Laiban Dam Tutulan,
Karapatan Ipaglaban!!!
Ang pagpupumilit ng gobyernong itayo ang Laiban Dam ay isang malinaw na halimbawa ng pag-unlad na taliwas o lumalabag sa karapatang pantao.
Ayon sa Manila Water and Sewerage System (MWSS), tutugunan ng nasabing proyekto ang napipintong kakulangan ng tubig sa Metro Manila ngunit ang hindi nila sinasabi ay ang kaakibat nitong pagtaas ng presyo ng tubig na aabot sa P18-20 bawat cubic meter. Kapag natuloy ito, tuluyan nang magiging pribado ang sistema ng tubig mula sa pinagkukunan hanggang sa distribusyon nito sa sentrong kalunsuran ng bansa.
Sa ganitong sitwasyon, tuluyan nang naging produktong komersyal ang tubig na dapat sana’y isang batayang karapatang tinatamasa ng mamamayan at hindi lamang ng mga may kakayahang magbayad.
Isa pa, magdudulot din ng malawakang dislokasyon ng mga magsasaka at katutubong Pilipino ang nasabing proyektong itatayo sa 27,800 ektaryang lupaing agrikultural at lupaing ninuno. Hindi pa man naitatatag ang Republika ng Pilipinas, ang Kaliwa Watershed sa Tanay, Rizal ay tahanan na ng mga Dumagat at Remontado.
Ganundin, malaking banta sa karapatan sa ligtas at malinis na kapaligiran ang pagtatayo ng dam na ito sapagkat tahanan din ng mga importanteng uri ng hayop at halaman ang Kaliwa Watershed. Malapit din ang pagtatayuan ng dam sa malalaking ’earthquake faults’ na anumang oras ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga naninirahan sa paligid nito.
Kaya mariing tinututulan ng mga organisasyon sa karapatang pantao ang pagtatayo ng Laiban Dam. Dapat na itong itigil dahil kung hindi lalo lamang nitong ipapakita ang pagiging manhid ng pamahalaan sa karaingan ng mamamayan at pagbabale-wala sa mga karapatang pantao ng mga Pilipino.
November 11, 2009
Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA)
Philippine NGO-PO Network on Economic, Social, and Cultural Rights
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento