Biyernes, Mayo 27, 2016

"Panalo ngunit hindi ipinroklama" - Ating Guro



PANALO NGUNIT HINDI IPRINOKLAMA!
(Pahayag Pangmadla ng ATING GURO Partylist)

“Ang alam ko nga panalo kayo eh. Nagulat ako at hindi kayo kasama sa naiproklama.” Ito ang tugon ni COMELEC Chairman Andres Bautista nang tanungin ng isa sa ating mga lider noong makasalubong siya nung Lunes, Mayo 23 habang patungo siya sa Manila Cathedral. “Nai-file na po namin ang petition to correct manifest error kanina Chairman.” Ito naman ang sagot ng ating lider. “Good, that’s good. Kasi nga kahit bigyan pa ng 2 seats ang Coop-Natcco ay papasok pa rin kayo.” Ito ang muli niyang tugon. Sayang at hindi na-record sa video ang usapang ito na halos may pag-amin mula sa Comelec Chairman mismo na sila ay nagkamali.

Ganito rin ang sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez nung sumilip siya sa ating tent noong Miyerkules, Mayo 25. Ayon sa kanya, “Ang alam ko ay panalo kayo, kasi kasama nga kayo sa proclamation program.” Maging ang mga empleyado ng COMELEC sa ERSD nung kumuha tayo ng mga dokumento noong Mayo 20, isang araw matapos ang proklamasyon ay gayundin ang sinasabi. Maraming empleyado at isang abogado rin ng COMELEC ang bumati sa atin ng “Congratulations!” Buong akala nila ay naiproklama tayo.

Kung ang mga taga-COMELEC, kasama ang Chairman mismo nito ay inaakalang panalo o naiproklama tayo, lalo naman ang madlang nanonood ng telebisyon noong gabi ng Mayo 19. Paulit-ulit kasing  naipalabas sa TV maging sa mga online edition ng balita na kasama ang ATING GURO Partylist sa mga nanalong partido noong nakaraang halalan. Pero ang masakit na katotohanan, HINDI TAYO IPRINOKLAMA AT NAGANAP ANG ‘PAGKAKAMALI’ ILANG MINUTO BAGO ANG AKTUWAL NA PROKLAMASYON.

ANO ANG NANGYARI NOONG MAY 19?
Narito ang ilang pangyayari noong Mayo 19 sa PICC kung saan ginaganap ang canvassing para sa mga senador at partylist:
• Bandang alas-diyes ng umaga (10:00am) ay naglabas ng papel ang COMELEC na ipinakikita ang tally ng boto ng lahat partylist at ang seat allocation. Mayroong 1 seat ang ATING GURO sa papel na ito.
• Bandang alas-dos ng hapon (2:00pm) ay pansamantalang itinigil ang sesyon upang paghandaan ang gaganaping proklamasyon na nakatakda ng alas-tres ng hapon (3:00pm) para sa labindalawang senador at alas-singko ng hapon (5:00pm) para sa mga partylist.
• Nakakuha tayo ng kopya ng proclamation program bandang alas-tres ng hapon (3:00pm) kung saan nakalista ang pangalan ng ating partido sa mga nakatakdang iproklama at sa atin ibibigay ang pinakahuling upuan.
• Bandang alas-singko (5:00pm) nang papasok na sa PICC ang ating mga watchers ay hindi sila pinayagan at hindi binigyan ng ID. Nakakagulat sapagkat binigyan ng ID na may tatak na “PARTYLIST-ELECT” ang ibang partido, kahit pa ang mas mababa ang boto kaysa atin at hindi kabilang sa magaganap na proklamasyon.
• Nang tinanong ng ating watcher kung bakit hindi tayo binibigyan ng ID, ang sagot sa kanya ng isang personnel ay, “May isyu pa sa inyo.”
• Nagsimula na ang proklamasyon pasado alas-sais ng gabi subalit hindi pa rin nakakapasok ang ating watchers, kaya isa sa kanila ay nakapagtaas ng boses sa ilang mga taga-COMELEC, dahilan kung bakit siya ay na-hold ng security at dinala sa isang sulok kaya lalo tayong nawalan ng bantay sa loob.
• Pasado alas-siyete nang i-anunsiyo na dalawang upuan ang ibibigay sa COOP-NATCCO. Sa pagpapatuloy ng proklamasyon, sa AGBIAG ibinigay ang huling upuan. Sa suma total, 46 na partido lamang ang nabigyan imbes na 47.
• Nagtangkang magpahayag ng pagtutol ang ating abogado, subalit nagsabi ang COMELEC na isulat na lamang ang  mga apela o manipestasyon.

PARA TAYONG INAGAWAN NG DIPLOMA
Maihahalintulad ang ginawa sa atin ng COMELEC sa graduation. Handa na sana tayong mag-martsa sa entablado, subalit pagdating sa bahaging tatawagin na ang pangalan ay biglang hindi tayo natawag. Ano ito, isang pagkakamali lamang ba? Hindi! Hindi maaari. Sapagkat kagaya rin sa mga graduation, hindi natin inilalagay sa programa ang pangalan ng batang hindi naka-comply sa lahat ng requirements. Bago kasi mailagay ang pangalan niya, ito ay masusi nating pinag-aaralan. Tinitiyak kung kumpleto ba ang kanyang units. Wala siyang back subjects. Napirmahan ng lahat ng guro ang kanyang forms. At bandang huli, dumadaan siya sa deliberation. Ganito tayo ka-sistematiko sa mga paaralan. Kung hindi natin magagawa ang mga ito, mahihiya tayo sa ating mga sarili at tila napaka-iresponsable naman natin. Isipin na lamang natin na papipilahin natin sa graduation march at ililista ang pangalan ng isang bata na hindi naman pala candidate sa graduation. At sa puntong handa na niyang tanggapin ang kanyang diploma ay sasabihin nating hindi pala siya ga-graduate.

SAAN KAYO NAGKAMALI?
Bakit noong una ay consistent ang COMELEC na tayo ay kabilang sa mga nanalo? Iyon ay dahil sinunod nila sa simula ang tamang alokasyon ng upuan sa partylist ayon sa itinakda ng Korte Suprema sa kasong BANAT vs. COMELEC noong 2009, kung saan itinatakda ang pagtatalaga ng upuan sa mga kinatawan ng partylist sa Kongreso. Batay sa teknikal na mga batayan, papasok ang ATING GURO sa winning circle. Ganito rin ang kompyutasyon natin at ng lahat ng partido na naroon- tayo ang makakakuha ng huling upuan.

Hindi dapat nabigyan ng additional seat ang COOP-NATCCO at ang seat na ito ay dapat ipagkaloob sa ATING GURO. Kung sa naunang kuwenta ng seat allocation at sa program of proclamation ay kasama ang ATING GURO, bakit bigla-bigla ay hindi siya naiproklama? Ano ang nangyari?

NOT ONCE, BUT TWICE!
Ayaw nating mag-isip ng malisyoso, kaya hinahamon natin ang COMELEC na agad sagutin ang ating petisyon at itama ang pagkakamali. Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ito sa ATING GURO. Maging noong 2013 elections ay qualified sa seat allocation ang ATING GURO subalit, gaya nang maaaring mangyari ngayon, nagkaloob ng excess seat ang COMELEC sa ilang maimpluwensiya at mayamang mga partido. Sinikap ng ATING GURO na habulin iyon sa Supreme Court subalit natapos na ang 2016 elections ay hindi pa ito nadesisyunan. Ngayon, ayaw na nating paabutin muli sa Korte Suprema ang usapin at hinihiling natin sa COMELEC na resolbahin na sa sarili nitong kapasidad ang pagkakamaling nagawa niya noong Mayo 19, 2016.

ATING GURO ANG TINIG NG MGA GURO AT KARANIWANG TAO SA KONGRESO
Walang pera at walang impluwensiya ang ATING GURO, tanging sakripisyo at sinseridad lamang ng mga kasapi nito na maglingkod sa mga guro at sektor ng edukasyon. Huwag naman sanang ipagkait sa atin muli ang upuang ipinaglaban natin nang tapat at may determinasyon. Huwag naman sanang pagkaitan ng representasyon ang tanging partylist na nagtiwala sa isang public school teacher bilang first nominee nito sa Kongreso.

IPROKLAMA ANG ATING GURO, NGAYON NA!

ATING GURO Partylist
Mayo 27, 2016