Miyerkules, Disyembre 25, 2024

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA

buong puso ang pagbati ko't umaasa
na mababago pa ang bulok na sistema
Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa
kaya patuloy pa rin tayong makibaka

panahon ngayon ng pagsasaya sa mundo
dahil sa kaarawan ng kanilang Kristo
malagim man ang sitwasyon ng Palestino
may kontraktwalisasyong salot sa obrero

nariyan din ang dinastiyang pulitikal
na namumudmod ng ayudang nakakamal
presyo ng pangunahing bilihi'y kaymahal
ang pagtaas ng sahod ay sadyang kaybagal

di pala para sa ISF ang 4PH
kulang din ang badyet ng Philhealth at D.O.H.
sa trilyong utang ng bansa, masasabing each
Pinoy na'y may utang, VP pa'y mai-impeach

dahil rin sa klima, tao'y nahihirapan
badyet sa serbisyo publiko'y nabawasan
saan na napupunta ang badyet na iyan?
gagamitin ba sa susunod na halalan?

muli, Merry Christmas, pagbating taospuso
Many Krisis ang Masa, saan patutungo?
baka Bagong Taon ay haraping madugo
krisis ba'y kailan tuluyang maglalaho?

- gregoriovbituinjr.

12.25.2024 

Sabado, Disyembre 7, 2024

Pagsulat, pagmulat, pagdalumat

PAGSULAT, PAGMULAT, PAGDALUMAT

nasa ospital man / tuloy ang pagsulat
tila yaring pluma / ay di paaawat
pagkat tibak akong / layon ay magmulat
lalo na't kayraming / masang nagsasalat

dapat nang baguhin / ang sistemang bulok
at sa sulirani'y / huwag palulugmok
dapat baligtarin / natin ang tatsulok
at ang aping dukha'y / ilagay sa tatsulok

wala nang panahon / upang magpagapi
sa mga problemang / nakakaaglahi
dapat ipaglaban / ang prinsipyo't puri
at dapat labanan / yaong naghahari

nadadalumat ko / ang pakikibaka
nitong manggagawa't / mga magsasaka
bulok na sistema'y / dapat baguhin na
karaniwang masa / ang ating kasama

tungo sa lipunang / may pagkakapantay
mundong makatao'y / layo nati't pakay
bagong sistema ba'y / ating mahihintay?
o kikilos tayo't / kamtin iyong tunay?

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

Linggo, Disyembre 1, 2024

Disyembre na naman

DISYEMBRE NA NAMAN

ramdam ang simoy ng hanging amihan
na tanda ba ng parating na ulan?
Disyembre na, marahil kaya ganyan
climate change, klima'y nag-iba naman

unang araw ng Disyembre, World AIDS Day
a-syete, Political Prisoners Day
sa ikasiyam, Anti-Corruption Day
sa petsa sampu naman, Human Rights Day

may sanlinggo pang ang dukha'y hihibik
yaong Urban Poor Solidarity Week
na baka gawing Urban Poor Protest Week
pagkat sa hirap pa rin nakasiksik

tatlong linggo na lamang at Pasko na
paulit-ulit, wala bang pag-asa?
kayrami pang palaboy sa kalsada
kayrami pa ring hanap ay hustisya!

- gregoriovbituinjr.
12.01.2024