Huwebes, Mayo 10, 2012

Ika-115 Anibersaryo ng Kamatayan ni Bonifacio, Ginunita ng mga Militanteng Grupo

PRESS RELEASE
Mayo 10, 2012

Ika-115 Anibersaryo ng Kamatayan ni Andres Bonifacio, 
Ginunita ng mga Militanteng Grupo

Ginunita ng mga militanteng grupo ang ika-115 anibersaryo ng kamatayan ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio ngayong Mayo 10 sa isinagawa nilang pagkilos sa Mehan Garden sa Maynila. Ayon sa kasaysayan, pinaslang si Bonifacio, kasama ang kanyang kapatid na si Procopio, sa utos ni Hen. Emilio Aguinaldo, noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite.

Ito’y pinangunahan ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-NCRR), Sanlakas, at iba pa. Nag-alay sila ng bulaklak, nagkaroon ng maikling programa, at nagsagawa ng munting pagsasadula sa naganap na pagkapaslang sa bayani.

"Ginugunita natin ang kamatayan ni Rizal tuwing Disyembre 30 at Ninoy Aquino tuwing Agosto 21, pero bakit ang ginugunita natin ay ang kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio tuwing Nobyembre 30? Dahil nais itago ang isang kahindi-hindik na pangyayari sa kasaysayan, ang pagpaslang ng mga ilustrado sa itinuturing nilang hindi nila kauri, kay Bonifacio." Ito ang mariing sinabi ni Ka Leody de Guzman, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Dagdag pa niya, "Sa ngayon, patuloy pa ang pagpatay ng naghaharing uri sa mga maliliit, lalo na sa hindi nila kauri, tulad ng mga manggagawa’t maralita. Patuloy pa ang pananalanta ng salot na kontraktwalisasyon, patuloy ang pagtataboy sa mga maralita sa kanilang tirahan upang tayuan ng mga negosyo tulad ng SM, patuloy na nagtataasan ang mga bilihin, tubig, kuryente, tuition fee, langis, na ang nakikinabang lamang ay ang mga kapitalista, ang mga naghaharing uri sa lipunan. Kayrami na ring napaslang na mga lider ng masa at marami ring dinukot na naging mga desaparesidos."

Ayon kay Ojie Tan ng PMT, "Matagal nang itinago ng mga naghaharing uri ang pagkapaslang kay Bonifacio ng kapwa niya lider-rebolusyonaryo. Ayaw ng mga naghaharing uri na gunitain natin ito, dahil mamumulat ang mga Pilipino sa mga ginawa nilang katrayduran sa mga mahihirap nating kababayan. Takot ang burgesya na mamulat ang sambayanan sa tunggalian ng uring umiral at patuloy na umiiral sa lipunan. Ngunit kailangan natin itong gunitain upang hanguan ng aral at ipaalala sa mga susunod na henerasyon na ang nangyaring ito’y paglapastangan sa ating bayani at sa buong bayan."

Sinabi naman ni Victor Briz, bise-presidente ng Partido Lakas ng Masa (PLM), ”Napakahalagang gunitain natin ang araw ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio bilang paalala sa atin at sa mga susunod pang henerasyon na hindi natutulog ang kanilang mga ninuno, na ang mga aral ng nakaraan ay hindi natin ibinabaon sa limot. Ang pagbabalik-gunita natin sa nangyaring pagpaslang kay Ka Andres noong Mayo 10, 1897 ay isang mahalagang aral sa atin na hangga't may tunggalian ng uri sa lipunan, magpapatuloy ang mga ganitong pagpatay, pang-aapi at pagsasamantala ng mga naghaharing uri sa mga maliliit. Dapat talagang baguhin natin ang lipunan kung saan wala nang mga naghaharing uri't elitistang mapagsamantala sa maliliit. ”.

Ayon naman kay Greg Bituin Jr., ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)-NCRR, at kasapi ng history group na Kamalaysayan, "Pinapakita ng pagkapaslang kay Bonifacio ang tunggalian ng uri noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Bagamat parehong mga rebolusyonaryo na nagnanais ng pagpapalaya ng bayan mula sa kamay ng mananakop, magkakaiba pa rin sila ng kalagayan sa lipunan. Nangibabaw ang uring ilustrado sa uring anakpawis, tulad din ngayon na patuloy na nagsasamantala ang uring elitista laban sa mahihirap, ang uring kapitalista laban sa uring manggagawa, ang burgesya laban sa taumbayan, ang gobyernong kapitalista laban sa masa ng sambayanan. Panahon nang ilantad ang ganitong bulok na sistema upang mas madaling maunawaan ng masa na dapat silang mag-alsa laban sa bulok na sistemang patuloy na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao. Ituloy natin ang laban ni Bonifacio. Rebolusyon para sa pagbabago!"

Ipinahayag ng mga militanteng grupo na ang nasimulang paggunita ngayong Mayo 10 ay magiging taunang gawain para sa uring anakpawis na tulad din ng pagbibigay halaga ng paggunita sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio tuwing Nobyembre 30.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento