PAHAYAG NG PLM PARTY LIST
Mayo 8, 2019
SAMPUNG KARAPAT-DAPAT SA PAMANTAYAN NG PAGPILI
NG KANDIDATO, SUPORTADO NG PLM PARTY LIST
Maalab na sinusuportahan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) ang isasagawang malaking pagkilos ng mga grupo sa pangkarapatang pantao, sa pangunguna ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), at mga kasapian nito. Ilulunsad sa malaking pagkilos sa Mayo 8, 2019 ang kampanya hinggil sa Sampung Karapat-Dapat na Agenda.
Ang nasabing sampung pamantayan ay ang mga sumusunod:
1. Paggu-gobyernong maka-karapatang pantao.
2. Pamahalaang sumusunod sa pandaigdigang pamantayan ng karapatan ng mamamayan.
3. Hustisyang abot ng maralita at patas para sa lahat.
4. Proteksyon sa mga inaapi at pinagsasamantalahang sektor.
5. Proteksyon para sa mga nagtatanggol ng karapatang pantao.
6. Lipunang mapayapa at panatag.
7. Sapat na pagkain, trabaho at pabahay.
8. Kalikasang malusog at ligtas.
9. Kaunlarang para sa lahat ng mamamayan, hindi ng iilan.
10. Proteksyon laban sa pananakop at pandarambong ng ibang bansa.
Sinong aayaw sa ganitong pamantayan kung pag niyakap ito ng kandidato, kapalit nito'y boto? Sinong mga kandidato ang hindi sasakay sa pamantayang ito kung ito ang sa kanila'y magpapabango sa mga botante? Subalit hindi lahat ng yumakap ng pamantayang ito'y seryoso, lalo na yaong mga nasa mataas na antas ng lipunan na hindi pabor sa kaunlarang para sa lahat, kundi tanging sa kanilang may malalaking pribadong kumpanya na pinananatiling kontraktwal ang kanilang manggagawa.
Una, ang sampung pamantayan ay para sa kabutihan, kagalingan at kapakanan ng lahat ng mamamayan.Ikalawa, sa lente ng karapatang pantao, dapat dalhin ito ng lahat ng kandidato. Lahat naman ng kandidato ay nais na ganitong pamantayan ay dalhin upang sila'y maiboto. Ang tanong, gaano sila katotoo sa pagdadala ng pamantayang ito, kung sila'y mga negosyante't elitistang iniisip lagi ay ang kikitain kahit mapahamak ang ibang tao. Halimbawa, ang paggu-gobyernong maka-karapatang pantao. Magagawa kaya nila ito kung pabor sila sa tokhang na sistemang pumapatay ng taong walang kalaban-laban, sistemang walang paggalang sa proseso.
Gayunpaman, kami sa Partido Lakas ng Masa (PLM) party list ay kaisa ng mga grupong pangkarapatang pantao sa kanilang panawagan ng pamantayan ng pagpili ng kandidato sa halalan. Dahil sa ganitong paraan ay makikilatis ng mga botante kung sino talaga ang seryosong magliingkod sa bayan at magmumulat sa kanila upang baguhin na ang bulok na sistema ng mga pulitiko, tulad ng dinastiyang pulitikal.
Sa Mayo 8 ay ganap na kaisa ang Partido Lakas ng Masa (PLM) partylist ng mga grupong pangkarapatang pantao sa kanilang Miting De Avance upang ilunsad ang Sampung Pamantayan para sa Botohan 2019:
3:00 - 5:00 p.m. Simula sa Welcome Rotonda kasama si BAYAW (Jun Sabayton)
5:00 p.m. (House to house) Blumentrit cor. Espana
6:00 p.m. Misa sa Most Holy Trinity Parish
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento