PAGKAKAISA NG MANGGAGAWA SA TRANSPORTASYON (PMT)
Press release
Setyembre 15, 2009
RUTANG MENDIOLA SA MAYNILA,
PINAG-AAGAWAN NG MGA SAMAHAN NG TSUPER
PINAG-AAGAWAN NG MGA SAMAHAN NG TSUPER
Nagrali sa harap ng LTFRB ang mga kasaping tsuper ng SAQUIJODA (Santol-Quiapo Jeepney Operators and Drivers Association) kaninang umaga, kasama ang mga kasapi ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT).
Ipinrotesta nila ang pagpasok sa kanilang ruta ng dalawa pang asosasyon ng mga dyip, ang BAJODA (Bacood Jeepney Operators and Drivers Association), na may 16 na dyip, at BAQUIJODA (Bacood-Quiapo Jeepney Operators and Drivers Association), na may 125 dyip. Ang SAQUIJODA naman ay may 51 dyip lamang. Ang SAQUIJODA at BAJODA ay kasapi ng FEJODAP, habang ang BAQUIJODA naman ay kasapi ng Pasang Masda.
Sa matagal na panahon, tanging ang mga kasapi ng SAQUIJODA ang dumaraan at naghahatid ng pasahero sa Mendiola, Concepcion, Aguila at J. P. Laurel St., malapit sa Malacañang, at mga eskwelahang San Beda, Centro Escolar University, St. Jude Church, atbp. Ang buo nilang ruta ay Quiapo (Barbosa) – Santol via Sta. Mesa via Barbosa, Arlegui, P. Casal, Legarda, Mendiola, Concepcion, Aguila, J.P. Laurel, R. Magsaysay Blvd., Santol Ave., Bayani terminal at babalik via Biak na Bato, Santol Ave., R. Magsaysay, J.P. Laurel, Concepcion Aguila, Mendiola, Bilibid Viejo, Hidalgo hanggang sa terminal ng Barbosa sa Quiapo.
Ngunit noong huling linggo ng Hulyo, napag-alaman ng mga kasapi ng SAQUIJODA na nagbigay na ng go signal si Manila Mayor Alfredo Lim na maaari nang makadaan sa Mendiola ang rutang Bacood-Quiapo. Kaya noong Agosto 5, nakipag-usap ang liderato ng SAQUIJODA, kasama ang pangulo nitong si Juanito Peña, at ang kanilang pederasyong FEJODAP, sa pamamagitan ni Gng. Zeny Maranan, kina Mayor Lim, Chairman Suansing (LTFRB), Col Yap (LGU Head of Traffic Management) at Arlene Cua (Chair ng Transport Committee). Sa pulong na ito'y idineklara ni Mayor Lim na free zone na ang Mendiola, at maaari na doong dumaan ang rutang Bacood-Quiapo. Ayon sa ulat, kinausap umano si Mayor Lim ng mga residente ng Bacood na kung maaari'y may diretsong sakay patungong Mendiola ang rutang Bacood-Quiapo, dahil maraming mag-aaral mula sa Bacood ang nag-aaral sa Mendiola, at nais nilang pangalagaan ang kaligtasan ng mga ito.
Gayunman, ang naging pormula ni Suansing ay 50-50. Kung ilan ang mga dyip ng SAQUIJODA ay ganoon din ang bilang ng mga rurutang dyip ng BAQUIJODA sa Mendiola. Ngunit para sa mga tsuper ng rutang Santol-Quiapo, ito'y ilegal dahil hindi dumaan sa tamang proseso, silang mga legitimate franchise holder ay humina ang kita. Para sa kanila, kolorum, illegal entry at out-of-line ang rutang Bacood-Quiapo. Ayon pa sa SAQUIJODA, dito'y kita ang double standard ng LTFRB.
Ayon kay Larry Pascua, tagapagsalita ng PMT, ang mga transport groups na ito ay pinag-aaway-away lamang, tila pinagkakakitaan, at ginagamit sa pamumulitika.
Kaya ang panawagan ng PMT ay ang mga sumusunod:
1) Proteksyon sa mga may lehitimong linya!
2) Ilegal na linya at kolorum, sugpuin!
3) Rerouting ng Bacood-Quiapo, Ilegal!
4) Rerouting ng Bacood-Quiapo, pakana nina Lim at Suansing!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento