalamat naming pawa
sa lahat ng tumatangkilik
sa Taliba ng Maralita
na sa ulat at akda’y siksik

sa mga dukha’y aming handog
ang munti naming pahayagan
isyu nilang iniluluhog
mababasa rito ng tanan

dito’y pinapakita naming
sila'y may dignidad na tangan
na dapat nirerespeto rin
ng mahirap man o mayaman

pinaglalaban namin sila
tungo sa lipunang maayos
upang ang bulok na sistema'y
mapawi't tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, isyu ng Oktubre 16-31, 2022, pahina 20

Aklat

AKLAT 

sadyang kaysaya ko / sa bigay na aklat
ng isang kasama, / maraming salamat
sa pakiwari ko'y / makapagmumulat
nang umunlad yaring / prinsipyo't dalumat

munting libro itong / kaysarap namnamin
na makatutulong / sa iwing mithiin
upang puso't diwa'y / sadyang patibayin
sa mga prinsipyo't / yakap na layunin

mapaghiwalay man / ang balat sa buto
nawa'y ating kamtin / ang asam sa mundo:
pakikipagkapwa't / pagpapakatao
itayo'y sistema't / bayang makatao

paksa't nilalaman / nito'y mahalaga
na kung maunawa'y / susulong talaga
isinasabuhay / ang pakikibaka
at muli, salamat / sa aklat, kasama

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Martes, Oktubre 25, 2022

Bilhin mo lang ang tinapay na gusto mo

BILHIN MO LANG ANG TINAPAY NA GUSTO MO

huwag kang bibili ng tinapay na di mo gusto
kung pinabili ka ng tinapay para sa grupo
na kung di nila kainin, kakain nito'y sino
lalo kung ikaw na bumili ay ayaw din nito

ah, sayang lamang ang tinapay na iyong binili
sayang ang pagod at perang dito'y ipinambili
kung paboritong tinapay ang binili'y mabuti
na kung di nila galawin ay di ka magsisisi

buti kung sinabi nila kung anong gusto nila
pandesal, pandelemon, pandecoco, ensaymada
subalit pag sinabi sa iyo'y bahala ka na
aba, ang bilhin mo'y ang paborito mo talaga

upang kung di man maubos tiyak na may kakain
pag tapos na ang pulong, ikaw ay may babaunin

- gregoriovbituinjr.
10.25.2022

Linggo, Oktubre 23, 2022

Pagdalo sa Balik-Alindog, Bantayog



PAGDALO SA BALIK-ALINDOG, BANTAYOG
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang inyong lingkod sa agarang tumugon sa "Balik-Alindog, Bantayog" na proyekto ng Bantayog ng mga Bayani. Kaya inabangan ko ang petsang Oktubre 22, 1pm.

Ayon nga sa paanyaya ng Bantayog ng mga Bayani: "KITAKITS! Sama na sa first cleanup day sa Bantayog ng mga Bayani Foundation! Welcome ang bata o matanda. Tayo nang maglinis para sa katotohanan. Magsuot ng tamang damit. Magdala ng gwantes. Magdala ng kaibigan."

Nagdala ako ng gwantes at basahan upang mayroong magamit naman  at hindi nakatunganga. Dumating ako roon ng ika-12:30 ng tanghali, naghintay, hindi ko mga kilala ang mga naroon. Wala ang mga taga-PAHRA, PhilRights, BlockMarcos at iba pang grupong kilala ko. Gayunman, nang makita ako ng Executive Director ng PAHRA na si Ms. Mae ay kinumusta niya ako at buti raw ay nakarating. Sa kanyang talumpati ay binanggit niya ako bilang makata na dumalo sa nasabing pagtitipon.

Nagsalita roon si Atty. Chel Diokno na siyang Chairman ng Bantayog. At nag-emcee si Jun "Bayaw" Sabayton, na nang makita ako ay sinabing "O, nandito ka pala." Naroon din si Prof. Xiao Chua, na siya ring unang kumausap sa akin, "Hindi ba, nagkasama tayo sa Climate Reality? May bago ka bang libro diyan?" Ang sagot ko'y oo. Tamang-tama naman na may dala akong 101 Poetry at Liwanag at Dilim ni Jacinto, na binili naman niya.

Naglibot muna kami sa Bantayog Museum, bago ang paglilinis. Doon kami naglinis sa harap ng Bantayog ni Inang Bayan. Habang kami'y nagwawalis ng mga kalat na dahon, ay biglang umulan kaya natigil kami sa paglilinis, na ang mga nagpatuloy ay yaong mga nakakapote. Naubusan na ng kapote kaya wala akong nakuha, na sana'y patuloy din sana ang paglilinis ko.

Sumilong muna ang mga walang kapote, at nakita ako ng isa sa mga nag-organisa na basa ang tshirt, kaya binigyan niya ako ng tshirt na pula, na may tatak na Balik-Alindog, Bantayog, na may maliit na letrang @bantayogngmgabayani sa itaas ng malalaking letra.

Dahil sa patuloy na paglakas ng ulan, tinapos na ang programa bandang ika-3:30 ng hapon. Bago matapos ang programa ay nag-interbyu pa si Jun Sabayton, at isa ako sa natawag. Tanong niya: "Bakit mahalaga ang ginagawa nating ito?" Ang naging tugon ko, "Mahalaga ang paglilinis sa Bantayog kung gaanong mahalaga rin ang kasaysayan, at linisin din natin ito sa mga historical distortion."

Ako naman ay nagpaalam na bandang ikaapat ng hapon upang umuwi. Nang makauwi na'y naghanda ako ng tula hinggil sa aktibidad na ito na taospuso kong inaalay sa bawat nakiisa.

BALIK-ALINDOG, BANTAYOG

kaygandang layunin ng Balik-Alindog, Bantayog
tanggalin yaong duming sa puso'y nakadudurog
linisin ang kasinungalingan sa bayang irog
na kay Inang Bayan ay maibalik ang alindog

pagmamahal sa bayan ang paglinis nito ngayon
simbolo ng paglaban sa historical distortion
ating handog sa mga susunod pang henerasyon
mula sa mga pasakit, bayan ay maiahon

pagkilos ito ng mamamayang kumakandili
sa katotohanang ipinaglalabang matindi
sa mga naging martir na sa bayan ay nagsilbi
sa nakatayo nang Bantayog ng mga Bayani

ah, ibalik ang alindog ng Bantayog na ito
sagisag ng laksang buhay na naisakripisyo
para sa bayan, hustisya't karapatang pantao
sa sama-samang pagkilos ay kakamting totoo

- gregoriovbituinjr.
10.22.2022

Huwebes, Oktubre 20, 2022

Sa bawat hakbang

SA BAWAT HAKBANG

sa bawat hakbang, patuloy pa ring nakikibaka
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
itatag ang sistemang walang pagsasamantala
ng tao sa tao, walang kaapihan ang masa

sa bawat hakbang, kinakapa anong nasa budhi
kundi ang kabutihan ng kapwa't bayan kong sawi
durugin ang mapagsamantalang sistemang sanhi
ng laksa-laksang kahirapan ng maraming lipi

sa bawat hakbang, kalikasa'y pangangalagaan
kapaligiran ay di dapat maging basurahan
huwag minahin ang lupang ninuno't kabundukan
lutasin ang polusyon sa hangin at kalunsuran

sa bawat hakbang, sinasabuhay, sinasadiwa
ang prinsipyong makatao't makauring adhika
di nakalutang sa hangin, ang paa'y nasa lupa
para sa bayan, kapwa dukha't uring manggagawa

sa bawat hakbang, naglalakad sa daang maputik
o sa tigang na lupang pagkadukha'y natititik
sa kawalan ng hustisya, puso'y naghihimagsik
katarungan para sa lahat yaring aking hibik

- gregoriovbituinjr.
10.19.2022    

Linggo, Oktubre 16, 2022

Ka-birthday ko'y desaparesido

KA-BIRTHDAY KO'Y DESAPARESIDO

ka-birthday ko'y desaparesido
human rights worker siyang totoo
subalit dinaklot ng kung sino
noon, sa panahon ng marsyalo

Oktubre Dos nang sinilang siya
Mahatma Gandhi'y ka-birthday niya
sa active non-violence nanguna
tinuring na bayani sa Indya

Albert Enriquez ang kanyang ngalan
Top Ten student sa paaralan
sa Student Council naging chairman
nagsilbi ng mabuti sa bayan

nang siya'y pauwi na'y dinukot
na umano'y militar ang sangkot
yaong nangyari'y nakakalungkot
baka buhay na niya'y nilagot

hanggang ngayon, di pa nakikita
yaong katawan o bangkay niya
nahan na ang asam na hustisya
sana bangkay niya'y makita pa

ito pa rin ang sigaw ng madla:
panagutin ang mga maysala!
hustisya kay Abet na winala
katarungan sa bawat winala!

- gregoriovbituinjr.
10.16.2022

Sabado, Oktubre 15, 2022

Awit

AWIT

pagpupugay sa mga mang-aawit ng uri't bayan
sa kanilang makabuluhang kanta sa sambayanan
itinataas ang moral ng mga kababaihan
ng uring manggagawa, ng maralita't kabataan

kanilang inilarawa'y sistemang puno ng dugo
sa panahong pulos dahas na buhay ang iginupo
na pati karapatang pantao'y dinuduro-duro
sistema ng bu-ang ay dapat tuluyan nang maglaho

bakas sa awit ang prinsipyo nila't paninindigan:
"Labanan ang karahasan! Igiit ang katarungan!"
nakita nilang sistema'y dapat baguhing tuluyan
at lipunang makatao'y itayo ng sambayanan

mabuhay kayong mang-aawit, tunay na inspirasyon
salamat sa inyong mga liriko't mabuting layon
dignidad ng uri at ng bayan ay iniaahon
mula sa kumunoy ng sistemang dapat nang ibaon

- gregoriovbituinjr.
10.15.2022

Biyernes, Oktubre 14, 2022

Pagsirit ng pamasahe

PAGSIRIT NG PAMASAHE

Mayo, pamasahe pa ri'y nwebe
Hunyo, sampu na ang pamasahe
Hulyo, pamasahe'y naging onse
Oktubre, ang minimum na'y dose

upang madagdagan din ang kita
nilang tsuper na namamasada
gaano man kasakit sa bulsa
ng pasaherong hirap talaga

mga nangyari'y napakabilis
nang sumirit ang presyo ng langis
buti't masa pa'y nakakatiis
inis na'y di makita ang inis

galit na'y di makitang magalit
bagamat lihim na nagngingitngit
karapatan ay di maigiit
baka maridtag ng mga pangit

pamasahe na'y nagtataasan
ngunit walang magawa ang tanan
magtipid at magtiis na lamang
habang wala pa ring welgang bayan

- gregoriovbituinjr.
10.14.2022

Martes, Oktubre 11, 2022

Komunal

KOMUNAL

mabigat ang imaheng umuukilkil sa isip
kapara ng balaraw na sa likod ko'y humagip
may pag-asa bang ang bayang nagdurusa'y masagip
sa kuko't bituka ng mapagsamantala't sipsip

noong primitibo komunal, walang pang-aapi
lahat ay nagbibigayan, walang makasarili
may paggagalangan, kapwa'y di isinasantabi
tribu'y pinangangalagaan ng mga bagani

sa panahon ngayon ng paghahari ng agila
kapitalistang nabundat na'y nais bumundat pa
habang manggagawa'y tila langgam sa sipag nila
mababang sweldo'y pinagtitiyagaan talaga

pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan
kaya mayamang iilan ay lalong yumayaman
habang laksang dukha'y batbat pa rin ng karukhaan
anumang sipag at tiyaga'y di pa rin umalwan

abanteng lipunang komunal ang pinapangarap
matayo ang lipunang makatao't mapaglingap
upang dukha'y maiahon sa kumunoy ng hirap
lalo't uring manggagawa'y magkakaisang ganap

- gregoriovbituinjr.
10.11.2022

Sabado, Oktubre 8, 2022

Kami

KAMI

totoo kami sa pakikibaka
seryoso kami sa pakikibaka
matapat kami sa pakikibaka
narito kami sa pakikibaka

kaya huwag nila kaming gaguhin
ang masa'y huwag nilang gagaguhin
uring manggagawa'y huwag gaguhin
kaming mga dukha'y huwag gaguhin

patuloy kami sa aming layunin
patuloy kami sa aming mithiin
patuloy kami sa aming hangarin
hanggang asam na tagumpay ay kamtin

kumikilos kami ng buong tapat
kumikilos kami ng nararapat

- gregoriovbituinjr.
10.08.2022