Biyernes, Setyembre 4, 2009

Kritik sa "Bayani for President Movement"



KRITIK SA "BAYANI FOR PRESIDENT MOVEMENT"
ni Ka Pedring Fadrigon
pambansang tagapangulo, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML)
dating pangulo, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)

Sa tuwing magbabasa ako ng dyaryo at nababasa ang Bayani for President Movement, hindi ko maiwasan ang magulumihanan. Ibang-iba na talaga ngayon, kahit ano na lamang ang nagsusulputang grupo bilang paghahanda a nalalapit na 2010 elections. Wala sanang problema kung ang pangalan ng mga ito ay popular at katanggap-tanggap sa masa. Sabagay ay popular naman ang katagang bayani. Pero ito ay kung tulad nina Andres Bonifacio o Jose Rizal ang pinag-uusapan. Subalit kung berdugo ng maralita at mamamayan ang pag-uusapan ay talaga namang nakakatindig-balahibo ang pangalang Bayani.

Bale ba ay matapos manalbahe ng maraming Pilipino lalung-lalo na ang mga maliliit na naghahanapbuhay ay may tapang pa ng apog na mag-ambisyong pangulo ng Pilipinas ang taong ito. Kung ngayon nga na tagapangasiwa pa lamang siya ay hindi na maawat at todo hataw sa mga maliliit, ano pa kaya kung pangulo na ng bansa? Kung ngayon ay itak pa lamang ang balak gamitin nito sa mga maralita, tsuper, at vendors, eh, baka kanyon na ang gamitin nito pag nagkaroon ng mas mataas na pwesto sa pamahalaan.

Sa isang banda, maganda sana ang layunin ng taong ito na pagandahin at isaayos ang Kamaynilaan, subalit iyon ay kung hindi siya nag-astang emperador na may hindi mababaling salita. Ibig sabihin, mainam sana kung may partisipasyon ang mamamayan sa kanyang mga proyekto at pagdedesisyon. Sa halip, ang ginawa ng taong ito ay huramentadong iwinasiwas ang kanyang kapangyarihan at walang habas na inaglahi ang milyun-milyon nating maliliit na kababayan na pati kanilang hanapbuhay at tahanan ay itinuring na basura at sakit-sa-mata. Karapat-dapat nga bang tawaging Bayani ang taong ito? Ang matindi pa nito ay matapos ang lahat ng kanyang pananalbahe ay Bayani for President pa ang makikita natin sa araw-araw.

Mga kababayan, ngayon pa lamang ay magkaisa na ang lahat ng inapi ng taong ito; huwag na huwag tayong magpapaloko sa hangal na ito kung ayaw nating tuluyang magkaletse-letse ang buhay natin.

(Nalathala ang artikulong ito sa dyarong Tinig ng Samana-Fa ng mga vendor sa Mandaluyong, at sa publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento