Biyernes, Hunyo 27, 2014

Bagong proklamasyon, hiniling ng mga taga-Lupang Arenda

BAGONG PROKLAMASYON, HINILING NG MGA TAGA-LUPANG ARENDA

Hunyo 27, 2014 - Nagsagawa ng pagkilos ang mga taga-Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal, sa paanan ng Mendiola upang hilingin kay PNoy na ibigay na ang ipinangako umano nitong proklamasyon upang maging ganap na pag-aari ng mga maralitang nakatira sa Lupang Arenda ang nasabing lugar.

Matatandaang noong Nobyembre 1995, sa pamamagitan ng Proklamasyong 704 ni dating Pangulong Fidel Ramos, ibinigay sa mga maralita ang Lupang Arenda. Ngunit noong panahon naman ni Gloria Macapagal Arroyo, matapos maganap ang bagyong Ondoy, tinanggal ang Proklamasyong 704 sa pamamagitan ng Executive Order (EO 854) ni GMA. Noong Eleksyon 2010, isa sa nilalaman ng covenant ni PNoy sa mga maralita ang pagtiyak na muling maibalik sa mga taga-Lupang Arenda ang karapatan sa paninirahan sa lugar.

Si Vicente "Enteng" Barlos, na siyang pangulo ng Arenda Urban Poor Federation, Inc. (AUPFI), kasama ang ilang lider, ay nagtungo sa loob ng Malakanyang habang nagrali naman sa bandang kanang bahagi ng Mendiola ang kanilang mga kasapian. Pagbalik ni Barlos at ng kanyang mga kasamahan ay agad siyang nag-ulat sa kanilang kasapian.

Kasabay nilang nagrali ang grupong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod), na nasaa kabilang bahagi naman ng Mendiola, at nananawagan naman ng price control, dahil na rin sa pagsirit ng presyo ng pangunahing mga bilihin, tulad ng bawang na nasa P400 na kada kilo, mula sa P60-P70 kada kilo noong nakaraang buwan.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento