Lunes, Agosto 24, 2009

PR - Rali ng Masa sa Bahay ni Suntay

Partido Lakas ng Masa - Quezon City (PLM-QC)
PRESS RELEASE
Agosto 24, 2009

LABAN SA PANUKALANG PAY PARKING SA QC:
RALI NG MASA SA BAHAY NI SUNTAY


Bilang bahagi ng demokratikong pakikibaka ng masa laban sa panukalang ordinansa sa pay parking sa Lunsod Quezon, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga radikal mula sa Partido Lakas ng Masa – Lunsod Quezon (PLM-QC) sa tahanan ni Konsehal Jesus “Bong” Suntay (D4-QC), na siyang may-akda at masugid na tagapagsulong ng nasabing panukala.

Ayon kay Tita Flor Santos, tagapagsalita ng PLM-QC, nagtungo sila sa tahanan ni Suntay sa Mariposa Townhouse sa Brgy. Crame upang direktang sabihin sa kanyang huwag na niyang ituloy ang panukalang ordinansa dahil hindi ito makatutulong sa mga maliliit na mamamayan upang maibsan munti man ang kanilang kahirapan, kundi ito’y dagdag pahirap pa sa kanila. Idinagdag pa niyang ang nasabing ordinansa’y para lang sa dagdag kita at pagpapatubo ng pamahalaan ng lunsod, at hindi direktang makatutugon upang malutas ang problema sa trapiko at nakawan ng sasakyan. Sinabi pa niyang ang ordinansang ito, na lilikha sa Quezon City Street Parking Authority (QCSPA), ay dagdag gatasan na naman ng ibang mga pulitiko.

Idinagdag pa ni Santos na hindi na kailangan ng dagdag na kita ng pamahalaang lokal ng Lunsod Quezon dahil napakalaki na ng kinikita nito kumpara sa iba pang lungsod. Sa katunayan, nito lamang Enero 2009, ibinalita ng Inquirer na ang Quezon City ang pinakamayamang pamahalaang lokal sa bansa sa nakaraang pitong taon, na may record tax at revenue collection na P9.4 Bilyon noong 2008, na mataas ng P1 Bilyon mula sa P8.4 Bilyon noong 2007.

Tila walang pakialam si Suntay sa kalagayan ng mahihirap, kundi yaon lamang kanyang pampulitikang gimik para magkaroon ng mas malaking bentahe agad para sa darating na eleksyong 2010. Sadya ngang ito’y gimik ng isang trapo! Pagkat tatamaan nito'y hindi lamang mayayaman kundi ang mga malilit na manggagawa, lalo na ang mga mahihirap na umaasa sa mga maliliit na negosyo. Magdudulot ito ng pagtamlay ng kanilang pinagkakakitaan tulad ng karinderya, bar, botika, barberya, parlor, at iba pa. Pag nangyari ito'y tiyak na apektado ang pinagkakakitaan ng mga maliliit na manggagawa sa mga nasabing negosyo.

Kaya bakit kinakailangan pa ng dagdag kotong tulad nitong pagkakaroon ng singil sa mga parking lots? Kaya ang ating panawagan: Ibasura ang panukalang ordinansa sa pay parking! Ibasura si Suntay sa 2010!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento