Pahayag sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan
Habang nangangako ang mga kandidato para sa 2019 eleksyon, huwag nating hayaan na sila lang ang mapapakinggan. Panahon na sila naman ang makinig sa atin, lalo na ngayong Araw ng Kababaihan!
Kaisa ang Oriang sa daan-daang libong mga kababaihan sa buong mundo na nagmamartsa para sa karapatan at kalayaan mula sa kaapihan ngayong Marso 8. Mula sa iba't ibang karanasan, karamihan pa rin ng mga kababaihan ay nakikibaka para sa pang-araw-araw na kahirapan at karahasan - panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitika man. Kung kaya nananawagan ang Oriang para sa kaagad at buong pagtugon sa mga sumusunod na isyu:
Seguruhin ang regular at disenteng trabaho. Sa tuwing matatapos na ang limang buwan na kontrata sa pagawaan, aligaga na ang babae sa tahanan. Maaaring siya mismo ang mawawalan ng trabaho o ang kanyang partner sa pagpapamilya. Ang patuloy na kontraktwalisasyon ay hadlang sa pagkakaroon ng kakayanang makapaglaan ng sariling pangangailangan, kaya't nauuwi sa kakapusan. Samantala, kung may trabaho man, kailangan pa ring sukatin kung ito'y makatao at disente, lalong lalo na sa usapin ng sahod at proteksyon sa manggagawa.
Maraming kababaihan ang nasa trabahong impormal dahil sa kulang sa oportunidad na makapasok sa mga pormal na trabaho. Bilang mga manggagawang impormal naman, mapapansin din ang limitasyon sa antas ng pagkilala sa kanila, sa porma ng suportang serbisyo, panlipunang proteksyon, at oportunidad sa pamilihan.
Ibaba ang presyo ng bilihin at pagkain! Pasanin ng karamihang kababaihan ang presyong pang-araw-araw na gastusin, lalo na ang pagkain. Ang mga nagdaang krisis sa presyo ng bigas at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay maiuugnay sa pinataas na mga pagbubuwis sa ilalim ng TRAIN Law. Hindi dapat magmaang-maangan ang mga namamahala na ang tanging tulak sa presyo ng bilihin ay ang merkado. Malinaw naman na ang dagdag buwis sa krudo ay pumatong sa gastos sa produksyon ng pagkain. Hindi lang nagmahal ang bigas dahil kulang sa suplay, kundi dahil nananatiling mataas ang gastos sa produksyon nito kumpara sa ibang bansa. Kinakailangang suportahan ang mga lokal na magbubukid, sa halip na ang gawing solusyon ay importasyon.
No to ChaCha, No to Federalism! No to trapos at political dynasties! Hindi klaro ang mungkahing pagbabago sa konstitusyon. Kung may klaro man, ito ang interes ng mga tradisyunal na pulitiko na hindi masagasaan ang kanilang mga karera sa pulitika, bilang indibidwal o bilang angkan. Kaya nga gusto ng mga trapo na tanggalin ang term limits sa posisyon na kanilang inuupuan. Ang political dynasty ay kontra-demokrasya dahil pinananatili nito ang kapangyarihan sa iilan. Nararapat lamang na ang ating iboto ay ang mga kampyon at tagapagsulong ng interes ng kabataan at kababaihan, at klaro na handang bumangga sa sistemang trapo at political dynasty.
Wakasan ang karahasan sa kababaihan! Tutulan ang impyunidad! Sinasabing isa sa apat na babae ang nakakaranas ng pang-aabuso at karahasan. Nangyayari ito hindi dahil sa nagkataon lamang, bagkus ito'y bunga ng sistematikong opresyon ng kababaihan. Bunga ng pagtinging ang babae ay mababa at mahina. Bunga ng pagtinging maaaring bastusin ang kanyang katawan. Bunga ng kulturang minamaliit ang babae at ginagawang katatawanan, gaya ng mga bastos na biro ng Presidente. Kailangan na itong wakasan! Ang patuloy na karahasan sa ating mga komunidad - ang karahasan laban sa kababaihan, karahasan laban sa mahihina, ang mga biktima ng mga extrajudicial killings - ay mahirap wakasan kung wala namang napaparusahan. Kaya nananawagan din tayo ng pagtutol sa impyunidad. Pagtibayin ang batas at sistemang magbibigay katarungan; siguruhin natin ang akses sa hustisya!
Ipatupad ang sapat na badyet para sa implementasyon ng RPRH Law! Kaytagal nating hinintay ang pagsasabatas ng RA 10354 para sa reproductive health. Huwag nating hayaan na mawalan ito ng saysay dahil lamang sa kakulangan ng badyet para sa programang magsisiguro ng mga elemento ng kalusugan ng babae. Kung tunay na sinsero ang pamahalaan, kailangang tumbasan ng badyet ang mga programang magsisiguro sa mga kababaihan at batang babae na higit na magkakaroon ng kontrol na makapagpasiya sa kanyang sariling katawan.
Hustisyang Pangklima! Hihintayin pa ba nating magkaroon pa ng kalamidad, gaya ng Yolanda, Pablo, atbp., upang maunawaan na bùhay ang nakataya kung hindi sama-samang tutuparin ng mga bansa ang kanilang komitment sa mga kasunduang ugnay sa pagbabago ng klima. Kailangang bawasan na ang mga gawain at pamamaraang mapanira sa ating kapaligiran, lalo na ang magpapainit sa ating klima. Siguruhin ang Malinis, Abot Kaya at Renewable na pamamaraan para magkaroon ng kuryente! Agad-agad ipatigil na ang mga maduduming paraan ng pagkakaroon ng enerhiya o kuryente, gaya ng mga coal-fired power plants.
Tutulan ang Mining! Nilalagay ng pagmimina sa panganib ang maraming komunidad sa paligid nito, samantalang sinisira naman nito ang kapaligiran at kabuhayan ng mga susunod na henerasyon! Mahirap nang ibalik sa dati ang mga kabundukang namina na. Mahirap nang pasiglahing muli ang kalusugan ng mga mamamayang nalason sa mga kmikal na katas mula sa mina. Lalong hindi na maibabalik ang buhay ng mga namatay sa pagtatanggol ng kanilang lupain at pagbangga sa mga korporasyon ng mina. Unawain natin ang sitwasyong matindi ang epekto sa mga babae - bilang tagapangalaga ng kalusugan sa komunidad, bilang tagapagseguro ng pagkain, bilang women human rights defenders.
Tangan ang mga isyung ito, huwag maging kampanta kayong mga pulitiko! Mapanuri kaming sasabak sa eleksyon at sisiguruhn naming ang BOTO NG KABABAIHAN AY PARA SA KARAPATAN AT KAGALINGAN NG LAHAT, HINDI NG IILAN!
Marso 8, 2019
ORIANG Women's Movement Inc.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento