Ang dapat mabatid ng mga mamamayan ng Maypajo
ANG LAHAT ng namamalengke o kahit mga napapadaan lamang sa Maypajo Market ay may malinaw na napapansin mula ng huling bahagi ng taong 2013, nasaan na yung mga tricycle. Sa biglang tingin, mukhang “umuunlad” ang lugar dahil hindi na ganuong kagulo o katrapik ang mga kalsada sa paligid ng palengke.
Ngunit ang “maunlad na kaayusan” na tinutukoy natin ay bahagi lamang ng isang buong iskema para sa “pagpapaunlad” ng Maypajo at ang arkitekto ng iskemang ito ay walang iba kundi ang Mayor ng lungsod ng Kaloocan, si Mayor Oca Malapitan. Ang pag-aalis ng mga pampublikong sasakyan sa paligid ng palengke ang unang hakbang pa lamang ng City Hall sa layuning tanggalan ng kabuhayan ang mahigit 600 pamilyang umaasa sa kanilang marangal at produktibong pagtitinda sa palengke.
Nitong ika-2 ng Disyembre ng nakaraang taon, ipinaabot ng City Hall na hindi na nito ire-renew ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Maypajo Market Multi-Purpose Cooperative at ng City Hall. Ang MOA ay naglalaman ng kasunduan na ang kabuuang pangangalaga at pagpapatakbo ng palengke ay responsibilidad ng kooperatiba sa loob ng dalawangpung taon at organisadong magbabayad na lamang ito ng isang daan at limampung libong piso kada buwan sa City Hall bilang renta sa pwestong inookupahan at kada tatlong taon ay tataas ito ng 10%.
Ang dinahilan ng City Hall kung kung bakit nito ayaw i-renew ay pagagandahin daw ng City Hall ang Maypajo Market. Ano ngayon ang kuneksyon nito sa organisadong pagbabayad ng upa na maayos at dalawang dekada nang ginagawa ng kooperatiba sa binabalak na pagpapaganda sa palengke? WALA! Nasaan ang dokumento o resolusyon ng City Hall gayung ang salaping gagamitin dito ay ang binabayad na buwis ng taumbayan? WALA! Nasaan ang demokratikong proseso ng konsultasyon ng mga taong maapektuhan? WALA! Nasaan ang kabuuang plano para sa proyektong binabanggit? WALA! Nasaan ang iba pang opisyal ng pamahalaang bayan na may kaparehong responsibilidad ng Mayor na kalingain ang kanilang mamamayan? WALA!
Ano ngayon ang maasahan natin kay Mayor sa mga susunod na taon kung ngayon pa lamang ay ganito na ang trato niya sa kabuhayan at karapatan ng mamamayang kanyang sinumpaang pagsisilbihan?
Kung papatulan naman natin ang katwiran na “pagagandahin” nila ang palengke ng Maypajo, ano ang silbi ng kagandahan sa gutom na mamamayan? Kung tunay na progreso ang kanilang gusto para sa mga naghahanapbuhay at nakatira sa paligid ng palengke, hindi ba matuturing na progreso ang mahigit animnaraang disenteng naghahanapbuhay, regular na nagbabayad ng buwis, at maayos na binubuhay ang kanilang pamilya?
Kung tutuusin, kabaliktaran ng progreso ang binabalak ni Mayor Malapitan dahil ang hindi pagre-renew sa MOA ng City Hall at Kooperatiba ay mangangahulugan na sinesentensyahan ni Mayor ng kamatayan ang kabuhayan ng daan-daang pamilya. Ang mabigat pa dito, kahit na gumagawa ng paraan ang mga stall owner, gaya ng pagpapadala ng pormal na sulat na humihingi ng konsiderasyon sa desisyon ni Mayor, ay nag-iipon lamang ng alikabok sa Office of the Mayor at hindi inaaksyunan. Kahit simpleng dialogo ay pinagkakait pa sa atin.
Kung ganito kakrudo ang ginagawa ng City Hall at ganito ang tinatayang epekto ng plano nila, bakit disidido si Mayor na alisan ng kabuhayan ang mga manininda?
Ang Maypajo market ay may sukat na 8,000 square meters at matatagpuan sa isang estrahetikong lokasyon sa pagitan ng Divisoria at Monumento. Milyon-milyon ang market value nito kung ito’y ibebenta at tiyak na hindi palalagpasin ng mga dambuhalang negosyante ang pagkakataon na magtayo ng kanilang sariling negosyo sa pwesto ng palengke. Hahayaan tayong magutom ni Mayor, matuwa lang ang mga negosyanteng kasingganid niya. Mas mahalaga sa mga pulitiko ang interes ng mga kapitalista kaysa ang malawak na mamamayang nagtiwala sa kanilang adhikain.
Kung laway na laway na ang mga negosyante, lalo namang pinag-iigihan ng mga pulitikong alipores nila na gamitin ang impluwensiya ng kanilang opisina at buong arsenal ng gobyerno para matiyak lamang na masunod ang kagustuhan nila. Nitong nagdaang linggo lamang ay pwersahang dinemolis ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang Manila Seedling Bank na pag-aari naman ng isang foundation.
Hindi na lalayo dito ang maari nating sapitin kung hindi tayo kikilos sa lalong madaling panahon para hadlangan ang maitim na balak ng mga taga-City Hall. Higit sa lahat kailangan nating gawing solido ang ating pagkakaisa at sama-samang kumikilos sa iisang direksyon para maani pa natin ang suporta ng lahat ng mamamayan ng Kalookan. Ang pagkakaisa rin ang mismong susi para mapagtagumpayan natin ang panggigipit na ginagawa ng City Hall sa atin.
I-renew ang MOA sa pagitan ng Maypajo Market Multi-Purpose Cooperative at City Hall!
Labanan ang panggipit ni Mayor Malapitan sa mga vendor ng Maypajo market!
MAYPAJO CALOOCAN CITY PUBLIC MARKET
PEOPLE’S VENDORS ASSOCIATION, INC.