Miyerkules, Hulyo 9, 2014

Boodle Fight ng mga guro, isinagawa ng TDC at Ating Guro sa Mendiola

Hunyo 9, 2014 - Nagsagawa ng boodle fight ang Ating Guro party list at ang Teachers' Dignity Coalition (TDC) sa Mendiola kaninang umaga sa Maynila upang ipakita na ang mga guro at kawani ng pamahalaan ay nagugutom sa buwan pa naman ng nutrisyon. Ang nasabing boodle fight ay pagpapakita ng lalo't lalong kahirapang dinaranas ng mga guro na siyang iinuturing pa namang ikalawang magulang ng mga batang mag-aaral. Ang mga guro ay lingkodbayan, at hindi alipin. Kasama sa mga dumalo ang mga kasapi ng TDC mula sa lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Ginoong Arsenio Jallorina, Ating Guro Partylist Chairman, “Ang boodle fight na ito ay simbolo ng lumalalang kalagayan ng ating mga guro, at sa kanilang napakababang sweldo at di sapat na insentibo ay hindi na nabibigyan ng tamang nutrisyon ang kanilang sarili at pamilya. Kinakain na lamang ng mga guro ang pagkaing pangkalamidad, tulad ng instant noodles, sardinas, tuyo at NFA rice."

Idinagdag pa ni Ginoong Jallorina na ang tema ng buwan ng nutrisyon ngayong taon ay "Kalamidad Paghandaan, Gutom at Malnutrisyon, Agapan." Aniya pa, ang mga guro'y sakbibi ng kalamidad ng kahirapan sa araw-araw, na kasalukuyang nararanasan ng mga kawani at guro sa mga pampublikong paaralan.

Ang kanilang tugon nga sa Nutrition Month Celebration ng DepEd: "Wala nang sustansiya ang pagkaing kaya nating ihain sa pamilya dahil sa baba ng sahod. Pati ang PEI ay binawasan pa at ang PBB ay pahirapan bago makuha. Pero mabilis sa DAP ang gobyerno natin na maliban sa iligal na ay ipinananakaw lang sa mga kawatang lingkod bayan kuno."

Ayon pa sa TDC at Ating Guro, ang kalagayan nila ngayon ay ang kawalan ng umento sa sweldo, ginawang P5,000.00 na lamang ang dating P10,000 PEI (productivity enhancement incentive), hindi patas at delayed pa ang PBB (performance-based bonus). Dagdag pa nila, kailangan pang magkayod-kabayo ang mga guro dahil sa RPMS (results-based performance management system). Nariyan din ang sobrang taas ng buwis, at may kakulangan, kundi man wala, sa materyales para sa K-12.

Dahil dito, panawagan ng Ating Guro at TDC: "P10K Dagdag na Sweldo, Hindi 130% Dagdag Trabaho! RPMS, Hindi Dapat Upatupad! Ang Bonus ay Gawing Patas! Unfair na PBB, Ibasura! PEI Dagdagan, Huwag Bawasan!"

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.
 
 
 
 
 
 
 
 
 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento