KURUS, AT HINDI KRUS, ANG NASA TULANG MANGGAGAWA NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling talakay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Marami ang nagkakamali ng pagkopya sa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, ang dakilang makata ng ika-20 siglo, at naging Unang Hari ng Balagtasan sa bansa.
Lalo na't sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sinisipi nila ng buo ang tulang Manggagawa, subalit nagkakamali na sila ng pagsipi sa salitang "kurus" na ginagawa nilang "krus" sa pag-aakalang mali o typo error ang pagkatipa.
Subalit kung susuriin natin ang buong tula, binubuo ito ng labing-anim na pantig bawat taludtod, na may sesura o hati sa ikawalong pantig. Kaya sa ikalabindalawang taludtod ay sakto sa ikawalong sesura ang "kurus".
hanggang hukay ay gawa mo (8 pantig)
ang kurus na nakalagay (8 pantig)
Halina't balikan natin ang nasabing tula, na nasa aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula", Binagong Edisyon, pahina 145, na nilathala ng San Anselmo Press noong 2022.
Lagyan natin ng slash o paiwa (/) sa ikawalong pantig o sesura upang makita natin ang bilang ng mga pantig.
Manggagawa
by José Corazón de Jesús
Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, / kaya ngayon'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".
Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.
- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91
Suriin pa natin ang mga tula ng tatlo pang makatang halos kasabayan ni de Jesus, tulad nina Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973, makatang Florentino T. Collantes, na nakalaban ni de Jesus sa unang Balagtasan noong 1924, at makatang Teo S. Baylen, sa paggamit nila ng salitang "kurus" imbes na "krus".
ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez
Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.
- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370
ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes
Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.
- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167
TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen
Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!
- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53
Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.
Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Unawain natin at huwag basta baguhin ang kanilang tula dahil lang akala natin ay mali o typo error.
Lalo na pag sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, na muling inilalathala ng mga kasama sa kilusang paggawa ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, sa kanilang account sa pesbuk o anumang social media.
05.02.2024