HINGGIL SA PAGBUBUO NG MANUNULAT NA MANGGAGAWA
PARA SA SOSYALISMO (MASO)
PARA SA SOSYALISMO (MASO)
Rationale
Kulang na kulang ang mga propagandista para ipatagos sa malawak na masa ang mga isyu't kahilingan ng mga manggagawa. Kaya ang nangyayari, ang mga manggagawa'y laging dehado at naaapi sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa hanapbuhay at serbisyong panlipunan.
Dahil sa kakulangang ito ng mga manunulat na kakampi ng mga manggagawa sa laban, kinakailangan nating magpalawak at mag-organisa ng mga may kakayahang magsulat sa mga pabrika, unyon at mga komunidad na inuuwian ng mga manggagawa, Maraming manunulat na manggagawa sa mga lugar na nabanggit ngunit di nahahasa dahil wala silang mapagsulatan at wala silang gabay kung saan, para kanino at para saan sila magsusulat.
Bilang mga mulat na manggagawa, naninindigan tayo sa katotohanan, karapatan at tungkuling ilantad ang mga pangyayari at nangyayari sa mga manggagawa sa kasalukuyang lipunan. Materyalista ang ating paraan ng pagsusuri. Ang mga kongklusyon natin ay laging nagmumula sa materyal na batayan, sa sapat at kongkretong imbestigasyon. Hindi tayo nanghuhula ng datos, at lalong hindi nag-iimbento. Kasabay nito, malinaw tayong naninindigan para sa kapakanan ng mga inaapi't pinagsasamantalahan.
Kaya habang lumalawak ang ating hanay, mas kakailanganin natin ang mahusay na makinarya (sa tao, pasilidad, at teknolohiya) para sa mas mabilis na pagsasagawa ng ating mga propaganda. Nariyan ang pangangalap ng datos, pagsusulat, pag-eedit, pagle-layout, pagtitiyak ng pinansya, pag-iimprenta ng mga polyeto't dyaryo, pamamahagi, at pangangalap ng feedback. Dapat nating alalahanin ang magkakambal na problema ng produksyon at distribusyon ng ating mga polyeto at dyaryong nagagawa. Hindi dapat mangyaring natatambak lamang sa isang sulok ang ating mga polyeto't pahayagan nang walang kumukuha. Kaya dapat na maging episyente rin sa paggampan ng trabaho ang ating mga propagandista.
Ang kalagayan ng ating gawaing propaganda ay mailalarawan sa mga sumusunod:
BURGIS NA PROPAGANDA VERSUS SOSYALISTANG PROPAGANDA
1. Para sa mga kapitalista't naghaharing uri sa lipunan VERSUS Para sa uring manggagawa at sa masang anakpawis
2. Sila ang may-ari ng mga kagamitan sa produksyon VERSUS
Ang kanilang tanging pag-aari'y ang kanilang lakas-paggawa
3. Kontrolado ng mga naghaharing uri ang mass media, tulad ng dyaryo, radyo at telebisyon
VERSUS Ang mga nagagamit ay sariling diskarteng media, press statements at press releases
4. Libu-libong dyornalista't manunulat ay empleyado ng naghaharing uri
VERSUS Kaunti ang manunulat at may dyaryong hindi lumabas sa tamang oras dahil sa kakulangan ng pondo
5. Pawang mga nakapagtapos at propesyunal ang mga propagandistang burgis at suportado pa sila ng maayos na makinarya at mabilis na tknolohiya para magampanan ng mahusay ang gawaing propaganda
VERSUS Karaniwa'y di nakakuha ng pormal na kurso sa dyornalismo o masscom ang naglilingkod sa uring anakpawis bilang propagandista, at kulang pa sa kagamitan at pamasahe para makakuha ng mga impormasyong gagamitin sa propaganda
6. Ang burgis na propaganda ay gamit ng kapitalista't naghaharing uri sa lipunan upang idepensa ang kapitalismo at sarili nilang interes VERSUS Ang sosyalistang propaganda ay gamit ng uring manggagawa at anakpawis upang ipahayag ang katotohanan ng nangyayari sa lipunan
7. Diverts attention - using superstitions, religion, telenovela, basketball, atbp. VERSUS Presents truth - using logical proof and arguments
8. Hindi sinasagot at inililihis sa masa ang tunay na dahilan ng mga nangyayari sa lipunan VERSUS Ipinapakita ang tunay na nangyayari sa mga pabrika't komunidad ng maralita
9. Survival of the fittest VERSUS Survival of the humankind
10. Karangalan para sa mga burgis na manawagan ng kumpetisyon VERSUS Karangalan para sa uring manggagawa't maralita ang manawagan ng kooperasyon
11. Ang dulot ng kumpetisyon ay paglalaban-laban, pagkakawatak-watak at pagiging makapera VERSUS Ang dulot ng kooperasyon ay pagtutulungan, pagkakaisa at pagiging makatao
12. Ang programa ng burgis na propaganda ay nakatuon upang palaganapin ang globalisasyon
VERSUS Ang programa ng sosyalistang propaganda ay ipakita sa uring manggagawa't anakpawis ang kanilang makauring interes
13. Ang burgis na propaganda sa esensya ay propaganda ng naghaharing uri VERSUS Ang sosyalistang propaganda sa esensya ay propaganda ng uring manggagawa
14. Instrumento ng supresyon VERSUS Instrumento ng rebolusyon
Ito ang eksaktong layunin ng sosyalistang propagandista: ang dalhin sa masa ang mapagpalayang kaisipan ng proletaryo (uring manggagawa) at imulat sila sa sosyalismo. Inihahanda ng propagandista ang masa sa pakikibaka para sa kanilang sariling interes hanggang sa pagtatayo ng sosyalistang lipunan.
Ang BMP bilang sosyalistang sentro ng manggagawa ay dapat magpakahusay sa gawaing propaganda. Dapat itong makapagsanay ng mga manunulat, makata, mga may kaalaman sa pagpipinta, paggawa ng kanta at iba pang may kinalaman sa gawaing propaganda.
MGA MUNGKAHING DAPAT GAWIN:
1. Tukuyin ang mga manunulat na manggagawa mula sa mga pabrika, unyon, at komunidad na may kasanayan, kahit di pa gaanong nahasa, sa gawaing pagsusulat, at kulumpunin ang mga ito, pulungin, at gawan ng plano.
2. Maglabas ng dyaryo buwanan bawat erya o bawat lokal na organisasyon ng manggagawa upang maging daluyan ng mga talento ng mga manunulat sa mga pabrika at unyon, at komunidad. Ang pagpopondo nito'y dapat planuhin ng mga lider-manggagawa sa mga pabrika at unyon o ng mga lokal na organisasyon ng manggagawa. Maaaring maglabas ng buwanang pahayagan, isang back-to-back na bond paper size na dyaryo, news print, at isang ream (500 kopya) bawat isyu.
3. Pagbubuo ng Manunulat na Manggagawa para sa Sosyalismo (MASO), [ang pangalan ng samahang ito’y mungkahi lamang at maaari pang mabago] bilang unang hakbang sa pagkulumpon ng mga manunulat na manggagawa sa mga pabrika, unyon, at komunidad. Ang oryentasyon nito ay sosyalistang propaganda, kaya nararapat na may kaalaman sila, hindi lamang sa pagsusulat, kundi sa pang-ideyolohiyang kaalaman, lalo na sa pag-unawa sa takbo ng lipunan at sa tunggalian ng mga uri. Ang MASO ay sa ilalim ng gabay ng BMP.
4. Gamiting behikulo ang publikasyong OBRERO, at iba pang dyaryo ng manggagawa sa pabrika, para sa treyning at pag-oorganisa ng mga manunulat na manggagawa.
5. Tutukan ang gawaing pagrerekrut ng mga manunulat mula sa mga pahayagang pangkampus, anak man sila ng manggagawa o hindi, upang sanayin at gawing sosyalistang propagandista ng kilusang manggagawa.
Sinulat ni Greg Bituin Jr.
Pebrero 17, 2010
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento