Nagkakaisang pahayag at paninindigan kaugnay ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo!
Muli na namang sumirit noong nakaraang lingo ang presyo ng panghinaharap na kontrata (futures contract) ng crude oil sa pandaigdigang merkado. Umabot ito sa $120 bawat bariles (Dubai benchmark). Ito na ang pinakamataas na inabot mula ng sumambulat ang krisis sa presyo ng langis noong kalagitnaan ng taong 2008 kung saan umabot ito ng $145.
Sinasamantala ng mga ispekulador at mamumuhunan sa pandaigdigang merkado ang pagkakataong kumita ng mas malaki bunsod ng mga balitang maaring makaapekto sa supply at demand. Ginagamit nila ang problema ng bansang US, Greece at iba pang bansa sa Europa (baon sa utang at krisis pang-ekonomiya), ang patuloy na kaguluhan sa Syria (wala namang langis), sunog sa mga minahan langis sa Saudi Arabia (lumalabas hindi totoo) at ang nakaambang gera sa Iran (hindi pa nangyayari). Patuloy ang mga balita kaya’t patuloy nilang maitataas ang presyo ng kanilang produkto.
Ngunit hindi lang sila ang nagsasamantala. Ang mga lokal na kumpanya ng langis dito sa atin ay nag-uunahan sa pagtaas ng presyo. Para daw ireflect ang tama at totoong presyo ng mga produktong petrolyo batay sa presyo nito sa pandaigdigang pamilihan. Kahinahinala ito sapagkat ang tumataas na presyo ng crude oil ay futures contract. Ibig sabihin ay dalawang (2) buwan pa bago maideliver ang langis na ito kung ikaw ay bumili. At hindi rin nga natin alam kung lahat ng mga lokal na kumpaya ay bumili nito dahil lahat sila ay sabay-sabay na nagtataas.
Ang kanilang kasalukuyang presyo ay halos katumbas na ng presyo noong panahon 2008. Ngayon ay umaabot na sa 58.50 ang gasolina kumpara sa 59.46 noong Hunyo 2008. Ang diesel naman ay nasa 50.28 na kumpara sa 52.44 noong Hunyo 2008. Mas matindi ang LPG sapagkat nilampasan na nito ang P700 noong Hunyo 2008 na ngayon ay nasa P861 hanggang P1,000 ang bentahan. Halos $25 pa ang diperensya kada bariles noong pinakamataas ng 2008 pero di na naglalayo (at lumampas na sa kaso ng LPG) ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa. Ang piso naman ay higit na mas malakas ngayon sa palitang P42.40 kumpara sa P44.28 noong Hunyo 2008. Sa kabilang banda, noong bumulusok ang pandaigdigang presyo sa $30 kada bariles, di nangyaring bumaba ang presyo sa kahit P20 per litro. Ito ay maliwanag na overpricing at manipulasyon ng presyo para mas palakihin ang kanilang kita.
Ibig sabihin nito, na kapag umabot sa antas ng 2008 ang presyo ng langis ay aabot pa sa P70 ang gasolina, P60 ang diesel at P1,500 ang LPG. Hindi malayong mangyari ito. At mukhang lalampasan pa ang antas ng 2008 sa hitsura ng pandaigdigang pamilihan.
Walang nang pipigil dito dahil deregularisado ang industriya ng langis sa bansa. Ibig sabihin tanging ang mga kumpanya lang ang nagtatakda ng presyo. Walang pakialam sa epekto dahil ang tanging konsiderasyon ay hindi malugi. Di na naman kapanipaniwala ang pagkalugi dahil ang tatlong pinakamalalaking kumpanya o Big3 ng langis ay nanatiling ilan sa mga pinakamataas kumitang kumpanya taon- taon. Sa top 10, ang Petron ay pangalawa (2nd), ang Shell ay pangatlo (3rd) at ang Caltex ay panganim (6th). Bilyon bilyon ang kita nila taon taon at hindi na rin nalalayo ang mga tinatawag na small players.
Wala ring magagawa ang pamahalaan dahil nga deregularisado ang industriya. Ginawa siyang inutil ng deregulasyon ng industriya ng langis na siya rin mismo ang may akda. Tutal, para sa kanya, bilyon-bilyon din naman ang kita niya rito. Kapag nakapagbenta ang mga kumpanya ng P500 Bilyon, P60 Bilyon ang kita niya sa pamamagitan ng 12% Value-Added Tax sa mga produktong petrolyo. Marami silang mapaghahatian.
Para sa atin, patong patong na pasakit ang dala ng ganitong sitwasyon. Konektado sa presyo ng produktong petrolyo ang presyo ng iba pang produktong kailangan, hindi lamang ng mga namamasada kundi ng buong mamamayan. Kayat pag tumaas ang presyo ng produktong petrolyo, nagtataasan din ang presyo ng iba pang produkto at serbisyo.
Ang Oil deregulation Law at ang VAT Law ay kambal na batas na nag ligalisa sa pang huhuthot ng mga kapitalista at Gobyerno sa perang pinagpaguran ng mamamaya. ItoĆ½ batas na bumubusog sa kasakiman sa tubo ng mga kapitalista ng langis at nagpapalaki sa pondong darambungin ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Kailangan na ng pagkakaisa, Kailangan na nang samasamang pagtutol. Ang mapagpahirap na sistemang ito ang batayan upang pasiglahin ang kampanya kontra sa mataas at di-makatarungang presyo ng langis sa bansa at mas igiit ang pagsasagawa ng mga kongkretong hakbangin para resolbahin ang ganitong tuloy-tuloy na suliranin.
Batay sa maka-isangpanig na patakarang ito at sa epekto nito sa kabuhayan at karapatan ng masa ng sambayanan, kami sa hanay ng mga manggagawa sa industriya at Serbisyo ay nagkakaisa na ipanawagan at ipaglaban ang mga sumusunod na kahilingan;
Ibaba ang presyo ng langis, 12% VAT sa produktong petrolyo alisin!
Kung tatanggalin ang VAT, P7 sa presyo ng gasolina, halos P6 sa krudo at di bababa sa P103 para sa LPG ang mababawas. Ang pagbabang ito ay dapat humila pababa sa presyo ng ibang batayang pangangailangan natin.
Itayo Oil Regulatory Commission, Oil Deregulation Ibasura!
Ang pagtatakda ng presyo ng mga produktong petrolyo ay lubhang nakakaapekto sa buhay ng mga mamamayan. Dapat ito ay dumadaan sa proseso ng pagpapatunay at pagaaral para tunay na makatarungan ang presyo. Ang prosesong ito ay dapat nalalahukan ng mamamayan at mga sector ng direktang apektado. Hindi dapat ito dinadaan lamang s aura-uradang paganunsyo at madalas ay “text” lamang.
Buy-back Petron, Energy Development Corp. (EDC), Isabansa!
Kinakailangan ang masusing pagpaplano para sa Energy (kabilang ang oil) Development ng bansa lalo kung gusto talaga natin makaahon sa kahirapan. Kailangan dito ay ang instrumentong pag-aari at pinatatakbo ng gobyerno (para sa publiko at kanyang kapakanan, hindi para sa tubo) katulad ng EDC at Petron na maaring gamitin upang ipangtapat sa mga pribadong kumpanya. Sila ay dapat maging pangunahing kumpanya sa kanilang larangan katulad ng kasalukuyan nilang estado.
Signed;
TUPAS
KATIPUNAN
NATU
BMP
SUPER
MELF
PMT
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento