Martes, Enero 13, 2015

Fasting para palayain ang mga bilanggong pulitikal, isinagawa

FASTING O PAG-AAYUNO PARA PALAYAIN NA ANG MGA BILANGGONG PULITIKAL, ISINAGAWA

Suot sa kanilang t-shirt ang mga katagang "We are on fasting. Free all political prisoners now!", nagsagawa ng fasting o pag-aayuno kaninang umaga hanggang hapon ang mga kaanak ng bilanggong pulitikal, at mga kasapi ng organisasyong Ex-Political Detainee Initiative (XDI), sa Mendiola at sa UST sa España. Mula umaga sa Morayta ay nagmartsa sila patungo sa tulay ng Mendiola at nagsagawa ng maikling programa doon. Pagkatapos ay nagmartsa sila patungong UST sa España, isinabit doon ang kanilang mga streamers at plakard, at doon ipinagpatuloy ang kanilang pag-aayuno.

Ayon sa datos ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), may 347 detenidong pulitikal ang nakapiit ngayon sa iba't ibang detensyon sa bansa, kasama na rito ang nasa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa. May mga deka-dekada na ang inabot sa piitan, sentensyado man o hindi. Nasa 173 dito ang biktima ng torture. May mga detenidong "senior citizen" na, at mayorya sa kanila ay mga may karamdaman. Ang magtagal pa sa loob ng bilangguan ang mga may karamdaman at mga senior citizen ay maglalagay lamang sa panganib sa kanilang buhay. Marapat lamang na sila ay palayain na."

Sa isang streamer na kulay puti ay nakasulat, "Palayain ang lahat ng mga biktima ng torture, senior citizen, may karamdaman, at deka-dekada nang detenido at bilanggong pulitikal!" Sa isa pang streamer ay nakasulat ang isang panawagan kay Pope Francis na parating na sa bansa, "Your Holiness, please help and pray for our concern with President Aquino. Free all political detainees and prisoners."  Hinihiling nila na nawa'y maging instrumento si Pope Francis upang mapalaya ang mga bilanggong pulitikal.

Ang nakalagda sa mga streamers at plakard ay ang XD Initiative at ang UATC (United Against Torture Coalition).

Ayon kay Edwin Guarin, pangulo ng XDI, "Ang mga detenidong pulitikal ay dapat bigyan ng pagkakataon na makapiling na ang kanilang mga pamilya. Ang mga hirap at pasakit na inabot nila sa loob ng kulungan, at ang kasalukuyan nilang kalagayan, sa tingin namin, ay sapat na upang sila ay makalaya."

Dagdag pa nila, ang mga political prisoners ay hindi kriminal, kundi sila'y mga aktibistang nakibaka para sa hustisyang panlipunan at pagbabago. Sila ang mga nakikibaka para sa kagalingan ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, mga maralita't iba pang aping sektor ng lipunan. Ngunit ikinulong ng gobyerno, at pinatungan ng gawa-gawang mga kasong kriminal.

Sumama sa pagkilos ang mga kasapi ng Amnesty International, Medical Action Group (MAG), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Task Force Detainees of the Philippines, Balay Rehabilitation Center, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), at mga pamilya at kaanak ng mga bilanggong pulitikal.

(Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.)


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento