Linggo, Agosto 24, 2014

Panunumpa ng bagong pamunuan ng SAMANA-FA sa Mandaluyong, Idinaos

PANUNUMPA NG BAGONG PAMUNUAN NG SAMANA-FA SA MANDALUYONG, IDINAOS

Agosto 24, 2014 - Kasabay ng ikatatlumpung (ika-30) anibersaryo ng Samahan ng Maralitang Nagtitinda sa Fabella (SAMANA-FA) sa Lungsod ng Mandaluyong, idinaos naman ang panunumpa ng bagong pamunuan nito. Ang tema ng anibersaryo ay "Magtitinda, Magkaisa! Isulong ang Katiyakan sa Hanapbuhay at Permanenteng Tirahan".

Ang bagong pamunuan ng SAMANA-FA ay sina: Ka Pedring Fadrigon - pangulo; Demetrio Riego - pangalawang pangulo - panloob; Rodelo Ramirez - pangalawang pangulo - panlabas; Alberto Kalalo - pangkalahatang kalihim; Patricio Ningala Jr. - pangalawang kalihim; Melanie Matias - ingatyaman; Nemia Bongalonta - tagasuri; - Salvador Soriano at Christopher Bolanon - PRO; at ang mga kasapi ng konseho ay sina: Leonora Espadilla, Arlene Gomez, Ma. Prima Rose, Marilou Bongcayao; Placida Cahinhinan; Edilberto Doctor, Rosemary Borreros at Loreta Cipriano.

Nauna rito'y nagdaos muna ng misa ng pasasalamat, na pinangunahan ni Fr. Wilmer Rosario, parish priest ng Sacred Heart of Jesus Parish, sa Welfareville Compound. 

Dumalo sa nasabing pagtitipon sina Kagawad Carlito C. Cernal, at iba pang hindi agad nakuha ang pangalan. Dumating ang kinatawan ni Mayor Benhur Abalos na si Jimmy Isidro, na siyang nagpasumpa sa bagong pamunuan. Matapos ang misa'y nagdaos ng munting programa, at nagsalita si Ka Pedring Fadrigon. Nagpalabas din ng video si Mr. Isidro hinggil sa mga aktibidad ni Mayor Abalos, tulad ng kalinisan at ang bagong ordinansa ng Mandaluyong laban sa mga riding in tandem, pati na ang usapin ng palupa ng mga taga-Welfarevill. Binanggit din niya  ang hinggi sa Republic Act 9397, na umano'y pag-amyenda sa Seksyon 12 ng RA 7279 o UDHA (Urban Development and Housing Act). Binanggit din niyang libre ang pangungupahan ng mga taga-SAMANA-FA sa palengke hangga't si Mayor Abalos ang nakaupo sa pwesto.

Nagsimula ang misa ng ikapito ng gabi, at natapos ang buong programa ng bandang ikasiyam at kalahati ng gabi.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento