PANONOOD NG ASEDILLO SA MET
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Muli kong pinanood ang pelikulang Asedillo ni FPJ nang ito'y ipalabas ng libre sa Metropolitan Theater (MET) nitong Biyernes, Agosto 9, 2024, mula 1pm-4pm. Alas-dose pa lang ay nasa MET na ako, at 12:30 pm ay nagpapasok na sila. Marami na ring tao.
Sa youtube kasi ay bitin at may pinutol na eksena. Iyon ay napanood ko na rin sa wakas. Iyon ang pagbaril kay Asedillo at sa kanyang mga kasama sa kubong kampo nila sa bundok. Bagamat noong bata pa'y pinalabas din iyon sa telebisyon, subalit hindi ko yata napansin kundi ang dulong bahaging nakabayubay na si Asedillo sa isang punongkahoy.
May anak siyang si Rosa, na sa pelikula bago siya mamatay ay kapapanganak pa lang. Si Aling Rosa, na nasa higit 70 taong gulang na, ay nakaharap na namin ilang taon na ang nakararaan, nang kami'y magtungo sa lugar nina Asedillo sa Laguna, kasama ang mga kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). isa na lamang iyong alaala.
May programa muna bago magsimula ang pelikula sa MET. Ganap na 1:15 ng hapon ay inawit na ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Sunod ay pinakilala at nagsalita si Ginoong Marasigan, na siyang direktor ng MET. At binanggit niya ang ginawang pagretoke sa pelikula upang maging bago, na ginawa ng mga artist ng FPJ Production. Naglitratuhan.
Nabanggit din ni Ginoog Marasigan ang mga balita noon na ayaw ng mga manonood na makitang namatay si FPJ sa pelikula. Kaya marahil tinanggal sa youtube ang tagpo nang paslangin sa FPJ.
Subalit sa pelikula, hindi pinakitang napaslang si Asedillo kundi ang pagkahawak niya ng mahigpit sa punyal habang nirarapido ng putok ang kanilang kampo, at ang pagkahulog ng punyal sa lupa nang nakatusok patayo.
Isang beses ko lang napanood sa pelikula niya na napatay si FPJ - sa pelikulang Ang Probinsiyano, kung saan napatay si Ador ngunit naitago agad ng kanyang hepe ang bangkay. Tinawagan ng hepe ang kakambal ni Ador na si Cardo mula sa probinsya upang siyang palabasing si Ador.
Magandang naipalabas muli ang pelikulang Asedillo kahit isang araw lang sa MET. Kaya pinaglaanan ko talaga iyon ng panahon at salapi kahit libre. Agad akong nagparehistro isang linggo bago ang palabas. Ginawan ko ng munting tula ang karanasang ito.
SI DODO ASEDILLO
Dodo ang palayaw ni Asedillo sa pelikula
Dodo ang tawag ng ikalawang asawang si Julia
si Pedring ang anak sa una, si Rosa sa pangalwa
dati pala siyang guro noon sa elementarya
sa awiting My Philippines, mga bata'y nangatuto
ipinakita niyang siya'y makamasang maestro
tinanggal sa pagtuturo't di maka-Amerikano
hanggang kuning hepe ng pulis ng isang pulitiko
dahil sa pulitika, siya'y ginawan ng masama
presidente ng bayan pinagbintangan siyang lubha
binugbog ng kapulisan, may kumita't natutuwa
na sa bandang huli'y pinaghigantihan niyang sadya
hanggang siya'y mapasapi sa Kilusang Anakpawis
katiwalian sa kanyang bayan ay di na matiis
naging rebelde hanggang konstabularyo na'y nanugis
ang KARAPATAN NG DUKHA'y bukambibig niyang labis
nabatid ng kalaban ang kanyang kinaroroonan
dahil isang tinanggap na kasama'y naghudas naman
hanggang sapitin ni Asediilo yaong kamatayan
siya'y bandido subalit bayani sa sambayanan
08.10.2024