PANALO NGUNIT HINDI IPRINOKLAMA!
(Pahayag
Pangmadla ng ATING GURO Partylist)
“Ang alam ko nga panalo kayo eh.
Nagulat ako at hindi kayo kasama sa naiproklama.” Ito ang tugon ni COMELEC
Chairman Andres Bautista nang tanungin ng isa sa ating mga lider noong
makasalubong siya nung Lunes, Mayo 23 habang patungo siya sa Manila Cathedral. “Nai-file na po namin ang petition to
correct manifest error kanina Chairman.” Ito naman ang sagot ng ating
lider. “Good, that’s good. Kasi nga kahit
bigyan pa ng 2 seats ang Coop-Natcco ay papasok pa rin kayo.” Ito ang muli
niyang tugon. Sayang at hindi na-record sa video ang usapang ito na halos may
pag-amin mula sa Comelec Chairman mismo na sila ay nagkamali.
Ganito rin ang sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez nung
sumilip siya sa ating tent noong Miyerkules, Mayo 25. Ayon sa kanya, “Ang alam ko ay panalo kayo, kasi kasama nga
kayo sa proclamation program.” Maging ang mga empleyado ng COMELEC sa ERSD
nung kumuha tayo ng mga dokumento noong Mayo 20, isang araw matapos ang
proklamasyon ay gayundin ang sinasabi. Maraming empleyado at isang abogado rin
ng COMELEC ang bumati sa atin ng “Congratulations!”
Buong akala nila ay naiproklama tayo.
Kung ang mga taga-COMELEC, kasama ang Chairman mismo nito ay inaakalang
panalo o naiproklama tayo, lalo naman ang madlang nanonood ng telebisyon noong
gabi ng Mayo 19. Paulit-ulit kasing
naipalabas sa TV maging sa mga online edition ng balita na kasama ang
ATING GURO Partylist sa mga nanalong partido noong nakaraang halalan. Pero ang
masakit na katotohanan, HINDI TAYO
IPRINOKLAMA AT NAGANAP ANG ‘PAGKAKAMALI’ ILANG MINUTO BAGO ANG AKTUWAL NA
PROKLAMASYON.
ANO ANG NANGYARI NOONG MAY 19?
Narito ang ilang pangyayari noong Mayo 19 sa PICC kung saan ginaganap
ang canvassing para sa mga senador at partylist:
• Bandang alas-diyes ng umaga (10:00am) ay naglabas ng papel ang
COMELEC na ipinakikita ang tally ng boto ng lahat partylist at ang seat
allocation. Mayroong 1 seat ang ATING GURO sa papel na ito.
• Bandang alas-dos ng hapon (2:00pm) ay pansamantalang itinigil ang
sesyon upang paghandaan ang gaganaping proklamasyon na nakatakda ng alas-tres
ng hapon (3:00pm) para sa labindalawang senador at alas-singko ng hapon
(5:00pm) para sa mga partylist.
• Nakakuha tayo ng kopya ng proclamation program bandang alas-tres ng
hapon (3:00pm) kung saan nakalista ang pangalan ng ating partido sa mga
nakatakdang iproklama at sa atin ibibigay ang pinakahuling upuan.
• Bandang alas-singko (5:00pm) nang papasok na sa PICC ang ating mga
watchers ay hindi sila pinayagan at hindi binigyan ng ID. Nakakagulat sapagkat
binigyan ng ID na may tatak na “PARTYLIST-ELECT” ang ibang partido, kahit pa
ang mas mababa ang boto kaysa atin at hindi kabilang sa magaganap na
proklamasyon.
• Nang tinanong ng ating watcher kung bakit hindi tayo binibigyan ng
ID, ang sagot sa kanya ng isang personnel ay, “May isyu pa sa inyo.”
• Nagsimula na ang proklamasyon pasado alas-sais ng gabi subalit hindi
pa rin nakakapasok ang ating watchers, kaya isa sa kanila ay nakapagtaas ng
boses sa ilang mga taga-COMELEC, dahilan kung bakit siya ay na-hold ng security
at dinala sa isang sulok kaya lalo tayong nawalan ng bantay sa loob.
• Pasado alas-siyete nang i-anunsiyo na dalawang upuan ang ibibigay sa
COOP-NATCCO. Sa pagpapatuloy ng proklamasyon, sa AGBIAG ibinigay ang huling
upuan. Sa suma total, 46 na partido lamang ang nabigyan imbes na 47.
• Nagtangkang magpahayag ng pagtutol ang ating abogado, subalit nagsabi
ang COMELEC na isulat na lamang ang mga
apela o manipestasyon.
PARA TAYONG INAGAWAN NG DIPLOMA
Maihahalintulad ang ginawa sa atin ng COMELEC sa graduation. Handa na
sana tayong mag-martsa sa entablado, subalit pagdating sa bahaging tatawagin na
ang pangalan ay biglang hindi tayo natawag. Ano ito, isang pagkakamali lamang
ba? Hindi! Hindi maaari. Sapagkat kagaya rin sa mga graduation, hindi natin
inilalagay sa programa ang pangalan ng batang hindi naka-comply sa lahat ng
requirements. Bago kasi mailagay ang pangalan niya, ito ay masusi nating
pinag-aaralan. Tinitiyak kung kumpleto ba ang kanyang units. Wala siyang back
subjects. Napirmahan ng lahat ng guro ang kanyang forms. At bandang huli,
dumadaan siya sa deliberation. Ganito tayo ka-sistematiko sa mga paaralan. Kung
hindi natin magagawa ang mga ito, mahihiya tayo sa ating mga sarili at tila
napaka-iresponsable naman natin. Isipin na lamang natin na papipilahin natin sa
graduation march at ililista ang pangalan ng isang bata na hindi naman pala
candidate sa graduation. At sa puntong handa na niyang tanggapin ang kanyang
diploma ay sasabihin nating hindi pala siya ga-graduate.
SAAN KAYO NAGKAMALI?
Bakit noong una ay consistent ang COMELEC na tayo ay kabilang sa mga
nanalo? Iyon ay dahil sinunod nila sa simula ang tamang alokasyon ng upuan sa
partylist ayon sa itinakda ng Korte Suprema sa kasong BANAT vs. COMELEC noong
2009, kung saan itinatakda ang pagtatalaga ng upuan sa mga kinatawan ng
partylist sa Kongreso. Batay sa teknikal na mga batayan, papasok ang ATING GURO
sa winning circle. Ganito rin ang kompyutasyon natin at ng lahat ng partido na
naroon- tayo ang makakakuha ng huling upuan.
Hindi dapat nabigyan ng additional seat ang COOP-NATCCO at ang seat na
ito ay dapat ipagkaloob sa ATING GURO. Kung sa naunang kuwenta ng seat
allocation at sa program of proclamation ay kasama ang ATING GURO, bakit
bigla-bigla ay hindi siya naiproklama? Ano ang nangyari?
NOT ONCE, BUT TWICE!
Ayaw nating mag-isip ng malisyoso, kaya hinahamon natin ang COMELEC na
agad sagutin ang ating petisyon at itama ang pagkakamali. Hindi ito ang unang
pagkakataon na ginawa ito sa ATING GURO. Maging noong 2013 elections ay
qualified sa seat allocation ang ATING GURO subalit, gaya nang maaaring
mangyari ngayon, nagkaloob ng excess seat ang COMELEC sa ilang maimpluwensiya
at mayamang mga partido. Sinikap ng ATING GURO na habulin iyon sa Supreme Court
subalit natapos na ang 2016 elections ay hindi pa ito nadesisyunan. Ngayon,
ayaw na nating paabutin muli sa Korte Suprema ang usapin at hinihiling natin sa
COMELEC na resolbahin na sa sarili nitong kapasidad ang pagkakamaling nagawa
niya noong Mayo 19, 2016.
ATING GURO ANG TINIG NG MGA GURO
AT KARANIWANG TAO SA KONGRESO
Walang pera at walang impluwensiya ang ATING GURO, tanging sakripisyo
at sinseridad lamang ng mga kasapi nito na maglingkod sa mga guro at sektor ng
edukasyon. Huwag naman sanang ipagkait sa atin muli ang upuang ipinaglaban
natin nang tapat at may determinasyon. Huwag naman sanang pagkaitan ng
representasyon ang tanging partylist na nagtiwala sa isang public school
teacher bilang first nominee nito sa Kongreso.
IPROKLAMA ANG ATING GURO, NGAYON
NA!
ATING GURO Partylist
Mayo 27, 2016
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento