Pahayag ng PLM partylist sa World Press Freedom Day
Mayo 3, 2019
SA WORLD PRESS FREEDOM DAY, AMING PANAWAGAN:
MAGING MAPAGBANTAY, MAPAGMATYAG
HUWAG HAYAANG MASIKIL ANG KALAYAANG MAGPAHAYAG
Noong 1993, Ipinahayag ng United Nations General Assembly ang Mayo 3 bilang World Press Freedom Day o Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag. Layunin nito na itaas ang kamalayan sa kahalagahan ng kalayaan sa pagpapahayag at paalalahanan ang mga gobyerno ng kanilang tungkulin na respetuhin at itaguyod ang karapatan sa kalayaan sa pagpapahayag na nakasaad sa Artikulo 19 ng 1948 Universal Declaration of Human Rights at anibersaryo rin ng Deklarasyon sa Windhoek, isang pahayag ng mga prinsipyo ng malayang pamamahayag na pinagsama ng mga dyornalista sa Aprika sa Windhoek noong 1991.
Mula sa ika-127 puwesto noong 2017, ang Pilipinas ay nasa ika-133 pwesto na noong 2018, sa talaan ng 180 bansa sa index na inilabas ng media watchdog Reporters Without Borders (RSF). Ibig sabihin, bumaba ang pwesto natin dahil na rin marahil sa pananakot o supresyon ng midya sa Pilipinas.
Sinabi rin ng RSF na ang administrasyon ng Duterte ay "nakabuo ng ilang pamamaraan upang mapatahimik ang mga mamamahayag na pumupuna sa kanyang War on Drugs". Tinawag din ng RSF ang Pilipinas na "pinakamatinding bansa sa Asia para sa media" matapos ang apat na mamamahayag na napatay noong 2017.
Nito lang 2019 ay hinuli ang isa sa tinaguriang icon ng press freedom ng Time magazine na si Maria Ressa ng Rappler. Sa katunayan, ayon sa mga balita, binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang lisensya ng Rappler, na nagsasabi na ang mga tuntunin ng kasunduan sa pagitan ng Rappler at dayuhang mamumuhunan na Omidyar Network ay lumabag sa konstitusyunal na tuntunin na ang mga kumpanya ng midya ay wala sa kontrol ng dayuhan, o dapat 0% dayuhang kontrol.
Noon ngang Pebrero 20, 2018, pinagbawalan nang pumasok sa Malakanyang ang reporter ng Rappler na si Pia Ranada. Si Ranada, na nakatutok kay Pangulong Rodrigo Duterte mula noong nagsimula itong kumampanya noong 2016, ang tanging reporter mula sa mga press corps na sinabihang pinagbawalan na siyang magbalita, hindi lamang sa Malakanyang, kundi sa iba panggawain ng pangulo. Sabi nga ni Pia Ranada: "Kung ako nga ay pinupuntirya, lalo na rin ang iba ay mapupuntirya". Paano pa kaya kung simpleng mamamayan ang nagpapahayag? Ang rali o pagtitipon ng mga tao ay kalayaan din sa pamamahayag.
Gayundin naman, nagbabanta ang ChaCha at federalismo na gawing 100% pag-aari ng dayuhan ang mga midya sa bansa, na bawal sa kasalukuyang Saligang Batas.
Sa Halalan 2019 ay kita rin natin na hindi pantay ang kalayaan sa pagpapahayag, dahil ang may mga political advertisement lamang sa mga telebisyon, diyaryo at radyo ay pulos yaong may pera lamang ang kayang makapagbayad. Paano ang mga kandidato ng masa't mga manggagawa na hindi kayang magbayad ng libu-libong pisong TV ads? Ang isang 30-segundong TV ads ng kandidato ay nasa P100,000 umano. Kaya nga halos ang nananalo lang sa halalan, kung pagbabatayan ang mga political ads sa panahon ng halalan, ay yaong may kakayahang bumili ng espasyo sa "malayang" media.
Dapat maging pantay din ang ehersisyo ng mamamayan sa kalayaan sa pamamahayag, magkaroon din ng pagbabago sa iskema ng political ads at bigyan ng Comelec ng pantay na espasyo ang lahat ng kandidato, at hindi lamang ang maykakayahang bumili ng political ads ang makinabang dito.
Ang PLM partylist ay nananawagan sa mamamayan na maging mapagbantay at mapagmatyag laban sa anumang institusyon at ahensya ng pamahalaan, maging ang pangulo, na susupil sa kalayaan sa pamamahayag, hindi lang ng midya, kundi ng mamamayan. At dapat kumilos ang mamamayan upang tiyaking ang kalayaang ito ay hindi sinisikil ninuman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento