BUHAY NA MAY DIGNIDAD PARA SA LAHAT!
Eleksyon na naman. Muling humaharap ang mga kandidato para manuyo ng ating boto. Ang tanong natin sa kanila: May alok ba silang solusyon sa mga problema na dekada nang pasan ng masang Pilipino? May balak ba silang baguhin ang sistema ng pamamalakad sa ekonomiya at pulitika ng bansa para makamit ng lahat ng Pilipino ang buhay na may dignidad?
Ano ang ibig sabihin ng buhay na may dignidad para sa lahat? Sa maikling pakahulugan, ito ay pagkilala at pagbibigay-garantiya ng estado sa karapatan ng mamamayan na magtamasa ng de-kalidad na mga serbisyo at magkaroon ng mas malawak na oportunidad para sa higit pang pag-unlad ng ating pamumuhay. Ito mismo ang itinatadhana ng Seksyon 9, Artikulo II ng ating Saligang Batas.
Sa kongkreto, ito ay karapatan ng mga Pilipino sa full employment, full protection at living wage. Karapatan natin na magkaroon ng trabahong regular hindi kontraktwal, sapat na sweldo at iba pang benepisyo, at maging ang kalayaang mag-unyon at makipagtawaran para sa pagpapabuti pa ng ating kalagayan.
Sa mga magsasaka sa kanayunan, ito ay pagkamit ng social justice sa pamamagitan ng repormang agraryo, proteksyon sa hanapbuhay, modernisasyon ng sakahan, at seguridad sa pagkain ng buong sambayanan.
Ngunit nakalulungkot isipin na makalipas ang 30 taon ng Edsa Revolution at ratipikasyon ng ating Konstitusyon, ang maginhawang buhay ay nananatiling mailap na pangarap ng mga Pilipino. Isa sa apat na Pinoy ang nasa ilalim ng poverty line. Marami ang nakakaranas pa rin ng gutom, walang disenteng tirahan, hindi makatuntong ng kolehiyo, at namamatay ng hindi nagagamot sa ospital. Nagpalit-palit na ang maraming administrasyon, pero ang buhay na may dignidad para sa lahat ay nakalugmok pa rin sa hukay ng mas lumalalim na inekwalidad sa ating bansa.
Trabaho
Mababang sweldo at kontraktwal na trabaho ang kaharap ng problema ng manggagawang Pilipino. Halos 15 milyon ang nabubuhay sa sariling sikap. Bukod dito, halos tatlong milyon ang unemployed - isa sa bawat tatlong kababaihan at isa sa dalawa sa kaso ng kabataan. Pitong milyon ang underemployed o kulang sa trabaho kaya naghahanap pa ng ibang pagkakakitaan. Tatlo sa apat na manggagawa ay naroon sa informal economy na hindi saklaw ng anumang proteksyon at regulasyon ng gobyerno.
Lahat ng kabilang sa hanay na ito ay walang social insurance o anumang ayudang natatanggap mula sa estado. Lalo pang madadagdagan ang bilang na ito kapag nagsibalikan na ang milyun-milyon nating mga OFW na apektado ng krisis sa langis at mga kaguluhan sa Middle East at sa patuloy pang lumalalang krisis sa Europa, maging sa US, Canada at China. Dapat may malinaw na employment program para dito ang pamahalaan.
Proteksyon
Bukod sa mga nabanggit ay milyun-milyon pang mga Pilipino - mga senior citizen, PWDs, lumad, street children, at LGBT ang matagal nang napapabayaan. Gayundin ang mga biktima ng kalamidad. Ang kawalang proteksyon mula sa estado ay lalo pang nagpapahirap sa kanilang buhay at higit na nagpapatingkad sa nakamumuhing inekwalidad sa ating bansa.
Kung ang lahat ay may karapatan sa buhay na may dignidad, bakit napakarami pa ring Pilipino ang marginalized o naiwan ng bus sa Edsa ng pangakong kalayaan, karapatan at pag-unlad?
Hamon sa mga Kandidato ngayong Halalan
Nabigo ang Edsa pero hindi natin isusuko ang pakikipaglaban para sa karapatang magkaroon ng buhay na may dignidad. Para dito, hamunin natin ang mga kandidato na bigyang-buhay ang ating mga pangarap sa pamamagitan ng pagbalangkas ng panlahatan (universal) at komprehensibong social protection program, tulad ng mga ss:
- Disenteng trabaho at kabuhayan, at sweldong nakabubuhay
- Disente, ligtas at abot-kayang pabahay (at sigurado at abot-kayang presyo ng tubig at kuryente)
- Libre at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan
- Ligtas, sapat at abot-kayang pagkain
- Ligtas at maaasahang public transport system
- Libreng edukasyon hanggang kolehiyo
- Pensyong nakabubuhay para sa lahat ng senior citizens at PWDs, at ayudang nakabubuhay sa mga nawalan ng trabaho o biktima ng kalamidad
Marami sa mga nabanggit na pangangailangan ay matutugunan kung lahat ay may regular na trabaho at nakakatanggap ng living wage. Ngunit dahil karamihan ay kontraktwal, walang trabaho at nagtitiis sa impormal na ekonomiya, nagiging obligasyon ngayon ng estado na magbigay ng karampatang social protection sa kanyang mamamayan.
Ang paglikha ng trabaho tulad ng green jobs at social jobs, at maging ang pagsugpo sa kontraktwalisasyon ay dapat pangunahan mismo ng estado. Ang 4Ps ay dapat palawakin at ikabit sa mas malawak na programa ng employment upang maitawid ang marami sa pormal na hanapbuhay sa mga larangan ng housing, health, environment, agriculture at iba pang social infrastructure.
Ang Magna carta for Workers in the Informal Economy (MACWIE) na ngayon ay mas kilala bilang Informal Economy Transition Act ay dapat nang maisabatas.
Dapat magkaroon din ng batas para sa insurance o income guarantees sa mga natatanggal o nawawalan ng trabaho, o sa nawawalan ng kabuhayan dulot ng kalamidad o proyektong pangkaunlaran, tulad ng madalas mangyari sa magsasaka, mangingisda, lumad, maralitang lungsod, at maliit na mangangalakal.
At sa panahon ng climate change, ang social protection ay paraan sa pagtatayo ng climate-resilient na mga komunidad.
Lahat ng senior citizen at PWDs, miyembro man o hindi ng SSS o GSIS, ay dapat may pensyon na sapat sa kanilang pangangailangan. Sa mga walang kapasidad na mag-ambag ng premium sa social security tulad ng mga nasa informal sector, dapat sagutin ng estado ang kanilang kontribusyon sa SSS habang buong subsidy ang para sa mga PWDs at senior.
Dapat magkaroon din ng kontrol sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, asukal, mantika, atbp., maging sa presyo ng kuryente, tubig at gamot.
Naniniwala ang DIGNIDAD na lahat ito ay makakayang gawin kung hahakbang lamang ang ating gobyerno palayo sa mga patakarang idinikta sa atin ng IMF-WB at WTO sa nakaraang ilang dekada tulad ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa mga produkto at serbisyo. Ang mga patakarang ito, kakambal ng bulok na pulitika sa bansa, ang dahilan kung bakit hindi umunlad ang ating industriya at napabayaan ang agrikultura na silang pagmumulan dapat ng maraming trabaho.
Mayaman ang ating bansa pero hawak lamang ng iilang kamay. Para lahat ay makinabang sa kaunlaran, kailangan ding baguhin ang sistema ng pagbubuwis at pagbabadyet. Buwisan ng mas malaki ang mayayaman at unahin sa badyet ng pambansang pangangailangan sa halip na debt-service. Alisin ang pork barrel at ilaan ang pondo sa universal protection upang ito ay mailayo sa sistema ng patronage politics.
Kung nakahanda ang mga kandidato na gawin ang mga programang ito, ang buhay na may dignidad para sa lahat ay walang duda na maging realidad sa malapit na hinaharap. ###
DIGNIDAD members: Kampanya para sa Makataong Pamumuhay (KAMP) - Pambansang Tagapag-ugnay ng mga Manggagawa sa Bahay (PATAMABA) - Freedom from Debt Coalition (FDC) - Kilos Maralita (KM) - Institue for Popular Democracy (IPD) - Homenet Philippines - Integrated Rural Development Foundation (IRDF) - WomanHealth Philippines - Katipunang Bagong Pilipina (KABAPA) - Coalition of Services of the Elderly (COSE) - UmalabKa - SANLAKAS - Partido Manggagawa (PM) - KILUSAN - Alab Katipunan - Arya Progresibo (ARYA) - Sarilaya - SENTRO - AKBAYAN - Ating Guro - Metro Manila Vendors Alliance - Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK) - FIAN - Philippine Human Rights Information Center (PhilRights) - PAHRA - NASSA-Social Action Centers - and numerous sectoral and community-based networks. Ang DIGNIDAD ay partner ng Network for Transformative Social Protection (NSTP) sa Asya na nagsusulong ng isang Agenda for a Social ASEAN.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento