Miyerkules, Oktubre 10, 2012

Sin Tax Bill, Kontra-Mahihirap! Tutulan!


PEOPLES COALITION AGAINST REGRESSIVE TAXATION (PCART)

PRESS STATEMENT 
Octubre 9, 2012 

ANG PANUKALANG BATAS NA “SIN TAX" AY KONTRA-MAHIHIRAP!
TUTULAN ANG PAGPAPATAW NG PANIBAGONG BUWIS!

Ang diumano’y sin tax bills na nakabinbin sa Senado ay mariing tinututulan ng mga manggagawa, magbubukid, mga maralitang lungsod na nabubuhay sa pagtitinda sa komunidad at mga cigarette vendors o takatak boys na nagsama-sama sa ilalim ng Peoples Coalition Against Regressive Taxation o PCART. 

Ang mga panukalang ito – Senate Bills 2763 (Excise Tax on Alcohol Products) at Senate Bill 2764 (An Act Restructuring Excise Tax on Tobacco Products ayon sa gobyerno ay naglalayong mangalap ng karagdagang pondo para sa Universal Health Care Program ng pamahalaan. Sinasabi ng gobyerno na ang pagpapataw ng panibagong buwis ang kanyang direktang hakbang upang tugunan ang papalalang kalagayang pangkalusugan ng mamamayan. 

Seryoso ba ang gobyerno sa pahayag na ito? 

Hindi maiwasan ng PCART na magduda sa pahayag na ito lalo pa’t palpak ang Department of Health at ang Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) sa pagpapatupad ng mga marapat nitong tungkulin sa mga naghihikahos na mamamayan. Ang patuloy na pagsasa-pribado ng mga pampublikong ospital, kawalan ng gamot, nars, duktor sa mga pagamutan ay mga problemang hindi nalunasan sa matagal nang panahon. 

Saan ba balak dalhin ng gobyerno ang mga pondo sa kalusugan sa pamamagitan ng PHILHEALTH na umaabot ng daang bilyong piso na hanggang sa ngayon ay hindi mapakinabangan ng mga mahihirap na mamamayan? 

Sobrang takaw ng gobyernong ito sa pondo! 

Kung ang tingin nito ay hahamig ng malaking buwis buhat sa sin tax ay nagkakamali ito dahil sa mas malala ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng mga manggagawa, magsasaka at maralita na aalisan ng kabuhayan. Ang nakikita ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Finance ay ang hahamiging pera at hindi ang masamang epekto nito sa masa. 

Gobyernong tamad! 

Sa halip na asikasuhin ang paghahanap ng solusyon tulad ng industriyalisasyon na magluluwal ng maramihan at matatag na trabaho upang lunasan ang kawalan ng hanap buhay ay mas pinili nito ang short cut na daan na magpataw ng panibago at kontra mahihirap na buwis upang tustusan ang kapritso’t luho ng iilan sa pamahalaan.

Ang aming panawagan 

Naniniwala kami na ang sin tax ay kontra-mahihirap na paraan ng pagbubuwis na dapat tutulan hindi lamang ng mga sektor na kabilang sa PCART kungdi ng lahat ng masang patuloy na pinagpapasan ng mga buwis na hindi naman tumutugon sa pangangailangan ng nakararaming naghihirap na mamamayan. 

Sa Senado, kung saan ay nakatakdang pagtibayin ang mga panukalang batas ay isasagawa namin ang serye ng mga malalaking demonstrasyon upang ipanawagan sa mga kagalang-galang na mga Senador ang aming pagtutol sa pagpasa ng mga panukalang nabanggit.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento