Martes, Hulyo 29, 2014

TDC at ATING GURO party list, nagpahayag kasabay ng SONA 2014

TDC AT ATING GURO PARTY LIST, NAGPAHAYAG KASABAY NG SONA 2014

Lunes, Hulyo 28, 2014 - Kasabay ng ikalimang SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Noynoy Aquino, nagpahayag naman ng pagkadismaya kay Aquino ang Techers Dignity Colition (TDC) at ATING GURO party list, dahil na rin sa mga polisiya ng administrasyong Aquino na hindi makaguro. Mababa ang ibinigay na marka ng mga guro sa pangulo.

Kaya ipinayo ng mga guro kay Pangulong Noynoy ang mga sumusunod na dapat nitong magawa bago matapos ang kanyang termino:
(1) Isabatas ang dagdag na P10,000 across-the-board sa sahod ng mga guro;
(2) Ibigay ang 15,000 PEI (productivity enhancement incentive) sa mga guro at kawani;
(3) Ibasura ang di patas na PBB (performance-based bonus) scheme at ipatigil ang pagpapatupad ng RPMS (results-based performance management system);
(4) Isuspinde ang implementasyon ng K-12 Program;
(5) Maglaan ng sapat na badyet sa edukasyon;
(6) Igalang ang pasya ng Korte Suprema;
(7) Ipakulong ang lahat ng sangkot sa katiwalian sa DAP (Disbusement Acceleration Program) at PDAF (Priority Development Assistance Fund); at
(8) Ipakita ang sinserong malasakit sa mga guro

Ipinaliwanag ni Titser Benjo Basas, pambansang pangulo ng TDC, ang mga ito sa kanyang talumpati sa harapan ng publikong nagsagawa ng kilos-protesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Ilang mga kuha sa rali ng SONA 2014

Ilang mga kuha sa rali ng SONA 2014

Lunes, Hulyo 28, 2014 - Nagmartsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue patungo sa Batasang Pambansa, ang iba't ibang grupo upang tuligsain ang ayon sa mga raliyista ay ka-SONA-lingan. Ngunit hinarang na agad ang mga raliyistang nananawagan ng pagpapatalsik kay Noynoy Aquino sa pwesto, sa ikalimang SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Noynoy Aquino, dalawang taon bago matapos ang kanyang termino. Mula sa Tandang Sora ay hindi man lang nakarating kahit sa Gotesco ang mga raliyista dahil hinarang na sila ng mga pulis, kaya nagpasya na silang magprograma isang kilometro bago mag-Ever Gotesco,

Nagmartsa at nagdaos ng programa ang mga grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), SANLAKAS, Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), SUPER-Federation, Piglas Kabataan (PK), Makabayan-Pilipinas, Koalisyon Pabahay ng Pilipinas (KPP), Manggagawang Sosyalista (MASO), Teachers' Dignity Coalition (TDC), Freedom from Debt Coalition (FDC), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ),  atbp.

Ang SONA ay ginaganap tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Biyernes, Hulyo 25, 2014

PARA SA IYO, AKING GURO - Tula ni Ka Gem De Guzman, BMP

PARA SA IYO, AKING GURO
Tula ni Ka Gem De Guzman, BMP

Akala mo ay di ako nakikinig,
pero natutunan ko sa iyo ang sets
and subsets of numbers and things.

Akala mo ay di ako nakikinig,
pero dahil  sa iyo, naintindihan ko
ang  tungkol sa angles and sides of a right triangle
at tinawag na Phytagorean Theorem.

Akala mo ay di ako nakikinig,
pero sa iyo nagmula ang di ko malilimutang  
“the product of the means equals the product of the extremes.”

Akala mo di ako nakikinig,
pero sa iyo ko nalaman ang living and non-living things,
organic at inorganic at ang natural na mundong ginagalawan natin.

Akala mo ay di ako nakikinig,
pero dahil sa iyo naisaulo ko ang Periodic Table of all Elements
na nagamit ko sa praktikal na buhay.

Akala mo di ako nakikinig,
pero sa iyo ko natutunan ang Law of Motion ni Newton
“for every action, there is a corresponding reaction.”

Akala mo ay di ako nakikinig,
pero napakahalaga sa araw-araw  na buhay    
ang naituro mo na “law of supply and demand.”

Akala mo di ako nakikinig,
pero inumpisahan mo sa mura kong isipan na    
saliksikin ang kasaysayan ng  Pilipinas at mundo
Mula Silangan pa-Kanluran.

Akala mo di ako nakikinig,
pero dahil sa iyo, natutunan kong mahalin
ang sariling wika at dito’y nagpakadalubhasa.

Akala mo di ako nakikinig,
pero kahit baluktot ang dila, nauunawaan ko at nabibigkas
ang wikang Ingles at di kayang lokohin ng sinumang mga dayo.

Akala mo di ako nakikinig,
pero nagamit ko paglabas sa paaralan ang mga
turo mo sa grafting, budding, marcotting at iba pang teknolohiya
at mga kwento ng buhay sa oras ng recess.

Akala mo di ako nakikinig,
pero nagsilbi sa aktwal na buhay ang mga lektyur at karanasan
sa military training at scouting.

Akala mo di ako nakikinig,
sa ispesyal na regalo mo para ako matuto,
kaakibat ng pagpapahalaga mo sa akin
na dinagdagan mo pa  ng pagmamahal;
di mo lang alam kung gaano kahalaga sa akin
ang iyong naibahaging kaalaman.

Sapagkat tumulong kang baguhin ang lahat,
sa bawat isa sa aming nahawakan mo,
kusang lumabas ang kanya-kanyang angking galing
na gumabay
para iguhit
ang mga layunin sa buhay.

Iyan ay bagay na walang katumbas na salapi.

Nakinig ako ....
at gusto kong pasalamatan  ka sa lahat  ng bagay
na  nagawa mo sa akin
noongAkala mo
ay hindi ako nakikinig. #

* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino

Miyerkules, Hulyo 9, 2014

Boodle Fight ng mga guro, isinagawa ng TDC at Ating Guro sa Mendiola

Hunyo 9, 2014 - Nagsagawa ng boodle fight ang Ating Guro party list at ang Teachers' Dignity Coalition (TDC) sa Mendiola kaninang umaga sa Maynila upang ipakita na ang mga guro at kawani ng pamahalaan ay nagugutom sa buwan pa naman ng nutrisyon. Ang nasabing boodle fight ay pagpapakita ng lalo't lalong kahirapang dinaranas ng mga guro na siyang iinuturing pa namang ikalawang magulang ng mga batang mag-aaral. Ang mga guro ay lingkodbayan, at hindi alipin. Kasama sa mga dumalo ang mga kasapi ng TDC mula sa lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Ginoong Arsenio Jallorina, Ating Guro Partylist Chairman, “Ang boodle fight na ito ay simbolo ng lumalalang kalagayan ng ating mga guro, at sa kanilang napakababang sweldo at di sapat na insentibo ay hindi na nabibigyan ng tamang nutrisyon ang kanilang sarili at pamilya. Kinakain na lamang ng mga guro ang pagkaing pangkalamidad, tulad ng instant noodles, sardinas, tuyo at NFA rice."

Idinagdag pa ni Ginoong Jallorina na ang tema ng buwan ng nutrisyon ngayong taon ay "Kalamidad Paghandaan, Gutom at Malnutrisyon, Agapan." Aniya pa, ang mga guro'y sakbibi ng kalamidad ng kahirapan sa araw-araw, na kasalukuyang nararanasan ng mga kawani at guro sa mga pampublikong paaralan.

Ang kanilang tugon nga sa Nutrition Month Celebration ng DepEd: "Wala nang sustansiya ang pagkaing kaya nating ihain sa pamilya dahil sa baba ng sahod. Pati ang PEI ay binawasan pa at ang PBB ay pahirapan bago makuha. Pero mabilis sa DAP ang gobyerno natin na maliban sa iligal na ay ipinananakaw lang sa mga kawatang lingkod bayan kuno."

Ayon pa sa TDC at Ating Guro, ang kalagayan nila ngayon ay ang kawalan ng umento sa sweldo, ginawang P5,000.00 na lamang ang dating P10,000 PEI (productivity enhancement incentive), hindi patas at delayed pa ang PBB (performance-based bonus). Dagdag pa nila, kailangan pang magkayod-kabayo ang mga guro dahil sa RPMS (results-based performance management system). Nariyan din ang sobrang taas ng buwis, at may kakulangan, kundi man wala, sa materyales para sa K-12.

Dahil dito, panawagan ng Ating Guro at TDC: "P10K Dagdag na Sweldo, Hindi 130% Dagdag Trabaho! RPMS, Hindi Dapat Upatupad! Ang Bonus ay Gawing Patas! Unfair na PBB, Ibasura! PEI Dagdagan, Huwag Bawasan!"

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.