Sabado, Mayo 18, 2019

Soneto sa kaarawan ng dalawang magigiting na lider ng masa

SONETO SA KAARAWAN NG DALAWANG
MAGIGITING NA LIDER NG MASA

Maligayang kaarawan sa dalawang magaling
Na lider ng pakikibaka't sadyang magigiting
Humaba pa ang buhay nila'y tangi naming hiling
Maging malakas pa sila lalo't masa'y kapiling

Lider nating Pedring Fadrigon at Tita Flor Santos
Sa maraming isyu ng masa'y talagang kumilos
Ibinigay ang panahon at nakibakang lubos
Upang maralita'y di na basta binubusabos.

Sa inyo, Tita Flor Santos at Ka Pedring Fadrigon
Kasama ng masa sa pagharap sa mga hamon
Sa marami sa amin, tunay kayong inspirasyon
Tunay na kasama sa pagbabago't rebolusyon

Nawa'y magpatuloy sa adhikang nasimulan
At muli, pagbati ng maligayang kaarawan!

- gregbituinjr.,05/18/2019

Martes, Mayo 14, 2019

Kailan ba talaga isinilang ang KPML: 1985 o 1986?

KAILAN BA TALAGA ISINILANG ANG KPML: 1985 O 1986?
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko, may naisulat noon si Ka Roger Borromeo (SLN), dating pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, hinggil sa kasaysayan ng KPML, at isinulat nga niyang noong panahon ni Marcos isinilang ang KPML. Natatandaan kong isinulat niya ay parang ganito: "Sa gitna ng pakikibaka laban sa diktadurang Marcos isinilang ang KPML". Subalit wala akong kopya ng sinulat niyang iyon, at hindi ko iyon pinansin sa pag-aakalang Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML dahil iyon ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML".

Ang petsang iyon na ang nakagisnan ko nang maging staff ako ng KPML noong Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008. Nakabalik lamang ako sa KPML nitong Setyembre 16, 2018 nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng pambansang pamunuan nito. Matagal na naming alam na isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, dahil iyon ang itinuro sa amin ng mga naunang lider ng KPML. Subalit nang makita ko ang kasaysayan ng PCUP na binanggit ang KPML, naisip kong hindi 1986 itinatag ang KPML kundi noon pang panahon ni Marcos, na marahil ay noong 1985. Binalikan ko rin ang isang magasin hinggil kay ka Eddie Guazon, kung saan nabanggit na pangulo siya ng KPML sa kalagitnaan ng taong 1986.

Ang sumusunod ang nakasulat na kasaysayan ng KPML, ayon sa dokumentong "ORYENTASYON NG KPML", na hawak ng bawat lider at organisador ng KPML sa mahabang panahon, at makikita rin sa blog ng KPML na nasa kawing na http://kpml-org.blogspot.com/2008/04/oryentasyon-ng-kpml.html

"C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa MalacaƱang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralita ng lunsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita."

Subalit nabahala ako na baka totoo nga ang isinulat noon ni KR na kasagsagan ng pagkapangulo ni Marcos nang isinilang ang KPML. Kung pagtutugmain sa pagkakatatag ng Presidential Commission of the Urban Poor (PCUP), marahil ay isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1985, panahong di pa nagaganap ang Pag-aalsang EDSA. Panahon din ito kung saan naitatag ang Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) na naitatag noong Nobyembre 23, 1985, at BALAY Rehabilitation Center noong Setyembre 27, 1985.

AYON SA PCUP

Ganito naman ikinwento ng PCUP ang kanilang kasaysayan kung saan nabanggit nila ang KPML, at inilathala ko naman ng buo sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang publikasyon ng KPML, isyu ng Abril 1-15, 2019, mula sa kawing na http://pcup.gov.ph/index.php/transparency/about-pcup/background-history:

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”. Nakakuha ako ng dalawang pahinang dokumento ng Executive Order 82, na nag-aatas ng pagtatayo ng PCUP, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino, na may petsang Disyembre 8, 1986.

PAGKAKABUO NG NACUPO

Ayon naman sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML": "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa MalacaƱang." Subalit ayon sa PCUP: "On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor."

Noong Mayo 1990, isang taon mula nang mamatay si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, ay inilathala ang talambuhay ni Ka Eddie sa isang babasahin, at ganito naman ang isinasaad, mula sa kawing na https://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html.

"In mid-1986, the Aquino administration sponsored a national consultation-workshop among the urban poor, during which the National Congress of the Urban Poor Organizations (NACUPO) was formed. Together with the other delegates, Tatay Eddie, who was already the KPML chairman then, called for the creation of an agency for the urban poor. The agency would represent the urban poor in the planning and implementation of government programs and policies."

Kalagitnaan pa lang ng 1986 ay nakatayo na ang KPML, at tagapangulo na noon si Ka Eddie Guazon. Kaiba ito kaysa nakasaad sa Oryentasyon ng KPML na nagsasabing sa kalagitnaan ng taong 1987 nabuo ang NACUPO, ngunit walang eksaktong petsa. Subalit 1986 ito nabuo, ayon sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon, at sa dokumento ng PCUP na isinulat ang eksaktong petsa, Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, na apat na araw na pagtitipon. Alin ang totoo?

ILANG PAGSUSURI

Kung naitayo ang PCUP noong Disyembre 8, 1986, kung saan isa ang KPML na nakibaka upang maitayo ang PCUP, at sinasabi naman ng KPML na isinilang siya noong Disyembre 18, 1986, hindi nagtutugma ang kasaysayan. Dahil nauna ng sampung araw na itinatag ang PCUP kaysa KPML, gayong ang KPML ang isa sa nanawagang magkaroon ng PCUP. May problema sa datos.

Subalit kung totoo ang sinabi ni KR na panahon ni Marcos nang itatag ang KPML, magtutugma ang kasaysayan sa tatlong batayan: ang sinabi ni KR, ang dokumento ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon. Dagdag pa, suriin din ang mga datos ng tatlong dokumento: ang Oryentasyon ng KPML, ang kasaysayan ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon, kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Kung nahingi ko lang noon kay KR ang isinulat niyang kasaysayan ng KPML, magandang panimula na sana iyon ng pagtatama ng kasaysayan. Subalit hindi ko iyon binigyang pansin noon, dahil nga batay sa Oryentasyon ng KPML, 1986 at hindi 1985 isinilang ang KPML, at may selyong bakal pa ang KPML na nakasulat ang Disyembre 18, 1986.

Maraming dapat itama sa datos, lalo na't hindi magkakatugma. Kailan talaga isinilang ang KPML? Disyembre 18, 1985 nga ba, na batay sa isinulat noon ni KR, na nakita ko, subalit wala akong kopya? O ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML" na isinilang ang samahang ito noong Disyembre 18, 1986?

Ang tanong, sino ang nagsulat ng naunang kasaysayan ng KPML na ginagamit sa oryentasyon nito, at bakit hindi ito nagtutugma sa mga pangyayari batay sa kasaysayan ng PCUP at sa talambuhay ni Ka Eddie? Kailangan nating malaman kung kailan talaga isinilang ang KPML dahil malaki ang epekto nito. Panahon ba ni Marcos isinilang ang KPML kung saan matindi pa ang paglaban ng mga tao sa diktadurang Marcos? O sa panahon ni Cory Aquino na diumano'y may kalayaan na, at sariwa pa ang tagumpay ng mga tao sa pagpapatalsik sa tinagurian nilang diktador? Sumama ba at nakibahagi ang KPML sa Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 22-25, 1986?

Marahil dapat tanungin ang mga naunang lider ng KPML na nabubuhay pa, katulad ni Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, at ni Ka Butch Ablir ng ZOTO.

Marahil dapat pag-usapan ang kasaysayang ito ng pambansang pamunuan ng KPML, kasama ang Konseho ng mga Lider nito, sa susunod na pulong ng Pambansang Konseho nito sa darating na panahon. At kung kinakailangan, isulat ang resolusyon ng pagtatama ng kasaysayan ng KPML, na lalagdaan ng mayorya ng kasapi ng Pambansang Konseho ng KPML.

KONGKLUSYON

Kung pagbabatayan ko ang mga datos, hindi Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML, at malamang ay Disyembre 18, 1985. Hindi lang ito usapin ng petsa o kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Usapin ito ng pagsasalaysay ng tama, kung ano ang naging batayan ng pagkakabuo, kung anong panahon, tulad ng panahon ba ng diktadura kaya dapat itayo ang KPML, o panahon na kasi na "malaya" na ang bayan kaya malaya na tayong nakapag-organisa.

Kung ang KPML ay naitatag noong 1985, ang KPML ay ibinulwak ng pakikibakang anti-diktadura, tulad ng kasabayan nitong FIND at BALAY. Kung 1986 naman, ano ang batayan ng pagkakatatag ng KPML sa panahong "malaya" na ang bayan? Ganyan kahalaga ang kasaysayan, kaya dapat maitama rin natin ang mga petsa at datos na dapat maisulat.

Batay sa pagsusuri at mga nasaliksik na ito, kailangang itama at muling isulat ang kasaysayan ng KPML.

Biyernes, Mayo 10, 2019

Pahayag ng PLM partylist sa ika-122 anibersaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio

Pahayag ng PLM partylist sa ika-122 anibersaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio
Mayo 10, 2019

NOON, PINASLANG NG MGA ILUSTRADO ANG MANGGAGAWANG SI GAT ANDRES BONIFACIO;
NGAYON, PAGPASLANG SA MGA DUKHA SA NGALAN NG WAR ON DRUGS AY WAR ON THE POOR

Masaklap ang pagkakapaslang kay Gat Andres Bonifacio. Malinaw na inilarawan ni Heneral Artemio Ricarte ang mga pangyayari hinggil sa pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, sa bayan ng Maragondon, sa Cabite.

“Si Koronel Bonzon ang bumaril ng rebolber kay G. Andres Bonifacio na ipinagkasugat nito sa kaliwang bisig. Dumaluhong din noon si Koronel Pawa kay G. Andres Bonifacio at ito'y sinaksak ng sundang sa gawing kanan ng liig. Nang anyong bibigyan ulit ng isa pang saksak si G. Bonifacio ay siyang pagdaluhong kay Pawa ni G. Alejandro Santiago na nagsabing: 'Ako ang patayin ninyo, huwag iyan!' 

Noon din ay inilagay si G. Andres Bonifacio sa isang duyan at dinalang bihag sa Indang, pati ng kapatid na Procopio na nagagapus ng buong higpit; kasama ring bihag sina GG. Francisco Carreon, Arsenio Mauri-cio, isang binatang nag-aaral pa na nagngangalang  Leon  Novenario, na  naging Kapitan Ayudante't Kalihim ni Vibora at iba pang di ko na matatandaan ang mga panga-pangalan.

Ang lahat ng nabihag, matangi kay G. Andres Bonifacio at kapatid nitong si G. Procopio, ay pinagpipiit sa bilangguang madilim at di bini-gyan ng pagkain, kundi makalawa lamang sa loob ng tatlong araw na ikinabilanggo nila. Ang Konsehong inilagay upang magsiyasat, tunkol sa mga pagkakasalang ibinubuhat kay G. Andres Bonifacio at sa kapatid nitong si G. Procopio, ay humatol ng parusang kamatayan sa magka-patid.”

Iyan ang testimonya ni Heneral Artemio Ricarte sa sinapit ni Gat Andres Bonifacio. Matatagpuan iyan sa pahina 71 ng kanyang aklat na Himagsikan ng mga Pilipino Laban sa Kastila, na nalathala noong 1927 sa Yokohama, Japan.

Sa kasalukuyan, sa panahon ni Pangulong Duterte, kapwa Pilipino'y basta na lang pinapaslang sa ngalan ng "War on Drugs" subalit ang nangyayari'y "War on the Poor". Marami nang pinaslang subalit pawang mga maralita ang biktima. Walang proseso, walang paggalang sa karapatang pantao, pulos mga maralitang hindi kayang magdemanda sa korte dahil sa kamahalan ng prosesong ito para sa mga dukha, habang ang mga natukoy ng pamahalaan na mga druglord, na dahil maimplwensya, ay nakalalaya pa rin.

Ayon sa mga ulat ay libu-libo na ang pinapaslang. Paiba-iba ng datos, depende sa kung sino ang nagsasalita, kung kapulisan o mga grupo sa karapatang pantao. Subalit nagkakapareho sila ng datos kung sino ang napapaslang: pawang mga maralita.

Dahil dito, nananawagan ang PLM partylist na igalang ang proseso ng batas, at huwag basta mamaslang dahil iyon ang utos ng pangulo. Kung may nagawang pagkakasala, kasuhan at ikulong. Paano kung maraming inosente ang napatay nang walang proseso ng batas? Hindi na maibabalik ang nawalang buhay.

Kitang-kita sa nangyari sa magkapatid na Bonifacio at ang nangyayari sa kasalukuyan ang tunggalian ng magkalabang uri. Tunggalian ng ilustrado at mga plebyano. Tunggalian ng mayaman at mahihirap. Mabisang inilalarawan ito ng awit na Tatsulok: "At ang hustisya ay para lang sa mayaman."

Panahon na upang tapusin ang ganitong tunggalian. Panahon nang wakasan ang tunggalian ng mga uri, at ipagwagi ng aping uri ang isang bagong lipunan, isang bagong simula para sa lahat, para sa karapatang pantao, at maitayo ang isang lipunang makatao at para sa tao.

Huwebes, Mayo 9, 2019

Pahayag ng PLM partylist sa ika-144 kaarawan ni Oriang, ang Lakambini ng Katipunan

Pahayag ng PLM partylist sa ika-144 kaarawan 
ni Oriang, ang Lakambini ng Katipunan
Mayo 9, 2019

GREGORIA DE JESUS, LAKAMBINI NG KATIPUNAN
INSPIRASYON SA KABABAIHAN SA KASALUKUYAN

Isinilang si Gregoria "Oriang" De Jesus sa Kalookan noong Mayo 9, 1875. Siya ang maybahay ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio at tinaguriang Lakambini ng Katipunan.

Isa si Oriang sa mga inspirasyon ng mga kababaihan sa kasalukuyang panahon, kababaihang natutong ipaglaban ang kanilang karapatan, kababaihang nagsisilbi sa bayan, at nalalagay sa pamunuan ng bayan. Sa katunayan, bilang pagpupugay sa kanya, itinatag ang grupong Oriang noong Marso 2016 ng mga kababaihan, at nahalal na pangulo nito ang ikaapat na nominado ng PLM partylist na si Flora Assidao-Santos.

Bilang Katipunero, isinalaysay ni Oriang ang kanyang karanasan sa himagsikan sa isa niyang sanaysay na na "Mga Tala ng Akinsg Buhay": "Nang ako'y kasama ng mga kawal ng naghihimagsik sa parang ng digmaan ay wala akong pangiming sumuong sa anomang kahirapan at sa kamatayan man, sapagka't wala akong nais ng panahong yaon kundi ang mawagayway ang bandila ng kasarinlan ng Pilipinas, at palibhasa'y kasama ako at sumaksi sa maraming laban, kaya't kabilang din akong isa sa mga kawal at upang maging ganap na kawal, ako'y nagsanay ng pagsakay sa kabayo at nag-aral na mamaril at humawak ng ilang uri ng sandata na nagamit ko rin naman sa maraming pagkakataon. Napagdanasan ko rin naman ang matulog sa lupa ng walang kinakain sa boong maghapon, uminom sa mga labok ng maruming tubig o kaya'y katas ng isang uri ng baging sa bundok na tutoong mapakla na nagiging masarap din dahil sa matinding uhaw."

Napakaganda naman ng sinabi ni Oriang hinggil sa mga guro, lalo na't unang nominado ng PLM partylist ay isang guro sa katauhan ni G. Benjo Basas. Ayon kay Oriang sa kanyang sanaysay na "Mga Tala ng Aking Buhay":  "Igalang ang mga gurong nagpapamulat ng isip pagka't kung utang sa magulang ang pagiging tao ay utang naman sa nagturo ang pagpapakatao."

Noong kaarawan ni Oriang, edad 22 noong 1897, tiyak na pinaghahanap niya ang kanyang asawang si Gat Andres Bonifacio, na pinaslang isang araw matapos ang kanyang kaarawan. Napakasakit niyon para sa isang asawa. At bilang isang makata, naipadama ni Oriang ang siphayong iyon sa tula niyang alay kay Gat Andres, na pinamagatang "Magmula, Giliw, nang ikaw ay pumanaw", at narito ang una at huling saknong ng mahaba niyang tula:

Magmula, giliw, nang ikaw ay pumanaw, 
Katawan at puso ko'y walang paglagyan;
Lakad ng dugo sa ugat ay madalang, 
Lalo't magunita ang iyong palayaw.

Masayang sa iyo'y aking isasangla
Ang sutlang pamahid sa mata ng luha, 
Kung kapusing palad, buhay ma'y mawala, 
Bangkay man ako'y haharap sa 'yong kusa.

Sa pagsapit ng ika-144 na kaarawan ni Gregoria De Jesus, nawa'y muling sariwain ng mga kababaihan ang kanyang natatanging ambag sa himagsikan, at bilang isang inspirasyon sa kasalukuyang panahon.

Kami sa PLM party list ay taas-noong nagpupugay sa Lakambini ng Katipunan, at sa lahat ng kababaihan ngayong lumalaban para sa kanilang karapatan tungo sa isang lipunang pantay-pantay at makatao.

Miyerkules, Mayo 8, 2019

Sampung karapat-dapat sa pamantayan ng pagpili ng kandidato, suportado ng PLM

PAHAYAG NG PLM PARTY LIST
Mayo 8, 2019

SAMPUNG KARAPAT-DAPAT SA PAMANTAYAN NG PAGPILI 
NG KANDIDATO, SUPORTADO  NG PLM PARTY LIST

Maalab na sinusuportahan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) ang isasagawang malaking pagkilos ng mga grupo sa pangkarapatang pantao, sa pangunguna ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), at mga kasapian nito. Ilulunsad sa malaking pagkilos sa Mayo 8, 2019 ang kampanya hinggil sa Sampung Karapat-Dapat na Agenda.

Ang nasabing sampung pamantayan ay ang mga sumusunod:

1. Paggu-gobyernong maka-karapatang pantao.
2. Pamahalaang sumusunod sa pandaigdigang pamantayan ng karapatan ng mamamayan.
3. Hustisyang abot ng maralita at patas para sa lahat.
4. Proteksyon sa mga inaapi at pinagsasamantalahang sektor.
5. Proteksyon para sa mga nagtatanggol ng karapatang pantao.
6. Lipunang mapayapa at panatag.
7. Sapat na pagkain, trabaho at pabahay.
8. Kalikasang malusog at ligtas.
9. Kaunlarang para sa lahat ng mamamayan, hindi ng iilan.
10. Proteksyon laban sa pananakop at pandarambong ng ibang bansa.

Sinong aayaw sa ganitong pamantayan kung pag niyakap ito ng kandidato, kapalit nito'y boto? Sinong mga kandidato ang hindi sasakay sa pamantayang ito kung ito ang sa kanila'y magpapabango sa mga botante? Subalit hindi lahat ng yumakap ng pamantayang ito'y seryoso, lalo na yaong mga nasa mataas na antas ng lipunan na hindi pabor sa kaunlarang para sa lahat, kundi tanging sa kanilang may malalaking pribadong kumpanya na pinananatiling kontraktwal ang kanilang manggagawa.

Una, ang sampung pamantayan ay para sa kabutihan, kagalingan at kapakanan ng lahat ng mamamayan.Ikalawa, sa lente ng karapatang pantao, dapat dalhin ito ng lahat ng kandidato. Lahat naman ng kandidato ay nais na ganitong pamantayan ay dalhin upang sila'y maiboto. Ang tanong, gaano sila katotoo sa pagdadala ng pamantayang ito, kung sila'y mga negosyante't elitistang iniisip lagi ay ang kikitain kahit mapahamak ang ibang tao. Halimbawa, ang paggu-gobyernong maka-karapatang pantao. Magagawa kaya nila ito kung pabor sila sa tokhang na sistemang pumapatay ng taong walang kalaban-laban, sistemang walang paggalang sa proseso.

Gayunpaman, kami sa Partido Lakas ng Masa (PLM) party list ay kaisa ng mga grupong pangkarapatang pantao sa kanilang panawagan ng pamantayan ng pagpili ng kandidato sa halalan. Dahil sa ganitong paraan ay makikilatis ng mga botante kung sino talaga ang seryosong magliingkod sa bayan at magmumulat sa kanila upang baguhin na ang bulok na sistema ng mga pulitiko, tulad ng dinastiyang pulitikal.

Sa Mayo 8 ay ganap na kaisa ang Partido Lakas ng Masa (PLM) partylist ng mga grupong pangkarapatang pantao sa kanilang Miting De Avance upang ilunsad ang Sampung Pamantayan para sa Botohan 2019: 
3:00 - 5:00 p.m. Simula sa Welcome Rotonda kasama si BAYAW (Jun Sabayton)
5:00 p.m. (House to house) Blumentrit cor. Espana 
6:00 p.m. Misa sa Most Holy Trinity Parish
7:00 p.m. Miting de avance sa MHTP grounds

Biyernes, Mayo 3, 2019

Pahayag ng PLM partylist sa World Press Freedom Day

Pahayag ng PLM partylist sa World Press Freedom Day
Mayo 3, 2019

SA WORLD PRESS FREEDOM DAY, AMING PANAWAGAN:
MAGING MAPAGBANTAY, MAPAGMATYAG
HUWAG HAYAANG MASIKIL ANG KALAYAANG MAGPAHAYAG

Noong 1993, Ipinahayag ng United Nations General Assembly ang Mayo 3 bilang World Press Freedom Day o Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag. Layunin nito na itaas ang kamalayan sa kahalagahan ng kalayaan sa pagpapahayag at paalalahanan ang mga gobyerno ng kanilang tungkulin na respetuhin at itaguyod ang karapatan sa kalayaan sa pagpapahayag na nakasaad sa Artikulo 19 ng 1948 Universal Declaration of Human Rights at anibersaryo rin ng Deklarasyon sa Windhoek, isang pahayag ng mga prinsipyo ng malayang pamamahayag na pinagsama ng mga dyornalista sa Aprika sa Windhoek noong 1991.

Mula sa ika-127 puwesto noong 2017, ang Pilipinas ay nasa ika-133 pwesto na noong 2018, sa talaan ng 180 bansa sa index na inilabas ng media watchdog Reporters Without Borders (RSF).  Ibig sabihin, bumaba ang pwesto natin dahil na rin marahil sa pananakot o supresyon ng midya sa Pilipinas. 

Sinabi rin ng RSF  na ang administrasyon ng Duterte ay "nakabuo ng ilang pamamaraan upang mapatahimik ang mga mamamahayag na pumupuna sa kanyang War on Drugs". Tinawag din ng RSF ang Pilipinas na "pinakamatinding bansa sa Asia para sa media" matapos ang apat na mamamahayag na napatay noong 2017.

Nito lang 2019 ay hinuli ang isa sa tinaguriang icon ng press freedom ng Time magazine na si Maria Ressa ng Rappler. Sa katunayan, ayon sa mga balita, binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang lisensya ng Rappler, na nagsasabi na ang mga tuntunin ng kasunduan sa pagitan ng Rappler at dayuhang mamumuhunan na Omidyar Network ay lumabag sa konstitusyunal na tuntunin na ang mga kumpanya ng midya ay wala sa kontrol ng dayuhan, o dapat 0% dayuhang kontrol.

Noon ngang Pebrero 20, 2018, pinagbawalan nang pumasok sa Malakanyang ang reporter ng Rappler na si Pia Ranada. Si Ranada, na nakatutok kay Pangulong Rodrigo Duterte mula noong nagsimula itong kumampanya noong 2016, ang tanging reporter mula sa mga press corps na sinabihang pinagbawalan na siyang magbalita, hindi lamang sa Malakanyang, kundi sa iba panggawain ng pangulo. Sabi nga ni  Pia Ranada: "Kung ako nga ay pinupuntirya, lalo na rin ang iba ay mapupuntirya". Paano pa kaya kung simpleng mamamayan ang nagpapahayag? Ang rali o pagtitipon ng mga tao ay kalayaan din sa pamamahayag.

Gayundin naman, nagbabanta ang ChaCha at federalismo na gawing 100% pag-aari ng dayuhan ang mga midya sa bansa, na bawal sa kasalukuyang Saligang Batas.

Sa Halalan 2019 ay kita rin natin na hindi pantay ang kalayaan sa pagpapahayag, dahil ang may mga political advertisement lamang sa mga telebisyon, diyaryo at radyo ay pulos yaong may pera lamang ang kayang makapagbayad. Paano ang mga kandidato ng masa't mga manggagawa na hindi kayang magbayad ng libu-libong pisong  TV ads? Ang isang 30-segundong TV ads ng kandidato ay nasa P100,000 umano. Kaya nga halos ang nananalo lang sa halalan, kung pagbabatayan ang mga political ads sa panahon ng halalan, ay yaong may kakayahang bumili ng espasyo sa "malayang" media.

Dapat maging pantay din ang ehersisyo ng mamamayan sa kalayaan sa pamamahayag, magkaroon din ng pagbabago sa iskema ng political ads at bigyan ng Comelec ng pantay na espasyo ang lahat ng kandidato, at hindi lamang ang maykakayahang bumili ng political ads ang makinabang dito.

Ang PLM partylist ay nananawagan sa mamamayan na maging mapagbantay at mapagmatyag laban sa anumang institusyon at ahensya ng pamahalaan, maging ang pangulo, na susupil sa kalayaan sa pamamahayag, hindi lang ng midya, kundi ng mamamayan.  At dapat kumilos ang mamamayan upang tiyaking ang kalayaang ito ay hindi sinisikil ninuman.