Martes, Abril 4, 2017

Pakikiisa ng BMP sa pagkakatatag ng ORIANG

Pakikiisa ng BMP sa pagkakatatag ng ORIANG

Maalab na pagbati at pagpupugay ang ipinaabot ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa liderato at kasapian ng ORIANG – ang bagong tatag na kilusan ng kababaihan sa bansa. 

Tunay ngang hindi lalaya ang lipunan sa diskriminasyon, karahasan, kahirapan, kaapihan at pagsasamantala ng tao sa tao kung hindi lumalaya ang kababaihan. Kaisa niyo kami sa paninindigang ang umiiral na sistemang kapital at ang patriyarkal na kaayusan ang siyang ugat ng mga suliraning kinahaharap hindi lamang ng kababaihang manggagawa – na kalahati na kabuuang pwersa ng paggawa – kundi maging ng lipunan sa kabuuan. 

Ang patriyarkal na mga istruktura sa lipunan – mula sa larangan ng ideya hanggang sa kongkretong realidad – ay hadlang sa pagpapanday ng pagkakaisa ng manggagawa “bilang uri”, na esensyal na sangkap sa pagtitipon ng mapagpalayang pwersa para baguhin ang lipunan at palitan ito ng lipunang tunay na nagsisilbi sa lahat ng kasapi ng sosyedad. 

Sa hanay ng manggagwa, panahon na para iwaksi ang mga naagnas at makalumang mga kaisipang tinatanaw ang kababaihan bilang “pambahay lamang”, “mahinang kasarian”, “pang-aliw”, “mga puta”, atbp. Lahat ng ganitong ideya ay tahasan nating idinedeklara bilang mga reaksyonaryong pananaw na kumakalawang sa pinapanday nating ganap na pagkakaisa ng uring manggagawa. 

Wasto rin ang inyong pagsusuri sa ugat ng kahirapan – ang pribadong pag-aari sa mga kasangkapan sa produksyon (at reproduksyon), na nagdulot ng pagsasamantala ng tao sa tao. Tama lamang na balikan ang istorikal na ugat ng kaapihan sa kababaihan, nang malusaw ang primibo komunal na lipunan at kinamkam ng mga amo ang mga alipin bilang kanilang “pag-aari”, kasama ang mga kababaihan na siyang “unang pribadong pag-aari” para tiyakin ang ipamamanang pag-aari ng mga naghaharing uri.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento