Huwebes, Agosto 13, 2009

Dagdag Parking Fee sa QC, Dagdag Pang-aapi

DAGDAG PARKING FEE, DAGDAG PANG-AAPI!

PANUKALANG ORDINANSA
AY DAPAT NANG IBASURA!

Ang PAY PARKING ay isang panukalang ordinansa 2009-04 na inakda ni Konsehal Bong Suntay na nagtatakda ng paniningil/bayad sa parking sa mga kalsada na nasasakupan ng Lungsod Quezon tulad ng shopping malls, opisina ng gobyerno, pook pasyalan/park, simbahan, paaralan, restaurants, bars, clinics, spa, bangko, drug stores at iba pang mga pook na tinaguriang “places of special interest”! Ayon sa panukala, dapat sumingil ng parking fee sa halagang P20-P150 para sa tatlong oras at dagdag pa sa mga susunod na oras. Itatayo din ang isang bagong ahensya, ang Quezon City Parking Authority (QCPA), bilang tagapagpatupad sa mga layunin ng ordinansa.

Sumakatuwid, sa pangalan ng ”regulation”, ang dating libreng pagparada sa mga pambulikong lugar ay pagkukunan na ngayon ng milyun-milyong kita ng lokal na pamahalaan. Tila walang tigil ang mga pulitiko sa mga panibagong porma ng panghuhuthut na kukunin na naman sa bulsa ng ordinaryong mamamayan.

Sa ngayon, ang panukalang ordinansa ay nasa 3rd committee hearing sa ilalim ng committee on ways and means, public order and safety, transportation. Halos ang lahat ng kasapi sa komite ay pumapabor sa nabanggit na panukalang ordinansa. Ayun sa kanila, ireresolba daw ng ordinansa ang problema sa carjacking at traffic congestion. Sumakatuwid, ang kapalpakan ng lokal na pamahalaan sa larangan ng law enforcement at pagmementina ng public order ang siya mismong ginagawang palusot upang magkalap ng pagkakakitaan.

Ito ay isang pagisa sa mamamayan sa sariling mantika --- lokal na pamahalaan ang nagkukulang sa kanyang tungkulin, mamamayan ang muling pagbabayarin. May isang katanungan dito: kapag nagbayad ba ng P20.00 parking fee, wala nang magaganap na carjacking? Sino ang accountable kapag nawala ang mga pribadong sasakyan sa kabila ng pagbayad ng fee upang bantayan ito ng City Hall? Sa mungkahing ordinansa walang pinapakita kung sino ang mananagot.

Sa proseso ng pagbubuo ng ordinansa, walang naganap na public consultation. Noong nagkaroon ng malawakang pagtutol dito, saka pa lamang nagtawag ng public hearing na naka-iskedyul sa darating na Aug. 14. Maliwanag na ito ay isang ”afterthought” upang pagtakpan ang nauna nang pagkakamali.

Ang mas malinaw na layunin ng panukalang ordinansa ay hindi ang pagtugon sa problema ng carjacking at traffic congestion kundi ang revenue generation. Ngunit, hindi na kailangan ng dagdag na kita ng pamahalaang lokal ng Lunsod Quezon dahil napakalaki na ng kinikita nito kung ikumpara sa iba pang mga lungsod. Sa katunayan, nito lamang Enero 2009, ibinalita ng Inquirer na ang Quezon City ang pinakamayamang pamahalaang lokal sa bansa sa nakaraang pitong taon. Ito ay may record tax at revenue collection sa halagang P9.4 Bilyon noong 2008, na mas mataas ng P1 Bilyon mula sa P8.4 Bilyon noong 2007. Kaya bakit kinakailangan pa ng dagdag kotong tulad nitong singil sa mga parking fee? Tataba lamang ang bulsa ng mga mamumuno sa balak na itatayong QCPA. Dagdag kurakot na naman ang mga ito pag nagkataon.

Tatamaan ng panukala hindi lamang ang mayayaman kundi ang mga malilit na manggagawa, lalo na ang mga mahihirap na umaasa sa mga maliliit na negosyo. Magdudulot ito ng pagtamlay ng kanilang pinagkakakitaan tulad ng karinderya, bar, botika, barberya, parlor, at iba pa. Pag nangyari ito, tiyak na apektado ang pinagkakakitaan o trabaho ng mga maliliit na manggagawa sa mga nasabing negosyo.

KAYA PANAWAGAN NG LAHAT:

Dapat ibasura ang Panukalang Ordinansa 2009-04 na inakda ni Konsehal Jesus "Bong" Suntay. Ito ay paninindigan ng mga negosyante, manggagawa, tsuper, estudyante, mga lider sa komunidad, mga magulang, taong-Simbahan, at karaniwang mamamayan dahil sobra na ito at pahirap sa taumbayan. Ito ay dagdag pasakit lamang sa kanila.

Sa halip na pay parking, dapat gampanan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ang tungkulin nito sa pagsugpo ng krimen at bilang tagapamahala ng batas trapiko. Hindi na rin kinakailangan pang magtayo ng bagong ahensya, tulad ng QCSPA, para sa kaparehas na takdang layunin. Pagwawaldas lamang ito ng budyet ng lungsod. Sasapat na DPOS dahil ito ang pinakamalaking departamento ng lokal na pamahalaan.

DAGDAG BAYAD SA PARADA!

DAGDAG PASAKIT SA BULSA!

DAGDAG PAHIRAP SA MASA!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento