Biyernes, Marso 31, 2017

Pahayag ng Paninindigan at Pagkakaisa ng Oriang






ORIANG KONGRESO NG PAGPUNDAR, Marso, 2017

PAHAYAG NG PANININDIGAN AT PAGKAKAISA ng ORIANG

Mula sa mataimtim na paniniwala na may angking tapang, lakas, kakayahan at talino ang kababaihang Pilipino, namamuno sa pagbabago ng kanilang kasalukuyang kalagayan at ang hinaharap, na nagdudulot ng labis na pasakit sa kanila,

Bilang pagkilala na kagyat ang pangangailan ng pagbabago dahil sa iba’tibang anyo ng diskriminasyon, pagsasamantala at kaapihan na nararanasan ng mga kababaihan sa pang-araw-araw, sa loob man o labas ng tahanan,

Dahil mahigpit na gagap natin mula sa pang-araw-araw na karanasan ang pagmamaliit at pagsasawalang-halaga sa kasarian at katauhan ng mga kababaihan na nasasalamin sa iba’t ibang paraang tulad ng mga sumusunod na halimbawa:

o patuloy na karahasan at pananakot laban sa kababaihan

o sa sitwasyong mababa at di-makatarungan ang pasahod sa mga manggagawa, lalo pang mas mababang kita at sahod ng kababaihan; lalo pang mas malalang katayuan ng kababaihan sa sitwasyong di-makatarungang kalagayan sa paggawa, kawalan ng seguridad sa trabaho, kakulangan ng mga mga batayang benepisyo at kontraktwalisasyon 

o diskriminasyon laban sa kababaihan sa tipo at anyo ng trabaho na mapapasukan

o mas mabigat na pananagutan at mahabang panahong iginuguol sa pag-aaruga ng pamilya at pamamahay; 

o paggamit sa katawan ng kababaihan, at paggamit sa mga kababaihan bilang "sex objects" para sa pagkamal ng tubo; pagtrato sa kababaihan bilang kalakal; kasama na ang industriyang prostitusyon;

o pagpapawalang-halaga sa kaalaman ng kababaihan, lalu na ang mga kababaihang katutubo

o pagyurak sa karapatan ng mga kababaihan, laluna sa akses at control ng mga rekurso tulad ng lupa at edukasyon, at sa kalusugang sekswal at karapatan pang-reproduksyon

o pagsagka sa kalayaang pagpasyahan ang sariling oryentasyong sekswal

Batay sa pagsusuri na ang naghaharing sistemang kapitalismo at patriyarkiya sa ating bansa at maging sa buong mundo ang di lamang nagbunsod ng ganitong kalagayan, kundi patuloy itong pinalalalim at pinagsasamantalahan,

Ayon sa matibay na paninindigan na wala nang ibang higit na nakakaunawa sa kalagayan ng mga kababaihan at may pangunahing interes na buwagin ang sistemang ito kundi mga kababaihan mismo,

Kami, mga kababaihang nagmula sa iba’t ibang sektor ay nagsasama-sama sa organisasyong Oriang, isang bagong kilusang peminista na

 Hangad ang lubusang paglaya ng mga kababaihan mula sa diskriminasyon at karahasan, kahirapan at kaapihan,

 Minamahalaga at ipinagdiriwang ang malayo ng inabot ng kilusang kababaihan sa Pilipinas at sa buong daigdig sa pakikipaglaban sa kapakanan, karapatan at kalayaan ng kababaihan,

 Humahalaw ng aral at humuhugot ng inspirasyon at lakas ng loob mula sa iba pang babaeng Pilipino tulad ni Gregoria de Jesus at marami pang ibang lumaban, nagtalaga ng maraming oras, at nagbuwis ng buhay sa paghahangad ng mas makataong pamumuhay at lipunan,

 Nanindigan na ipagbuklod-buklod ang aming mga karanasan, kakayahan, talino, lakas, sipag at mithiin tungo sa pagkamit ng kalayaan, lubos na pagtamasa ng mga karapatan ng mga kababaihan, at sasariling kapasyahan sa pag-iisip, pamumuhay at katauhan.

Pinagtitibay ngayong ika-31 ng Marso 2017, Lungsod Quezon

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento